[Ilocano]
Parang mahirap makapaniwala na nandito na naman tayo sa kampanya. Napakabilis ng panahon. Napakabilis nang pagdaan ng tatlong taon na akala natin ay magiging mas matagal ngunit nandito nga tayo sa darating na halalan sa Mayo.
At sinimulan po natin ang aming national campaign kagaya ng dati dito po sa ating minamahal na lalawigan ng Ilocos Norte. [applause]
Nandito po ang aming ipinagmamalaki na mga kandidato para sa Senado. Ngunit bagamat nakatuon ang pansin natin sa ating mga kandidato para sa Senado, huwag po natin kaligtaan ang halos 18,200 na local executive na ating ihahalal sa Mayo. Nabanggit ko po ito dahil maipagmamalaki ng Alyansa na kami lang ang may kumpletong ticket mula sa senador hanggang sa Sangguniang Bayan ng pinakamaliit na bayan ng buong Pilipinas. [applause]
At hindi pangkariwan ang mga aming kandidato. Hindi po kagaya ng mga nakikita natin sa mga iba’t ibang partido. Hirap na hirap makakuha ng kanilang mga miyembro. Ang amin pong ipinagmamalaki at ipinaglalaban ay subok na at matagal nang nagseserbisyo sa publiko.
Hindi po — ay naaawa rin po kung minsan sa ating mga katunggali dahil nagmamakaawa para makakuha ng mga malalakas at magagaling na kandidato. ‘Di tulad ng iba karampot lang ang kandidato.
Dito po buo kami. Hindi lamang buo sa numero ngunit buo ang loob para ipaglaban ang kapakanan ng bawat Pilipino at ng buong Pilipinas. [applause]
Kaya naman nakita… Nagtataka nga ako parang ‘yung mga iba na naging kandidato eh nag-deliver lang yata ng suka eh nabigyan na ng certificate of candidacy dahil walang ikukumpara sa ating mga kandidato.
Kung ihahambing natin sa mga napulot nila, ang ticket natin mula sa Senado hanggang Sangguniang Bayan ay mga lider na subok sa serbisyo, magandang record na puwedeng ipagmalaki kahit kanino.
Kung kilatisin natin nang isa-isa, napakatingkad ng kanilang kakayahan at ang mga – ng mga pambato para sa pagbabago. At kapag pinagsama kagaya nito na nangyari dito sa Alyansa ay lalong nakaka-impress ang kanilang pinagsamang lakas at galing.
Walo po sa ating mga kandidato ay beteranong senador. Palitan ko na lang, “matagal ng senador”, kasi ‘pag beterano baka akalain nilang luma – hindi lang luma kundi matanda.
Nandito po ang ating mga senador: Senator Cayetano, Senator Lacson, Senator Lapid, Senator Marcos, Senator Pacquiao, Senator Revilla, Senator Sotto, Senator Tolentino. Pagpasok na pagpasok po sa Senado ng mga reelectionist sa Senado ay wala na pong OJT, hindi na mag-aaral. Alam na alam nila ang trabaho. Alam na alam na nila ang pangangailangan ng Pilipino. Alam na alam na nila ang gagawin nila upang gawin – idala sa ating mga kababayan ang kanilang pangangailangan.
Pito naman ay nanggaling naman sa Kongreso na subok sa Batasan. Nandiyan po ang mga: Congressman Abalos, Congressman Binay, Congressman Cayetano, Congressman Marcos, Congressman Pacquiao, Congressman Tulfo, Congressman Villar. [applause]
Kitang-kita po naman natin na itong lahat ay sanay na sanay, subok na subok at matagal nang nagpapakita ng galing.
Hindi na bagito sa pagpanday ng mga batas. Apat ang nagsilbi sa Gabinete. Humawak ng Cabinet rank na position. Si Abalos, DILG secretary; si Tulfo, nag-DSWD secretary; Lacson ng Yolanda Rehabilitation Commission; Tolentino, siya ang namuno ng MMDA.
Ngunit sa kanilang katungkulan ay hindi lang po sila pa-relax-relax. Tingnan niyo po ang kanilang mga record at makikita po ninyo na sila ay nakagawa ng magandang pagbubuti para sa kanilang mga kagawaran.
Alam nila ang government work galing sa Gabinete. Hindi lang dada pero gawa ang kanilang ipinapakita. They are not here to oppose; they are here to propose.
