[Crowd: BBM! BBM! BBM!]
Talagang campaign period na. [laughter] Sa campaign period ko lang naririnig ‘yan.
Maraming, maraming salamat, Secretary Benny Laguesma ng DOLE. [Please magsiupo po tayo.]
The other members of the Cabinet who are here today: nandito si Secretary Ted Herbosa ng Department of Health, nandito ang ating namumuno ng TESDA na Cabinet Secretary, Secretary Kiko Benitez, at ang ating Press Secretary Jay Ruiz nandito rin; at ang mga awardees na inawardan (award) natin ng 123rd Labor Day Celebration; ang lagi po nating nagiging host – ang host po natin dito sa Pasay City, ang ating butihing mayor, Mayor Imelda Calixto-Rubiano; my fellow workers in government; other distinguished guests; ladies and gentlemen.
Isang magandang araw po sa inyong lahat. [applause]
Bawat taon, tuwing Mayo Uno, lagi tayong ipinagdiriwang at pinaparangalan ang pinakamahalagang yaman ng ating bayan – ang ating manggagawang Pilipino.
Ngayong taon ay idinaraos natin ang 123 Araw ng Manggagawa sa ating bansa na may temang “Manggagawang Pilipino, Kaagapay sa Pag-unlad, Sandigan ng Mas Matatag na Bagong Pilipinas.”
Kayo po ang pundasyon at haligi ng lipunan, hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansa pati.
Wala po kaming maitutumbas sa inyong sakripisyo kundi ang tapat na paglilingkod at patuloy na pagsisikap na makalikha ng disenteng trabaho at makataong kondisyon sa paggawa, upang maiangat ang kalidad ng buhay ng bawat manggagawa, mamamayan, at pamilyang Pilipino.
Upang makalikha ng marangal na trabaho, ating pinadami ang mga namumuhunan sa Pilipinas. Mula 2022 hanggang sa nakaraang taon, 27 bilyong dolyar na halaga ng puhunan ang pumasok sa ating bansa. Sa parehong panahon, lagpas apat na trilyong pisong puhunan ang naitala ng ating Investment Promotion Agencies. Ang mga kompanyang ito ay inaasahang gagawa ng higit 352,000 trabaho para sa ating mga kababayan.
Dulot ng masiglang ekonomiya, noong nakaraang taon, naabot natin ang pinakamababang unemployment rate sa loob ng 20 taon – 4.3 percent. [applause] Pinakamababa sa 20 taon.
Patuloy ang pagbuti ng kalagayan ng ating labor market. Nitong Pebrero bumaba pa sa 3.8 percent ang unemployment rate natin.
Ngunit, hindi lang po tayo gumagawa ng mga pagkakataon at oportunidad para sa mas maraming trabaho. Inilalapit din po natin sa ating mga kababayan ang trabaho sa pamamagitan nitong kagaya ng ginagawa natin ngayon ng mga job fairs.
Bilang selebrasyon ng Araw ng Manggagawa, mula ika-dalawampu’t tatlo ng Abril hanggang ikalawa ng Mayo, magsasagawa tayo ng job fairs sa 69 na lugar sa buong bansa. Binabati ko po ang mga nakilahok at makikilahok sa mga job fairs lalo na iyong mga nasa Region 3, Region 4A, Region 6, Region 7, 10, at 11, at sa lahat po ng mga kasama natin ngayon.
Mabuhay po kayo at good luck po sa inyong lahat! [applause]
Mahigpit kong naging tagubilin sa Kalihim ng Paggawa na siguruhin na buwan-buwan ay magdaraos tayo ng job fair upang mas marami pang mabigyan ng trabaho.
Mula Hulyo 2022 hanggang Pebrero ngayong taon, mahigit 4,000 job fairs ang naisagawa. Isang milyong Pilipino ang nakilahok at halos 170,000 ang hired-on-the-spot doon sa mga job fairs. [applause]
Sa mga job fairs naman ngayon sa taon na ito, naglagay na rin tayo ng tinatawag naming one-stop shop. Nandito na ‘yung BIR, NBI, PSA, PRC, SSS, PAGIBIG, PhilHealth upang magbigay ng mga clearance at sertipiko para sa inyong pag-a-apply.
Pinadali, pinabilis, at pinaayos.
