Maraming salamat, Secretary Conrad Estrella. [Magsi-upo po tayo.]
Nandito rin po ‘yung iba’t ibang ating mga miyembro ng Gabinete, nandito rin po ang ating Special Assistant to the President, Secretary Anton Lagdameo; ang ating Press Secretary po, si Secretary Cesar Chavez; at ang — siguro kilala niyo na po ito, ang Usec. ng Department of Agrarian Reform na nage-enjoy nang husto sa trabaho niya dahil maraming-marami siyang natutulungan, ang ating Undersecretary Jesry Palmares; ang mayor ng host city ng Passi na at ng ating — ang ating host ngayon para sa ating mga pagbigay ng titulo para sa ating mga agrarian reform beneficiary ay si Passi City Mayor Stephen Palmares; lahat po marami pa pong mga ibang municipal mayor na nandito rin po, magandang tanghali rin po; the Iloilo 4th District Representative Ferj Biron and the other members of the House of Representatives who have joined us here today; at ang pinakamahalaga na bisita natin na nandito at kasama natin ngayon, kayo po ang mga Agrarian Reform beneficiaries; aking kasamahan sa pamahalaan; other distinguished guests; ladies and gentlemen, maayong hapon sa inyong tanan.
Kapag sinabi natin na ang Iloilo ay ang “Heart of the Philippines,” hindi ito isang simpleng slogan lamang.
Ang totoo, ramdam na ramdam ko po ang inyong mainit na pagtanggap sa aming lahat. [applause]
Narito po tayo upang tulungan kayong mapalago ang sektor ng agrikultura. Namahagi po tayo ng mga E-Titles at saka Certificate of Land Ownership Award o ‘yung tinatawag nga na CLOA.
Ang mga benepisyaryo pong ito ay hindi lamang sa Iloilo, kung hindi maging sa ating mga kababayan sa Aklan, sa Antique, sa Capiz, at Guimaras na bumubuo ng magandang isla ng Panay.
Mahigit dalawang libo at anim na raang ektarya ng lupain ang ipapamahagi natin ngayon, ngunit ang mas mahalaga rito, ay ang pagbabago sa buhay ng halos dalawang libong magsasakang nagtatanim ng pag-asa sa lupa na ngayon ay pag-aari na ninyo. [applause]
Ang bawat titulo ang ating pinagkaloob… Ang bawat titulo ay nagbibigay ng kalayaan sa ating mga magsasaka. Kalayaan mula sa mga pagkakautang, kalayaan [na] magkaroon ng tiyak na kinabukasan para sa kanilang pamilya, at kalayaan na makapagplano para mas maunlad ang inyong mga bukas.
Noong bumisita ako dito noong Disyembre noong nakaraang taon, nakita ko ang pangangailangan ng ating mga magsasaka.
Ngayon, narito po ako ulit, at dala po natin ang solusyon na magbibigay ng pag-asa — hindi lamang sa panandalian, kundi pangmatagalan.
Kaya po sa araw na ito ay makakatanggap ang higit isang libo at pitong daang benepisyaryo ng E-Titles at magkakaroon naman [ang] higit dalawang daang magsasaka ay magkakaroon ng CLOA. [applause]
Ang ating pamahalaan ay batid na marami sa inyo ang nagkaroon ng maraming pagsubok sa pagsasaka.
Pero ito ang pangako namin – hindi namin kayo pababayaan. Lahat ng ito ay bahagi ng mas malaking layunin na tiyakin na walang magsasakang maiiwan.
Kaya po sa araw na ito, hindi lang tayo nagdiriwang ng mga numero. Ang tunay na selebrasyon ay ang inyong tagumpay—ang bawat pamilyang may lupa, ang bawat magsasakang hindi na mangungupahan pa.
Kung hindi po ninyo naitatanong, itong proyekto po ay nasimulan po ng aking ama. At ang kasama naman niya na kalihim noon, noong panahon niya, ng Department of Agrarian Reform ay si Secretary Conrado Estrella naman, ang lolo ng ating kasalukuyan na Kalihim. [applause] Sabay nilang tinupad ang kanilang pangarap na makatulong sa ating mga magsasaka. Kaya naman po ang pangarap na ito ay itutuloy namin ngayong kami ni Secretary Estrella ay nabigyan ng pagkakataon.
Hangad din ng pamahalaan na tulungan kayong mabura ang utang sa lupa, kaya po nitong nakaraang taon ay pinirmahan ko na po ang Republic Act 11953 o ang tinatawag na New Agrarian Emancipation Act para… Ito pong batas na ito ay ang mangyayari po mahigit anim na raang libong benepisaryo ay makakalas na sa bayarin na patuloy na nagpapahirap sa inyong mga buhay. [applause] ‘Yun pong ‘pag inaalala ninyong amortisasyon na palaki nang palaki ang utang, hindi niyo naman naisasaka ang inyong lupa ay lahat po ‘yan ay pinag-usapan na namin at hinanapan namin ng paraan. Lahat po ng utang na ’yan, bura na. Hindi niyo na kailangan alalahanin. [applause]
Kaya katulad po ng kuwento nitong proyektong ito, alam po namin na kayo ay mayroong sariling kuwento sa buhay, may sariling pangarap.
Ngayon, hindi na ito isang pangarap, kung hindi isang katotohanan na sabay-sabay natin isinasakatuparan sa Bagong Pilipinas.
Ang tagumpay ng bawat magsasaka ay tagumpay ng bawat Pilipino.
Tayo ay patuloy na magtulungan nang sa ating pag-unlad ay walang maiiwanan. Itaguyod natin bilang isang bansa ang diwa ng pag-asa, at isabuhay ang pananaw ng isang mas maliwanag, mas patas, [at] mas masaganang Bagong Pilipinas.
Mabuhay kayo ang ating mga magsasaka!
Maraming salamat! Mabuhay po tayong lahat! Maganda pong hapon sa inyong lahat.
— END —