Interview

Interview with Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque by Erwin Tulfo (PTV 4 – Tutok Tulfo)


Event Media Interview

TULFO:  Sec, hihingin ko lang po ang reaksiyon dito po sa sinabi ni Leni Robredo na nakakahiya naman daw na parang hiningan natin ng pera ang Amerika para payagan lamang na muling buksan ang VFA. Si Senator Lacson naman ay sinasabi niya bakit parang ini-extort-an natin ang Amerika para payagan lamang na muling buksan ang VFA sa ating bayan. Bakit daw po kailangan pang singilin pa ang ating kaibigan, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, alam ninyo po, matagal na pong usapin itong presensiya ng mga Amerikano sa Pilipinas at ang kauna-unahang Presidente po na nagsabi na kinakailangan magbayad ang mga Amerikano sa paggamit sa ating teritoryo ay ang Presidente Duterte.

Ang sinasabi po ni Presidente Duterte, ang presensiya ng mga Amerikano ay dahilan kung bakit sa ayaw at sa gusto natin eh baka mamaya ay mapasama tayo sa gulo, mapahamak tayo sa gulo kung magkaroon ng putukan sa panig ng Amerika at bansang Tsina. At dahil dito, kinakailangan magbayad ng tamang bayad, tamang upa ang mga Amerikano kung sila ay mananatili dito sa ating bansa.

Wala pong pagkakaiba ito doon sa binabayad ng Amerikano doon sa Turkey para manatili ang mga Amerikanong mga tropa diyan sa bansang iyan at saka sa Pakistan. Bilyung-bilyong mga dolyares po ang binabayad nila samantalang sa Pilipinas po, napakatagal nilang nasa Pilipinas, ang binibigay nila ay mga bulok na mga gamit na pang militar.

TULFO:  So, mayroon na po bang reaksiyon ang US Embassy po dito, ang pamahalaan ng Estados Unidos dito sa sinabi ng Pangulo? Would you happen to know, sir, kung my reaksiyon na sila?

SEC. ROQUE:  Wala po akong alam na reaksiyon dahil ang sabi naman ng Presidente ayaw na niya sa VFA, binigyan niya ng dalawang kumbaga extension po dahil sa panahon ng COVID ay napakahirap mag-pack up and to go ‘no. Pero iyan ngayon po ang sentimiyento ng ating Presidente; kung gusto nilang manatili ang VFA, kinakailangan magbayad.

TULFO:  Tingin naman po, sir, ng ilang observers, parang ang Pangulo daw po ay soft on China pero tough on the US. Would you agree, Secretary?

SEC. ROQUE:  Hindi naman totoo iyan dahil ang ginagawa lang naman po ni Presidente ay nakikipagmabuting kapitbansa sa bansang Tsina dahil sa gustuhin at ayaw natin eh talaga namang kapitbansa natin iyan ‘no. Sabi nga nila, kinakailangang makipagkasundo sa kapitbahay, maski hindi ka makipagkasundo sa kamag-anak ‘no. Importante po talaga na magkaroon tayo ng mainit na pagsasama sa ating mga kapitbansa. In the same way na importante iyong pagiging mabuting kapitbahay natin sa ating mga lokalidad.

Pagdating naman po sa Amerika ay matagal na po kasi nating ito hinihingi sa kanila na magbayad ng tama. Nandito pa nga ang base militar ay talagang kumbaga ay sinakop tayo ng mga Amerikano sa ating mga kasaysayan, at sa ayaw at sa gusto natin ay ginawa tayong parang warship.

TULFO:  Sir, maiba po tayo ng isyu, mukhang hindi po yata naabisuhan o na-consult ang Metro Manila Council dito po sa desisyon o resolusyon ng IATF na buksan na muli ang mga sinehan, medyo kontra po daw dito ang Metro Manila Council. Ano ho ang reaksiyon ninyo rito, Secretary?

(COMMUNICATION LINE CUT)

TULFO:  Secretary, maiba po tayo. Iyong Metro Manila Council magpa-file daw po ng resolusyon sa IATF para sabihin na hindi sila sang-ayon na muling buksan ang mga sinehan, Secretary.

SEC. ROQUE:  Well, pinapakinggan naman natin ang ating mga Metro Manila mayors dahil sila po ang talagang magpapatupad niyan.

Noong atin pong inanunsiyo ito, ang sabi natin, iyong pagbubukas po ng mga sinehan ay subject sa guidelines na bubuuin ng mga lokal na pamahalaan lalung-lalo na pagdating doon sa capacity ‘no. At malinaw naman po tayo na hanggang wala iyong ganiyang capacity ay hindi naman po magbubukas ang mga sinehan.

So anyway, pagkatapos pong magkaroon ng paglilinaw, magkakaroon pa po ng continuing consultation with the Mayors at inaantay din natin ang mga guidelines ng mga lokal na pamahalaan dahilan para i-move po iyong effectivity na pagbubukas ang sinehan to the first of March. So hindi na po iyan mapapatupad ngayong araw at iyan po ay ipapatupad either March 1 or kung kailan po magkakaroon ng guidelines ang ating mga lokal na pamahalaan.

TULFO:  Isa pa po, sir, last question na lamang. Alam ko pong nagmamadali din kayo dahil may briefing mo mamaya. Ito pong Small Town Lottery po yata, Mr. Secretary, ito pong LGU ng Isabela, mukhang hindi po sila sang-ayon ngayon dahil ang nangyayari daw sa STL, sir, ay hinahayaan ng PCSO na iyong mga franchisee, iyong mga may hawak po ng prangkisa at nagpapatakbo ng STL at nangungumisyon lamang ang PCSO. Dapat daw po ‘di ho ba ang mga may prangkisa rito ang dapat manghingi ng komisyon sa PCSO. Kaya ito raw po ang dahilan kung bakit mahina at mababa ang kinikita ng PCSO, Mr. Secretary.

SEC. ROQUE:  SA totoo lang, hindi ko masyadong narinig iyong tanong, ang pangit na naman talaga ng reception, mahirap talaga itong ating telecom. Pero kung tungkol po ito sa Small Town Lottery ng PCSO, isasangguni po ito sa PCSO. Pero pakilinaw po ulit kung ano iyong ating tanong dahil garbled po kanina iyong reception.

TULFO:  Kasi, sir, ang sinasabi po ng mga LGU na mga mayors partikular diyan sa Isabela, bakit daw po ganoon hinahayaan iyong mga nag-apply ng lisensiya o prangkisa ng STL sa PCSO sila ang nagpapatakbo? Bakit hindi ang PCSO mismo ang magpapatakbo nito para walang daya. Number two, para alam ng PCSO kung magkano talaga ang kinikita ng STL, Mr. Secretary.

SEC. ROQUE:  Well, tama naman po ang mga posisyon siguro ng LGU diyan. Dahil bagama’t ang prangkisa ay binibigay ng PCSO, dapat po iyan patatakbuhin pa rin sa ngalan ng PCSO. Nang gaya ng sinabi ninyo, alam ng PCSO kung magkano kikitain nila. Lilinawin ko po ang isyung ito doon sa pamunuan ng ating PCSO.

TULFO:  All right. Secretary Harry Roque, maraming salamat po, sir. Stay safe and healthy, sir.

SEC. ROQUE:  Maraming salamat po. Magandang umaga po.

 

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)