Maraming salamat sa ating butihing Secretary ng Department of Agriculture, Secretary Kiko Laurel.
[Agtugaw tayo apo.]
Andito din po, kasama po din natin ang Kalihim ng Departamento ng Social Welfare and Development, ang DSWD Secretary dahil po alam ko na nakikita niyo siya kapag may bagyo, kapag may baha, may lindol, pumutok ang bulkan, ‘yan po ang nakikita natin dahil pagka may sakuna, may kalamidad, siyempre DSWD ang pumapasok.
Ngunit kasama siya ngayon dito dahil sa aming pananaw, ang pinagdaanan ng ating mga mannalon ken mangngalap (our farmers and fishermen) ay talagang krisis din ito, pareho din. At wala tayong magagawa at it is the act of God dahil nga sa climate change na nangyari. Kaya’t kasama natin ang DSWD Secretary para maghanda at magbigay ng tulong, ang DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian [applause]; ang ating — ang ama ng lalawigan ng Pangasinan, Governor Mon-Mon [applause]; the municipality, ang ating host dito, municipality of Lingayen, ang host natin sa ganito sa ngayong araw na programa, Mayor Leopoldo Bataoil [applause]; and municipal mayor, apo nga mayores ken bokales ken opisyales ti naduma-duma nga ahensya ng pamahalaan naimbag nga malem yu amin apo (magandang hapon po sa inyong lahat) [applause]; kasama din natin ang ating La Union governor dahil kasama rin sila sa Region I na pagbigay ng ating mga ibabahagi ngayong araw, at kasama — the La Union Governor, Governor Raphaelle Ortega-David [applause]; and ang ating — my cousin-in-law na sumama sa akin dahil po galing ako sa Ilocos Norte at nagbukas kami noong sa Sulvec, sa Pasuquin, nagbukas kami, ‘yung earthfill dam para mayroon tayong patubig na binigay.
Tapos pumunta kami sa Piddig at nagdala naman kami ng sari-saring mga tulong pero’ yung malaki ay ‘yung rice processing, na may dryer na, may miller na, doon na gigiling lahat at napakalaki. Kaya’t sinama ko na siya rito, sabi ko: ikaw na ang magrepresenta sa atin dito sa Pangasinan, Vice Governor of Ilocos Norte, Vice Governor Cecile Marcos [applause]; the members of the House of Representatives who have joined us here today; and the — ang pinaka-importante, ang pinakamahalaga na grupo na nandito ngayong hapon na kasama natin ngayon, kayo po ang mga beneficiary, na ating mga magsasaka, na ating mga mangingisda para dito po at Agrarian Reform Beneficiaries [applause]; my fellow workers in government; ladies and gentlemen… susubukan ko ito at dahil hindi — ‘yung Ilocano kaya ko pa pero… Masantos ya agew ed sikayon amin! (Good day to you all!) [applause]
Maraming salamat po sa inyong lahat na dumalo sa mahalagang araw na ito, lalo po sa lahat ng ating mga magsasaka, mangingisda, at ang inyong mga pamilya.
Narito kami ngayon upang bigyan ng bagong pag-asa at bagong simula ang mga bayani ng bayan sa sektor ng agrikultura.
Alam natin na naging matindi ang pinsala ng nagdaang El Niño sa mga kabuhayan ninyong lahat.
At pagkatuyo naman [ng mga lupain at kakulangan] sa tubig ay nagdulot ng malaking hamon hindi lamang sa mga pananim, kung hindi maging pati na sa palaisdaan dito sa Pangasinan.
Ayon sa aming datos, umabot sa mahigit limang daan at limampu’t siyam na milyong piso ang naging pinsala sa buong Region 1, kasama na ang Pangasinan, kung saan halos dalawampung-libong magsasaka at mangingisda ang naapektuhan.
Ngunit sa kabila ng mga pagsubok na ito, patuloy kayong nagsusumikap at nag-aalay ng inyong sarili upang masiguro na may pagkain ang bawat pamilyang Pilipino.
Bilang pasasalamat at ganti sa ipinamalas ninyong dedikasyon, katatagan, at pagmamahal para sa bayan, pumarito po kami upang maghandog ng kaunting tulong na magpapagaan sa hinaharap ninyong mga hamon.
Una sa lahat, mula po sa Office of the President ay mamamahagi ng [tig-sampung] libong piso sa ating mga magsasaka, mangingisda, at kanilang pamilya mula sa iba’t ibang probinsya ng Region I. [applause]
Sa kabuuan, mahigit isang daan at walumpung milyong piso ang ating [ipamamahagi], sa tulong ng ating mga lokal na pamahalaan sa mga nasabing lugar, upang maihatid ito sa ating mga benepisyaryo.
