SALUDAR: Secretary, magandang umaga po sa inyo.
SEC. ROQUE: Magandang umaga, Ely. Magandang umaga sa iyong mga tagapakinig.
SALUDAR: Opo. So may mga report na magsusumite raw kayo ng sarili ninyong budget proposal sa Senado para po sa inyong sariling tanggapan. So linawin po natin, iyong Office of the Presidential Spokesman, sa ilalim po ito ng Office of the President, hindi po sa PCOO?
SEC. ROQUE: Opo. Ito po ay under the Office of the President.
SALUDAR: So magkakaroon po kayo ng parang sariling opisina, hindi po nakasabit sa PCOO?
SEC. ROQUE: Tama po iyan. Nakakabit po tayo sa Office of the President mismo. At ang ranggo nga po natin ay isang bilang Gabinete ‘no, so tayo po iyong tumatayong hepe ng ating departamento.
SALUDAR: So sa ngayon po ay ano ho ba iyong mga … alam naman natin na sa mga nakaraan, inyo pong mga naging karanasan bilang isang human rights lawyer, naging kongresista. Ngayon ho bilang Cabinet Secretary at Tagapagsalita, ano ho ang nakikita ninyo pong kaibahan at iyong mga hamon po sa inyo, Secretary?
SEC. ROQUE: Siyempre po, nawala na aking mga personal na paninindigan dahil tayo’y tagapagsalita ng Presidente ngayon ‘no. Pero gayunpaman, kinakailangan ay maiparating natin ang mga nangyayari sa gobyerno ni Pangulong Duterte doon sa nakakarami nating sambayan. Kinakailangan po dalhin natin sa taumbayan ang mga paghamon at ang mga naging accomplishment at mga pagsubok ‘no sa administrasyon ni Presidente Duterte.
SALUDAR: Opo. Dito po sa naging pahayag ninyo po, Secretary, na mas maganda sana na magbitiw na po itong si CJ Sereno sa kaniyang tungkulin. Eh may mga nagtatanong, parang hinuhusgahan na raw po ng Palasyo ito hong si CJ Sereno dito po sa inyo pong panawagan na magbitiw na siya.
SEC. ROQUE: Naku, napakalayo po noon dahil ang aking apila nga ay personal dapat decision niya na, kumbaga, to spare the judiciary from further embarrassment ‘no. Dahil ang iniisip na natin ngayon iyong integridad ng institusyon ng Hudikatura. So sa akin, pero kung hindi naman tatanggapin iyong ating mungkahi, eh di matutuloy lang ang proseso ng impeachment and I wish her luck.
SALUDAR: Opo. Okay, so sa ngayon ho ay talagang iba’t iba ho, napakarami po na mga balita, iyong mga kung anu-anong mga fake news man o kung anuman, mga usapin. So papaano ho maku-control ho ng inyo pong tanggapan, at siyempre importante ho kapag sinabing balita lalo’t kung ina-attribute po sa Malakanyang, sa Pangulo, eh ano ho iyong ating mga hakbangin dito, Secretary?
SEC. ROQUE: Well, alam mo, nabibilib naman ako sa sistema ng ating gobyerno. Hindi naman po ako nagsasalita nang galing talaga sa aking sarili, na dapat lang i-briefing ko na ang natatanggap ko sa iba’t ibang posisyon ng Palasyo, sa mga issues ‘no. At ako ay humahanga doon sa mga tao na nagbibigay ng briefing at gumagalaw ‘no para umandar ang aking opisina. Napakadami po nila, siguro po hindi natin makikilala kung sino silang lahat pero world class po naman ang suportang binibigay sa akin ng PCOO.
SALUDAR: Opo, so iyon ho ‘no. At may binabanggit din ho kayo na hindi pa pala talaga tuluyang sinasara ng Pangulo iyong pintuan dito po sa peace talks para po sa mga makakaliwang grupo, Secretary?
SEC. ROQUE: Tama po iyan, dahil isa sa prayoridad ng Pangulo natin ay matapos na ang lahat ng labanan dito sa ating bansa.
SALUDAR: Opo. So dito rin ho, talagang may mga nagsasabi at may mga hindi po sang-ayon sa inyo, Secretary, na parang bakit mas parang kinampihan ninyo raw ho ‘no iyong media, iyong mainstream media kaysa dito po sa mga bloggers. Ano po ang masasabi ninyo rito, Secretary?
SEC. ROQUE: Simple lang po iyan, ako po ay Tagapagsalita, kinakailangan maparating ang mensahe. At dahil ako po ay Office of the Presidential Spokesperson, ang palagi ko pong kaharap para sa mga Palace briefings ay ang mga miyembro ng media. At saka ang karapatan naman po ng malayang pamamahayag ay naririyan na iyan sa ating Saligang Batas at sa karapatang pantao. Ang sa akin lang po, gagamitin natin itong opisina natin para mapaintindi sa lahat ang importansya po ng isang malayang pamamahayag.
SALUDAR: Opo. Sa panghuli, Secretary, naghanda na ako dito ng palaman kasi sabi ninyo magbabato kayo ng pan de sal.
SEC. ROQUE: Hay naku, namigay na po ako kahapon. Hindi ba kayo nakakuha? [Laughs]
SALUDAR: Okay, Secretary, good luck po sa inyong bagong posisyon. At hanggang sa mga susunod nating interview ha.
SEC. ROQUE: Ely, maraming salamat. Kinakailangan ko ang inyong suporta at panalangin. Magandang umaga po.
###