Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Certificates of Condonation and Land Ownership Award


Event Distribution of Certificates of Condonation and Land Ownership Award in Quezon City
Location Department of Agrarian Reform Gymnasium in Diliman, Quezon City

Maraming salamat sa iyong pagpakilala, ang ating Kalihim ng Department of Agrarian Reform, Secretary — at birthday boy ngayong araw — Secretary Conrad Estrella. [Magsi-upo po tayo.]

Nandito po ang iba’t ibang miyembro ng ating Gabinete na sila ay aming isinama upang tumulong dito sa ating ginagawang programa na matapos na at maibigay na lahat ng CLOA para sa lahat ng nag-aantay nang katagal-tagal at mabigyan na rin ng condonation para hindi na kailangan po alalahanin ang utang ninyo.

Sa pagtanggap ninyo nung condonation, eh wala na po kayong utang. [applause] Kaya’t mas maginhawa na ang magiging pag-iisip ninyo.

Nandito rin po isa sa ating kasama sa Senado, Senator Francis Tolentino, na siya ring naging malaking bahagi dito sa ating programa; ang ating mga member ng House of Representatives na mabuti at nakarating dahil alam kong busing-busy sila sa budget hearing at araw-araw nating pinapanood ang mga magagandang pangyayari doon sa budget hearing na para matapos ang ating pagsulat ng budget, nandito po sila ang members of the House of Representatives; kagaya po ng sabi ni Secretary Conrad, sinamahan po ako ng mga anak ko dahil sabi nila birthday mo eh samahan ka naman namin para makita namin kung ano ‘yung ginagawa mo pagka wala ka sa bahay, kaya’t sinama ko ang aking anak, tumayo kayo, ito ‘yung bunso ko po si Vincent at ‘yung pangalawa ko po si Simon. Iyan po ang… Ayan noong papunta po kami rito ipinapaliwanag ko sa kanila kung ano itong ginagawa natin dito ngayon. Ngayon alam niyo na. Para pagka pinag-usapan ang mga agrarian reform beneficiary, nalalaman niyo na at maintindihan ninyo. Iyan ang pinanggalingan. Iyong aking ama at saka ‘yung lolo ni Conrad Estrella, si Lolo Condring at saka ‘yung aking ama pinipirmahan nila ‘yung agrarian reform. [applause]

Sinundan naman namin ni Secretary Conrad kami naman ang pumirma ng Emancipation Act. Kaya’t napakalaking — napakalaking bagay para sa amin na maitapos namin ang sinimulan ng aming mga ninuno. Ang ating mga — ang pinakamahalaga na kasama natin dito ngayon ang — kayo po, ang ating mga benepisyaryo ng agrarian reform beneficiaries na makakatanggap po ng titulo at saka ‘yung condonation po doon sa utang. Mga kasama ko sa pamahalaan, mga kababayan, magandang umaga po sa inyong lahat. [applause]

Masaya po ako na makasama kayo sa araw na ito upang ipagkaloob ang Certificates of Condonation and Release of Mortgages o ‘yung tinatawag naming COCROM at Certificates of Land Ownership Award o CLOA sa mga benepisyaryo ng repormang pansakahan.

Kaliwa’t kanan man ang mga pagsubok na hinaharap ng ating bansa nitong nakaraang linggo, patuloy tayong nagsusumikap dahil, bilang mga Pilipino, tayo naman ay likas na matatag, masipag, at mapamaraan.

Kaya narito tayo upang lalo pang pagtibayin ang sektor ng agrikultura at tuparin ang pangarap ng ating mga magsasaka.

Inihahatid natin ang tulong na ito sa pamamagitan ng paggawad ng mga COCROM at ng CLOA.

Bahagi ito ng ating pagpapatupad ng New Agrarian Emancipation Act na naglalayong pagaanin ang inyong buhay at maibsan ang inyong paghihirap dahil sa amortisasyon, sa interes, at iba pang mga surcharges na halos naging kakambal na ng lupang sakahan sa loob ng maraming taon.

Masaya kong ibinabalita sa araw na ito ay ibibigay natin ang mahigit na isang libo at isang daang sertipiko sa isang libong benepisyaryo mula sa iba’t ibang bayan ng Bulacan. [applause]

Ito ay katumbas ng higit dalawang daan at pitumpung milyong piso na halaga ng utang ng mga magsasaka na ating napawalang bisa na.

