Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Tuesday Niu (Special Coverage, DZBB)


NIU: Magandang hapon, Secretary Harry Roque!

SEC. ROQUE: Magandang hapon, ‘Binibining Buong Linggo’!

NIU: Inisa mo na, sir! [LAUGHS]

SEC. ROQUE: [LAUGHS]

NIU: Oo nga naman hindi ba? Ikaw talaga! O, siya—

SEC. ROQUE: Para Tuesday, Wednesday, Thursday, Friday, Saturday, Sunday na tayo, hindi ba?

NIU: Oo nga. Sir, naka-monitor ang Malacanang Press Corps, ha…

SEC. ROQUE: Ay, naku! Patay…Oo…

NIU: [LAUGHS] Mayroon din silang mga patanong later on.

SEC. ROQUE: Okay, okay… Go, go…

NIU: Unang-una muna, gusto kong itanong: New normal. Pinag-uusapan na natin itong new normal na ito habang tayo’y nahaharap dito sa Extended Community Quarantine na ito dito sa Metro Manila. Iyong new normal na inaasahan natin sa Malacañang, ano ba? Halimbawa, kay Presidente usually ang pagkakaalam namin every first Monday of the month nagpapatawag siya ng Cabinet meeting, pero sa new normal, ano na ang mangyayari?

SEC. ROQUE: Well, hindi ko po alam kung anong mangyayari sa Cabinet meeting ‘no. Pero ang new normal po kasi doon sa mga areas na mapapasailalim na sa General Community Quarantine, iyong ilang mga industriya na bubuksan na pero hindi po lahat. Gaya ng aking sinabi noong Huwebes, iyong eskwelahan sarado pa rin, iyong mga amusement, iyong mga pambatang mga industriya lahat po iyan sarado pa rin. At iyong mga industriya na indispensable ay magbubukas gaya ng mga industriya na bukas ngayon at mayroong ilang mga industriya na papayagan na magbukas nang 50% up to a 100%.

So, ibig sabihin, sumusunod po tayo doon sa sinasabi ng World Health Organization na unti-unti po ang relaxation ng ECQ. At siyempre po, sa pang-araw-araw na buhay, ang social distancing, ang good hygiene ay kabahagi na po iyan ng new normal. Pati po sa transportasyon, 50% lang ang capacity ng mga bus natin, kinakailangan every other seat na ang upuan, wala na pong tayuan at mukhang hindi pa po pupuwedeng gamitin ang ating mga jeepney kasi harapan po ang mga jeepney, parang mahirap mag-social distancing pagdating sa jeepney.

So, talaga pong habang wala pang bakuna, hindi pa tayo makakabalik doon sa normal na alam natin bago nga tumama itong COVID-19.

So, ang importante po ay itong mga areas na mapapasailalim sa GCQ—eh maski iyong mga areas nasa ECQ po kinakailangan alam din nila ang new normal dahil kapag ang mga areas naman na nasa ilalim ng ECQ ay magiging GCQ na rin ay ganoon din ang magiging buhay natin.

NIU: Oo nga po. Nabanggit ninyo itong new normal, kapag ba na-lift itong ECQ dito sa NCR, may mababago rin ba dito sa—I’m talking about sa Malacañang, iyong movement sa Malacañang, iyong health safety protocol na ipinatutupad sa Malacañang Complex, mayroon kayang mababago rin?

SEC. ROQUE: Sa tingin ko hindi po iyan mababago habang walang bakuna. Bibigyan-diin ko lang po, napabagal lang po natin iyong pagkalat ng sakit na naging dahilan na nagkaroon tayo ng panahon, ng pagkakataon na patindihin iyong ating kapasidad para magbigay ng medical attention. Pero habang wala pong lunas, habang walang gamot, habang walang vaccine hindi pa po tayo makakabalik doon sa normal na alam natin.

NIU: Sir, nagpaparamdam na ang Malacañang… no less than the President, sinabi na niya na kamakailan na naiiga na iyong ating pondo. Si Secretary Wendel Avisado at si Secretary Carlos Dominguez sinasabi din na kailangan ma-sustain iyong pondo para pantugon dito sa COVID crisis. Mayroon na bang hiniling o ginagawa, at least, na draft ang Malacañang para makahingi ng supplemental budget sa Congress.

