JOEL: Nasa linya natin si Presidential Spokesperson Harry Roque, kaugnay pa rin po ng pulong kagabi ng mga rice traders kasama si Pangulong Duterte. Secretary magandang hapon, si Joel Zobel, live po kayo sa DZBB.
SEC. ROQUE: Magandang hapon Joel, at magandang hapon sa lahat ng nanonood at nakikinig sa atin ngayon.
JOEL: Opo. Kaninang umaga pinutok po ng Department of Agriculture iyong balita na pinabubuwag na raw po iyong NFA Council, si Presidente po ang nag-utos po noon. Kaya lang wala pa ho yatang official communication from Malacañang regarding this directive, mayroon ho ba talagang ganitong kautusan ang Presidente
Secretary..? Naputol si Secretary! Sandali tatawagan natin uli…
Alright, balikan na natin muna si Secretary Harry Roque. Sec., naputol ka kanina!
SEC. ROQUE: Ay Joel, magandang hapon. Talagang palpak ang ating telecoms facility…
JOEL: [Laughs] Kaya nga hindi na kami makapaghintay doon sa third player. Pero gusto namin malaman, mayroon bang directive from the President na talagang buwagin na iyong NFA Council at isailalim na po ang National Food Authority sa Office of the President? Mayroon bang ganoong klase ng directive?
SEC. ROQUE: Well ganito po iyan, nabanggit po ni President iyan pero noong pagkabanggit po niya, kasi ang gusto niya eh authorized lang, iyong authorization ng importation, iyong sa NFA. Kung hindi, si Berna Romulo.
JOEL: Papaano po? Papaano?
SEC. ROQUE: Oo. Ang gusto niya kasi italaga si Usec. Berna Romulo-Puyat bilang one person na magpa-facilitate ng rice importation—iyong importation ng bigas. So hindi po para i-abolish ang Council para masugpo iyong importation, kung hindi ang magde-decide, gusto niya si Berna Puyat ng DA.
Now, pero nabanggit po talaga iyong nasabi niya na gusto niyang i-abolish ang Council, pero to facilitate nga lang daw and to centralize iyong mga importation para mapabilis. Pero hindi niya ibig sabihin na gusto niyang NFA ang mag-proceed with the importation. Ang gusto niya si Berna Puyat, okay? Unang-una! Pangalawa, pagkatapos po niyang banggitin iyan ay kinausap siya ng parehong—si Secretary Piñol at ni Executive Secretary.
Now, hindi ko po alam, kasi nandoon na ako sa audience, nakikinig lang ako. Pero ang sinabi sa akin ni Executive Secretary, eh ang pinag-usapan nila is—o sinabi daw ni Executive Secretary, “Teka po, creation of law iyan,” so we can only transfer line agencies created by law, by executive order pero kinakailangan may batas at saka hindi pupuwedeng ia-abolish mo lang iyong Council kasi kabahagi lang ng Council iyong NFA.
Kaya ang napagkasunduan nila right there and then, talagang ililipat na ang NFA sa Office of the President – hindi lang supervision pati control eh kukunin na ng Office of the President. Dati kasi, mga attached agencies, supervision lang but they aren’t doing the job. Ngayon buong supervision and control, they can even reverse any decision made by the NFA. So iyon ang…
JOEL: So lilinawin lang po namin Secretary, wala hong utos si Presidente na buwagin ang NFA Council?
SEC. ROQUE: Well, nabanggit po niya iyon, pero iyon nga po eh, nagkaroon sila ng pagpupulong sa entablado mismo ni Secretary Piñol at saka ni Executive Secretary Medialdea. At ako naman, ang information na nire-relay ko sa inyo ngayon ay nanggaling mismo kay Executive Secretary Medialdea, na talagang sinabi rin ni Presidente – na ang gusto niya talaga NFA under the Office of the President talaga iyan. Hindi lang ang supervision, control na. So ang magpapatakbo talaga niyan ay Office of the President, iyon ang gusto niyang mangyari!