Nangangahulugan na ang benepisyaryo ng programang ito ay lalaya mula sa pagkakautang ng lupaing inyong pinangangalagaan.

Higit pa riyan, halos tatlong daang benepisyaryo din mula sa Nasugbu, Batangas ang makakatanggap ng kani-kanilang CLOA ngayong araw. [applause]

Ang mga titulong ito ay may saklaw naman na mahigit dalawang daan at tatlumpung hektarya ng lupaing pangsaka.

Ikinalulugod ko na ihatid sa inyo na ang COCROM at CLOA ay ilan lamang sa mga mahahalagang programa ng ating administrasyon sa pangunguna ng ating Department of Agrarian Reform na pinamumunuan nga ng ating Secretary, Secretary Conrad Estrella, na ipinagdiriwang — nakasulat dito ‘yung bilang ng birthday mo, hindi ko na babanggitin. Alam mo pagka dumating po kayo sa ganitong klaseng — dito sa istasyon ng buhay namin, hindi na po pinag-uusapan ‘yung edad. Congratulations na lang at saka Happy Birthday. [applause]

Kaya’t talagang masasabi namin — masasabi namin dalawa na labor of love talaga namin ni Secretary Conrad ang repormang agraryo [applause] dahil ito’y nagsimula sa administrasyon ng aking ama kung saan ang lolo naman ni Secretary Conrad ang pinuno ng DAR.

At lalo pang napatunayan ni Secretary Conrad ang pagmamahal niya sa mga magsasaka dahil sa halip na mag-birthday leave, nandito po siya para makasama tayong lahat. [applause]

Kaya naman po, sa ilalim din ng administrasyon na ito na si Secretary Conrad ang puno ng DAR, ating sinisikap na makumpleto ang repormang pang-agraryo sa taong 2028 upang mapakinabangan na ng lahat ng mga benepisyaryo ang lupang sakahan.

Ayon sa pinakahuling datos ng DAR, umabot na sa mahigit isang daan at tatlumpu’t anim na libong titulo ng lupa ang naipamahagi sa mga benepisyaryo sa buong bansa.

May higit isang daang libong titulo na nakahanda na ring ipamigay bago matapos ang taong ito.

Bagama’t ang COCROM at CLOA ay maituturing na biyaya, huwag sana nating kalimutan na ito ay may kaakibat na responsibilidad – ang alagaan at palaguin ang ating mga sakahan at hanapbuhay.

Alam kong sa mga nakaraang taon, marami kayong naisakripisyo sa ngalan ng pag-unlad at pagginhawa.

Kaya hinahangad ko, ng administrasyon ko, na ang inyong naipon na sana ay ipambabayad sa lupa, ay inyo ngayon magagamit para sa ibang bagay na makakatulong sa inyong mga kinabukasan. [applause]

Makakaasa po kayo na nandito ang buong pamahalaan upang umagapay sa inyo at tumugon sa mga pangangailangan ng sambayanan.

Magsilbi nawang hudyat ang araw na ito para sa inyong unang hakbang tungo sa kasaganahan.

Sabay-sabay tayong maglalakbay tungo sa inaasam nating mas mapayapa, mas masaganang Bagong Pilipinas.

Muli, babatiin po natin Maligayang Kaarawan, Secretary Conrad Estrella! [applause]

Ang katotohanan po nito kaya po siya nandito ay sinusubukan niya baka makalimutan natin ‘yung birthday niya para hindi na counted. Sorry na lang, nandiyan sa ano naming — alam namin lahat ‘yung birthday mo kaya’t hindi ka nakakaligtas.

Ako nga, matagal ko nang gustong i… Kahit Presidente pala hindi ma-exempt sa birthday. So, kahit anong gawin natin talagang pumapatak talaga ‘yung bilang ng ating mga edad.

Ngunit tunay na nakakatuwa na maging sa iyong pagdiriwang dito ay handang tumulong, maglingkod, at umagapay sa bawat Pilipino ang inyong pamahalaan.

Maraming salamat po sa inyong lahat. [applause] Mabuhay po kayong lahat. Mabuhay ang mga benepisyaryo ng agrarian reform! Magandang umaga po sa inyong lahat. [applause]

— END —