Tatlo ang naging gobernador ng malalaking probinsya. Eh alam niyo na Manang Imee dito sa atin sa Ilocos Norte. [applause] Lito Lapid, governor Lito Lapid ng Pampanga, at ang governor Revilla ng Cavite naman. [applause]
Bukod pa roon, kasama nila ang tatlong naging city mayor: Binay – Abby Binay ng Makati; [applause] Tol Tolentino ng Tagaytay; [applause] Abalos ng Mandaluyong. [applause] At huwag nating kalimutan na si senator – si Tito Sen, senator Sotto ay naging vice mayor din ng Quezon City. [applause]
Hindi rin po tayo nagkukulang sa boses ng kababaihan at maglalaban para sa karapatan ng ating kababaihan dahil apat sa ating mga kandidato ay babae pero itong mga babaeng ito ay mas – palagay ko mas matatapang pa ito kaysa sa mga lalaki na nandito ngayon. [applause]
Mga abogado naman apat din, apat ang abogado natin: Abalos, Binay, Cayetano, Tolentino, si Imee nag-aral din sa law school. At pinagtatalunan lang nila kung sino daw ang pinakamagaling at sino ang nanggaling sa pinakamagandang eskuwelahan. Ngunit lahat ‘yan ay magaling, lahat ‘yan ay matalino, lahat ‘yan ay ginamit na ang kanilang kakayahan upang pagandahin ang Pilipinas. [applause]
Kung itatanong naman natin: Sila ba ay isa lang ang pinanggalingan? Tiga-Maynila lang ba lahat? Tiga-Luzon ba lahat? Hindi po, dahil pagdating sa geographical representation, dalawa ang tiga-Mindanao: si Manny Pacquiao ng Bukidnon, [applause] Sarangani, at saka GenSan; si Erwin naman lumaki sa Davao Oriental, sa Sulu – mga probinsya kung saan nadestino ang kanyang bayaning ama. Ang unang Vicente Sotto ay naging senador na tiga-Cebu. Ang nanay naman namin ni Imee alam niyo naman 100 percent Waray. Alam naman natin pati na ang lolo ni Camille ay galing sa Iloilo.
Wala sa kanila… Iyan po ang ating ipagmamalaki dahil po nauunawaan nila hindi lamang ang mga problema na hinaharap na nasyonal; hindi lang ang mga problema sa taas, sa Senado; ngunit lahat po sila ay may karanasan sa local government, may karanasan sila sa Executive. Lahat po sila ay nakapagpakita na ng kanilang kakayahan. Kaya’t po ay kayang-kaya naming maipagmalaki.
Bukod po diyan, tingnan niyo po ang record ng ating mga kandidato. Wala sa kanila ang may bahid ng dugo dahil sa tokhang. Wala sa kanila ang kasabwat sa pagbulsa ng sako-sakong pera, pinagsamantalahan ang krisis ng pandemya, pinabayaan ang ating mga kababayan na magkasakit at mamatay.
Wala sa kanila ang mga pumapalakpak sa Tsina at natutuwa pa kapag tayo ay binobomba ng tubig, tinatamaan ang ating mga Coast Guard, hinaharang ang ating mga mangingisda, ninanakaw ang kanilang huli, at bukod pa roon ay inaagaw pa ang mga isla natin para maging bahagi ng kanilang bansa.
Wala po sa kanila ang tilang sakristan ng isang bulaang propeta na nasasakdal dahil sa pagyurak sa ating kabataan at sa ating kababaihan. Wala sa kanila ang tagataguyod ng pugad ng krimen, ng sentro nang paglalapastangan ng mga kababaihan na mga POGO.
Tayo ngayon ay nasa sangang-daan ng ating paglalakbay bilang isang malayang bansa, bilang isang sambayanang may dangal, may sipag, at may talino.
Tayo ba ay papayag na babalik sa panahon gusto ng – kung kailan gusto ng ating mga liderato maging probinsya tayo ng Tsina?
Babalik ba tayo sa nakaraan na ibinubugaw ang ating bayan bilang isang sugalan ng mga dayuhan?
Nais ba nating bumalik sa landas na umaapaw sa dugo ng mga inosenteng mga bata na inagaw ang kanilang – na inagaw sa kanilang mga ina, kinuha sa kanilang mga tahanan, at inagaw ang kanilang kinabukasan?
Walang nagnanais na Pilipino na mabalik tayo sa ganyang klaseng pagpatakbo.
Kaya naman, makakatiyak po kayo na kapag ang ating mga kandidato ay naluklok sa Senado at sila ay nagsimula ng kanilang trabaho, asahan po ninyo na sila po ay hindi makikihalo, hindi makikilahok sa ganyang bagay na ating iniwanan na at ayaw na ayaw balikan. [applause]
Ito po ang aming ipinagmamalaki. Ito po ang ating mga kandidato para – ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Ito po ang hinaharap namin sa inyo ang pinakamagagaling na Pilipino, pinakamasipag na nagseserbisyo-publiko at ang buong buhay nila ay itinaya na nila, hindi lamang para sa kapakanan ng kanilang mga sarili, kung hindi po para sa inyo, para sa taumbayan, para sa Pilipino, at para Pilipinas! [applause]
Kaya’t sa darating na Mayo po, ‘wag niyo na pong tingnan ang mga ibang mga pangalan. I-shade niyo na po lahat po itong nandito na nasa harap ninyo at gawin nating 12-0 ang ating resulta sa Senado [cheers and applause] nang sa ganoon, matitiyak natin ang kinabukasan ng ating minamahal na Pilipinas.
Mabuhay ang Alyansa! [cheers and applause]
Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
Mabuhay tayong lahat! Maraming salamat.
[Ilocano] [applause]
— END —