JOEL: So ang lumalabas po ngayon Secretary, eh parang recommendatory lang on the part of the President to abolish the Council. Pero sinasabi ninyo nga po, eh hindi naman niya pupuwedeng gawin iyan, pupuwede lang pong gawin iyan sa pamamagitan po ng isang batas na ipapasa ho ng Kongreso.
SEC. ROQUE: Oo. Pero sa ngayon po ang puwedeng gawin, habang wala pang batas eh talagang ipasailalim ng OP na ang NFA para wala nang gulo. Hindi kasi, okay ha… ang tapatan naman niyan, may gulo talaga diyan eh ‘no – iyong Council at saka iyong administration. Ngayon dahil under Office of the President na sila, Office of the President ang magpapatakbo. Office of the President ang magde-decide kung kinakailangan mag-import o hindi mag-import.
So ganoon po ang magiging proseso ngayon yata! Para wala nang gulo ibigay na iyan kay Presidente. At si Presidente naman ang napupusuan na gumawa ng kaniyang mga desisyon ay si Berna Romulo-Puyat.
JOEL: Okay. Wala bang pagtatangka on the part of the President to—kasi hindi nga ho magkasunod iyong NFA eh pati ho iyong Konseho eh, iyong Council eh. Pag-isahin iyong kanilang mga hakbang para ho magkaroon po tayo ng murang bigas sa pamilihan?
SEC. ROQUE: Well ganito nga po iyon, iisa lang sila eh – NFA lang sila eh. Pero sang-ayon doon sa batas ng NFA, iyong desisyon dapat ginagawa ng Council, pinapatupad dapat ng Administrator. So doon sila nagkaka-deadlock, kasi iyong Administrator parang gustong mag-import; iyong Council sinasabi mag-import tayo, pero mag-import tayo using private sector at hindi G-to-G, hindi government-to-government. So doon sila hindi nagkakasunduan, at doon sila nagkakaroon ng hidwaan saan ba talaga mas maraming korapsyon – kung G-to-G o kung hahayaan ang pribadong sektor – iyan talaga ang pinag-uusapan dito.
At ang lumabas naman kahapon, iyong mga rice traders naman nangako na magbebenta ng mura sa gobyerno hanggang—kung hindi ako nagkakamali, hanggang 800,000 sacks yata sa gobyerno para mayroon talagang stock ang NFA na mura. So nagpapatunay talaga na hindi talaga—wala pong rice shortage. Saan manggagaling iyan kung may rice shortage? So talagang walang rice shortage. Wala lang talagang bigas ang NFA at ang question nga ay bakit nangyari iyon.
JOEL: Iyon nga po eh, oo…
SEC. ROQUE: [Overlapping voices]…na naubusan na ng mas mababang presyo ng bigas niyan. Pero—
JOEL: Wala bang pagtatangka si Presidente na alamin kung sino dapat sisihin dito?
SEC. ROQUE: Well alam ninyo po, ang mabibigay ko lang na kompirmasyon, kahapon lang po kami mismo nagkausap ni Presidente sa mga issues dito. First time ko po siyang nakausap diyan, at first time na pinag-usapan din iyong issue: paano ba gumagawa ng pera sa importasyon? At medyo na-shock si Presidente eh sa mga bagay-bagay ‘no. So asahan ninyo po ngayon na ang Presidential Management Staff ay talagang pag-aaralan po itong isyung ito.
Dahil nakakabahala po talaga itong issue na ito na parang isang gobyerno—isang sangay ng gobyerno hindi magkasundo – iyong executive, iyong administrator at saka iyong council. Kasi iyong Council naman, si Puyat, dahil policy making iyan eh, decision ng importation.
Pero ngayon, ang bibigyang linaw ko lang at ito’y kauna-unahang pagkakataon, wala pong nagwagi. Ang nagwagi, Presidente magdedesisyon dahil ipapasailalim na talaga ng Presidente ang NFA—sa Office of the President ang NFA.
JOEL: Okay. So sinasabi ninyo pag-aaralan ng PMS, maaaring mayroon pang magkaroon—baka maaaring matukoy pa kung sinong dapat sisihin at masibak iyan, iyon ba sinasabi ninyo Secretary?
