Namahagi sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Department of Agrarian Reform Secretary Conrado M. Estrella III ng 4,724 Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) na sumasaklaw sa 2,550 ektarya sa 2,797 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Manuel Y. Torres Memorial and Cultural Center sa Bago City, Negros Occidental.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kanyang pangako sa seguridad sa lupa ng mga magsasaka, na tinawag niyang kanyang paboritong tungkulin pagkatapos ng mga dekadang pagkaantala: “matagal masyado ang 33 taon, anim na administrasyon ang nakaraan bago natin naibigay. Sa wakas, ibibigay sa inyo ang inyong titulo para makapagsaka kayo ng mabuti,” aniya.
Inihayag din ng Pangulo ang mga planong ipamamahagi ang karagdagang 11,000 titulo sa mga magsasaka ng Negrense ngayong taon, at marami pa ang susunod dito sa buong bansa.
Bukod sa mga titulo ng lupa, naipamahagi din ang P59 milyong halaga ng support services sa labing siyam (19) agrarian reform beneficiary organizations (ARBOs) sa lalawigan, kabilang ang farm-to-market road projects at farm machineries.
Sa pagninilay-nilay sa whole-of-government approach ng kanyang administrasyon, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang repormang agraryo ay hindi lamang pamamahagi ng lupa kung hindi kabilang ang pagbibigay ng komprehensibong suportang serbisyo sa mga magsasaka na nagbibigay sa kanila ng mas malawak na pagkakataon para sa pinabuting kalidad ng buhay.
Pinuri niya ang mga magsasaka bilang mga modernong bayani na nagtutulak sa paglago ng ekonomiya at seguridad sa pagkain at pinagtibay ang layunin ng kanyang administrasyon na kasama sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas.
“Sa ating pagtataguyod ng Bagong Pilipinas, layunin natin ang sabay-sabay na pag-unlad kung walang sinuman ang maiiwan sa pag-asenso. Makaaasa kayo na kabalikat ninyo ako at ang buong pamahalaan sa lahat ng inyong pagsisikap.”
###