FAILON: Atin ngayong makakausap live sa telepono ang tagapagsalita ng ating Pangulo na si Atty. Harry Roque. Sec., good evening po.
SEC. ROQUE: Magandang gabi, manong Ted; at magandang gabi sa lahat ng nanonood sa atin.
FAILON: Good to see you, sir. Ano ho iyong sinasabing pagbabago? Pagbabawalan ba ulit o mayroon lamang adjustment doon sa sinasabi pong mga Church activities?
SEC. ROQUE: Walang katotohanan, Ted! Pinutakte po ako ng protesta galing po sa mga governors at mayors, iyong mga areas na nasa GCQ. At kanina nga po sa programa ni Anthony Taberna, nagsalita po doon ang isa doon sa mga tumawag sa akin, si Gov. Rodito Albano at ang sabi nga sa akin ay parang nabalewala na iyong pag-iingat sa sakit kung papayagan iyang mga religious gatherings dahil talagang ang estado naman hindi pupuwedeng pumasok sa Simbahan at sa Mosque para paghiwa-hiwalayin ang mga tao, iyan po ay hindi nila magagawa. At bukod pa rito, mayroon ding isang mayor na talagang nagprotesta sa akin na panahon ng Ramadan, imposible na kung papayagan ang mga gatherings na mapaghiwa-hiwalay ang mga tao.
So, ganiyan din po ang naging karanasan ng ating Executive Secretary at mayroon pa ngang mga senador at mga kongresista na nagsalita. Iyong dalawang senador po nag-post po sila at nagkaroon ng mga public statements dahil pareho silang nagkaroon ng COVDI-19 – si Senators Angara at saka Zubiri.
So, ngayon po dahil hindi naman tayo puwedeng magbingi-bingihan sa mga protestang ito, minabuti ko po na ibalik muli itong dalawang bagay na ito sa IATF dahil mayroon naman po talagang pagpupulong ang IATF bukas maski holiday po dahil May 1.
FAILON: Opo. So, considering po na ang announcement nga ay ending today iyon pong ECQ sa mga GCQ areas starting tomorrow eh baka bukas na bukas din po without the announcement muna ng pormalidad na manggagaling sa IATF, magsimula na ang binabanggit na mga religious gatherings na iyan?
SEC. ROQUE: Kaya po nakikiusap ako dahil ito po ay naka-table na po sa IATF, sa pagpupulong bukas. Siguro po, huwag muna nating ituloy dahil ang concern naman po nila ay balido na lalo na po iyong sabi ni Senator Angara, ang karanasan ng ibang mga bansa, talagang sa mga religious gatherings daw po nakukuha iyong sakit at iyan din ang sinabi po ni Senator Zubiri.
So, siguro po ipagpaliban muna natin hanggang magkaroon ng pagkakataon na magkaroon na naman ng balitaktakan dito sa IATF. At humihingi po ako ng pasensya. Alam ninyo po, iyong mga tumawag sa akin, ako po’y tagapagsalita lamang. Itong mga bagay pong ito ay aprubado ng IATF at ng ating Office of the President pero hindi nga po kami magbibingi-bingihan sa mga protesta ng ating mga lokal na opisyales.
FAILON: Siguro nga po ito ay magandang pagkakataon din, Secretary, para kung saka-sakali man pong magkaroon nga ng pagpapayag sa ganito pong mga aktibidades, magkaroon ho ng paghahanda iyong mga Churches doon sa mga markers na kinakailangan eventually kung iyan po ay papayagan na.
SEC. ROQUE: Yeah… opo. Alam—
FAILON: Go ahead po, Sec.
SEC. ROQUE: Iyon nga po dapat siguro ang talagang pag-aralan ng mga Simbahan at mga Mosque. Siguro po magkaroon din sila ng mga markers at saka paano iyong pagpasok at paglabas dahil iyong pagpasok at paglabas po ay magkakaroon pa rin ng pagtabi-tabi maski iiwasan natin.
FAILON: Opo. Sec., iyon pong binabanggit tungkol sa construction?
SEC. ROQUE: Well, isa pa po iyan. Nagkaroon po ng mga concerns din ang mga local government units na imposible din daw po ang social distancing lalo na kung malakihan ang proyekto. Bagamat ang desisyon nga na ipatuloy na itong mga essential construction na ito ay dahil kinakailangang buhayin ang ekonomiya, napakadami rin pong mga lokal na opisyales na nagreklamo.
Alam mo, nagulat nga po ako sa dami ng reklamo kasi ang akala ko kapag GCQ na eh maraming matutuwa. Sa katunayan po, lahat po ng governors at mayors ng Northern Luzon ay nagreklamo bakit hindi sila nanatili sa ECQ. Ang dami pa pong probinsiya na humahabol na gusto nilang ma-ECQ; pero ang importante po, dito muna sa dalawang isyu na ito – ito po iyong ibabalik natin sa IATF dahil ito po talaga ang aking gagamiting salita – pinutakte po tayo ‘no. At uulitin ko po, hindi po ako ang nagdesisyon niyan, tagapagsalita lang po ako ng IATF.
FAILON: Opo. Ngayon po ang NCR or Metro Manila ay nasa ilalim po ng Enhanced Community Quarantine, pero mayroon na hong constructions na ginagawa ngayon sa kahabaan ng EDSA for example. Tama ho ba kahit na mayroon tayong ECQ sa Metro Manila ang malalaki pong proyekto gaya ng Skyway Connector po ay dapat na ituloy o papaano ho ba talaga?
SEC. ROQUE: Iyan po kasi ay mayroong special approval ng IATF. So, baka ang mangyari po talaga, lahat ng proyekto na priority ay baka isa-isahin approve-bin ng IATF at baka nga po hindi masunod iyong nakalagay sa guidelines na lahat sila ay pupuwede na. So, baka maging case to case basis na naman po iyan.
FAILON: Opo. Mawalang galang po, Secretary, anong oras po ang pagpupulong bukas ng IATF sa usapin na ito?
SEC. ROQUE: Alas diyes po at sisikapin ko po na unahin ito sa agenda. Iyong pangalawang agenda po nila ay iyong pangalawang tranche ng SAP, kung paano po ito maibibigay – kung ito ba ay malilimitahan sa ECQ lang o isasama pa iyong mga GCQ. So, napaka-importante po iyong usapin bukas.
FAILON: Okay, sige po. Muli po, Secretary Roque, ang inyo pong maiksi po lamang na panawagan sa lahat para maunawaan po ito hong inyong desisyon na ito. Go ahead, sir.
SEC. ROQUE: Well, alam ko po lalong-lalo na iyong mga kababayan natin na talagang sumasamba po, naiintindihan ko po kayo. Ako mismo, personal dalawang beses po ako nagsisimba sa isang linggo pero ang concerns naman po ng mga local officials ay valid: Ito po ay para pangalagaan ang kalusugan ng lahat. So, hayaan po natin na magkaroon ng pagkakataon na ikonsidera ang hiling ng mga local government units dahil ayaw naman nating sabihin na nababalewala ang mga governors at ang mga mayors sa desisyon ng IATF.
FAILON: Secretary Harry Roque, good evening, sir at maraming salamat po!
SEC. ROQUE: Maraming salamat po at magandang gabi po.
####
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)