SEC. ROQUE: Oo, dalaawa po ang mag-aaral diyan, PMS at saka Office of the Executive Secretary. Ang mabuti sa mga mangyayaring ‘yan eh dahil nga nagkaroon ng pagkakataon namang ipakita, eh lumabas na iyong mga dapat talagang ilabas, iyong mga hindi pinag-uusapan na ayaw pag-usapan. So ano ba iyan? Bakit ba! Ano bang pinagmumulan ng hindi pagkakasunduan diyan! So ngayon pag-aaralan iyan at ngayon si Presidente mismo ang magdedesisyon – walang iba na magdedesisyon niyan.
JOEL: Sige po. So—kasi ang impression eh… ang mga paunang report kasi, ang rekomendasyon ng NFA Council, buwagin ang NFA. Pero kagabi nga doon sa naging initial statements coming from the Department of Agriculture, eh ang pinabubuwag pala ngayon, eh lumalabas na pinabuwag iyong NFA Council.
SEC. ROQUE: Lilinawin ko iyan ‘no.
JOEL: Opo, opo.
SEC. ROQUE: Nandoon ako sa Cabinet meeting kung saan pinag-usapan ‘yang pagbubuwag ng NFA. Bakit bubuwagin? Kasi mayroon tinatawag ngayon na nasa Kongreso na Tariffication. Under Tariffication, papayagan nang mag-angkat ng mga bigas kahit saan sa pagbabayad ng taripa, so wala na ngayong quantitative restrictions. So dahil wala nang quantitative restrictions, wala nang saysay magkaroon ng NFA – kasi ang NFA talaga po namang parang state monopoly ‘yan. So kung Tariffication na over-market na talaga; wala na siyang saysay, wala nang dahilan para magkaroon ng NFA.
Iyon iyong konteksto kung bakit napagkasunduan nga, kasi ito po ay certified urgent na bill ‘no, administration bill ito, iyong Tariffication ng mga bigas. Kaya wala pong [unclear], darating na panahon na talagang buwagin na ang NFA dahil mawawalan na siya ng saysay under Tariffication – ‘yan po ang paglilinaw natin diyan.
JOEL: Ito po ang isa pang mahalagang tanong: Matapos po iyong pagpupulong kagabi, at iyong sinabi ninyo nga po naatasan na ni Presidente si Undersecretary Berna Romulo-Puyat na siyang mangasiwa po sa importation, eh kailan ho ba tayo magkakaroon ng murang bigas sa pamilihan? Kasi maliban po doon sa pakiusap ni Presidente sa mga rice traders na magbenta ng treinta’y nuwebe, ang hinihintay pa rin po ng mga kababayan po natin, iyong makapagbenta—makabili ho sila ng mga treinta’y dos pesos na NFA. Kailan ho ba magkakaroon noon Secretary?
SEC. ROQUE: Well ang balita ko po ay parating na naman iyong mga inangkat na bigas under doon sa Minimum Access Volume na tinatawag ‘no. So ang alam ko lang po, dapat sa Mayo parating na ‘yan eh, pero hindi ho ako makasigurado kaya ayoko munang mag comment kung kailan talaga darating iyan at the latest, June po ‘yan.
JOEL: June, oo… Habang naghihintay po tayo sa June, eh makakabili na iyong mga kababayan natin ng treinta’y nuwebe dahil doon sa kagandahang loob, ‘ika nga ng ating mga negosyante ng bigas.
SEC. ROQUE: Oho, kagandahang-loob iyon, pero pruweba talaga na wala pong kakulangan.
JOEL: ‘Yun, alright. Sige Secretary, salamat. Mag-ingat ka, nasa Iloilo ka pala. Pasensiya ka na’t nagambala ka namin!
SEC. ROQUE: Opo. Pero ito po iyong unang-unang pagkakataon kong nilinaw itong sitwasyon na ito, so—at tama lang naman na dito sa programa—
JOEL: Nakikinig iyong Malacañang Press Corps, hindi ka yata ma-contact. Buti na-contact ka namin[laughs]. Ingat-ingat, salamat Secretary! Si Secretary Harry Roque, mga Kapuso ang ating nakausap.
###