Maraming salamat sa ating butihing senadora, Senator Loren Legarda.
[Please, magsi-upo po tayo.]
Andito po kasama po natin, at nagsalita na yata sila kanina, ang ating mga cabinet [secretaries] na kasama natin dahil po ang aming ginagawa, ang aming approach na kung tawagin ay ang whole-of-government approach. Ibig sabihin kapag may programang kagaya nito, at tayo ay nag — pinapakalat natin sa buong Pilipinas — hindi [naman po] kaya — lalo na itong ganitong klase, let’s use this as an exemple — hindi [naman po] kaya ng Department of Agriculture lamang. Kaya’t pinagsama-sama po namin lahat ng mga departamento na kailangan na tumulong upang maging matagumpay ang ating mga programa. Kaya’t nandito po, sa DA, sa Department of Agriculture, Secretary Kiko Laurel. [applause]
Ang ating taga-ugnay sa gitna ng national government at saka as local government, dahil po kahit na napakaganda ng plano namin, kahit napakaganda ng mga programang iniisip namin, kung hindi po maganda ang ugnayan at kooperasyon ng national government at saka ng local government, hindi po aabot as taumbayan. Kaya’t napakahalaga ang coordination ng national government at ng local government. Ito po, ang namamahala po diyaan, ang ating Kalihim ng DILG, Secretary Benhur Abalos. [applause]
At syempre siguro nakikita niyo po pagka nangangailangan ng tulong ang ating mga kababayan, hindi lamang sa bagyo, hindi lamang pagka inabutan tayo ng kalamidad, kung hindi pati na kagaya nito na dumadaan sa hirap ang ating mga magsasaka at ating mga mangingisda, ay nandiyaan pa rin ang pamahalaan upang tumulong para naman ay makabawi naman ang ating mga masisipag na mga mangingisda at magsasaka. Kahit na nasira ang kanilang hanapbuhay dahil nga sa pagdating ng El Niño at tagtuyot. Kaya po ang gumagawa po niyan at siyang nagdadala ng [mga] tulong na ibinibigay ng national government, ang ating Kalihim ng DSWD, Secretary Rex Gatchalian. [applause]
Andito rin po ang ating mga opisyal, the Antique Lone District Representative, Antonio Legarda [applause]; Nandito rin po ang iba’t ibang miyembro ng House of Representatives; Antique Provincial Governor, Governor Rhodora Cadiao [applause]; Aklan Provincial Governor, Jose [Enrique] Miraflores [applause]; at ang Capiz Provincial Governor, [Fredenil] Castro [applause]; ang Guimaras Provincial Governor, nandito rin, Governor Joaquin Carlos [Rahman] Nava [applause]; Iloilo Provincial Governor, Arthur Defensor Jr. [applause] at ang mga kasamahan niya na nandito rin ngayon; ang ating mga kasama sa pamahalaan; at lahat –- ang pinakamahalaga na nandito ngayon at kasama natin ngayon ay kayong mga beneficiary para dito sa tulong na dala ng national government [applause]; ladies and gentlemen, mayad na hapon, Antique. [applause]
Malugod kong binabati ang ating mga magsasaka, ating mga mangingisda, at ang inyong mga pamilya na nagpaunlak sa aking paanyaya.
Sa aking pagkakaalala, hindi ito ang una [nating] pagsasama sapagkat [nakapagbahagi] na tayo ng tulong noong 2022, nabanggit na ito, matapos na dumaan ang Bagyong Paeng.
Noong panahon naman na iyon, nilibot namin ang Antique upang malaman ang lawak ng pinsala [ng] kalamidad at upang mabigyan ng tulong pinansyal at livelihood [grants] ang mga kababayan nating nangangailangan.
Wala pang isang taon matapos [ang] nasabing programa, bumisita naman ulit ako upang [magkaloob] ng mahigit isang libong sako ng bigas, magbigay ng scholarship [grants], at mamahagi ng iba pang mga ayuda sa ating mga mamamayan.
Sa taon namang ito, masaya kong ibinabalita na tuluyan na [nating naayos] at binuksan ang tulay na nasira ng Bagyong Paeng — ang Paliwan Bridge, na iyong luma ay nasira, naglalagay po tayo ng bago. Ito ay [nagdurugtong] sa mga bayan ng Laua-an at Bugasong.
Kaugnay nito, nasa halos walumpung porsyento [na] ang natapos sa ating [ipinatatayong] Panay East-West Lateral Road na [nagkakahalaga ng] humigit kumulang siyam na bilyong piso.
Kasabay nito ang pagsasakatuparan ng Antique Airport Development Project [applause] na magbibigay ng serbisyo sa mas maraming pasahero at mas malalaking eroplano.
Alam niyo po noong nag-landing kami, nabanggit ko kay senadora at sabi ko napakaganda na pala noong airport ninyo. Kaya’t ito’y malaking bagay, kaya’t congratulations Senator. Alam kong pinaghirapan mo ‘yung airport at dinahan-dahan niyo ‘yan. [applause] Sa wakas makikita na natin, kaya’t huwag mo sanang makalimutan na makapag-landing naman kami diyan pag inauguration ng bagong airport ninyo.
Sa susunod na buwan, sisimulan na natin ang pagpapalawak ng runway, paglalagay ng mga check-in [counters] at iba pang mga kagamitan para sa passenger terminal building.
