Maraming, maraming salamat sa Kalihim ng Department of [Agrarian Reform] Secretary Conrad Estrella sa kanyang pagpakilala. [Magsi-upo po tayo.]
Kasama din natin at napakilala ang Special Assistant to the President, si Secretary Anton Lagdameo; at kasama din namin ang Mindanao Development Authority Secretary, Secretary Leo Magno; at ang ating kaibigan at gobernador ng Lalawigan ng Sarangani, Provincial Governor Rogelio Pacquiao; ang Municipal Mayor ng Alabel Vic Paul Salarda at lahat ng ating mga elected official, local official; ang ating mga gobernador na nandito ngayon bumisita ng South Cotabato Governor Jun Tamayo, Governor Lala Mendoza, Governor Datu Pax Mangudadatu; nandito po lahat para makasama kayo, kayo ang mga pinakamahalaga na bisita na kasama natin ngayon kayo pong mga Agrarian Reform beneficiary; ang aking mga kasamahan sa pamahalaan; mga kababayan, magandang hapon po sa inyong lahat.
Binabati ko ang lahat ng mga narito sa masayang okasyon na ito, lalo na ang ating mga magsasaka.
Maraming salamat po sa inyong pagdalo at sa mainit na pagtanggap sa amin.
Tunay ngang napakaganda ng Sarangani—mula sa inyong mga likas na yaman hanggang sa inyong masaganang agrikultura.
Patuloy pa natin itong iniingatan at pinapatatag dahil napapadalas ang bagyo sa ating bansa bunsod ng tinatawag na climate change o pagbabago ng ating klima.
Kaya masaya ko pong ibabalita sa inyo na malapit nang matapos ang flood mitigation structure na ginagawa sa Bagacay Creek dito sa Alabel at Badtasan River Flood Control sa Kiamba sa Sarangani naman.
Sana makatulong po ito para maiwasan natin ang matitinding pagbaha at pagkasira ng ating mga pananim.
Ang inyong probinsya ay kilala sa iba’t ibang high value crop tulad ng mais, ng niyog, palay, saging, at iba pa.
Dahil dito, tayo ay nagsisikap pa na mapalago ang sektor ng agrikultura, hindi lamang dito sa inyong rehiyon kung hindi pati na sa buong bansa.
Kayo pong ating mga magsasaka ang haligi ng sektor ng agrikultura. Kung hindi dahil sa inyong sipag at dedikasyon sa inyong trabaho, hindi po magkakaroon ng sapat at masustansyang pagkain ang mga kababayan natin.
Kaya napakahalaga po ng sektor ng agrikultura at ang tungkulin ng mga magsasaka.
Panahon pa ng aking ama noong nagsimula ang reporma sa lupa.
Hindi niyo po itatanong, ang nagsimula po ay ang aking ama na si President Ferdinand Marcos Sr. at ang tumutulong sa kanya, ang Secretary ng Department of Agrarian Reform, si Secretary Conrado Estrella naman. Iyon pong lolo ng ating Department — ‘yung ating Department Secretary ngayon.
Mula noon ay sinimulan na ang tinatawag na agrarian reform. At nung kami ay naupo sa aming mga naging katungkulan ngayon ay tiningnan po namin at sabi ko dapat tapos na ito. Bakit hanggang ngayon ay nakikita natin ‘yung record ay hindi pa natatapos?
Nakakahiya ito. Magagalit sa atin ang ating mga ninuno kung hindi natin tapusin ito. Kaya pilit namin na matapos na maibigay lahat ng mga CLOA sa lahat ng mga Agrarian Reform beneficiary bago po kami umalis sa aming mga opisina. [applause]
Dahil po ang aking ama nais niyang mapag-arian ng mga magsasaka ang lupang kanilang pinagtatrabahuhan.
Ngunit sa ilang dekada ng programang ito, nakita ko po na hindi pa rin natin nasasagot ang mga suliranin ng ating mga magsasaka.
Kaya po, atin agad binigyang prayoridad ang pagsasawalang bisa ng inyong utang sa lupa at ang pagpapabilis ng pagbibigay ng mga titulo dito nga ‘yung ating tinatawag na CLOA.
Ang araw na ito ay katuparan ng hangarin na ‘yan. Kami ay narito upang mamahagi ng mga e-titles, CLOA at Certificate of Condonation with Release of Mortgage o iyong ating tinatawag na COCROM.
Sa araw po na ito, mamimigay po tayo ng 1,251 titulo ng lupa para sa ating mga benepisyaryo dito sa Sarangani.
Bukod pa rito, mamamahagi rin tayo ngayon ng mahigit labing-tatlong libo at limang-daang COCROM sa mahigit labing-isang libo at pitong raang benepisyaryo mula sa mga lalawigan ng Sarangani, Cotabato, South Cotabato, at Sultan Kudarat.
Sa madaling sabi, mapapa-walang bisa ang halos isang bilyong pisong utang, kasama ang amortisasyon, ang interes, mga surcharge, ng ating mga magsasaka.
Ang inyong naipon na ipambabayad sana sa mga ito, maaari ninyo nang gamitin sa ibang pangangailangan. [applause] Maaari na pong gamitin ito sa mga bagong kagamitan upang mas dumami pa ang ani at mas mapataas pa ang kalidad ng inyong kabuhayan.
Sa Bagong Pilipinas po ang pangarap natin—na sama-sama nating aabutin—ang magkaroon ng mas magandang kinabukasan, matatag na agrikultura, at mas maunlad na ekonomiya.
Gaya po ng sabi ko kanina, patuloy po ang national government, kasama ang lokal na pamahalaan, sa pag-iisip ng mga bagong paraan kung papaano pa kayo na masuportahan.
Pinag-aaralan po namin ang mga hakbang upang makasabay ang sektor ng agrikultura sa modernong pamamaraan [ng] pag-aani.
Ang hiling po namin sa inyo ay samahan ninyo kami patungo sa pagbuo ng mga pangarap na ito, bigyan natin ng kahalagahan ang biyayang ating natatanggap, at palakasin pa natin ang ating kabuhayan.
Mabuhay kayong mga magsasaka! Mabuhay ang Region 12!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]
— END —