Maraming salamat sa ating DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian.
[Please, magsiupo po tayo.]
Ang lead agency natin ngayon na namumuno dito sa ating mga — para tulungan ang ating agrarian reform movement at sa pagbigay ng suporta, pag-ayos ng mga titulo, Secretary ng DAR, the DAR Secretary, Secretary Conrado Estrella. [applause]
Alam niyo po hindi ko po alam kung napansin ninyo doon sa video noong pinipirmahan ng aking ama ‘yung batas na nagsasagawa nitong agrarian reform movement dito sa Pilipinas.
Kung nakita niyo po ‘yung picture, nandoon po ‘yung aking ama, may katabi po siya. ‘Yung katabi po niya, Secretary of Agrarian Reform. Ang pangalan po, Secretary Conrado Estrella. ‘Yun po ang lolo ng ating Agrarian Reform ngayon na Secretary. [applause]
Kaya po kami, para sa aming dalawa, napakalaking karangalan para sa amin na maituloy ang sinimulan ng aming mga ninuno. At sana naman, sa darating na ilang taon ay matatapos namin ang kanilang sinimulan para naman masabi natin na hindi natin napabayaan ang ating mga agrarian reform beneficiaries.
Nandito din po ang ating Kalihim ng Department of Interior and Local Government, Secretary Benhur Abalos [applause]. Siya po ang — napakahalaga po ang kanyang ginagawa at siya ang… Lahat po ng programa ng pamahalaan, ng national government ay kailangan para maging matagumpay ay kailangan magka — nag-uugnay, magandang coordination sa ating mga local government officials para naman itong mga ginagawa natin na programa, mga proyekto ay maging matagumpay. Kaya po ay nandito po at siya ang gumigitna at nag-aayos niyan at nakikipag-ugnayan sa ating mga local government, si Secretary Benhur.
Ang Lanao del Norte First District Representative, Representative Khalid Dimaporo [applause]; Lanao del Norte Second District Representative Sittie Aminah Dimaporo [applause]; Misamis Oriental Second District Representative Bambi Emano [applause]; at ang ating… The mother of the province of Lanao del Norte, ating butihing gobernador, Governor “Angging” Dimaporo. [applause] Kasama din po natin ang patriarch ng pamilyang Dimaporo na matagal na… Kami po ang tingin po namin sa aming mga sarili, alam naman ninyo po na si Ali Dimaporo ay isa sa pinakamalapit na kaibigan at kasama ng aking ama. Kami ngayon ni… Ano — Cong. Bobby, Gov. Bobby Dimaporo. Kami ay second generation na ng Marcos at saka Dimaporo na pagsasama. Kaya po marami po tayong nagagawa dahil po matagal nang pinagsamahan namin; at ang Lanao del Norte Governor is also a Dimaporo; the Misamis Occidental Governor Henry Oaminal [applause]. Isa pang… Naku, nahahalata tayo pagka kinuwento ko ito. Kasama po namin, alam niyo po, kung naalala ninyo, huwag niyong sasabihing oo kasi pag sinabi niyong naalala niyo, mahahalata ‘yung mga edad ninyo.
Pero noon mayroon ‘yung youth movement ang tawag ay Kabataang Barangay, ‘yung KB. Kasama po namin si Gov. Henry doon. Mga bata pa kami kaya Kabataang Barangay. ‘Yun ang youth movement. Ang boss nila ‘yung si Senator Imee ngayon. Ngunit sa tagal ng panahon, pinalitan na niya ang kahulugan ng KB. Dati, Kabataang Barangay. Ang sabi niya ngayon, Katandaang Barangay na. Kaya’t mahirap na. Kailangan… Hindi na natin masyadong puwedeng ipagmalaki dahil nahahalata tayo.
The Bukidnon Governor, ang ating movie star, Governor Rogelio Neil Roque [applause]; ang host natin para dito sa ating event ngayon ang Tubod Mayor, Mayor Dionisio Cabahug Jr. [applause]; at ang pinaka-importante na nandito ngayon na bumista sa atin at kasama natin ngayon, kayo po mga agrarian reform beneficiaries [applause]; lahat ng ating mga kasamahan sa pamahalaan, local and national officials; mga ibang bisita; ladies and gentlemen; distinguished guests, Assalamu alaikum!
Isang mapagpalang araw po sa ating lahat!
Totoo talaga ang kasabihan na ang Lanao del Norte ay Land of Beauty and Bounty. Isa po ako [sa makakapagpatunay] dito.
Napalilibutan ang inyong lugar ng mga talon, lawa, at lambak na nagbibigay ng saya at magagandang tanawin, habang ang inyong mga lupain, kagubatan, at karagatan naman ay puno ng yaman at pagkain.
Upang lalong mapakinabangan ang nag-uumapaw na ganda at sagana ng inyong lugar, kailangan natin itong pagyamanin at alagaan.
Kaya ang pagbisita namin ngayon ay hindi lamang [pagsasakatuparan] ng ating Comprehensive Agrarian Reform Program, ito rin ay ang aming [pagkilala] sa inyong kahalagahan at angking potensyal.
Sa mga minamahal kong magsasaka, narito kami upang personal na ipamahagi ang mga titulo ng lupa at iba pang tulong at serbisyo para po sa inyo.
