Maraming salamat sa ating DAR Secretary, Secretary Conrad Estrella sa kanyang pagpakilala.
[Magsiupo po tayo.]
Kumpleto po at marami po kaming kasama na mga Cabinet member dahil po — kaya po ay nandito sila dahil po ang aming ginagawa kapag may programa ang pamahalaan, hindi lang namin iniiwan sa isang departamento lamang.
At lahat ng iba’t ibang departamento na makakatulong ay kasama sa pag-implement ng programa na ‘yan. Kaya’t nandito po, [Agriculture] Secretary, Secretary Kiko Laurel [applause]; ang ating DSWD na Secretary, Secretary Rex Gatchalian [applause]; ito po napakahalaga dahil po, hindi po magiging maganda at matagumpay ang ating mga programa kung hindi po maganda ang ugnayan at pagsasama at kooperasyon ng national government at saka ng local government, kaya po nandito para ayusin lahat ‘yan ang Secretary ng DILG, Secretary Benhur Abalos [applause]; ang Special Assistant to the President, Secretary Anton Lagdameo [applause]; ang Congressman ng Second District ng Camarines Sur, LRay Villafuerte [applause]; ang Congressman ng Panlimang Distrito ng CamSur, Miguel Luis Villafuerte [applause]; ang Congressman ng First District naman ng CamSur, Anthony Horibata [applause]; Governor ng CamSur, ang ating butihing gobernador, Luigi Villafuerte [applause]; at ‘yung bagong sumpa sa RDC ng Region V, ang Governor ng Camarines Norte, Governor Ricarte Padilla [applause]; lahat ng aking mga kasamahan sa pamahalaan, nasyonal at saka sa lokal; at lalong-lalo na ang pinaka-importante na nandito ngayon na bisita natin, kayo po mga beneficiary ng agrarian reform [applause]; ating mga — lahat po ng ating mga bisita na nakarating ngayong umaga; mga minamahal kong kababayan, Dios marhay na aga sa indo gabos! [applause]
Ginagaya ko lang si Secretary Conrad dahil ngayon lang ako nakarinig ng Ilocano na nagsasalita ng Bicolano. Hindi ko alam kung naintindihan ninyo. Ako, naririnig ko, Ilocano pa rin. [laughter] Kaya’t — paano? Saan ka natuto ng Bicolano? Pagsuspetsyahan ka kung sino nagturo sa iyo niyan. [laughter]
Ikinalulugod kong makasama ang ating mga kababayan sa Bicol upang ipagkaloob nang personal ang mga titulo ng lupa at iba pang tulong para mapaunlad ang inyong pamumuhay at ang ekonomiya ng inyong rehiyon.
[Hindi maikakaila] na, sa tuwing babalik ako [rito], ramdam ko ang napaka-init na pagtanggap ninyo sa akin akin, mga manoy at mga manay. [applause]
Katulad ng aking ama na bumisita rin dito sa CamSur upang suportahan ang ating mga magsasaka, nais ko ring iparamdam ang aking buong-pusong [pagkilala] sa inyo na kumakayod araw-araw ngunit kinakapos pa rin upang matustusan ang inyong pangangailangan.
Kaya, asahan ninyo [na] lagi kaming may baong magandang balita at pasalubong – mula sa pagtatapos ng imprastraktura na aming ipinatayo hanggang sa mga programang aming pasisinayaan upang maging mas masagana ang pamumuhay dito sa Region V.
Ilan sa kaabang-abang na imprastraktura sa lalawigan ng Camarines Sur [ay] ang Camarines Sur Expressway, nandiyan din ang Pasacao-Balatan Tourism Coastal Road, at ang sisimulan natin na New Naga Airport Development Project. [applause] Ito ay mga inaasahang magiging susi nang mas mabilis na transportasyon at mas magiging malagong ekonomiya.
Bukod po rito, nailunsad namin noong nakaraang taon ang Kadiwa ng Pangulo at Pambansang Pabahay Para sa Pilipino o ‘yung tinatawag na 4PH Housing Project dito sa Camarines Sur.
Namahagi rin kami ng mga harvester, transplanter, pataba at abono ng lupa, pati na rin ang mga financial at livelihood assistance.
Ito ang mga naging hakbang ng ating administrasyon upang maisulong ang mas maginhawa at mas maunlad na kabuhayan para sa ating mga magsasaka, mangingisda, at ang inyong mga pamilya.
Ngunit, hindi po rito nagtatapos ang [ipagkakaloob]naming tulong sa inyo dahil sa araw na ito, ilalapit naming muli sa lahat ang serbisyo ng gobyerno.
