Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Land Titles and Support Services in Dumaguete City


Event Distribution of Land Titles and Support Services in Negros Oriental
Location Lamberto L. Marcial Sports and Cultural Center, Dumaguete City, Negros Oriental

Maraming salamat sa ating DAR Secretary, Secretary Conrad Estrella.

[Please, magsi-upo po kayo.]

The Second District of Negros Oriental Representative Chiquiting  Sagarbarria; the Negros Oriental First District Representative  [Jocelyn] Limkaichong; the Siquijor Lone District, District Representative Zaldy Villa; and, of course, the father of the province of Negros Oriental, Negros Oriental Governor Manuel Chaco Sagarbarria; Dumaguete City Mayor Felipe Antonio Remollo; the most important, ang pinakamahalaga na ating bisita ngayon, ang ating mga beneficiaries ng agrarian reform na ating binibigyan ng titulo ngayon [applause]; ang aking mga kasamahan sa pamahalaan; ladies and gentlemen; mga minamahal kong kababayan,

Maayong buntag sa inyong tanan! [cheers and applause]

Pagbigyan [n’yo na] muna kaming mga Ilocano, matitigas ang mga dila namin kaya’t may punto pa rin ng Ilocano ‘yung aming salita. Maintindihan naman ninyo at sanay kaming mag-salita ng German. [laughter]

Bago po ako magsimula, nais ko munang banggitin na naka-live po tayo. ‘Yung nakita po natin kanina ‘yung sa Cebu at saka sa Bohol. [applause]

Dahil sa okasyong ito, sabay-sabay po natin ginaganap  ang pamamahagi ng lupa at tulong sa ating mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang lugar sa Region 7.

Kaya, maayong adlaw sa mga [madasigon] natong kauban na taga-Cebu ug taga-Bohol! [applause]

Ang pagpunta po natin dito sa Dumaguete ay bahagi lamang  ng  pambansang lakbay-tulong na ating ginagawa upang direktang maipaabot ang ayuda at suporta sa buong kapuluan.

Lubos po akong natutuwa na makapiling kayo ngayon dito sa Dumaguete upang simulan ang isang bagong yugto sa buhay ng ating mga magsasaka. [applause]

Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang tagumpay ng ating bayan at ng ating mga magsasaka sa pamamagitan ng pamamahagi ng  higit tatlong libo at walong daan  na Certificate of Land Ownership Award o yung tinatawag na CLOA at mga titulo ng lupa na sumasaklaw sa halos

tatlong libong ektarya ng lupain dito sa Region 7. [applause]

Alam naman po namin na marami po sa inyo ay matagal nang nangangarap at nagsisikap upang magkaroon ng sariling lupa para sa inyong hanapbuhay.

Ito na po at tinutupad po natin ang pangarap ninyo.

Ito po ay simbulo ng taos-pusong pasasalamat ng sambayanang Pilipino para sa inyong walang sawang pagsisikap at katatagan sa pagsasaka sa ilalim ng init ng araw, sa gitna ng masamang panahon, at sa harap ng maraming pagsubok.

Sa ating paglipat ng pagmamayari ng mga lupaing ito sa inyong mga kamay, muli nating pinagtibay ang ating pangako na itataguyod ang karapatan at kapakanan ng ating mga magsasaka at manggagawa [na] ating sinimulan sa paglagda ng Republic Act 11953 o ang tinatawag na “New Agrarian Emancipation Act.”

Ito pong bagong batas na ito, sa pamamagitan nito, ay pinalaya na po natin ang ating mga benepisyaryo mula sa pasanin ng utang upang mapagtuunan nila ng buong pansin ang kanilang pagsasaka.

Ngayon naman dito sa Region 7, ang DAR, Department of Agrarian Reform ay nakakapagbigay  ng higit apat na libong ektarya ng lupa na nitong taon na ito.

