Maraming salamat sa Special Assistant, Secretary Anton Lagdameo Jr.
[Please, please, magsi-upo po tayo.]
Nandito po at sila ang lead agency dito sa aming ginagawa na pagdala ng tulong at assistance para sa ating mga beneficiary na tinamaan at naramdaman masyado ang tagtuyot na dala ng El Niño. Kaya’t nandito po ang iba’t ibang Cabinet secretary. Nandito po ang Kalihim ng Department of Agriculture, Secretary Kiko Laurel [applause]; at ‘yung matagal naiwan dito dahil nga sa pagputok ng Kanlaon pero doon siya sa Bago — at naiwan dito nga para siyang tumutulong, kaya’t siya po ang — sila po ang nangunguna kapag tayo ay tinamaan ng kalamidad. Ngunit hindi lang sa pagputok ng bulkan, hindi lang sa lindol, hindi lang sa bagyo, pati na sa ating mga farmer, sa ating mga mangingisda na nangangailangan ng tulong dahil nga sa kahirapan na dinaanan nila dahil nga sa hinaharap pa natin at patapos na rin, pero hinarap natin na El Niño, nandito po ang Kalihim ng DSWD, Secretary Rex Gatchalian. [applause]
Ang nakikipag-ugnayan po sa national government at saka sa ating mga opisyal ng local government… Alam niyo po kahit na napakaganda po ng plano ng national government, kahit na napakalawak ng programa na aming naiisip, hindi po namin kayang gawin kung hindi natin katulong ang mga local government officials. Kaya’t ang nag-uugnay po — kailangan maganda po ang ugnayan, kailangan maganda po ang coordination at laging nag-uusap. Kaya po ay nangunguna diyan sa pag-uugnay sa ating mga local government, mula sa probinsya hanggang sa barangay, ang ating Department of Interior and Local Government Secretary, Secretary Benhur Abalos. [applause]
Ang Lone District Representative ng Bacolod, Representative Greg Gasataya [applause]; ang Sixth District Representative naman ng Negros Oriental, Congresswoman Mercedes Alvarez [applause]; ang Third District Representative ng Negros Occidental, Third District Representative Cong. Francisco Benitez [applause]; the Fifth District Representative of Negros Occidental, Congressman Emilio Bernardino Yulo at ang ating butihing ama ng probinsya ng Negros Occidental, Governor Bong Lacson [applause]; at ang ating host dito sa ating programa ngayon, dahil nandito tayo sa Bacolod, ang ating City Mayor, Bacolod City Mayor Albee Benitez [applause]; ang pinakamahalaga na ating kasama ngayon dito sa ating programa na ginagawa ngayong hapon, ang pinaka-importante sa lahat ng nandito, kayo po, mga beneficiary na tatanggap ng iba’t ibang klase na tulong; ang aking mga kasamahan sa pamahalaan; ladies and gentlemen, maayong aga sa pinalangga namon [na mga] Negrense! [applause]
Huwag naman kayong nagtataka ‘yung First Lady galing sa Bago City kaya tinuruan akong mag… [laughter] Kaya nawala na ‘yung punto na Ilocano para na akong native.
Sa ating mga minamahal na mga magsasaka, mangingisda, kasama ang inyong mga pamilya dito sa ating tinutukoy na City of Smiles, isang taos-pusong pagbati mula sa ating pamahalaan.
Narito po kami ngayon sa Bacolod upang ipadama ang aming pagmamahal at suporta sa mga tunay na bayani ng ating panahon —kayo ang walang-humpay na [nagsisikap] para sa ating bayan. [applause]
Ngayon naman kaliwa’t kanan ang pagsubok na inyong kinakaharap — mula sa pabago-bagong klima hanggang sa mga kalamidad — hindi namin kayo pababayaan.
Isa na rito ay ang matinding pagsubok na dulot ng pagputok ng Bulkang Kanlaon nitong Hunyo lamang.
Sa kasalukuyan, umabot na sa higit siyam na libong pamilya o mahigit dalawampu’t pitong libo katao ang naapektuhan ng pag-aalburuto ng Kanlaon.
Ang mga pinsalang idinulot nito sa agrikultura ng Negros Occidental ay umabot [na] sa mahigit labing-isang milyong piso, na ikinalugi ng isang daan at tatlumpu’t limang mangingisda at magsasaka.
Bilang tugon sa hamong ito, namamahagi ang DSWD ng higit dalawampu’t apat na milyong pisong halaga ng tulong sa Bago City, sa La Carlota [City], sa La Castellana, Moises Padilla, at Pontevedra.
Bukod pa rito, kasalukuyang isinasagawa ng Department of Agriculture ang pagsisiyasat sa epekto ng pagputok ng bulkan sa sektor ng agrikultura at pangisdaan upang matiyak na maibibigay ang angkop na tulong at mga hakbangin.
