Maraming, maraming salamat sa ating Agrarian Reform Secretary, Secretary Conrado Estrella. [Magsi-upo po tayo.]
Kasama din po natin ang Kalihim ng Department of Agriculture na si Secretary Kiko Laurel. Nandito po ang Department of Agriculture dahil po ang katotohanan ang pagbigay ng – ang trabaho ng Agrarian Reform hindi lang po ang pagbigay ng titulo, hindi po ang pagbigay nitong COCROM na aming ginagawa ngayon. Kasama din po sa trabaho ng Agrarian Reform ay ang suporta na ibinibigay sa Agrarian Reform beneficiary. Kaya kasama po natin ang ating Kalihim ng DA upang sila’y magsama-sama at gumawa ng paraan upang mabigyan ng suporta, ng tulong sa pamamagitan ng mga seedlings, sa pamamagitan ng mga equipment. Iyan po ang trabaho po ng DAR at saka ng DA.
Ang ating kasama na siya nga ay isa sa nagbuo doon sa aming bagong batas – the New Emancipation Act. Ito po ang batas na nagbura sa lahat ng utang ng mga Agrarian Reform beneficiary. Ito po kasama po natin si Senator Francis “Tol” Tolentino.
At ang ating butihing gobernador ng Lalawigan ng Quezon Governor Angelina Helen Tan, na sa palagay ko sa kakatukso ni Secretary Conrad eh gusto niyang bawiin ‘yung pirma niya doon sa Ospital ng Pangasinan; Lucena City Mayor Mark Don Victor Alcala; 3rd District Representative, Representative Reynante Arrogancia; 4th District Representative, Representative Mike Tan; at ang pinakamahalaga, ang pinakaimportante na kasama natin ngayon dito, kayo po ang mga Agrarian Reform beneficiary; aking mga kasamahan sa pamahalaan na nasyonal at saka sa lokal, magandang araw po sa inyong lahat.
Bago po ang lahat, nagpapasalamat po ako sa mainit ninyong pagtanggap dito sa amin. Masaya kami na makita kayong muli.
Ngayong araw ay maghahatid po kami ng isang magandang balita sa ating mga magsasaka.
Sabi ko nga, kayo ang pinakamahalagang panauhin sa okasyong ito. Walang tigil kayong naghahanap-buhay sa ilalim ng init ng araw upang mapalago ang inyong mga sakahan at tugunan ang pangangailangan ng ating mga pamayanan. Kahit sa gitna ng unos, patuloy kayong bumabangon upang makapagbigay ng pagkain sa bawat tahanan.
Hindi namin matatawaran ang pagsisikap at sakripisyo ninyo sa araw-araw. Kaya’t ang hangad namin ay mabigyan kayo ng ginhawa [sa] buhay.
Mas pinag-ibayo po ng ating pamahalaan ang pagtulong at paglilingkod sa inyo at sa taumbayan.
Ngayong araw, mamimigay po tayo ng mga e-titles, sa labinlimang benepisyaryo na sumasaklaw sa mahigit – labinlimang libong benepisyaryo na sumasaklaw sa mahigit na tatlumpu’t-isang ektarya ng sakahan.
Layunin po ng DAR, sa ilalim ng kanilang tinatawag na SPLIT project, na iparte-parte sa inyo ang mga collective CLOA na una nang naipagkaloob sa inyo. Sa gayon, magkakaroon na po kayo ng sarili ninyong titulo sa lupang inyong sinasaka sa wakas. [applause]
Alam po namin – alam po namin ni Secretary Estrella na ‘yung iba po sa inyo ay napakatagal na ninyong inaantay. Kaya’t ipinipilit namin na bilisan ang pagbigay ng ating mga titulo para ng sa gano’n maliwanag kung ano ang sa inyo, ano ang isasaka ninyo, at kung anuman ang aani ninyo ay sa inyo rin.
Kaya naman, nagpapasalamat tayo sa World Bank dahil katuwang sila ng DAR sa pagpapatupad nito.
Masaya ko ding ibinabalita sa inyo na mahigit anim na raang benepisyaryo na makakatanggap ng kanilang e-titles simula noong 2022 July dito sa probinsya ng Quezon.
Mamamahagi rin po tayo ng halos labing-isang libo’t limang daang Certificates of Condonation with Release of Mortgage o COCROMs para sa higit na siyam na libo at walong raang agrarian reform beneficiaries.
Sa ilalim ng Republic Act – ito po ‘yung aking nabanggit – na Republic Act No. 11953, ang tinatawag na New Agrarian Emancipation Act, ang higit na apat na raan at apatnapung milyong pisong halaga na utang ninyo ng mga ARB dito sa probinsya ng Quezon ay burado na po, kasama na ang amortisasyon, kasama na ang interest, kasama na ang surcharge. [applause]
Hindi niyo na po kailangan pang alalahanin ang mga babayaran ninyo kaugnay sa inyong lupang sinasaka.
Ang iisipin na lamang ninyo kung paano ninyo mapapalago ang lupang inyong pinangangalagaan.
Sa pagwawalang-bisa ng mga bayaring kaugnay sa lupang pansakahan ay maiipon ninyo ay maaaring gamitin para upang mapalago ang inyong kabuhayan.
Hangad namin na magbigay-daan ang mga sertipikong ito patungo sa kaginhawaan at kasaganahan ng ating mga Agrarian Reform beneficiary.
Lalo na dito sa Quezon na kilala sa mga produkto tulad ng niyog, mais, saging, pinya, kape. Hangad po namin na lalo pang sumigla ang inyong pagsasaka ngayong wala na kayong inaalala sa lupang inyong sinasaka.
Ito po ay isa lamang sa maraming programa ng ating pamahalaan para sa mga magsasakang Pilipino.
Mamaya lamang, tutungo tayo sa Lucban para isulong ang isa sa mga proyekto ng Department of Agriculture. Layunin nito ang mapataas ang kita ng ating magsasaka at mapalakas ang agrikultura sa ating komunidad, sa tulong ng makabagong teknolohiya at pamamaraan.
Sa puntong ito, tinatawagan ko ang DAR, ang DA, at iba pang ahensya ng pamahalaan, kasama na ang lokal na pamahalaan, na magtulungan para sa ating mga magsasaka na linangin ang kanilang kaalaman at kakayahan.
Kailangan natin silang gabayan sa mga makabagong pamamaraan at kagamitan sa pagsasaka.
Sa ating mga magsasaka, nawa po ay magamit ninyo ang aming handog hindi lamang sa inyong pag-unlad, kundi pati na rin sa pag-asenso ng inyong komunidad at ng probinsya ng Quezon, at kasama na rin diyan ang buong Pilipinas.
Gusto ko rin hikayatin ang ating mga kababayan na tulungan natin ang ating mga magsasaka sa paggawa ng pagkain.
Kaya nga’t isinusulong namin ang agrikultura sa kalunsuran na kung saan kami ay nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor din na magtanim at magtayo ng mga community garden.
Kung mas marami pa ang magtatayo ng mga hardin sa kanilang mga paaralan, tahanan, at komunidad, hindi na natin masyadong pino-problema ang mura at masustansyang pagkain.
Lahat po tayo ay may pananagutan sa pagpapaunlad sa ating minamahal na Pilipinas.
Ating pong gampanan ang ating mga tungkulin at sama-sama nating pagtulungan na makamit natin ang masagana, progresibo, at maunlad na Bagong Pilipinas. [applause]
Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat!
Mabuhay ang Lalawigan ng Quezon!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]
— END —