Sa kabuuan, ngayong taon, ang Department of Agrarian Reform  ay [nakapagbigay] ng lagpas sa labing-limang libong ektarya ng lupa sa higit na siyam na libo na Agrarian Reform Beneficiaries sa  buong bansa. [applause]

Lumampas na ito, dahil 65% na ito ng ating taunang target na dalawangput-tatlong libong ektarya ang ating malalagyan, mabibigyan ng titulo. [applause]

Marami po tayong ipapamahagi na lupang pang-agraryo dito sa Region [7] at sa buong bansa.

Ito ay patunay ng ating patuloy at walang humpay na pagsisikap na tuparin ang aming pangako na kukumpletuhin namin ang repormang agrarya dito sa ating minamahal na Pilipinas. [applause]

Upang higit na mapakinabangan ninyo ang lupang inyong pagmamay-ari, magbibigay din po tayo ng halos labing-walong milyong piso na halaga ng makinaryang pansaka sa lagpas tatlong libong benepisyaryo dito sa Region 7. [applause]

Ang mekanisasyon, ang pagbibigay ng ating mga gamit, itong mga traktor, itong mga sa processing, ‘yung mga dryer, ‘yung mga kung ano-anong kailangan ng ating mga magsasaka.

Ito ay makabagong irigasyon, at patuloy pa rin ang [pagpapalawak] natin ng  irigasyon. Ito ay  susi ng [pagpapa-unlad] ng ating mga sakahan.

Mas mapabibilis po itong inyong mga gawain at mas mapapaunlad natin ang lupang inyong sinasaka.

Bukod po rito, naglaan din po kami ng isang daang milyong piso para sa pagpapatayo ng farm-to-market road dito sa Negros Oriental [applause] at tatlumpung-apat na milyong piso para sa farm-to-market roads sa Siquijor. [applause]

Ngunit hindi po dito nagtatapos ang lahat. Marami pa po tayong napaplanong  farm-to-market road na [nagkakahalaga] ng halos tatlong bilyong piso na gagawin sa Bohol, sa Cebu, sa Siquijor, at siyempre, dito sa Negros Oriental. [applause]

Sa pagpapagawa ng mga kalsadang ito, mas mapapadali ang pagdadala ng inyong mga ani sa mga pamilihan.

Lilikha rin ito ng mas maraming koneksyon sa pagitan ng mga sakahan, merkado, paaralan, tanggapan ng pamahalaan at sa mga bayan-bayan.

Lalawak din ang inyong magiging mamimili dahil mas malayo na ang mararating ng inyong mga produkto.

Sa kabuuan, sa pamamagitan ng mga inisyatibo at proyektong ito, hindi lamang natin mapapalaki ang kita at mapabubuti ang buhay ng ating mga magsasaka, mapapaunlad din natin ang ating mga komunidad na mapalalago ang buong sektor ng agrikultura.

Kung inyo pong mapapansin, dalawa hanggang tatlong araw sa isang linggo,  two to three days bawat linggo ay aking inilalaan para sa mga out-of-town na bisita na ganito.

Ito ay alinsunod sa aking paniniwala na ang epektibong [pamahalaan] ay dapat katampukan ng pagharap sa taumbayan at pagpunta sa kanilang kinaroroonan.

Hindi kailangan ang lokal na pamahalaan ang pupunta sa Malacanang.

Dapat, ang Malacanang ang lumalapit sa inyo. [applause]

Dahil kapag ako’y nakaupo lang sa opinsina, nandoon ako, naka-air condition sa  palasyo, papano ko maririnig ang inyong mga hinaing kung hindi ako makakaharap sa inyo?

Papano ko makikita ang kalagayan ng inyong lugar kung hindi ako mapunta rito?

Paano ko malalaman ang mga status ng mga government projects dito, kung delayed ba, kung on time, kung hindi ko mahihingian ng progress report ang mga — hindi lamang ang mga ahensya kundi ang taumbayan mismo. Dahil sila, ang taumbayan, ang talagang nakakaalam.