Ngayong araw na ito, nagdagdag pa po kami ng serbisyo. Sa tulong ng Department of Health, mayroon po tayong libreng X-ray, laboratoryo, at mga doktor na maaaring magbigay ng medical clearance. Sa gayon, makakabawas na sa inyong alalahanin at gastusin [sa] paghahanap ng trabaho.
Batid din po natin na mahalagang maging matatag ang pundasyon ng ating mga manggagawa.
Sinisimulan na natin ang pagpapalakas ng Technical-Vocational-Livelihood-Track sa ating senior high school. Layunin nito na siguraduhin na ang mga graduates ng basic education ay magkakaroon ng TESDA certification at makakapagtrabaho kung gugustuhin nila.
Nitong Marso, inilunsad din ng TESDA ang tinatawag na
micro-credentialing system sa TVET. [applause] Sa sistemang ito, maaaring makumpleto ng ating mga manggagawa ang maiiksing tinatawag na module at makakakuha na ng modular certification kahit hindi pa natapos sa buong kurso. Pwede po nilang ipunin ang mga sertipikasyon upang maging bihasa, na siya naman ay magbibigay-daan para sa mas magandang trabaho.
Nilagdaan din natin noong Nobyembre 2024 ang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act. [applause]
Ito ang pinakamakabagong training modality na
nakaayon sa pangangailangan ng industriya. Sa ilalim nito, makakasiguro na may trabaho agad ang ating mga trainees.
Para naman po sa ating mga propesyunal, sang-ayon ako na kailangan ninyong magdagdag ng kaalaman upang makasabay sa pangangailangan ng industriya. Hindi lang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo.
Ngunit, hindi po kaila sa akin ang hirap na inyong pinagdaraanan upang makapag-renew ng inyong mga ID. Marami sa inyo ang dumaraing sa hirap at gastos sa pagkuha ng training na kailangan para sa inyong license renewal.
Kaya ang panawagan ko sa PRC at sa Continuing Professional Development Council, bisitahin natin ang ating mga panuntunan. Tingnan natin kung nararapat ang ating mga training na ginagawa.
Kung kinakailangan, bisitahin natin ang Republic Act No. 10912 o ‘yung “Continuing Professional Development Act” upang maitiyak naman natin na ito ay hindi lamang para sa pagbuo ng mga oras ng training para sa renewal ng mga lisensya, bagkus ay para bigyan ng patas na pagkakataon ang ating mga propesyunal na umunlad sa kanilang mga napiling larangan.
Mahirap na ang maghanapbuhay, pahihirapan pa ba natin ang mga naghahanapbuhay? [applause]
Tungkulin ng pamahalaan na pagaanin ang iniinda ng ating mga manggagawa.
Araw-araw, milyon-milyon sa ating mga kababayan ay kailangang gumising nang maaga upang bumiyahe patungo sa kanilang trabaho. Hangad namin na mas marami kayong oras sa pamilya, hindi naman nasasayang na nakapila lamang.
Kaya naman, sa MRT-3 nagdagdag tayo ng mga bagong mga – pinahaba natin ang mga LRT, pinaayos natin ang airconditioning na sistema, at pinahaba
ng isang oras ang operasyon tuwing Lunes hanggang Biyernes.
Sa LRT-2 naman, pinarami natin ang bilang ng mga tinatawag na train sets, mula sa dating anim hanggang pito na ngayon ay magiging 10 na. [applause]
Siniguro rin natin na maayos ang ating mga elevators at saka escalators sa lahat ng linya ng tren.
Inatasan ko rin ang DOTr na magbigay ng libreng sakay mula kahapon hanggang sa ikatlo ng Mayo sa MRT-3, LRT-1, at LRT-2. [applause]
Upang gawing mas komportable at mas mabilis ang
pagbiyahe ng bawat Pilipino, tinatapos na rin po natin ‘yung MRT-7, at ginagawa na natin ‘yung North-South Commuter Railway, Metro Manila Subway, at EDSA Busway Improvement Project.
