Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families in Cagayan de Oro City


Event Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families in Cagayan de Oro City
Location Pimentel Convention Center, Brgy. Taguanao in Cagayan de Oro City

Maraming, maraming salamat sa ating Speaker sa kanyang pagpakilala.

[Please take your seats.]

At babatiin ko na rin… Anong mayroon dito? May hearing yata dito, ang daming congressman. Ngayon lang ako nakakita ng ganito. Kahit noong congressman ako, noong pumapasok ako, hindi ganito karami ang congressman doon sa plenary hall. [applause]

Andito rin po, kasama po natin at sinama ko upang makita at malaman ang tunay na sitwasyon dito sa inyong lugar, dito sa area ng Northern Mindanao dahil po ay ang approach po natin na ginagawa ay ‘yung tinatawag na whole-of-nation approach lahat po ng departamento, ng ahensya ng gobyerno ay tinutugunan ang bawat problema.

Kaya’t nandito po ang ating Agriculture Secretary, Secretary Kiko Laurel of the Department of Agriculture [applause]; si Secretary Rex Gatchalian ng DSWD [applause]; at ang ating Special Assistant na si dating congressman at napunta ngayon sa Office of the President, Special Assistant to the President Anton Lagdameo, Secretary Anton Lagdameo [applause]; ang aking matagal ng kaibigan pero bata pa kami noon kaya hindi pa kami matanda pero matagal na po kaming magkaibigan. Alam niyo po noong una akong tumakbo as senator, si Congressman Rufus po ang tumutulong sa amin at hindi ko makakalimutan. Congressman Rufus Rodriguez of the Second District of Cagayan de Oro [applause]; ang First District Congressman ng Cagayan de Oro, Congressman Lordan Suan [applause]; ‘yung mga politiko rito ang lakas ng pala. Paano? Dapat gayahin ko ito pagdating ng ano — pag halalan; Misamis Oriental Governor, Governor Peter Unabia [applause]; Bukidnon Provincial Governor, Governor Rogelio Roque [applause]; Camiguin Provincial Governor, Governor Romualdo [applause]; at ang Mayor, ang butihing Mayor ng Lungsod ng Cagayan de Oro City Mayor Klarex Uy [applause]; ang pinakaimportante na bisita natin ngayon dito, ang mga beneficiary na tatanggap ngayon ng mga ayuda at tulong na galing sa ating pamahalaan [applause]; my fellow workers in government; lahat po ng ating mga naging bisita, magandang hapon po sa inyong lahat.

Ikinagagalak ko pong makabalik dito sa CDO, at uulitin ko po ang aking first impression sa inyong lalawigan, “Ka pachada ba kaayo dari nga lugar!” [cheers and applause]

Wala pong halong biro: Tunay pong napakaganda ng CDO! [cheers]

Talaga naman pong nakatutuwa na makasama kayong muli dahil napakasaya ng inyong mga ngiti at napaka-init ng inyong pagtanggap at pagsalubong sa amin. [applause]

Ang sadya po namin dito ay upang personal na i-abot sa ating mga lokal na pamahalaan ang Presidential assistance para sa ating mga magsasaka at mangingisda na napinsala,naaapektuhan ng El Niño. Ang ating dinadaanan na tagtuyot.

Ito ay [nagkakahalaga] ng sampung libong piso na tulong sa mga kwalipikadong magsasaka, mangingisda, [applause] at mga pamilyang labis na naapektuhan ng tagtuyot na dinadanas natin ngayon.

Maliit na halaga po, ngunit umaasa akong magagamit ninyo ito upang makapagsimula muli.

Ito’y bukod sa aming binibigay mula sa DSWD, mula sa DA, mula sa programa ng DOLE ng TUPAD, eh magbabahagi rin ng bigas. Bukod pa diyan, magbabahagi rin ng bigas ang opisina ng ating House Speaker. [applause]

Tayo ay nagsasagawa rin ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa University of Science and Technology ng Southern Philippines kasama ang DSWD, ang Department of Trade and Industry, ang TESDA, ang DOLE, ang Department of Health, at iba pang mga ahensya ng pamahalaan.

Ang mga [ahensyang] ito ay mamamahagi ng iba’t-ibang tulong mula sa kani-kanilang mga programa.

Nais ko ring ipabahagi sa inyo [ang] mga hakbang na ginagawa ng inyong pamahalaan upang mapabilis ang pag-unlad dito sa inyong rehiyon.

Alam ko pong doble kayod ngayon ang mga magsasaka at mangingisda dito sa inyong lugar sa kabila ng epekto [na] dulot ng El Niño.

Sa abot ng aming makakaya, gagawin ng pamahalaan ang lahat upang matiyak na ang kinakailangang suporta at tulong ay agad na maipaparating sa bawat apektadong pamilya, magsasaka, at mangingisda.

Makakaasa naman ang lahat na hindi lamang sa panahon ng hirap ay nariyan ang inyong gobyerno. Dahil tuloy-tuloy ang mga programang imprastraktura sa inyong lungsod at rehiyon, gaya ng pagpagawa ng mga paliparan, kalsada, at iba pang mga proyekto.

Upang mapabuti ang lagay ng transportasyon sa Cagayan de Oro at sa Northern Mindanao, isinasagawa na po natin ang ilang improvement at saka development project. Isa na rito ang pagpapalawig ng Laguindingan Airport na may halagang halos labing tatlong bilyong piso. [cheers and applause]

Kaya tinuturo ko po si Congressman Bambi dahil ilang taon mo na sinasabi sa akin ‘yan, naging totoo rin. [applause]

Nariyan din ang patuloy na paggawa ng pagsasaayos ng mga daan, kabilang na ang CDO Coastal Road at CDO Diversion Road. [cheers and applause]

Upang makatulong sa pagpabilis ng biyahe ng ating mga kababayan, gayon din ang mga pangunahing produkto na sa ating mga merkado.