Syempre, kung minsan ‘yung ating mga opisyal para sabihin ay napakaganda ng kanilang trabaho, pagagandahin nila ‘yung report.

Pero hindi naman sila — tinitingnan lang nila ‘yung mga natapos. Kailangan nating tingnan kung ano ‘yung hindi natapos. Bakti hindi natapos? Ano ‘yung naging problema?

At ang nakakaalam niyan at ang makakasagot diyan, hindi lamang ang ating mga local government official, kung hindi ang taumbayan mismo.

Paano ko makikita ang pag-unlad ng inyong lungsod na bunga ng inyong sipag at tiyaga, kung hindi ko ito matutunghayan, ako mismo?

Higit sa lahat papano ako magpasasalamat at masusuklian ang inyong suporta, at malaking ambag sa kaunlaran ng ating bayan, kung hindi ako tatayo, nandito sa harap ninyo? [applause]

Kaya ang pagpunta ko rito, hindi lang upang magbigay ng tulong o maghatid ng serbisyo, kundi para rin makinig at malaman ang inyong mga pangangailangan.

Hindi po ito ang aking huling pagdalaw. Babalik ako na dala ang mga konkretong tugon ng pamahalaan sa inyong mga kagustuhan.

At iyan na rin po ang panata ko sa mga lugar na ating mapupuntahan at papupuntahan pa.

Walang lalawigan na makakalimutan. Walang sektor na makakaligtaan.

Muli, sa ating mga benepisyaryo at magsasaka, nais kong ipaabot sa inyo ang aking taos-pusong pasasalamat.

Alam niyo po, itong aming ginagawa ni Secretary Conrad Estrella ay talaga saamin, para sa aming dalawa labor of love sa amin ito.

Kaya’t kami’y tuwang-tuwa na magawa naming ito, [applause] makapagbigay ng titulo.

Alam niyo po kung bakit sinasabi kong labor of love yan? Nagsimula ito noong panahon [na ang] Pangulo ay ang aking ama. Nagsimula ito noong ang lolo ni Secretary Conrad Estrella ay Secretary Conrado Estrella ng DAR, sila ang nagsimula nitong lahat.

Kaya’t noong kami ay umupo, bilang secretary, bilang Pangulo ay nagtataka kami, tatlumpung taon na nag-aantay ang mga tao, umabot na nga 102 years ang ating pinakamasigasig, pinamalakas na magsasaka na hanggang ngayon nag-aanatay pa.

Kako naman, mumultuhin tayo ng lolo mo at saka ng tatay ko pagka hindi natin ginawa ito.

Dahil ito ay isa sa una na ginawa, isa sa una na instruction na binigay, ito ang isa sa una na ginawa ng administrasyon,  ‘yung unang adminisrtasyong Marcos, kaya’t siguro naman,  ay sabi ko karapatdapat lang ito ay dapat tapusin sa pangalawang administrasyon na Marcos. [applause]

Nawa’y maging inspirasyon ang mga titulo at tulong na ito upang lalo pa ninyong pag-ibayuhin ang inyong pagsisikap para sa sarili, para sa inyong mga pamilya, at kasama na rin para sa ating bansa.

Kayo ang pundasyon ng mahigit na isang daang milyong Pilipino.

Ang [inyong] mga ani ang nagpapalakas sa ating mga mamamayan at ang inyong mga sakripisyo ang nagpapasigla sa ating ekonomiya.

Bilang Pangulo, tinitiyak ko sa inyo, ang inyong gobyerno ay laging handa na magbigay sa inyo ng suportang kailangan ninyo.

Kaya magkaisa tayo sa ating layunin para sa pagpapaunlad ng buhay ng ating mga magsasaka at para tiyakin na walang Pilipino na magugutom sa ating pinapanday na Bagong Pilipinas. [applause]

Muli, ang taumbayan ay nagpapasalamat sa inyong pagsisikap.

Mabuhay ang ating mga magsasaka! [applause]

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]

 

—END—