Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and families in Batangas


Event Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk and Families in Batangas
Location Fernando Poe Jr. Arena in San Jose, Batangas

Maraming, maraming salamat sa Kalihim ng Kagawaran ng Ingat-Yaman. Ngayon ko lang narinig ‘yung translation sa Tagalog nung finance at bagay na bagay sa trabaho po ni Secretary Ralph Recto.

[Magsi-upo po tayo.]

Andito rin po, kasama rin po natin ang mga kalihim ng mga iba’t ibang departamento. Andito po ang DA Secretary, Secretary Kiko Laurel. [applause] Dahil po ang Department of Agriculture ang siyang lead agency para pagandahin at palaguin at palawakin ang ating sektor ng agrikultura.

Iyan po ay pundasyon ng isang matibay na ekonomiya, isang matibay na populasyon na sa ating mga kababayan, na kapag maayos ang food supply, maayos ang ating pagbigay ng hanapbuhay sa ating mga magsasaka at mangingisda. Ito po ay magbibigay ng maayos na lipunan ng Pilipinas.

Andito rin po ang Secretary ng DSWD, Secretary Rex Gatchalian. [applause] Andito po at siya’y nakikita po ninyo kapag kalamidad, bagyo, pagka may baha, may lindol, pumuputok ‘yung bulkan.

Ngunit sa aming pananaw, ang dumaan na tagtuyot na El Niño ay krisis din, ito’y kalamidad din. Kaya’t isinama natin sa ating mga programa para sa pagtulong sa mga tinamaan at napinsala sa pagdaan ng El Niño, sa pagsira ng inyong hanapbuhay dahil sa tagtuyot. Ito po, ginawa po nating krisis ‘yan kaya’t nandito po ang DSWD upang tumulong.

Andito rin po ang Secretary ng DILG. Alam niyo po kung bakit mahalaga ang trabaho ng DILG? Alam niyo po, kami sa national government ay kahit na gaano kaganda, at gaano kalawak, at gaano kahusay ang aming mga pinaplano na programa, kapag hindi po maganda ang ugnayan sa gitna ng national government at saka sa local government, hindi po mararamdaman ng taumbayan kung gaano — ‘yung lahat ng program namin. Hindi namin maibababa nang mabuti.

Kaya’t malaking bagay, malaking bahagi sa aming nagiging matagumpay na programa ay ang pag-ugnayan ng local government at saka ng national government. Upang lahat ng maaaring gawin ng national government ay dinadala naman ng local government officials para agarang maramdaman ang benepisyo ng taumbayan. Iyan po, ang gumagawa po niyan, ang nangunguna po diyan sa ugnayan na ‘yan, DILG Secretary, Secretary Benhur Abalos. [applause]

Ang ating mga members of the House of Representatives, First District Representative Eric Buhain [applause]; ang Second District Representative, Congresswoman Gerville Luistro [applause]; Fourth District Representative, Representative [Lianda] Bolilia [applause]; at ang Fifth District Representative, Representative Mario Mariño [applause]; galing naman po — ating mga representative na galing po sa Laguna, nandito po ang First District Representative ng Laguna, Ma. Rene Ann Lourdes Matibag [applause]; sa Quezon naman po, nandito rin po, sinamahan din po tayo — bago po punta sa Quezon… Sa Laguna, nandito rin po ang Third District Representative, Representative Loreto Amante [applause]; galing naman po sa Quezon ay nandito ang First District Representative, Representative Wilfrido Mark Enverga [applause].

Tama po ‘yung sinabi ni Secretary Ralph kanina. Ito, mga classmate naming lahat.

Alam niyo po, noong una kaming — noong una akong pumasok sa politika, noong una akong pumasok sa Congress, 9th Congress, 1992 pa ‘yun, magkasama po kami ni congressman Ralph Recto na kami ang dalawang pinakabata na congressman na pumasok ng 9th Congress. Nauna lang siya nang kaunti. Mas bata siya nang kaunti lang, aaminin ko, kaunti lang.

Kaya siya ang naging Benjamin. Kaya kami ‘yung parang rookie doon. At nagtatanong, lagi nag — papaano ba ito? Papaano ba ang patakbo rito? Kaya’t lahat po ito, lahat po ng ating ibang mga representative, naging classmate na rin po namin. Kaya po napakaganda na makita na nagkakaisa lahat at nagtutulungan para sa ikabubuti ng ating mga kababayan.