Sa pangunguna ng Department of Agrarian Reform, maghahandog tayo ng mahigit dalawang libo at isang [daang] titulo ng lupa [sa] tinatayang dalawang libong agrarian reform [beneficiaries] dito po sa Bicol Region. [applause]
Sa kabuuan po, nakapag-bigay na po tayo ng halos tatlumpung libong Certificates of Land Ownership Award, ang CLOA, at ‘yung iba naman ay E-Title, Electronic [Titles] [sa] halos tatlumpung libong Agrarian Reform Beneficiaries sa buong bansa mula Enero hanggang Mayo ng taong ito.
Mayroon pa pong tatlumpu’t anim na libong [CLOAs] at [e-titles] na ipapamigay natin sa lagpas na tatlumpung libong Agrarian Reform Beneficiaries bago matapos ang taon na ito.
Magsisilbing tulay ang Certificates of Land Ownership Award at ang mga E-Titles na ito tungo sa mas marami pang oportunidad. Nang sa gayon ay [mapagtagumpayan ninyo] ang mga pagsubok na hinaharap ninyo — sa pagsubok sa buhay at matupad ang inyong mga pangarap.
Sa tulong ng programang ito at sa bisa ng Republic Act 11953 na ating nilagdaan, hindi na ninyo kakailanganing magbayad ng taunang amortisasyon sa lupang inyong [matatanggap] mula sa pamahalaan. [applause]
Sa halip, tutulungan pa namin kayo na gawing mas produktibo at malusog ang inyong mga lupa at tunay na de kalidad ang inyong mga ani.
Alam niyo po ang agrarian reform na programa ay ang lagi nating nakikita ang pagbibigay ng titulo. Hindi talaga… Totoo naman.
At ‘yan ang pinakamahalaga. Ngunit ang kasama po sa batas ng Agrarian Reform ay mayroon ding suporta sa pamamagitan ng mga makinarya, sa pamamagitan ng mga ayuda, sa pamamagitan ng technical support na dadalhin ng Agrarian Reform para talagang mas maganda ang ani na makikita ng ating mga magsasaka at mas maganda ang huli ng ating mangingisda.
Magkakaloob din kami ng mahigit anim na daang farm [machineries] at equipment na nagkakahalaga [ng] dalawampung milyong piso upang tuluyang umusbong ang inyong mga sakahan.
Pabibilisin din [nito] ang pag-ani ng inyong produkto at paghahatid ng pagkain sa mga mamamayan nang matugunan ang tumataas na demand sa pagkain sa buong bansa.
Natapos na rin namin ang walong farm-to-market [roads] na maglalapit sa ating mga magsasaka sa mga mamimili.
Kaugnay nito, siyam pa na farm-to-market [roads] ang ating ipapagawa sa iba’t-ibang bahagi ng Region V. [applause]
Paiigtingin din natin ang [pagpapatupad] ng support services sa Bicol Region na kung [susumahin], mula sa simula ng administrasyon, ay nakatulong na sa halos walumpu’t tatlong libong benepisyaryo.
[Maka-aasa] po kayo na patuloy naming pangangalagaan ang kapakanan ng mga magsasaka ano mang balakid ang inyong harapin, dumating man ang tagtuyot o tag-ulan.
Hindi rin [naman] lingid sa kaalaman [namin] ang problema na patuloy na sumusubok sa agrikultural na sektor ng CamSur — ang hinaharap natin ngayong El Niño.
Ayon sa pinakahuling datos na aming nakalap, mahigit walumpung libong pamilya sa higit siyam na raang barangay sa Bicol Region ay lubhang naapektuhan ng El Niño.
Ang masakit pa rito ay tinatayang higit [sa] limang daang milyong piso ang halaga ng pagkalugi na [naranasan] ng ating mga magsasaka.
Hindi namin hahayaan na harapin ninyo nang nag-iisa ang mga hamon ng El Niño.
Nandito kami para patuloy na umagapay sa inyo.
Sa katunayan, aabot sa animnapung milyong piso na halaga [ng] tulong at ayuda [ang] ibabahagi ng Tanggapan ng Pangulo para sa Camarines Sur at Camarines Norte. [applause] Iyon po ‘yung cheke na ibinigay natin sa ating mga butihing gobernador.
Sa panig naman ng DSWD, mabibigyan ang dalawang daan at pitumpu’t anim na benepisyaryo na nasa ilalim ng Ayuda sa Kapos sa Kita Program o AKAP ng cash assistance na aabot sa higit walong daan at dalawampung libong piso. [applause]
Dagdag din po rito ang paghahanda o tinatawag na preposition ng humigit kumulang apatnapung libong food packs na nagkakahalaga ng kabuuang dalawampu’t pitong milyong piso sa buong rehiyon.
