Pres. Rodrigo Roa Duterte’s Christmas message, 24 Dec. 2016 (Filipino version)

Kasama ko ang lahat ng Kristiyanong nagdiriwang ngayong panahon ng Kapaskuhan. Habang tayo ay nagsasaya at nagtitipon-tipon, nawa ay mapagnilayan natin ang tunay na kahulugan ng kapanganakan ni Hesus. Ang kuwento ng pagsilang niya mahigit 2,000 taon na ang nakararaan ay panahon din ng kapayapaan.

Ang ating paggunita ng Pasko ay tinagurian ding pinakamahaba sa buong mundo—isang patunay na tayong mga Pilipino ay likas na mapayapa at mapagmahal. Ang Pasko ay panahon din ng pagbibigayan at pagtutulungan. Ang masayang pakiramdam na ito ay nakikita sa mukha ng mga batang puno ng pag-asa; at sumasalamin at nananahan sa puso ng ating maliligayang pamilya at kaibigan. Samakatuwid, ang tunay na diwa ng Pasko ay nakabatay sa mensahe ng kapayapaan na siyang isa sa mga prayoridad ng ating pamahalaan. Maging masigasig tayo sa pag-alok ng pagkakabuklod-buklod at pagkakaisa para sa lahat.  

Ang pagiging bukas-palad lalo na sa mga nangangailangan at mahihirap ay ating higit pang pag-iibayuhin. Bilang Pangulo, titiyakin kong may pagkain sa bawat mesa; at makagagawa tayo ng mas marami pang trabaho upang maitaguyod ang mga pamilya at maging mas ligtas, masaya, at maginhawa ang bawat Pilipino. Nawa ay maging inspirasyon ang Paskong ito upang makamit natin ang tunay na kapayapaan at kaginhawaan para sa buong sambayanan. Sama-sama nating abutin ang ating mga pangarap at mga adhikain para sa ikauunlad ng ating bansa.

Isang maligaya at mapagpalang Pasko sa ating lahat!

 

​​​​​​RODRIGO ROA DUTERTE

M A Y N I L A

Disyembre 2016