Ang ating mga Party List Representative ay nandito. CWS Party List representative Edwin Gardiola is also here [applause]; AGAP Party List, Party List Representative Nicanor Briones [applause]; AnaKalusugan Party List Representative Ray Reyes [applause]; Malasakit and Bayanihan Party List Representative Anthony Golez [applause]; Duterte Youth Party List Representative Drixie Mae Cardema [applause]; andito rin ang ating mga namumuno sa iba’t ibang probinsya, galing po — andito po rin ang Laguna Provincial Governor Ramil Hernandez [applause]; at siyempre ang bago ko pong pagbabati po sa — itong kaibigan natin na matalik na matagal na, bago pa, noon pa, bago pa nung —panahon pa ng aking ama ay siya’y kasama ng First Lady noon.

At ang tawag ko nga ngayon sa kanya noong nagpadala ng picture sa akin, sabi niya “pirmahan mo.” Ang sinulat ko doon: “Our favorite newlywed, Governor Dodong Mandanas.” [applause]; Quezon Provincial Vice Governor Anacleto Alcala is also with us [applause]; San Jose Municipal Mayor, ang host natin dito sa ating programa ngayong araw na ito, Mayor Valentino Patron [applause]; ang aking mga kasama sa pamahalaan; at ang pinakamahalaga at ang pinaka-importante na nandito ngayon na nakisama sa atin ngayon ditong araw, kayo po, mga beneficiary po ng ating mga ibibigay. [cheers and applause] Magandang umaga po sa inyong lahat.

Sa ating mga minamahal na magsasaka, mangingisda, at ang inyong mga pamilya mula rito sa Batangas, isang magandang araw po sa inyong lahat.

Sa maulan na panahon na ating nararanasan sa mga nagdaang araw, naalala ko tuloy ang napakasarap na special lomi ng Batangas.

Bukod sa inyong [magagandang] beach [resorts], ang masarap na pagkain ng Batangas ang dahilan kaya dinarayo talaga ang inyong lugar. May pinakita pa sa amin kanina. May lambanog, may… Kami, tawag namin bugnay. Dito, bignay, bignay wine.

At kasama na rin doon sa pagsasalo natin, palagay ko mamayang gabi kami ni Secretary Ralph Recto at saka ni — lahat ng Cabinet secretary ay tetestingin (testing) lang naman namin ‘yung lambanog para makita kung talagang maganda. [applause]

Kaya naman nawa’y mas pagtibayin at palaguin [pa] ninyo ang mga produktong proudly-made in Batangas.

Narito po ako ngayon, kasama ang mga iba [pang] opisyal ng pamahalaan, upang ipaabot ang aming taus-pusong pasasalamat sa inyong sipag at pagpupunyagi. Kami po ay mag-aabot ng kaunting tulong sa ating mga magsasaka, mangingisda, at kanilang mga pamilya na labis na naapektuhan ng El Niño.

Base sa aming huling datos, nagkakahalaga ng apat na raan at walong milyong piso ang nawala sa sektor ng agrikultura dito sa inyong rehiyon sanhi ng matinding tagtuyot.

Kung kaya’t mamamahagi po ang aking tanggapan ng tig-sampung libong piso para sa mga magsasaka, mangingisda, at ilang pamilya mula sa Batangas, sa Laguna, at sa Quezon. [applause]

Sa kabuuan, mahigit pitumpung milyong piso ang ipapamahagi natin para sa mga benepisyaryo mula sa tatlong probinsyang ito. Hangad ko na makatulong ito nang malaki sa kanilang [pagbangon].

Panimula pa lang po ito.

Sa pangunguna ng DA, mamamahagi tayo ng mga punla at pataba ng [mga] pananim tulad ng mais, palay, niyog, abaka, kalamansi, at iba’t ibang mga klase [ng] gulay.

Magbibigay din po tayo ng ilang yunit ng traktora, hauling truck, combine harvester, rice thresher, grain collector bagger, corn husker sheller, hammer mill, forage chopper, cassava grater, at chipper.

Ito po ay dahil binibigyan natin po ng pagkakataon ang ating magsasaka na hindi na dinadala ang kanilang produkto, ang raw material kung tawagin para i-process sa ibang lugar. Dito, sa paggamit nitong mga makinaryang ito ay kaya na mag-processing kahit small scale lang, kaya na mag-processing ang ating mga magsasaka, ang ating mangingisda.

Sa ganun, ang pinagbibili ngayon ay finished product. Ibig sabihin mas mahal ang presyo ngayon ‘yun. At ‘yang presyo na ngayon ‘yun, hindi na pupunta sa processor kung ‘di pupunta na, deretso na sa ating mga magsaska at sa ating mangingisda, para gumanda naman ang kita ninyo sa inyong hanapbuhay. [applause]

[Dadagdagan] pa po natin [ito] ng ilang yunit ng recirculating dryer, solar powered irrigation systems, pump and engine sets para sa patubig, at ilang kagamitan para sa pansaka.