Sa usaping agrikultura naman po tayo. Bago pa man ako mahalal bilang Pangulo ay talaga pong malapit na sa puso ko ang sektor ng agrikultura.
Naniniwala ako sa potensyal nitong baguhin ang buhay ng bawat Pilipino kaya naman po ay ilang beses ko nang nabanggit na kailangan talaga nating tutukan ang [pagpapalago] ng inyong sektor.
Ngayong araw, magbabahagi ang Department of Agriculture ng mga kagamitan sa pagsasaka tulad ng butil ng palay at mais, mga bagong [traktora], mga pautang mula sa agri-negosyo program.
Para naman sa long-term plans, para sa matagalan na plano, ang DA rin po ay masusing nagpaplano at nagpapatupad [na] ng mga paunang hakbang tulad po ng:
Pagpapagawa ng, ‘yung ating nakita na mga farm-to-market [roads], pagpapalawig ng mga lupang sakahan at palaisdaan, pagsasaayos sa sistema ng irigasyon, at ilan pang mga infrastructure [projects] na [susuporta] at magpapabilis sa daloy ng produktong pang-agrikultura.
Sinusulong din ng DA ang paggamit ng mga science-based at climate resilient technologies para sa pagsasaka, pati na rin ang pagtatayo ng mga agro-processing facilities sa mga tinatawag nating Strategic Agriculture and Fisheries Development areas.
Kasama na rin po sa [pangmalawakan] at pangmalakasang inisyatibo ng DA ay ang [pagbibigay] ng pinansyal na tulong sa ating mga magsasaka tulad ng mga programang pautang, ‘yung insurance, at paghihikayat sa mga mamumuhunan sa sektor ng agrikultura upang magkaroon kayo ng kapital na pangkabuhayan.
Hangad din namin na [mai-angat] ang pangingisda sa inyong probinsya, kaya po magbabahagi ang Bureau of Fisheries [and] Aquatic Resources ng tatlong yunit ng de-makinang Fiber Glass Reinforced na bangka.
Ito po ay ilan lamang sa mga agresibong hakbang na talaga namang itinutulak at inaalok natin sa ating mga magsasaka at mangingisda sa ilalim ng administrasyon na ito.
Kasabay po rito, mamimigay ang DOLE ng mga padyak para sa higit na isang daang benepisyaryo at cash payout para sa mga nasa ilalim ng programa ng DOLE na Tupad.
Makikita ninyo naman na siksik, liglig, at nag-uumapaw ang aming tulong upang kayo’y makabangon mula sa pagsubok na kinakaharap ninyo ngayon.
Dalangin po namin na payabungin ninyo ang mga natanggap ninyong biyaya ngayong araw.
Inaanyayahan ko kayo na makipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang magamit ninyo nang wasto ang mga lupain at matutunan ninyo ang mga makabagong pamamaraan na magpapadali sa inyong hanapbuhay.
Sa mga nakatanggap ng presidential assistance, gamitin ninyo ito upang mas mapalawig pa ang inyong mga sakahan, palaisdaan, at ang mga negosyo.
Huwag kayong mahihiyang lumapit sa amin sa oras ng pangangailangan, lalong-lalo na kung ito ay [makatutulong] at [makabubuti] sa inyong mga kalagayan.
Tinatawagan ko naman ngayon ang DA at saka DAR na ipagpatuloy ang pamamahagi ng lupa at mahahalagang serbisyo sa mga magsasaka sa iba’t ibang sulok ng bansa, lalo na sa mga lubos na naapektuhan ng tagtuyot.
Nawa’y maging masinop at masigasig din ang DPWH sa pagsunod sa ating plano nang sa gayon ay matapos ang mga imprastraktura sa lalong madaling panahon.
Sikapin po ninyong tapusin agad ang natitirang flood control project sa Bicol River para maibsan ang pag-baha [na] posibleng idudulot naman ng mukhang susunod na La Niña.
Pahahalagahan namin ang tiwalang ipinagkaloob ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng pagbigay ng suporta sa kanilang kabuhayan at pananatili sa integridad ng ating lupa at iba pang yaman ng kalikasan.
Sa ating pagbubuklod ngayong araw, umaasa akong patuloy tayong [makapagbibigay] ng lakas sa isa’t isa [nang] maisulong natin ang mas maunlad, maliwanag, at masaganang bukas para sa bawat Pilipino.
Maraming salamat. Dios Mabalos! [applause]
— END —