Dagdag po rito, ang DSWD naman ay magbibigay din ng sampung libong piso na cash assistance sa bawat isa sa higit na apat na libong benepisyaryo mula sa Pangasinan sa ilalim ng programang Ayuda sa Kapos ang Kita Program o ‘yung tinatawag na AKAP. [applause]
At kasama din po ang ating mga Congressman dito sa ating ginagawa at para naman sa lahat ng dumalo sa okasyong ito ay lahat po ng bumisita ngayong araw ay [makatatanggap] ng limang kilong bigas mula sa Tanggapan ni House Speaker, Speaker Martin Romualdez. [applause]
Mula sa ating Department of Agriculture, magbibigay tayo ng mga punla at iba’t-ibang makinarya at kagamitang pansaka tulad ng hauling truck, traktora, corn sheller, recirculating dryer, ‘yung hammer mill, pump and engine set, riding transplanter, at combine harvester.
Mayroon tayong naka-display na dito ‘yung maliliit, na mayroon ‘yung malalaking traktor nandoon sa labas. Ito po ay ibibigay natin sa ating mga magsasaka. Nandiyan din ‘yung mga bangka at ‘yung lambat na aming binibigay para sa ating mga mangingisda.
Maglalaan din po tayo ng walumpung milyong piso na pautang galing sa AgriNegosyo Loan Program.
Di rin magpapahuli ang BFAR na mamimigay ng isang de-motor na bangka at iba’t ibang kagamitan para sa pag-aalaga ng tilapia at ng shellfish, at modernong pagpo-proseso [ng asin].
Ang DTI naman, Department of Trade and Industry ay magbibigay ng higit [sa walong] milyong pisong halaga ng mga proyekto sa ilalim ng Shared Service Facilities Project.
Bukod dito, magbibigay din tayo ng halos dalawampung milyong piso para sa higit na apat na libo at limang daang benepisyaryo ng TUPAD Program ng DOLE.
Mula naman sa TESDA, mayroon din tayong training allowance, scholarship grant, at starter tool kit para sa ilan nating iskolar na mag-aaral ng Masonry at Shield Metal Arc Welding.
Maliban sa mga tulong na aking nabanggit, may espesyal na regalo din po tayo para sa ating mga magsasaka sa araw na ito. Kanina nga po ay napirmahan nga lang namin ‘yung Certificates of Condonation with Release of Mortgage. [applause]
Ito po ay ipapamahagi ng DAR sa ating mga Agrarian Reform Beneficiaries o ARBs dito sa Region 1. [applause]
Ang mga [certificates] na ito ay simbolo ng katuparan ng ating pangako na buburahin natin ang pagkakautang ng ating mga Agrarian Reform Beneficiaries dito sa Region 1.
Mahigit limampung milyong pisong halaga [ng utang pang-agraryo ng] lagpas tatlong libo at limang daang magsasaka ang ating napawalang bisa.
Para naman sa katabing rehiyon na CAR, Region II, at Region III, ibabahagi din natin ang mahigit pitumpung libong na Condonation din na magpapalaya sa ating mga Agrarian Reform Beneficiary mula sa mahigit tatlong bilyong piso na utang. Binura na lang natin para naman… [applause]
‘Yung kuwento po ni Sec. Conrad, totoo po ‘yun. Noong una kaming umupo ay nag-usap kami. Sabi — sabi ko ay tinitingnan ko ang mga pangyayari, sabi ko hindi, hindi pa natapos ‘yung pinakamahalaga at ang pinakamalaking project ni President Ferdinand Marcos Sr. at saka ni Secretary Conrad Estrella na sinimulan nila, 1966 pa yata nagstart ‘yung rice and corn.
Sabi namin, nakakahiya naman masyado, apatnapung taon na ito, limampung taon na ito, hindi pa natin natatapos. Ngayon, nabigyan tayo ng pagkakataon, huwag natin palalampasin itong pagkakataon natin na masabi naman natin na tinapos natin ang trabaho ng sinimulan ng mga ninuno natin. [applause]
Matutuwa si Tata Condring pagka magkaano ito…
Ang pamamahagi ngayong araw ng mga condonation na ito ay isang mahalagang hakbang-pasulong sa ating paglalakbay tungo sa hustisyang agraryo.
Kaisa ninyo kami sa inyong mga hangarin, at kami ay tapat sa pangakong susuportahan at palakasin kayo sa bawat hakbang ng inyong paglalakbay.
Magtulungan tayo upang bumuo ng matatag na kinabukasan kung saan ang bawat magsasaka, mangingisda, at pamilyang Pilipino ay may kakayahang bumangon mula sa kahirapan at mapa-unlad ang kanilang buhay.
Kayo po ang mga bayani ng ating makabagong panahon!
Kayo ang mukha ng Bagong Pilipinas! [applause]
Mabuhay ang ating mga magsasaka! [applause]
Mabuhay ang ating mga mangingisda! [applause]
Mabuhay ang Region 1! [applause]
Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]
Dios ti agngina kadakayo amin apo. Naimbag nga malem yu amin. (Magandang hapon sa inyong lahat.)
— END —