Ito ‘yung malalaking proyekto upang mapabilis po ang tinatawag na commute dahil nakikita po natin nakakalungkot na kung minsan ay dumadaan tayo sa iba’t ibang – halimbawa sa C5, sa EDSA alas-dose na ng – madaling araw na, 12:30 ng madaling araw nag-aantay pa rin ng sasakyan. Ito po ang ating gagawing solusyon para hindi na natin nakikita, at kagaya ng aking nasabi, ang ating mga manggagawa ay masamahan naman ang kanilang mga pamilya. [applause]
Sa buong bansa, nagpapagawa tayo ng mga kalsada, ng mga tulay, pantalan para sa mas mabilis at ligtas na biyahe.
Sinisiguro rin natin na may masasandalan ang ating mga kababayan sa oras ng pagsubok.
Kaya naman ay pinalawak din natin ang mga programa sa tinatawag na social safety net.
Mula 2022 hanggang sa ngayong taon, halos 11 milyong Pilipino ang nabigyan ng emergency employment sa ilalim ng TUPAD program; [applause] higit 21 milyong kababayan natin ang natulungan sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o ang tawag natin ay AICS; [applause] halos 740,000 benepisyaryo naman ang natulungan ng Sustainable Livelihood Program (SLP).
Batid namin ang pagsubok na inyong kinakaharap kaya gumagawa kami ng mga hakbang upang maibsan ang pasanin ng ating mga kababayan—lalo na sa usaping pagkain.
Nitong Marso, itinakda natin ang maximum suggested retail price or MSRP ng imported rice sa P45 kada kilo lamang.
Sisimulan na rin po natin ang programa upang pababain ang presyo ng bigas sa P20 sa kada kilo. [applause]
Karagdagan pa rito, nakapagtatag tayo ng 119 na permanente na KADIWA Centers sa buong bansa.
Asahan din natin na makikita ang mga KADIWA Stores sa mga proyekto ng NHA (National Housing Authority), upang ang mga bagong komunidad ay makabili ng murang pagkain.
Bukod pa riyan, sinisikap din ng pamahalaan na palakasin ang proteksyon para sa lahat ng manggagawang Pilipino.
Mula Hulyo 2022 hanggang Marso nitong taon, nakapagsagawa tayo ng higit 90,000 labor inspections.
Ito po ay para masiguro na ang bawat manggagawa ay may ligtas na lugar ng trabaho, maayos na sahod, at makatarungan na pagtrato.
We remain steadfast in our task to fully advance international labor standards, including our workers’ rights to freedom of association, their right to organize, and the protection of human rights.
This is why the Philippines is committed to ratifying the ILO Convention No. 155, establishing the core framework for Occupational Safety and Health management at national and workplace levels, including a dynamic policy approach to OSH. [applause]
We continue to improve our labor dispute resolution services. We also continue to restore the status of the Philippines in the international community as a beacon of the democratic rights and civil liberties of workers in the Asia Pacific.
Last year, the Philippine Government gained a seat in the Governing Body of the ILO, as well as in the ILO’s Freedom of Association and on the board of the ILO’s International Training Center.
We have made significant progress in addressing the long-standing issues against the implementation of freedom of association and the rights of workers to organize.
We have adopted and have started implementing a Tripartite Roadmap on Freedom of Association.
We continue to ensure that the Anti-Terrorism Act shall not be used to restrict union activities, and that legal remedies are available under penal laws in case of abuse.
Nilagdaan na rin ng DOLE at ng Commission on Human Rights ang kasunduan na magtatatag ng programang Labor Intervention for Financial Economic
or LIFE Empowerment. [applause]
Sa ilalim ng programang ito, ang mga biktima ng
diumano’y paglabag sa karapatang pantao ay magkakaroon ng access sa employment programs, sa training, scholarships, at sa livelihood assistance.
Dahil sa ating tagumpay laban sa insurgency, unti-unti na nagtransisyon na ang NTF-ELCAC tungo sa pagkakaisa, kapayapaan, at kaunlaran.
Ang National Action Plan for Unity, Peace, and Development 2025-2028 ang siyang magiging gabay ng NTF-ELCAC upang makatulong bawasan ang kahirapan. Layunin din ng planong ito na palakasin ang Freedom of Association at isulong ang karapatan ng ating mga manggagawa.
Ating ipinagpapatuloy ang Barangay Development Program sa mga lugar na geographically isolated and disadvantaged o ang tinatawag nating GIDA. Sinisiguro din natin na maihahatid ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan sa ating mga kababayan.
