Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Land Titles and Ceremonial Turnover of Support Services in Dipolog City


Event Distribution of Land Titles and Support Services in Region IX
Location Zamboanga del Norte Convention Center, Dipolog City

Maraming salamat sa ating Kalihim ng DAR, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella.

[Please, magsi-upo po tayo.]

[Nandito] rin po ang Special Assistant to the President na tumutulong po sa atin, sa lahat ng mga iba’t ibang issue. Ang tumutulong po sa atin tungkol sa lahat ng mga pangangailangan ng ating mga kababayan, ito po Secretary Anton Lagdameo. [Nasaan na siya? Bumaba na. O, ‘yan, nagtatrabaho na. Okay.];the Second District Representative ng Zamboanga del Norte Glona Labadlabad [applause]; Zamboanga del Norte First District Representative, Congressman Robert Uy [applause]; ang Zamboanga del Sur First District Representative Divina Grace Yu [applause]; ang ating host for today, Zamboanga del Norte Governor Rosalina Jalosjos [applause]; Zamboanga del Sur Governor, Governor Victor Yu [applause]; Zamboanga Sibugay Governor, Governor Ann Hofer [applause]; ang Dipolog City Mayor, Mayor Darel Dexter Uy [applause]; ang Mayor naman ng Dapitan, Mayor Bullet Jalosjos [applause]; at alam niyo po ang pagpakilala sa akin ako daw ang guest of honor dito. Mali ‘yun. Kayo, mga beneficiary, ang guest of honor namin dito ngayong araw na ito [applause]; mga minamahal kong mga kababayan, maayong adlaw kaninyong tanan.

Ang pagsadya po namin dito sa Dipolog City ngayon ay bahagi ng aming patuloy na paglilibot sa bawat sulok ng bansa upang maghatid ng serbisyo at tulong sa mga mamamayan.

Hindi tayo magpapatinag sa init ng panahon at sa banta ng paparating na tag-ulan.

Hindi ako magsasawang paglingkuran kayo at maghatid ng iba’t iba pang mga serbisyo para sa taumbayan, lalo na sa mga nangangailangan.

Narito ako, kasama ang kawani ng Department of Agrarian Reform, upang isakatuparan ang matagal nang pinapangarap ng ating mga magsasaka.

Ngayong araw, mamamahagi po tayo ng mahigit apat na libo at siyam na raang titulo para sa ating mga Agrarian Reform Beneficiaries mula sa Zamboanga del Norte, sa Zamboanga del Sur, at sa Zamboanga Sibugay.

Ang mga titulong ito… [applause] Ang mga titulong ito ay sumasaklaw sa mahigit pitong libong ektarya ng lupang pagsasakahan.

Ngayon pong pagmamay-ari na ninyo ang mga lupaing ito, nawa ay mas lalo pa ninyong mapagyaman ang inyong mga sakahan.

At upang masiguro na mas magiging produktibo ang pag-aaring ito, magbibigay din kami —nagbibigay din kami ng ilang makinarya, at kagamitan na nagkakahalaga ng mahigit labinglimang milyong piso. [applause]

Napapaloob po ito sa tatlumpu’t-isang proyekto na tulad ng sustainable livelihood support projects para sa rice and vegetable production, ‘yung major crop block farming, ang chicken egg production, at iba pa.

Ang lahat ng ito ay naglalayong gawing mas masagana ang inyong mga sakahan, mapagaan ang inyong paghahanapbuhay, at mapabuti ang antas ng pamumuhay ninyo at ng inyong mga pamilya.

Mula nang ako ay nanungkulan, nakapagpamahagi na tayo ng mahigit walong libo at tatlong daan na titulo na sumasaklaw sa mahigit labindalawang libong ektarya ng lupain dito sa inyong region.

Palalawigin pa natin ito, hindi lamang dito sa Zamboanga, kung hindi maging sa iba pang sulok ng bansa upang mas marami na benepisyaryo ang makinabang dito.

Umaasa po ako na ang mga titulo o CLOA at tulong na aming pinagkakaloob ay magsisilbing inspirasyon sa inyong pagsasaka at sa paggaganap ninyo ng inyong mahahalagang tungkulin sa pagsiguro ng suplay ng pagkain para sa ating mga kababayan.

Ito rin po sana ay maghimok sa inyong mga anak at sa kanila pang magiging anak na ipagpatuloy ang marangal na propesyon ng pagsasaka, dahil sila po ang pag-asa ng [susunod] na henerasyon.

Para po sa kaalaman ng lahat, higit sa mga report na natatanggap ko sa aking opisina, mas gusto ko na makita ko talaga nang personal ang bunga ng ating mga plano, inisyatiba, at proyekto.

Gusto kong masaksihan mismo ang tamang pagpapatupad ng ating mga kagawaran at lokal na pamahalaan ng mga programa ng gobyerno, at makasiguro na tunay na napapakinabangan ito ng ating mga kababayan.

Iyan po talaga ang hangarin at dalangin ko para sa bawat pamilyang Pilipino — ang magkaroon ng produktibo, maginhawa, at mapayapang pamumuhay.

Makakamit po natin ito kung tayong lahat ay [magtutulungan] at pinagbubuklod ng [iisang] layunin.

Kaya naman po ay ipinapaabot ko rin ang aking
taos-pusong pagkilala sa pagsisikap ng mga ahensya ng gobyerno na walang-humpay [ang] paglilingkod sa ating sambayanan.

Sa ating mga DAR na palagay ko, ‘yung mga — kung ‘yung Kalihim ninyo hindi natutulog, mas lalo pa kayong sigurong hindi natutulog, hindi na rin kumakain dahil naghahabol talaga kami. At ang instruction ko sa kanila, dapat matapos natin ‘yung labis sa isang milyon na titulo na maibigay natin bago ako matapos ngtermino ko. [applause]

Sa ating mga Register of Deeds, ganun din. Sila’y talagang malaking bahagi sa ating mga ginagawa. Sa Land Management Services ng DENR at sa LandBank of the Philippines at maging sa ating mga opisyal ng iba’t ibang lokal na pamahalaan dito sa Zamboanga, tuloy lang po tayo sa pagkilos at sa pagtutulungan.

Kasabay ng aking pasasalamat sa inyo ay ang muling pagbibigay ng direktiba na higit pang pabilisin ang proseso ng pamimigay ng titulo at serbisyo sa ating mga benepisyaryo.

Sa ating Agrarian Reform Program, wakasan natin ang kahirapan ng ating mga magsasaka laban sa banta ng pagkagutom, laban sa pagkabaon sa utang, at laban sa kahirapan.

Mga kababayan, patatagin po nating lalo ang ating pagkakaisa upang makamit natin ang mas mapayapa at maunlad na lipunan sa ilalim ng isang Bagong Pilipinas.

Abot-kamay na po ang ating mga pangarap. Huwag po tayong susuko sa pag-usad [at] sama-sama nating salubungin ang mas maliwanag na bukas para sa lahat.

Muli, binabati ko ang lahat ng ating mga benepisyaryo.

Maraming salamat at mabuhay kayong lahat!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]

-END-