SEC. ROQUE: Handa na po tayo diyan pero wala pa po akong otoridad na isapubliko iyan. Siguro, one step at a time, itong darating na linggo na ay i-highlight po natin kung ano iyong new normal under GCQ dahil lahat naman tayo eventually ay diyan po papunta habang walang bakuna at siguro po sa susunod na linggo natin tututukan iyong mga pangangailangan natin na karagdagang budget na hihingin sa Kongreso.

Wala naman pong problema iyan dahil ang Kongreso naman po ay back in session at ang assurance po ng parehong Kamara ng Kongreso ay sila po ay magco-convene be it virtual session ang gagawin nila para kung ano man ang kinakailangan supplemental budget ng Malacañang.

NIU: Speaking of budget, sir, alam naman natin na itong 2020 National Budget natin hindi naman talaga kasama itong pampondo dito sa COVID-19 crisis. Doon ba sa ibabalangkas nila na for 2021 Budget, kasi ngayong taon gagawin na rin nila iyan, magsasama na ba tayo diyan ng budget for emergency crisis like the COVID crisis kasi hindi natin alam mayroon palang ganitong dumarating?

SEC. ROQUE: Well, bukod pa doon sa supplemental budget, kung mayroon man, siyempre iyong darating na budget for 2021 na inaasahang isusumite natin sa buwan ng Hulyo ibang-iba po ang hitsura niyan. Siyempre po, ang buong budget nakatutok pa rin sa COVID-19 habang wala nga tayong bakuna at may mga ilang proyekto na kinakailangan sigurong i-sakripisyo para ibigay iyong mga pangangailangan ng ating mga kababayan natin.

Sa ngayon naman po, sapat ang budget natin para doon sa SAP at iba pang mga ayuda dahil iyan naman po ay nakasama na doon sa Bayanihan We Heal as One Act at ang hihingiin siguro ng gobyerno ay iyong para sa budget matapos itong ECQ at GCQ dahil ang talaga namang budget na ibinigay sa atin ay mahigit-kumulang dalawang buwan.

So, sa susunod na buwan ay wala po tayong problema, covered tayo ng Bayanihan Act pero beyond that po ay titingnan natin kung ano pa ang mga pangangailangan. Mayroon din pong otoridad na ibinigay ang Kongreso sa ating Presidente [na] mag-realign ng budget, so mayroon po talagang mga budget—proyekto na hindi na maipatutupad para po mapunta sa COVID-19.

Pero ang solusyon po na medium term siyempre, iyong budget sa 2021 will be the first COVID-19 budget ng ating gobyerno.

NIU: Ang sabi ninyo kanina, nabanggit ninyo na handa naman na tayo for the supplemental budget. Ang gustong i-push ni Ace Romero ng Philippine Star: Kapag sinabi mong handa na, mayroon na po bang draft?

SEC. ROQUE: Well, mayroon na pong presentasyon na ginawa si Secretary Avisado noong araw na inanunsyo ni Presidente iyong pagpapatuloy noong ECQ sa ilang mga lugar. So mayroon na pong mga preliminary figures at alam na more or less kung ano iyong mga preliminary figures na kakailanganin sa immediate, future, sa medium term at saka sa pantaunang budget sa 2021.

NIU: Sir, nakita ninyo ba itong music video na inilabas ng Chinese Embassy? Napanood ninyo na ba?

SEC. ROQUE: Hindi pa po.

NIU: Hindi pa, oo?

SEC. ROQUE: Oo.

NIU: Hihingan sana kita sa komento kung ano ang dating ba nito. Kapag ganito ba, sir—although bigyan na lang kita siguro ng background. Video ng pagtutulungan ng Pilipinas at China dito sa pandemic ng COVID crisis. May mga ipinakikita doon at interview sa ilang government officials natin tungkol sa ginagawang hakbang ng gobyerno. Kaya lang ang title kasi ng music video na isinulat nitong si Chinese Ambassador ay “Iisang Dagat.” Mukhang doon yata dumami iyong mga nagkomento na hindi sila sang-ayon. Kapag ganito ba, sir, kinakailangan pang kumunsulta ang Chinese Embassy sa Malacañang bago mag-release ng ganitong mga materials?

