News Release

First Lady Liza Araneta-Marcos naghatid ng pag-asa sa mga OFW sa Riyadh



RIYADH, Saudi Arabia — Sa isang makasaysayang pagkakataon, personal na binisita ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang Bahay Kalinga na pansamantalang tinutuluyan sa Riyadh ng mga distressed Overseas Filipino Workers (OFWs).

Pinakinggan ng Unang Ginang ang mga kuwento ng buhay ng mga distressed OFW – mula sa hirap, tatag ng loob, at kanilang pag-asa na magiging maayos ang buhay nila.

Ang pagbisita ang unang pagkakataon na ang isang First Lady ay tumungo sa Bahay Kalinga, ang pansamantalang tirahan na ibinigay ng gobyerno para sa mga OFW na naghihintay ng repatriation mula sa Saudi Arabia.

Ang First Lady ay naglaan ng panahon at nakinig sa mga personal na kwento ng mga OFW, puno ng sakripisyo at pag-asa.

Ang mga OFWs ang naglahad ang kwento ng kahirapan, pagpupunyagi, pagsasakripisyo para sa pamilya at pag-asa para sa magandang kinabukasan.

Naging maramdamin ang sandali nang ipahayag ni First Lady na inaasikaso ng gobyerno para sila ay maaaring makabalik ng Pilipinas.

Nagpalakpakan, umiyak, at nagyakapan ang mga babaeng OFWs.

Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinangasiwaan ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ligtas na pag-uwi ng 43 distressed OFW at walong menor de edad nilang dependent, kabilang ang ilang nangangailangan ng atensyong medikal.

Bawat repatriate ay nakatanggap ng financial at reintegration assistance na PhP50,000 mula sa DMW, PhP10,000 mula sa “OWWA plus Balik Pinas” Balik Hanapbuhay aid, PhP10,000 mula sa DSWD, at PhP60,000 mula sa Office of the President — kasama ang travel luggage at essentials mula sa First Lady.

Nagbigay din ang OWWA ng suporta sa transportasyon at pansamantalang tirahan para sa mga OFW na babalik sa Visayas at Mindanao.

Si Ana M. Dimalen, isa sa mga OFWs, ay nagbahagi ng kanyang pasasalamat sa pagdating sa Maynila:

“Pumunta po si FL sa shelter. Tuwang-tuwa po kami kasi nakita po namin siya ng personal at nagpapasalamat kami kay PBBM at natulungan nila kaming makauwi sa Pilipinas. Maraming salamat po.”

Bumisita din ang First Lady sa “Bagong Bayani ng Mundo Serbisyo Caravan,” kung saan nakilala niya ang mga OFW na nag-a-avail ng mga serbisyo mula sa mga frontline agencies.

Ito ang unang pagkakataon na nagsama-sama sa isang caravan ang napakaraming ahensya ng gobyerno — kabilang ang DMW, OWWA, PhilHealth, SSS, Pag-IBIG, DTI, Landbank, DSWD, PAO, at PSA — para maghatid ng direkta, on-site na serbisyo sa mga OFW sa Kingdom of Saudi Arabia.

Ipinakita ng inisyatiba ang matibay na pangako ng administrasyon na gawing accessible ang mga serbisyo ng gobyerno.

Nagtapos ang kanyang pagbisita sa “Serbisyong May Saya, Hatid ng OWWA,” kung saan nagtipon-tipon ang libu-libong OFW para sa isang gabi ng pagtatanghal, pagtatanghal ng talento, at mga kwentong nagbibigay inspirasyon — isang pagdiriwang ng pagkakaisa, katatagan, at walang hanggang diwa ng migranteng manggagawang Pilipino. | PND