Ngunit hindi rito natatapos ang pagpapakita namin ng suporta, malasakit, at pagmamahal sa Antique.
Batid namin na kailangan ninyo ng sandigan at kaagapay upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok na kaakibat ng El Niño.
Kaya naman, narito kami upang personal kong makita at at maghatid ng tulong sa [Antiqueños] na nakikiisa sa atin ngayon.
Sa katunayan, nasimulan na natin kanina ang pagbabahagi ng mga makabagong makinarya at kagamitan sa pagsasaka sa ating mga benepisyaryo.
Sa pangunguna ng DA, ng Department of Agriculture, makakapagbigay po tayo ng tatlumpu’t tatlong sako ng binhi at halos isandaang [bio-fertilizers] ang Hamtic Multi-purpose Cooperative.
Kasabay nito ang pagbabahagi ng isandaan pang sako ng hybrid [seeds] at mahigit limang libong bio-fertilizer packs sa ating mga magsasaka. Mas lalong gaganda ang ani dahil po ang Antique pala ang record holder sa region sa pinakamataas ang produksyon ng bigas, ang national average po mga 4.2 tons per hectare. Dito umaabot po ng 6 tons. Mayroon binabalita sa akin 11 tons daw. May mga ibang lugar hanggang 10, 11 tons ang nagagawa nila.
Kaya’t ipagpatuloy natin ito para sana naman ay lahat ganyan din ang masasabi na napakalaki ang ani at napakaganda ang kita.
Sa ilalim naman ng [ating] High Value Crops Development Program, magbibigay din po kami sa inyo ng pitong power sprayer at isang multicultivator — iyong isang malaki makina doon na nasa labas.
Sa parte naman ng PhilMech, nakapaghanda [na] rin kami ng apat na four-wheel tractor, dalawang rice combine harvester, at dalawang floating [tillers]. Ito po ay para ulit mas mabilis ang pag-ani, mas mabilis ang pagsaka, mas mura ang magiging cost natin para mas maganda ang kita ng ating mga nagsasaka.
Hindi rin naman [magpapahuli] ang Philippine Coconut Authority at nagdala ng limampung, 50 seednuts, kasama ang TESDA na magsasagawa naman ng [mga] pagsasanay upang mapalawak ang inyong kaalaman at ang inyong kakayahan.
Sa tulong naman ng BFAR, ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, [makatatanggap] ang ating mga magsasaka ng tatlumpu’t pitong set [ng] post-harvest [kits] at apat na yunit ng fiber reinforced na bangka, na plastic boat. Iyong bangka na binibigay natin ngayon, nagbago na ang disenyo, lumaki na at kayo ang nag-design sa atin. Tinuruan lang namin ‘yung mga iba kung papaano gagawin. Ngunit, ‘yung design nung bangka ay kung ano ‘yung gusto mo, ‘yung iniisip at pinakagusto ng ating mga mangingisda.
At magbibigay naman ang aking tanggapan, Office of the President ng [tig-sampung libo] na piso sa ilang piling benepisyaryo mula [rito] sa Antique, sa Iloilo, sa Guimaras, Capiz, at Aklan. [applause]
Mag-aabot din kami ng karagdagang cash assistance na [nagkakahalaga] ng limampung milyong piso para sa Provincial Government ng Antique. [applause]
Makatatanggap din ang tinatayang nasa sampung libong benepisyaryo ng [tig-sampung] libong piso na inihanda naman ng DSWD. [applause]
Kasama din po ang ating mga congressman. At mula sa Office of the [House] Speaker, Speaker Martin Romualdez, [makapag-uuwi] ng [tig-limang] kilong bigas ang bawat isang narito ngayon. [applause]
Bagama’t malayo na rin ang inabot natin mula nang [umpisahan nating] tahakin ang daan tungo sa Bagong Pilipinas, marami pa tayong sektor na dapat pagtuunan ng pansin at kailangan pang alalayan.
Magtiwala po kayo na sisikapin namin na maabot ang ating mga liblib at malalayong pamayanan sa bawat sulok ng bansa, nang sa gayon ay walang maiiwanan at walang mahuhuli at sama-sama tayong [maglalakbay] sa Bagong Pilipinas, patungo sa Bagong Pilipinas. [applause]
Sa pakikipagsapalaran nating ito, umaasa akon na makikiisa kayo sa amin at sa inyong lokal na pamahalaan upang mapaunlad [pang] lalo ang inyong ekonomiya at magdala ng pangmatagalang kasaganahan sa Antique.
Maging matalino at maingat kayo sa lahat ng paggamit ng [mga] biyayang ipinagkaloob namin ngayong araw nang hindi lamang ang pagsasaka at pangingisda ng Antique ang ating [mapayayabong], kung hindi pati na rin ang mga kalapit-bayan na tumatanaw sa inyo bilang inspirasyon.
Nananatiling bukas ang inyong pamahalaan upang makinig at tumugon sa inyong mga hinaing at upang matulungan kayong makamit ang inyong mga pangarap para sa inyong mga sarili, para sa inyong mga pamilya, at kasama rin para sa buong Pilipinas.
Sama-sama po tayong manindigan sa ating mga mithiin at magkaisa ho tayo [nang] walang alinlangan tungo sa mas maunlad, matiwasay, at matatag na Bagong Pilipinas.
Maraming salamat sa inyong lahat. Mabuhay ang Antique! [applause] Mabuhay po kayong lahat!
— END —