Alam niyo po, ang trabaho po ng Agrarian Reform ay hindi lamang magbigay ng titulo ng lupa, kung hindi pagkatapos na ibigay na ang titulo ng lupa ay tuluyan magkaroon ng suporta.
Kaya’t nagbigay din po tayo, nandiyan po naka-display ‘yung iba diyan sa labas, ‘yung mga makinarya, mga tractor, mga thresher, mga sheller para sa mais. Ito po para matulungan natin ang ating mga agrarian reform beneficiaries para mapaganda ang kanilang magiging ani sa kanilang pagsisikap na pagsasaka para pakainin ang buong Pilipinas.
Dito sa Lanao del Norte, anim na [raan] at pitumpung titulo ng lupa ang ipamimigay natin sa araw na ito.
Hindi lamang po Lanao del Norte ang mahahandugan ng mga ito sapagkat mamamahagi rin po tayo ng mga titulo para sa higit sa isang libo’t pitong daang ektaryang lupa para sa mga nagmula sa Bukidnon, Camiguin, [Misamis Oriental], [Misamis Occidental].
Higit sa dalawang libo’t limang daang [Certificates] of Land Ownership Award at ‘yung tinatawag ngayon, ‘yung E-Title ang ibabahagi natin sa halos tatlong libong Agrarian Reform Beneficiaries sa buong Region 10. [applause]
Kung susumahin po natin lahat, higit tatlong libong ektarya ang ipapamahagi natin sa Region 10, kung saan isang libo’t tatlong daang ektarya diyan ay dito sa probinsya ng Lanao del Norte. [applause]
Ito ay katuparan ng aming pangako na suyurin ang buong bansa — ang bawat lalawigan — upang palakasin ang hanay ng ating mga magsasaka.
Maliban sa paghahandog ng inyong mga titulo, layon din naming makita nang personal ang kalagayan ng inyong mga komunidad upang lubos na amin maunawaan ang inyong mga pangangailangan at magawan agad ito ng paraan at bigyan kaagad ito ng solusyon.
Kaya naman, kasabay ng pamamahagi na ito, mayroon din kaming bitbit na karagdagang tulong upang lubos na mapakinabangan ninyo ang inyong bagong hawak na titulo ng lupa.
Una ay ang sampung libong pisong cash assistance mula sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program na programa ng DSWD na ipamimigay natin sa higit sa isang libo at pitong daang benepisyaryo na magsasaka sa rehiyong ito.
Bukod pa diyan ay iba’t ibang suporta na nagkakahalaga ng halos labintatlong milyong piso, ibinigay na natin dito sa Lanao del Norte at mahigit pitumpong milyong pisong naibahagi na natin sa buong Region 10 mula noong 2022.
Sa tulong ng mga programang ito ng DAR, mapapalawak natin ang kakayahan ng ating mga magsasaka at [mapa-uunlad] ang kanilang mga kabuhayan, lalong-lalo na para sa pagtulong, hindi lamang sa mga nagsasaka, kung hindi huwag natin pong kakalimutan ang kanilang mga pamilya.
Ngunit, hindi po matitigil diyan ang pamumuhunan natin sa ating mga magsasaka dahil patuloy tayong nagpapagawa ng [mga] imprastraktura tulad ng mga farm-to-market road, ng mga irrigation system, at saka mga potable water system.
Bukod sa dalawampu’t isang proyekto na nasimulan na natin sa Bukidnon at Camiguin, mayroon pang higit apat na raang proyekto na nagkakahalaga ng mahigit dalawampu’t pitong bilyong piso [ang isinusulong] ng DAR na gawin para sa buong Region 10. [applause]
Mga kababayan, ilan lamang po iyan sa mga ginagawa nating hakbang upang matiyak na mayroong sapat na pagkain ang sambayanang Pilipino.
Asahan ninyong pag-iibayuhin pa namin ang pag-siguro na namumuhay nang may dignidad at kaginhawaan ang ating mga magigiting na magsasaka.
Hindi kami titigil sa [paglikha], pagpapatibay, at pagpapatupad ng aming mga polisiyang [magpapagaan] ng inyong pamumuhay at [magpapayabong] sa buong sektor ng agrikultura, hindi lamang dito sa inyo kung hindi sa buong Pilipinas.
Hindi po kami napapagod sa pag-iisip ng mga proyekto at programang [magtataguyod sa] inyong kapakanan.
Ang hiling ko lang ay ang inyong maayos at produktibong paggamit ng mga natanggap at matatanggap pa na serbisyo mula sa pamahalaan, at ang inyong taos-pusong suporta sa ating mga layunin at mga hakbang para mabuo ang isang Bagong Pilipinas. [applause]
Sa ating pagkakaisa, sa ating pagsisikap tiyak ang dagdag na kasaganahan sa inyong mga pamilya, sa Lanao del Norte, sa Northern Mindanao, sa buong Pilipinas.
Maraming salamat po sa inyong mainit na pagtanggap.
Saludo kami sa inyong lahat! Mabuhay ang magsasakang Pilipino! Mabuhay ang Bagong Pilipinas! Maraming salamat. [applause]
— END —