Ginagawa din po natin ang lahat upang matapos agad ang Cagayan de Oro Port Expansion Project na may kabuuang halagang pitong daang milyong piso [applause] upang makatulong sa pagpapa-luwag ng port traffic para maging mas mura, at mas mabilis, at mas madali ang — hindi lamang ang mga pasahero na bumabyahe kung hindi pati na ang mga produktong nanggagaling sa CDO, ang mga produktong nanggagaling sa Northern Mindanao ay mapapabilis at magiging mas maganda ang hanapbuhay ng ating mga kababayan. [applause]

Bukod po sa mga gusali, kalsada, at iba pang imprastraktura, ay marami po tayong natutunan noong COVID. Marami po tayong nakita na naranasan noong pandemya, kaya’t hindi lang kalsada at imprastraktura kung hindi ipatatayo rin natin ang Trauma and Multi-Specialty Centers sa Northern Mindanao Medical Center. [applause]

Ito ay upang patuloy na matugunan ang inyong pangangailangan sa larangan ng pangkalusugan.

Sa mga ito, makikita natin ang mga konkretong hakbang sa kung paano natin pagbubutihin ang transportasyon, kalusugan, at imprastraktura sa rehiyon.

Sa ilalim naman ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, nagbigay po tayo ng mahigit limandaang milyong piso simula Enero nitong taon upang matulungan ang halos tatlong daang libong mahihirap na sambahayan sa buong rehiyon.

Nagpaabot din tayo ng tulong sa ating mga senior citizen para sa mga kanilang pangangailangan lalo na sa pagkain at sa gamot. Simula noong Enero, mahigit siyam na raang milyong piso ang ating naipamigay sa ating mga indigent na senior citizens dito sa region ninyo.

Para naman sa ating disadvantaged and displaced workers, patuloy [nating] ipinatutupad ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program o TUPAD.

Simula noong 2023, nakaraang taon, nakapagbigay na po tayo ng higit isang bilyong piso sa libo-libong benepisyaryo dito sa Northern Mindanao. [applause]

Ngunit hindi lang po ito ang ating hangarin. Hinaharap din natin ang problema sa tubig, na pinapalala ng mainit na panahon na dala ng El Niño.

Suportado po natin ang mga proyektong pang-irigasyon at flood control, na hindi lamang tutugon sa isyu ng kakulangan ng tubig, kundi pati na rin sa perwisyo ng pagbaha na nararanasan dito sa CDO.

Masaya akong ipaalam na ang Flood Risk Improvement and Management Project para sa Cagayan de Oro River ay atin pasisinayaan.

Katuwang ang iba pang irrigation at water project, inaasahang magiging malaki ang [ginhawang] dala nito sa CDO.

Hindi rin lingid sa aking kaalaman ang suliraning kinakaharap ng lungsod sa suplay ng tubig at ito’y balitang balita. [cheers and applause]

Kaya’t noong ito’y nalaman ko ay nakipagusap po tayo kay Mr. Manny Pangilinan ng Cagayan de Oro Bulk Water upang manumbalik ang normal na supply ng tubig habang humahanap tayo [cheers and applause] ng pangmatagalan na solusyon dito sa problemang ito.

Pumayag po si Mr. Pangilinan sa ating pakiusap at handa po siyang makipag-pulong sa inyong Alkalde [applause] upang matuldukan na ang suliraning ito at mabigyan ng kinakailangang tubig ang lagpas anim na pung libong kababayan dito sa CDO.

Akin ding inatasan ang Local Water Utilities Administration na pag-aralan ang posibleng pamamahala nito sa Cagayan de Oro Water District upang sa lalong madaling panahon ay mapag-aralan ang solusyon sa sitwasyon ng suplay ng tubig dito sa inyong lugar. Hindi lang sa suplay ng tubig, pati na ang pagtukoy ng angkop na water rate at pagtupad sa mga obligasyon nito sa mga consumer at sa ating mga supplier. [applause]

Hindi natin hahayaan mapagkaitan ang mga taga Cagayan de Oro [ng] kanilang karapatang magkaroon ng sapat, malinis, at ligtas na suplay ng tubig.

Sa ating pagkakaisa at sama-samang [pagkilos], tiwala ako na magtatagumpay tayo sa mga hamong ating hinaharap at pagpatuloy ang pag-angat natin at pag-unlad sa Northern Mindanao. [applause]

Sa inyong suporta, sa inyong tulong, at sa ating pagkakaisa, gayon din sa pamamagitan ng ating agarang pagtugon sa pangangailangan ng bawat mamamayan, magiging tagumpay ang ating laban hindi lamang sa tagtuyot at problema sa tubig, kundi pati na rin ang pag-unlad ng ating bansa. [cheers and applause]

Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat sa suporta na ibinigay ninyo sa amin noong nakaraang halalan. Ito po ay susuklian namin ng lahat ng kaya naming gawin upang pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino at pagandahin ang ating minamahal na bansang Pilipinas.

Maraming salamat po. [cheers and applause]

Sama-sama nating salubungin ang isang Bagong Pilipinas.

Muli, isang magandang araw sa inyong lahat!

Mabuhay kayo! Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [cheers and applause]

—END—