Kaugnay pa rin sa pagsulong ng karapatan ng ating mga manggagawa, nilagdaan na rin ang Data-sharing Agreement ng DOLE, Securities and Exchange Commission, Land Transportation Office, at Land Registration Authority. Sa pamamagitan nito, mas madali nang matutukoy ang ari-arian ng mga employers na inatasan ng korte o ng quasi-judicial body na magbayad ng kanilang obligasyon sa mga manggagawa. [applause]
Sa usapin naman ng pagtaas ng suweldo, masarap pakinggan ang matatamis na mga pangako, ngunit ang mga ito ay may epekto sa paglago ng negosyo, trabaho, at ekonomiya. Kaya’t kailangan na pag-aralan natin nang mabuti.
We hear the call of our workers for better wages and assure you that your concerns are being addressed through the Regional Tripartite Wages and Productivity Boards. [applause] The government stands firm in its commitment to protecting and advancing workers’ welfare while promoting inclusive economic development.
Patuloy na pinag-aaralan ng mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang antas ng pasahod sa bawat rehiyon. Simula Hunyo ng nakaraang taon, 16 na rehiyon sa Pilipinas ay nakapagpatupad ng dagdag sahod na. Sa kabuuan, 28 wage orders na ang naaprubahan.
Nais nating tiyakin ang inyong kapakanan, hindi lamang sa ngayon kundi sa pangmatagalan.
Kaya naman, pinalawak pa natin ang mga serbisyong magbibigay ng seguridad sa panahon ng pangangailangan.
Sa tulong ng SSS, ng Social Security System, simula Hulyo 2025, ang mga miyembro na may malilinis na record ay makakakuha ng loans sa SSS sa mas mababang interes. Bababa po sa walong porsyento ang interest rate para sa salary loans at pitong porsyento naman para sa calamity loans. [applause] Bumaba po ang mga rates na ito mula sa dating 10 porsyento.
Para naman sa mga surviving spouse pensioners, sa Setyembre ng taong ito, ilulunsad po natin ang expanded Pension Loan Program ng SSS. Sa ilalim nito, maaari na rin pong makautang ang mga naiwang asawa ng mga yumaong pensioners ng hanggang P150,000.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na rin ang SSS sa ilang financial institutions upang pag-aralan ang pagkakaroon ng micro-credit loan facility. Layunin naman nito na matugunan ang agarang pinansyal na pangangailangan ng kanilang mga miyembro.
Ang mga programang ito ng SSS ay hindi lamang para sa mga manggagawang narito sa Pilipinas—kundi ang mga miyembrong nasa ibang bansa.
At para naman maipakita ang ating buong suporta sa ating mga Overseas Filipino Workers, natutuwa naman ako na ibahagi na sa ilalim ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan o AKSYON Fund, nakapagbigay tayo ng higit 1.4 billion na tulong sa higit 135,000 OFWs.
Sa susunod naman na buwan, ilulunsad na rin ang National Reintegration Network sa pangunguna ng Department of Migrant Workers at ng DOLE. Isa sa mga layunin nito ay ang pagtatag ng One-Stop-Shop for Reintegration kung saan ang DTI, ang DOH, ang DA, ang OWWA, SSS, PagIBIG, at mga iba pang ahensya ay magbibigay ng trabaho, negosyo, at pagsasanay para sa ating mga OFWs.
Ito po ay para pagsaludo sa kakayahan ng ating mga manggagawa na nagbibigay dangal sa ating bansa.
So, just as we recognize our nation’s pride beyond our shores, we also commend The Outstanding Workers of the Republic for 2025 here at home. They have shown excellence and dedication in their respective fields. Congratulations. [applause]
Marami ring salamat sa Rotary Club of Manila at ang People Management Association of the Philippines sa pagbibigay ng parangal na ito.
Nawa’y maging inspirasyon ng bawat manggagawa ang galing at pagsisikap ng ating pinarangalan.
Pinapatunayan nila na nasa kamay natin ang pag-asa para sa isang Bagong Pilipinas. Sila ay mga Bagong Pilipino na nagpakita ng disiplina, ng husay, at pagmamahal sa inang bayan.
Maraming, maraming salamat po. Mabuhay ang manggagawang Pilipino!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas! Magandang umaga po sa inyong lahat. [applause]
— END —