Maraming salamat sa ating Special Assistant, Secretary Anton Lagdameo sa kanyang pagpapakilala.
[Please…]
Nandito po ang kinilala na po ng ating butihing Mayor at sila yata ay nakapagsalita na pero nandito po, kasama po natin, ang ating mga Cabinet Secretary, nandito po si Agriculture Secretary, Secretary Kiko Laurel [applause]; nandito rin po ang Secretary ng DSWD, Secretary Rex Gatchalian. [applause]
Alam niyo po kung minsan ang tingin ng tao sa DSWD, pambagyo lang at saka pangkalamidad, panglindol, o pagka magkabaha. Pero ang katotohanan kahit na, halimbawa, kagaya ngayon, ang ating mga farmer, ang ating mga mangingisda ay in a crisis situation at nahihirapan ay nandiyan din ang DSWD para makatulong. Kaya po, nandito sa atin, kasama natin ang DSWD. [applause]
At ang nag-uugnay sa gitna ng national government at saka sa lahat ng mga local government officials, ang ating Secretary of the Department of Interior and Local Government, Secretary Benhur Abalos [applause]; maraming salamat din sa ating Governor, Samar Governor, Governor Sharee Ann Tan [applause] sa inyong napakandang pag-welcome; and the Calbayog City Mayor, Mayor Raymund Uy [applause]; ang First District Representative, Steven James Tan [applause]; at yung ating mga Congressman na nandito; at kasama rin natin ang iba’t ibang mga opisyal sa local government, mga mayor, mga barangay chairman, mga barangay officials; at ang pinakamahalaga at ang pinaka-importante na bisita natin ngayon, kayo po, mga beneficiaries para dito sa pagbigay ng assistance natin ngayon [applause]; distinguished guests, ladies and gentlemen; maupay nga kulop! [cheers and applause] Waray waray man ini. [laughter]
Sa ating mga minamahal na magsasaka, mangingisda, kasama ang inyong mga pamilya dito sa Samar, isang taos-pusong pagbati sa inyong lahat. [applause]
[Minarapat] ko na ako’y makadalaw ngayon dito upang kumustahin kayo at maghatid ng tulong. Batid ko po na [nitong] nagdaang El Niño, higit sa tatlong libong pamilya sa tatlong munisipyo [sa] Samar at Eastern Samar na [nagdeklara] ng State of Calamity [ang] labis na [napinsala] ng tagtuyot na dala ng El Niño.
Dahil po riyan, narito ang inyong pamahalaan upang iparamdam ang aming suporta sa inyo na walang-pagod na nagsisikap upang matiyak na mayroong pagkain sa hapag [ang]bawat pamilyang Pilipino. [applause]
Kayo po na mga magsasaka at mangingisda, kayo po ay ang tunay na bayani ng ating bansa, at nararapat lamang na bigyang-pugay at suportahan namin ang inyong sipag at ang inyong galing.
Kaya naman po, masaya [naming inihahandog] lahat po ito upang mapalakas ang inyong hanay at mapabuti ang inyong kabuhayan.
Unang-una, ang BFAR, sa ilalim ng Department of Agriculture, ang BFAR ay mamamahagi ng mga bankang de-motor at sari-saring kagamitan para sa ating mga mangingisda.
Bukod pa rito, magbibigay rin tayo ng Shallow Water Payao [systems] sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development o SAAD Phase II Program.
Para naman sa Samar Multi-Purpose Cooperative, ipagkakatiwala ng DTI sa inyong lahat ang Shared Service Facilities upang magamit ng ating mga dairy farmer sa kanilang [hanap buhay].
At upang mapabuti ang kasanayan ng mga Samareño, ang TESDA po ay maghahandog ng starter toolkits sa limampung iskolar. [applause]
Bukod pa rito, maglalaan din ang TESDA ng mahigit tatlong daang libong pisong pondo bilang tinatawag na training support.
Andiyan din ang DOLE, ang DOLE ay magbibigay ng higit anim na milyong piso sa ilalim ng TUPAD program para sa higit na isang libo at limang daang benepisyaryo mula sa Almagro, Gandara, at Tagapul-an. [cheers and applause]
Maglalaan din ang DOLE ng higit limang milyong piso para sa isang daan at animnapu’t isang benepisyaryo, 5.08 million pesos para sa 161 beneficiaries sa ilalim naman ng Integrated Livelihood Program, at higit anim na raan at [limampung libong] piso [naman para] sa walumpu’t limang lalahok sa Government Internship Program.
