Maraming salamat sa ating Kalihim ng Department of Agrarian Reform, Secretary Conrad Estrella. [Magsi-upo po tayo.]
Kasama po natin ang Special Assistant to the President, Secretary Anton Lagdameo; kasama po natin ang mayor ng bayan ng Coron, Mayor Mario Reyes; at sa bayan ng Busuanga, ang ating Mayor Elizabeth Cervantes; ang ating National Youth Commission, commissioner-at-large, Karl Josef Legazpi; ang aking mga kasamahan sa pamahalaan; ang ating mga iba’t ibang bisita; at ang pinakamahalaga na kasama natin ngayon dito sa araw na ito, kayo po ang mga beneficiaries ng Agrarian Reform Program [applause]; mga kababayan ko, magandang umaga po sa inyong lahat.
Kung gaano kalinaw ang inyong tubig at kaaliwalas ang kapaligiran sa inyong isla, ganoon din kagaan at kaganda ang aking pakiramdam na makasama kayo ngayon rito. [applause]
Isa ang lalawigan ng Palawan sa pinakamagandang lugar hindi lamang sa ating bansa, kung ‘di kinikilala rin sa buong mundo.
Kayo po ay nabiyayaan ng mga magagandang tanawin tulad ng Underground River sa Puerto Prinsesa at magagandang isla sa Coron [at] El Nido. Bukod pa rito ay nagkaroon din kayo ng mga likas na yamang angkop sa agrikultura.
At ang yaman pong ito ay hangad nating mapalago nang umunlad ang sektor ng agrikultura dito sa region ninyo.
Kasama po ang Kagawaran ng Repormang Pansakahan na pinangungunahan ni Secretary Estrella, ipinagkaloob natin ang Certificate of Land Ownership Award o ang tinatawag na CLOA at E-Titles sa ating mga masisipag na magsasaka. [applause]
Ito po ay patunay na ang lupang inyong pinaghirapan ay sa wakas pag-aari na nin — naging pag-aari na ninyo ‘yang lupang ‘yan. [applause]
Sa araw na ito, higit sa isang libo at dalawang daang Agrarian Reform Beneficiaries ang makatatanggap ng inyong mga CLOA at E-Titles.
Mabibigyan din natin ng CLOA ang mga kabataan na nagsipagtapos ng kursong pang agrikultura. [applause] Nawa ay sa tulong nito…
Alam niyo po ang Agrarian Reform Program ay hindi lamang para magbigay ng titulo, para magbigay nung tinatawag na CLOA. Ay kasama din po diyan ay ‘yung mga matagal nang nag-aantay doon sa kanilang CLOA at inaalala ‘yung amortisasyon ay tinanggal na po natin ‘yang utang na ‘yun. Kaya’t ‘yung mga matagal nang nag-aantay at nag-aalala doon sa pagbayad nila ng amortisasyon ay hindi niyo na po kailangan alalahanin ‘yun dahil binura na natin ang utang na ‘yan. [applause]
Pangalawa ang Agrarian Reform Program ay hindi lamang sa pagbigay ng lupa ngunit pagsuporta pa rin pati at kaya naman ay kasama po doon sa pagsulat, doon sa original na land reform program ay ang linagay pati na para paganahan po natin ang mga kabataan na pumasok po sa agrikultura. Dahil ay marami po sa kabataan ay hindi nauunawaan at hindi naiisip ang agrikultura kaya’t kung saan-saan ibang trabaho ang pumapasok. Ngunit kailangan natin ng mga magsasaka. Kaya’t kasama po sa charter ng Agrarian Reform Program na ang lahat ng mga kabataan na dumaan at naging estudyante sa kurso ng agrikultura ay mabibigyan din ng — nabibigyan din ng lupa upang mayroon — ‘yung kanilang natutunan ay mayroon silang paglalagyan, mayroon silang magagamit na lupa para magamit naman nila ang kanilang bagong natutunan tungkol sa agrikultura. At ito po ay tuluyang suporta. Nawa sa tulong na ito ay mahikayat kayo na isagawa ang mga makabago at maunlad na pamamaraan ng pagsasaka.