SEC. ROQUE: Hindi po dahil sa ating Saligang Batas naman lahat tayo mayroong karapatan ng malayang pananalita. Ang isang video po na kasama iyong mga awitin ay kabahagi po iyan ng karapatan ng malayang pananalita at ang sabi po ng ating Korte Suprema, lahat po ng karapatan sa ating Bill of Rights ay ibinibigay din natin sa mga dayuhan na naninirahan dito sa ating bayan.

NIU: Alright. Isa pang item, sir, dito sa aking papel na hawak ay may panibago na namang pag-atake ang NPA kahapon sa Masbate. Sabi ni Presidente kapag hindi tumigil iyang NPA na iyan magdedeklara siya, mapipilitan siyang magdeklara ng Martial Law. Pero ang tanong ko, sir, ano ba iyong hangganan ng pasensya siguro o kung anong puwedeng itawag diyan para magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na ideklara nga ang Martial Law?

SEC. ROQUE: Well, sa akin po, hindi ko na po kinakailangan baguhin pa ang sinabi ng Presidente. Kapag hindi sila tumugil [sa] pag-atake at pagkuha ng mga ayuda na ibinibigay ng gobyerno sa taumbayan ay mapipilitan siyang mag-Martial Law. Hindi ko pa po alam ang detalye dito sa pag-atake sa Masbate kung kinuha na naman nila iyong ayuda na nakalaan sa taumbayan; pero malalaman po natin iyan.

NIU: Ang report po, sir, kahapon, galing na iyong mga sundalo sa pag-escort doon sa namimigay ng Social Amelioration sa ating mga kababayan, tinambangan sila ng NPA.

SEC. ROQUE: Well, iyon pa rin po ang nakakalungkot dahil galing nga po sila doon sa ganiyang aktibidades dahil sila po’y nagbigay ng proteksyon sa mga taong nagbibigay ng ayuda. Ayan naman po ay talagang hindi rin dapat. Hindi ko po makita kung anong military objective nila sa ganiyang pag-atake.

NIU: Nasa table ba, sir, iyong opsyon na mag-extend nitong ceasefire?

SEC. ROQUE: Tapos na po iyong ceasefire. Iyan po ay natapos na at hindi pa po nare-renew. Sa tingin ko naman sa patuloy na pag-atake ng NPA ay huwag na po silang umasa siguro; bagamat iyan po ay desisyon pa rin ng Presidente.

NIU: Sir, ito naman ang patanong nitong si Argyll Geducos ng Manila Bulletin. Mayroon kasing lumabas na leaked memo ng Inter-Agency Task Force. Noong una pa man, sir, bago pa man nag-declare si Pangulong Rodrigo Duterte iyong unang-una na Enhanced Community Quarantine, may lumabas na na tungkol doon. Tapos very recent, itong bago ninyo inanunsyo iyong Extended Enhanced Community Quarantine at General Community Quarantine, mayroon na namang lumabas na leaked memo and mayroong information na nagalit daw itong si Secretary Delfin Lorenzana at si Secretary Eduardo Año dahil dito sa mga leak na lumalabas na ito. May plano po ba ang Malacañang na paimbestigahan kung saan nanggagaling itong leak na ito at papanagutin kung sino iyong nasa likod nito?

SEC. ROQUE: Well, mayroon naman po kasing batas na umiiral doon sa mga matter na confidential na inilalabas prematurely. Pero isa po sa dahilan kaya sinentralize na iyong communication system ng gobyerno—natatandaan ko po iyang ganiyang usapin kasi matapos pong mag-anunsyo ang Presidente eh nasa internet na iyong ilang mga bahagi noong power point na aking ginamit noong Biyernes.

NIU: Iyon nga po.

SEC. ROQUE: Pero mabuti na lang po eh ako po ay hindi suspek sa pag-leak na iyan dahil wala po akong kopya ng power point presentation na iyon at kaya naman po ako ay hindi ako masyadong masigasig kumuha ng mga materyales lalo na iyong mga confidential hanggang hindi hindi sa akin ibigay for announcement dahil ayaw ko nga na ako ang mapagbintangan ng leak.