Hindi rin po magpapahuli ang Agricultural Credit Policy Council ng DA na magbibigay ng tatlumpu’t limang milyong piso bilang credit fund para sa Northern Samar Multi-Purpose Cooperative at Rural Bank ng Calbayog City. [applause]
Ito po ay ang kasama po sa regular na programa ng ating pamahalaan at ‘yan talaga ay nasa budget po ng DOLE, ng DA, ng DSWD, pati ng DILG. Lahat po ‘yan ay nasa ilalim po ng naka-schedule na program. Ngunit, noong aming tinitingnan ‘yung tulong na dadalin namin, ay ‘kako alam ko kung gaano kahirap ang dinadaanan ng ating mga magsasaka at saka ating mga mangingisda dahil nga sa El Niño kaya’t sinubukan namin, naghanap kami — maghanap kayo ng dagdag na pondo para mas malaki naman ang maibibigay natin na tulong.
Kaya mula naman sa Tanggapan ng Pangulo, kami po ay magpapa-abot ng tig-sampung libong piso sa ating mga magsasaka, [applause] mangingisda, at ilang pamilya mula sa Samar, Eastern Samar, at Northern Samar.
Sa kabuuan, mahigit siyamnapu’t limang milyong piso ng assistance ang aming ibibigay sa tatlong probinsya ng Samar Island. [applause]
Mga kababayan, nauunawaan po namin [ang] hamon na kinakaharap ninyo araw-araw, lalo [na] sa sektor ng agrikultura at sa pangingisda na siyang haligi ng ekonomiya ng Samar.
Kaya po patuloy naming tinutugunan ang inyong mga pangangailangan upang makatulong sa inyong pagbangon mula [unclear] dinaanan nating hirap ng tagtuyot.
Isa sa mga tinututukan natin ay ang pagsasaayos ng imprastruktura dito sa Samar upang lalo pang umunlad ang inyong ekonomiya. [applause]
Ang mga nasira, may ilang bahagi ng Maharlika Highway ang nasira, ay isang malaking problema para sa mga naninirahan dito, kaya naglaan po tayo ng mahigit isang bilyon at apat na raang milyong piso [cheers and applause] para ayusin at pagpapanatili ng kalsadang ito.
Inaasahan natin na mabilis na matatapos ang mga pangunahing proyekto sa Maharlika Highway mula November 2024 hanggang Marso ng 2025.
Bukod po rito, atin ding palalawakin ang ilang mga kalsada dito sa Samar upang mabawasan at mapabuti ang daloy ng transportasyon.
Ang Basey-Marabut-Pinamitinan Road at Wright-Taft Borongan Road ay kasalukuyan nang ginagawa. Umaasa ako na tututukan ito ng DPWH upang masiguro na matapos ito sa lalong madaling panahon.
Maliban po rito, ang paggawa ng Catbalogan Drainage System, na [nagkakahalaga] ng isang daang milyong piso, [applause] sa kasalukuyan ay umaarangkada na upang maiwasan ang pagbaha sa siyudad ng [Catbalogan].
Sa ibang dako naman, alam nating lahat na patuloy pa ring kinakaharap ng Samar ang hamon ng insurhensya. Isa ito sa mga balakid sa tuluyang pag-unlad ng inyong lalawigan.
Gayunpaman, malayo na po ang narating natin—limang municipality ang deklarado na na may Stable Internal Peace and Security status. [applause]
Nagpatupad tayo ng isang daan at walumpu’t anim na community support [projects] at tinulungan ang animnapu’t tatlong dating rebelde na [sumuko] at nagbagong-buhay na.
Ang mga pagsisikap na ito ay ginagawa po natin upang mahikayat pa ang mga ibang rebelde na magbalik-loob na at maging produktibong bahagi ng ating lipunan.
Kaya ang hiling ko sa inyo na suportahan ang mga hakbang na ito upang masiguro natin na mag-ugat ang kapayapaan at kaunlaran dito sa Samar.
Mga mahal kong kababayan, ang inyong pamahalaan ay namumuhunan sa makabagong imprastruktura, gumagawa ng mga pagkakataon [na] pang-kabuhayan, at nagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan sa inyong lugar. [applause]
Ang lahat ng ito ay naglalayong lumikha ng mas maunlad na hinaharap para sa probinsya ng Samar, sa rehiyon ng Eastern Visayas, at sa mga mamamayan na nakatira dito.
Sa atin namang mga magsasaka at mangingisda, kayo ang buhay ng lalawigan na ito at [ng] ating buong bansa.
Ang inyong kasipagan at katatagan ang nagbibigay ng inspirasyon sa aming lahat.
Nandito kami upang tulungan kayong umunlad sa binubuo nating isang Bagong Pilipinas. [applause]
Sama-sama nating pagsikapan [ito para sa] ikatutupad ng lahat ng ating mga pangarap.
Mabuhay ang ating mga magsasaka!
Mabuhay ang ating mga mangingisda! [applause] Mabuhay ang pamilyang Pilipino sa Bagong Pilipinas!
Damo salamat.
— END —