Para sa mga nag-aalaga ng hayop, magbibigay po tayo ng limampung kalabaw, ilang yunit ng hauling truck, at limang yunit ng Biosecured and Climate Controlled Finisher Operation Facility na nagkakahalaga ng mahigit dalawampu’t apat na milyong piso. [applause]

Sa atin namang mga mangingisda, magbibigay po sa inyo ang BFAR ng ilang yunit ng bangka, ng fish [cages], at iba’t ibang gamit sa pangingisda.

At bilang tampok, dahil narito po tayo sa Batangas, magbibigay po tayo ng isang Post Harvest Technology Package para sa Smoking at Bottling ng Bangus at sikat ninyong produkto na Tawilis, na dito lang nanggagaling, dito sa inyo.

Maglalaan din po tayo ng sampung milyong piso para dito sa inyong lalawigan at limampung milyong piso naman para sa Quezon bilang credit assistance para sa maliliit na AgriNegosyo.

Gayundin, sa lalawigan ng Quezon, gagawaran natin ng isang milyong piso ang LGU ng Tagkawayan para sa kanilang Malinis at Masaganang Karagatan Project. Dahil naipanalo nila, napakaganda ang kanilang pag-alaga doon sa kanilang fishing ground.

Maliban po rito, ang DSWD ay mamamahagi ng tig-sampung libong piso para sa sampung libong benepisyaryo ng AKAP Program. [applause]

Magbibigay din po sila ng cash assistance na nagkakahalaga ng mahigit apat na milyong piso para sa higit dalawang libo at tatlong daang benepisyaryo ng Supplementary Feeding Program.

Ang DOLE naman ay mamamahagi ng halos dalawampu’t siyam na milyong piso para sa higit limang libong benepisyaryo ng TUPAD.

Kasama rin po natin ang TESDA upang maghatid ng halos isang daang starter toolkits para sa mahigit pitong daang benepisyaryo ng Special Training and Employment Project, mga Certificates of Scholarship para sa higit tatlong libong benepisyaryo, at ‘yung Training Support Fund para sa lagpas dalawang daan at animnapung benepisyaryo.

Mayroon po tayo mga TESDA booth, nandiyan po sa labas, nandito po na pwede ninyong puntahan upang masubukan ninyo kung anong kasanayan ang maaari ninyong pag-aralan sa ilalim ng TESDA training program.

Masaya rin ako na makasama sa okasyong ito ang Tanggapan ng ating House Speaker. Kasama din po sa pagtulong natin ay ang House of Representatives na pinamumunuan po ni Speaker Martin Romualdez na may baong tig-limang kilong bigas para sa mga pamilyang dumalo dito ngayon. [applause]

Ngunit, higit pa po sa mga tulong at serbisyong ito, kami po ay patuloy na kumikilos upang palakasin ang ekonomiya ng CALABARZON. Mula noong 2023 hanggang 2024, nakapagbigay na po tayo ng halos sampung bilyong piso para sa Philippine Rural Development Plan dito sa Region 4-A.

Kabilang sa mga ginagawa natin dito sa inyong rehiyon ay ang Taal Lake Circumferential Road at ang Lobo Malabrigo–San Juan Laiya Road.

Nariyan din po pala ang Quipot Irrigation Project at Macalelon Irrigation Project sa kalapit [na] lalawigan ng Quezon na malapit na rin pong matapos.

Mga minamahal kong kababayan, iba-iba [man] ang [pinagdaraanan] nating pagsubok at patong-patong man ang mga suliranin at hamon ng buhay, malalampasan natin ang lahat ng ito kung patuloy tayong [magtutulungan] sa isa’t isa.

Naniniwala ako na likas na matatapang ang mga Batangueño — kasing tapang ng kapeng barako! Matapang niyong sinusuong ang mga pagsubok para sa kapakanan ng inyong mga pamilya. [applause]

Kaya po [makaaasa kayo] na patuloy po namin kayong aalalayan. Sama-sama tayong maglakbay tungo sa isang mas masaganang bukas — ang bukas ng Bagong Pilipinas! [applause]

Mabuhay ang ating mga magsasaka! Mabuhay ang ating mangingisda! Mabuhay ang Batangas! Mabuhay ang Quezon! Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [cheers and applause]

— END —