Bilang pagtugon sa usaping pangkapayapaan at maipakita natin na ang gobyerno ay iniisip ang inyong kapakanan at kinabukasan, [coughs] — sorry na lang po at medyo tinamaan ako. Alam naman ninyo dito sa pagpalit ng panahon ay medyo naaabutan kaya kung napansin ninyo ‘yung boses ko medyo ngongo nang kaunti at may sipon at may ubo ako nang kaunti. Kaya’t… Pero magsusuot po ako ng mask dahil ayokong mahawaan ko kayong lahat. Ngunit kung may mahawa rito si Secretary Estrella daw ang bahala sa [applause] magpagamot sa inyo.
Ito po ay ating ginagawa para sa inyong kapakanan at kinabukasan.
Makakatanggap din nito ang ating mga kabataan na muling nakikiisa sa pamahalaan. Alam natin na ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa pagmamay-ari ng lupa.
Kaya’t sabay ng pamamahagi ng mga CLOA at E-Titles, ipinagdiriwang din natin ang pagkakaloob ng mga farm-to-market roads na magpapabilis at magpapagaan sa inyong trabaho.
Ang mga bagong kalsada ay makakatulong upang mapalapit kayo sa mga mamimili at mapabuti ang inyong kabuhayan.
Batid namin ang paghihirap ng ating mga magsasaka, lalo na ang mga nagtatanim sa malalayong lugar.
Hindi lamang kumakain ng oras ang mahabang paglalakbay kung hindi ay maaari ding magdulot ng karagdagang gastos.
Ngayon, sa pamamagitan ng mga bagong farm-to-market roads – Busuang to Caruray FMR sa Roxas, Sitio Nalbot to Arado FMR sa Taytay, at sa San Nicolas to Sitio Caniogan FMR sa Brgy. San Nicolas dito sa Coron – mas lalakas ang inyong kakayahang magdala ng mga produkto sa pamilihan nang hindi kinakailangan mag-alala tungkol sa posibleng pagkasira ng inyong ani.
Sa ganitong paraan, mas mabilis at madali nang maihahatid ang produkto sa mga mamimili at mas mataas ang pagkakataon na makamit ang maayos na kita.
Ang lahat ng ginagawa natin ay naglalayong tiyakin na ang bawat metro ng lupa ay magsisilbing pundasyon ng isang mas maunlad at mas maaliwalas na kinabukasan para sa ating mga magsasaka—isang kinabukasan na puno ng katiyakan, seguridad,
at pagkakataong umunlad hindi lamang sa sakahan kundi sa bawat aspeto ng inyong buhay.
Alam po ninyo, ang proyektong ito ay sinimulan ng aking ama na kasama naman ang dating Secretary of Department of Agrarian Reform ay nagngangalan ang lolo po — ang pangalan po ng ating secretary, Secretary Conrad Estrella. Noong panahon po ng ama ko ‘yung secretary po ang pangalan ay Secretary Conrado Estrella, E the third na siya, ‘yun po ‘yung lolo niya. Kaya tinutuloy lang po namin ang trabaho ng aming mga ninuno. [applause]
Kaya noong kami ay binigyan ninyo ng pagkakataong makapaglingkod, nakapag-usap kami na marapat lang na aming ipagpatuloy ang nasimulan ng aming ama at ang lolo ng ating Secretary.
Ito nga po ay aming ginagawa ay hindi nagtatapos sa pagbibigay ng lupa, dahil nakita rin namin na isa sa mga iniinda ninyo ay ang mga utang.
Iyan ito nga ang naipalawanag ko na nabanggit ko kanina, sa pamamagitan ng Republic Act No. 11953 o ang tinatawag na New Agrarian Emancipation Act, ang batas na nilagdaan ko noong Hulyo ng nakaraang taon,
mahigit anim na raang libong benepisaryo ay kalas na sa bayarin.
Ngunit bago natin tapusin ang ating pagtitipon, nais kong ipaabot ang isang mahalagang mensahe: kaakibat ng pagkakaloob nito ay ang aming hiling na gamitin nang wasto ang lupa para sa ikakataguyod hindi lamang ninyo at ang inyong mga pamilya, ngunit para sa buong Pilipinas.
Kaya’t sabay-sabay nating tahakin ang daan tungo sa isang Bagong Pilipinas—isang bansa kung saan ay bawat mamamayan ay may pagkakataon, may dignidad,
may pag-asa para sa mas magandang kinabukasan.
Binabati ko po kayong lahat sa tagumpay na ito.
Mabuhay kayong mga magsasaka!
Mabuhay ang magsasaka ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
Maraming salamat po at magandang umaga po sa inyong lahat. [applause]
— END —