Nakaantabay na rin ang DA Region 6 Disaster Risk Reduction and Management Operations Center at ‘yung Livestock Rescue Evacuation Center sa pag-alalay sa mga nag-aalaga ng hayop sa oras ng pangangailangan.
Ang Negros Occidental Provincial Veterinary Office naman ay nagbigay na rin ng mga gamot sa La Castellana at nagpadala ng mga beterinaryo at mga eksperto upang tumulong sa mga nag-aalaga ng mga hayop.
Kasabay din nito, hindi rin natin [nakalilimutan] ang pinsala na idinudulot ng nagdaang El Niño sa kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangingisda.
Kaya, ang Department of Agriculture Region 6 ay patuloy na nagsasagawa ng pananaliksik sa pinsala ng El Niño at tumutulong sa mga mangingisda at magsasaka sa kanilang pagbangon at rehabilitasyon.
Mga minamahal kong mga kababayan, sa araw na ito, magkakaroon pa tayo ng karagdagang tulong para sa inyong lahat.
Magbibigay po tayo ng [tig-sasampung] libong piso na siyang [ipamamahagi] ng lokal na pamahalaan [applause]sa mga benepisyaryo mula [rito] sa Bacolod City at iba pang bahagi ng Negros Occidental.
Bilang karagdagan sa mga ito, maglalaan din tayo ng sampung milyong piso para sa Pamahalaang Lungsod ng Bacolod at limampung milyong piso para naman sa Pamahalaang Panlalawigan ng Negros Occidental. [applause]
Magkakaroon din ng iba’t ibang uri ng tulong ang ilang sangay ng pamahalaan:
Ang DSWD ay magbibigay ng tig-sasampung libong piso sa sampung libong [makatatanggap] mula sa hanay ng mga magsasaka, mangingisda, at sa kanilang pamilya. [applause]
Bukod pa rito, kasama rin po ang ating mga congressman at ang Tanggapan ng House Speaker na si Speaker Martin Romualdez ay magbibigay din ng [tig-limang] kilong bigas sa lahat ng nandito ngayon. [applause]
Sa kabilang dako naman, patuloy rin nating isinusulong ang mga proyekto para sa ikagagaan ng buhay ng mga mamamayan ng Negros Occidental.
Isang mahalagang proyekto na ating tinututukan ay ang Bacolod-Negros Occidental Economic Highway [applause] na magsasaayos… Ito ay magsasaayos at magpapalawak ng mahigit apatnapu’t dalawang kilometro ng daan, magtatayo ng labindalawang bagong tulay, at magpapatibay sa kasalukuyang anim na kilometrong kalsada at apat na tulay. [applause]
At nariyan din ang Asenso Yuhum Residences dito sa Bacolod City.
Tinutukan din natin ang pagpapabuti ng kabuhayan ng ating mga kababayan dito.
Sa ilalim naman ng Tulong Panghanapbuhay para sa Disadvantaged/Displaced Workers o ‘yung tinatawag na TUPAD Programa ng DOLE, patuloy tayong magbibigay ng tulong sa mga benepisyaryo [sa] rehiyon. [applause]
Layunin nito na magbigay ng pansamantalang kabuhayan para sa mga nawalan ng trabaho at mga nasa laylayan ng lipunan.
Sa pangunguna naman ng TESDA, magbibigay tayo ng training allowance upang makakuha ng bagong kasanayan ang ating mga kababayan at makatulong sa kanilang paghahanap ng mas magandang trabaho.
Maliban sa mga ito, magbibigay din kami ng mga makinaryang pangsaka, mga seedling, mga iba’t-ibang kagamitan, livelihood starter kits na [makatutulong] sa inyo nang pangmatagalan.
Inaasahan natin na bubuo ito ng isang produktibong pamayanan, ng isang maaliwalas at kaaya-ayang kapaligiran.
Mga kababayan, ako ay nasasabik na makita ang kalalabasan ng lahat ng ito, pati na rin sa magiging epekto nito sa ekonomiya ng inyong lokalidad, lalo na ngayong bahagi na kayo ng bagong Negros Island Region. [applause]
Pinapangako ko na walang magsasaka, o mangingisda, o sino mang Pilipino ang mapag-iiwanan sa aming pinapangarap na Bagong Pilipinas. [applause]
Bilang inyong Pangulo, ang aking pangarap ay isang bansang maunlad kung saan ang bawat isa ay mamumuhay nang may dangal at katiyakan sa kanilang kinabukasan. [applause]
Sa inyong tulong at suporta, makakamit po natin ito.
Basta’t tayo ay sama-sama at nagtutulungan at tayo ay kapit-bisig na pinapaganda ang hanapbuhay at tumutulong tayo sa mga nangangailangan ng tulong, maaabot na rin po natin ang ating pangarap na Bagong Pilipinas.
Maraming salamat. [applause] Mabuhay ang ating mga magsasaka at mangingisda! [applause]
Mabuhay ang bawat pamilyang Pilipino! [cheers and applause]
— END —