Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Ceremonial Signing of the Memorandum Order Authorizing the National Amnesty Commission to Issue Safe Conduct Passes in Favor of Amnesty Applicants


Event Ceremonial Signing of the Memorandum Order Authorizing the National Amnesty Commission to Issue Safe Conduct Passes in Favor of Amnesty Applicants
Location 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army, Camp BGen. Gonzalo H. Siongco in Datu Odin Sinsuat, Maguindanao

Thank you to the Special Assistant to the President Secretary Anton Lagdameo. [Please be seated.]

The Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity Secretary Charlie Galvez; Presidential Communications Office Secretary Jay Ruiz; the Mindanao Development Authority Secretary, Secretary Leo Magno; BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua; the Province of Maguindanao del Norte Officer-in-Charge Governor Sharifudin Tucao P. Mastura and other provincial governors present here today; the Municipality of Datu Odin Sinsuat Mayor Lester Sinsuat and other municipal mayor that are here today; National Amnesty Commission Chairperson Atty. Leah Tanodra-Armamento; West Mindanao Commander Lieutenant General Antonio Nafarrete; 6th Infantry Division Commander Major General Donald Gumiran; Moro National Liberation Front Chairman Muslimin G. Sema; Moro National Liberation Front Vice Chairman Abdulkarim Tan Misuari; fellow workers in government; other distinguished guests; ladies and gentlemen, Assalamu alaykum.

Marami na po tayong pinagdaanan bilang isang bansa.

Sa mahabang kasaysayan ng ating bayan, ilang beses na rin tayong nakipaglaban sa mga dayuhang mananakop.

Ngunit ang isa sa pinakamalungkot na yugto sa ating kasaysayan ay ang labanan ng Pilipino laban sa kapwa Pilipino.

May ilan sa ating mga kapatid—mga kapwa Pilipino— na, dahil sa adhikaing [pinaglalaban]— ang napilitang tahakin ang landas na taliwas sa batas na ang layunin ay sila’y protektahan at ipagtanggol.

Kaya ngayong araw na ito, muli nating [pinatutunayan] na mas mangingibabaw ang pagkaka-isang-lahi.

Sa diwa ng pagkakaisa at paghilom ng bayan, ang ating pamahalaan, sa pamamagitan ng National Amnesty Commission, ay magsisimula nang magbigay ng Safe Conduct Passes sa mga dating rebelde na may kinakaharap na arrest warrant para sa mga kasong may kaugnayan sa kanilang paninindigang pampulitika.

Ang mga Safe Conduct Passes na ito ay hindi lamang magbibigay ng proteksyon sa mga aplikante ng amnestiya laban sa pagka-aresto, pagkakulong, at pag-uusig. Higit sa lahat, ito ay isang paanyaya sa lahat ng rebelde na ihinto ang armadong pakikibaka.

Ito ay isang bagong pahina upang makapagsimulang muli, isantabi ang pansariling interes, at makiisa sa pagtataguyod sa kaunlaran ng ating bayan.

Ang paglagda natin ngayon ng Memorandum Order ay patunay na handa ang inyong pamahalaan na mag-abot ng kamay sa sinumang nagnanais magbalik-loob sa batas [at sa] ating lipunan.

Alam natin na marami ang nagnanais na mamuhay nang mapayapa at [naaayon] sa batas, ngunit ang mga kasong naisampa laban sa kanila ay nagiging balakid sa kanilang pagbabago.

Marami ang may pagaalinlangang umuwi sa kanilang mga tahanan at patuloy na nangungulila sa kanilang mga pamilya.

Ngayong araw na ito, nais kong iparating sa inyo: Bukas po ang aming pinto.

Kung taos-puso ang inyong pagbabago, handa ang pamahalaan na makinig, umalalay, at sumuporta sa inyong pagbabalik-loob.

Makakaasa kayo na handa ang National Amnesty Commission na gabayan kayo nang naaayon sa batas at alinsunod sa prosesong makatarungan.

Ang isang matatag na bansa ay lumalaban nang may katwiran para sa kapayapaan.

Inaasahan ko ang National Amnesty Commission,
ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, at ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ang Pambansang Kapulisan, at ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na patuloy ninyong gagampanan ang inyong mga tungkulin nang tapat sa larangan ng adhikaing pangkapayapaan.

Tiyakin natin na ang mga Safe Conduct Passes ay kikilalanin ng lahat ng awtoridad.

Magsilbi sana tayong tulay sa pagkamit ng kapayapaan at pagpapalakas ng bansa sa pamamagitan ng paghikayat at [pag-alalay] sa dating mga rebeldeng nagnanais maging produktibong bahagi ng ating lipunan.

Ating itinataguyod ang isang Bagong Pilipinas kung saan ang bawat mamamayan ay namumuhay nang walang takot at may dangal.

Ito ang ating pangarap para sa bawat Pilipino. Kaya ang panawagan ko ay [gampanan] natin ang ating tungkulin sa bansa. Tulong-tulong tayong itaguyod ang isang bayang nagkakaisa at nagtutulungan sa pag-angat ng bawat Pilipino.

Nawa’y isabuhay natin ang diwa ng pagiging Bagong Pilipino—disiplinado, mahusay, at may pagmamahal sa bayan.

Piliin natin ang tama patungo sa isang mapayapa at maunlad na kinabukasan para sa ating mga anak at sa buong sambayanang Pilipino.

Maraming salamat at mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]

— END —