Kaya mga kaibigan sa media talagang wala po kayong aasahan na leak sa akin dahil hanggat maaari ay ayaw ko pong hawakan iyong mga impormasyon na ako rin naman po ang mag-aanunsyo hanggang hindi kinakailangan i-anunsyo.

NIU: So, may effort po ba ang Palasyo na hanapin kung saan nanggagaling iyang leak na iyan at kasuhan?

SEC. ROQUE: Alam ninyo po kasi napakadali namang malaman kung sino iyan kasi alam naman natin kung sino talaga iyong nag-a-attend ng mga meeting; pero ang katunayan po kapag IATF meeting dahil marami pong nag-a-attend, marami mga staff eh mahirap din i-identify kung sino talaga iyong mga nagle-leak na mga dokumento. Pero sa akin naman po ay tingin ko it’s a management issue na a-addressin ng IATF itself.

NIU: Kasi baka later on hindi ba iyong mga lunalabas na ito hindi naman lahat in toto, iyun yung ina-announce ninyo pagdating ng oras. Baka mamaya maniwala ang tao eh magdulot lang ng bagong pag-aalala sa kanila.

SEC. ROQUE: Sa katunayan po, lahat naman po ng mga naa-aprubahang resoluyon ng IATF ay rekomendasyon sa Presidente. Bagamat halos lahat ng rekomendasyon ay naaaprubahan ng Presidente, hindi naman po lahat ay talagang sadyang kinakailangan aprubahan ng Presidente. Pinag-iisipan pa rin po iyan ng Presidente bagamat iyong kaniyang pagtanggap ng rekomendasyon ay mayroon ding pagkilala na ito ang rekomendasyon ng sarili niyang mga tao sa Gabinete.

NIU: Right… tama. Ito naman, sir, galing kay Ms. Gen Kabiling ng Manila Bulletin: Mayroon pong isang OFW na parang under ng deportation proceedings ngayon. Galing siya sa Taiwan, sinasabi kasing nagsusulat ng hateful messages laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa social media. Ano ang masasabi dito ng Palasyo? Suportado ninyo po ba iyong deportation?

SEC. ROQUE: Asisistihan po natin kung ano ang kinakailangan ng manggagawa na in-order na ma-deport ng Taiwan bagamat ang desisyon po ng Taiwan ay desisyon ng Taiwan, hindi po natin pinanghihimasukan iyan. Pero kung ano ang puwede nating ibigay sa ordinaryong OFW na na-deport, ibibigay din po natin diyan sa kababayan nating iyan.

NIU: Opo. Pero hindi ba ito maituturing, sir, na harassment o paglabag sa karapatan na malayang pamamahayag naman?

SEC. ROQUE: Alam ninyo po sa iba’t-ibang bansa iba’t-iba iyong mga karapatan ng mga mamamayan at ang sabi ko nga po sa ICCPR [International Covenant on Civil and Political Rights] ay mayroon pong mga karapatan na pupuwedeng mag-derogate o pupuwedeng hindi ipatupad kapag mayroong national emergency. Hindi ko lang po alam kung ganiyan ang nangyari sa Taiwan; pero kaya nga po pinapaalalahanan ko ang lahat sa mga panahon ngayon na hindi lang national emergency kung hindi international health emergency ang umiiral ang karapatan na malayang pananalita po ay mayroon pong hangganan.

NIU: Ang information, sir, at the latest ay ang Department of Labor and Employment mismo ang humiling noong deportation laban doon sa OFW?

SEC. ROQUE: Wala po kaming ganiyang kumpirmasyon dahil alam ninyo naman po sa Taiwan mayroong isang kandidato diyan na tumakbo at nanalo yata at ang kaniyang sinasabi kinakailangan eh gayahin ng Taiwan iyong war on drugs ng Presidente Duterte. So, wala pong katunayan na tayo mismo ang humingi ng deportation na iyan kasi hindi naman po natin pinakikialaman iyong milyon-milyong OFWs at lahat ng kanilang sinasabi dahil dito sa ating bayan ay mayroon naman tayong karapatan na malayang pananalita.

