“Dapat nating panindigan ang batas sa isyu ng mga Ati sa Boracay,” ani Agrarian Secretary Conrado M. Estrella III sa ginanap na press conference matapos ang pamamahagi ng Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) sa Negros Occidental.
Binigyang-diin niya na walang basehan ang pagbibigay ng CLOA sa mga miyembro ng Boracay Ati Tribal Association.
“Una, idineklara ng Bureau of Soils and Water Management sa ilalim ng Department of Agriculture na ang nasabing lupa ay hindi angkop para sa agrikultura na dapat ay hindi kasama sa saklaw ng DAR sa ilalim ng Republic Act 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Program,” ani Estrella.
Ang pangalawang dahilan, ani Estrella, ay ang panahon ng pag-iisyu ng notice of coverage ng mga pribadong lupain ay nag-expire na noong Hunyo 30, 2014, nang ilabas ng DAR ang mga CLOA sa ATI noong 2018.
“Pangatlo, hindi nila pwedeng i-invoke dito ang Executive Order 75 dahil hindi naman ito pag-aari ng pamahalaan dahil may lehitimong nagmamay-ari ng lupa. Ang EO 75 ay isang kautusan ng Malacañang na nag-uutos sa lahat ng ahensya ng gobyerno na tukuyin ang lupa ng gobyerno na maaaring ipamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo,” dagdag ni Estrella.
Binanggit niya na mas pinili ng 44 na miyembro ng Boracay Ati Tribal Association ang paghahati-hati ng 1,282 square meter na lupain para sa kanilang mga sarili, kung kaya’t ang bawat isa ay nagmamay-ari lang ng humigit-kumulang 30 square meters, ibig sabihin, ang lupain ay hindi angkop para sa agrikultura.
Sinabi ni Estrella na ang DAR ay magbibigay tayo ng mga lupain ng pamahalaan sa mga miyembro ng Ati sa pamamagitan ng EO 75, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isang (1) ektarya hanggang tatlong (3) ektarya at pagbibigay sa kanila ng lahat ng tulong at mga suportang serbisyo.
“Tinatrato natin ang mga tao nang may habag, ngunit dapat nating itaguyod ang batas,” pagtatapos niya.
###