NIU: On another issue, sir, itong POGO. Linawin nga natin, sir, ang POGO ay hindi pa puwede sa mga area kahit na General Community Quarantine na?

SEC. ROQUE: Hindi pa po kasi iyan po ay amusement at leisure, so nasa negative list pa rin po iyan kasama ng eskwelahan, iyong mga pagsambang relihiyoso at iyong mga industriya para sa mga bata at saka turismo, sarado pa rin po ang turismo bagamat mayroon ng General Community Quarantine. Bagamat pupuwedeng humingi ng exemption o ng authority ang PAGCOR at iyong mga iba’t-ibang POGOs pero wala pa pong ganiyang desisyon ang IATF.

NIU: More so na hindi sila puwede sa under ECQ tulad dito sa Metro Manila?

SEC. ROQUE: Opo, opo dahil lahat po halos ng non-essential industries ay hindi pa po pinapayagan ngayon.

NIU: Naitanong ko iyan, sir, I think kahapon o noong Friday, may 44 po na mga kawani ng isang POGO ang naaresto. They are still operating po illegally. So, ano po ang puwedeng gawin dito ng gobyerno sa mga ganitong sitwasyon?

SEC. ROQUE: Well, mayroon po tayong Bayanihan We Heal as One Act na kapag nagsabi na ikaw ay lumabag sa isang palatuntunan dito sa panahon ng emergency na ito ay pupuwede kang maparusahan. So, iyong violation of quarantine po ay puwedeng maging basehan para malitis at maparusahan ang kahit sinuman.

NIU: Okay. Isang tanong po galing dito kuya Vic Sumintac ng DZEC. Ano po ba ang puwede raw pong maitulong ng gobyerno sa mga Pilipino na may financial obligation kaugnay noong postdated checks? Kasi may multa daw pala ang postdated checks everyday kapag hindi ito nababayaran o napopondohan noong nag-iisyu ng tseke. Sa credit card daw po kasi may 60-days na palugit para makapagbayad pero sa postdated check wala raw po.

SEC. ROQUE: Well, ang alam ko po sa batas mismo, lahat po ng pagkakautang ay mayroong grace period na ibinigay. Wala po akong dahilan para maisip na hindi kasama diyan iyong mga postdated checks, so dapat iyong 60-day grace period po ay dapat ina-apply din dahil kung ito naman po ay talagang pagkakautang ay grace period lang naman po iyan, hindi naman ibig sabihin na hindi ka babayaran pinahabaan lang iyong panahon na para ikaw ay magbayad.

NIU: Sir, bukas may IATF meeting ulit?

SEC. ROQUE: Mayroon po, Monday, Wednesday, Friday… pero noong last Friday wala po silang meeting.

NIU: And ano po ang inaasahan natin na tatalakayin sa meeting tomorrow ng IATF?

SEC. ROQUE: Importante na po iyong mga protocols na ibibigay ng iba’t-ibang cluster groups para doon sa mga area na magkakaroon na ng General Community Quarantine. Siyempre po, pinamumunuan pa rin iyan ng DOH para doon sa mga testing sa mga ospital; iyong DOLE para sa mga manggagawa; DTI para sa mga empleyo; at saka ang Transportation para doon sa public transportation na bahagyang bubuksan.

NIU: So, iyon ang paplantsahin para at least before April 30 ilalatag na?

SEC. ROQUE: Opo. Uulitin ko po, bagamat ito’y ipapatupad lamang sa mga GCQ area; ang mga lugar gaya ng Metro Manila na nasa ilalim ng ECQ ay dapat makinig din dahil kapag tayo po ay natapos ng ECQ, tayo po ay papunta rin ng GCQ at iyan po ay equally magiging applicable kapag GCQ na tayo.

NIU: Alright. So, iyan lang po muna, sir, for now. Makikinig kami ulit bukas sa press briefing mo para makakuha ng mga bagong impormasyon. Salamat sir, sa oras po ninyo at mag-ingat po kayo!

SEC. ROQUE: Salamat, ‘Binibining Buong Linggo.’ Magandang hapon po.

NIU: [LAUGHS] Salamat po.

####

Source: PCOO NIB – News and Information Bureau