Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and families in Cavite


Event Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk and Families in Cavite and Rizal
Location City of Dasmariñas Arena in Cavite

Maraming salamat sa ating butihing Gobernador, Governor Jonvic Remulla sa kanyang pagpakilala.

[Magsi-upo po tayo.]

Kasama ko po ang iba’t ibang kalihim ng iba’t ibang departamento ng Gabinete at ito po ay dahil hindi lang po isang departamento ang nakikilahok kapag kami’y gumagawa ng programa, mayroon po kaming tinatawag na whole-of-government approach.

Ang ibig sabihin po nito ay hindi lamang — pag gumawa po kami ng programa, may proyekto po kami, hindi isang departamento lamang ang nagtatrabaho para doon sa programang ‘yan. Lahat ng departamento na makatulong ay isinasama na rin namin. Ibig sabihin whole-of-government approach, ‘yung buong pamahalaan ay nasa likod ng bawat programa ng pamahalaan para maging matagumpay ang ating mga proyekto at ang ating mga programa.

Kaya po kasama ko po, nandito po ang Secretary ng Department of Agriculture, Secretary Kiko Laurel [applause]. Siya po ang namamahala hindi lamang sa pagtulong dito sa ating mga magsasaka at mangingisda na tinamaan ng tagtuyot, ng El Niño. Siya rin po ang namamahala upang pagandahin ang produksyon ng bigas at iba’t ibang tanim dito sa Pilipinas pati na ang pag-aalaga ng ating mga hayop na kailangan nating tingnan dahil nagkaka-problema tayo. Napepeste ‘yung mga manok, napepeste ‘yung mga baboy.

Siya po ay — tinitingnan po lahat ng aming kailangan upang mabigyan naman ng mas magandang pagkakataon ang ating mga magsasaka at ‘yung mga nagaalaga ng mga hayop.

Kasama po rin natin, ito po, itong Secretary po na ito nakikita lang siguro ninyo pagka may bagyo, o may lindol, o may baha. Dahil sila po ang namamahala — ang DSWD ay ang nagbibigay ng tulong pagka tinamaan po ng kalamidad ang ating mga kababayan. Ngunit ang pagbabago rito ay sinabi namin kalamidad din itong El Niño, itong tagtuyot. Kaya’t kailangan din na tumulong sa ating mga naghihirap na magsasaka at mangingisda ang DSWD — ang ating Secretary po, Secretary Rex Gatchalian. [applause]

Andito rin po ang kalihim ng DILG. Importante po ito. Alam niyo po, kahit na gaano kaganda ang programa na ginagawa namin sa national government, kahit gaano kaayos ang aming mga pina-plano para makatulong sa taumbayan, para magdala ng biyaya sa ating mga kababayan ay hindi po namin maibababa nang mabuti kung hindi kasama ang ating mga local government officials. At kaya naman po, kailangan maganda ang ugnayan sa gitna ng national government at saka sa local government. Dahil kung hindi maganda ang coordination ng national at saka sa local ay mahirap. Hindi po mararamdaman ng tao ‘yung aming ginagawa sa national government. Ang namamahala po diyan ay siyang gumagawa at tinitiyak na maganda ang ugnayan sa gitna ng national government at saka sa local government, ang ating DILG Secretary, Secretary Benhur Abalos. [applause]

Andito rin po ‘yung ating action star na hindi na masyado makapag-action ngayon dahil medyo napilayan yata ng konti. Siguro nabugbog na naman yata ni Ma’am Lani. [laughter] May ginawa na naman itong aking kaibigan, katukayo ko—Senator Bong Revilla. [applause]

Andito rin po ang ating kasama at malaking tulong po sa lahat ng ating ginagawa… Ay silang dalawa po — si Senator Revilla at si Senator Francis Tolentino po. Ito’y mga Senador na maaasahan natin na tumulong at pinapaganda ang patakbo ng ating pagbabago sa ating lipunan, sa ating ekonomiya.

Andito rin po ang ating mga representative, ang ating mga congressman galing dito po sa Cavite, First District Representative, si Congressman Jolo Revilla [applause]; andito rin po ang… Ang biro ko po sa kanya, ang lagi kong sinasabi, akala po nitong ating butihing Congresswoman, ang napangasawa niya action star, ang bagsak niya naging caregiver, dahil pilay-pilay ngayon si Senator Bong Revilla. Andiyan po si Congresswoman Lani Revilla. [applause]

Ang Third District — galing naman po sa Pangatlong Distrito ng Cavite, Representative Adrian Jay Advincula [applause]; galing po sa Panlimang Distrito ng lalawigan ng Cavite, Representative Roy Loyola [applause]; ang Seventh District Representative, Seventh District Representative Crispin Diego Remulla [applause]; at ang Eighth District Representative, Aniela Blanca Tolentino [applause]; andito rin po ang mga Congressman na galing po sa lalawigan ng Rizal, ang First District Representative ng lalawigan ng Rizal, Representative Michael John Duavit [applause]; ang Second District Representative ng lalawigan ng Rizal, Representative Emigdio Tanjuatco [applause]; at ang Third District Representative naman po ng lalawigan ng Rizal ay Representative Jose Arturo Garcia Jr. [applause]; ang Agimat Party List Representative Bryan Revilla [applause]; ang Rizal Provincial Governor na kasama po natin ngayon, Governor Nina Ricci Ynares [applause]; at ang narinig po natin at natuklasan ko na marami pala siyang proyekto lalo na sa mga kababaihan dito sa Dasmariñas. Ang ating host sa ating okasyon ngayon ay ang mayor natin at Mayor ng Dasmariñas, Mayor Jennifer Barzaga [applause]; at ang pinakamahalaga na nandito ngayon na nakisama sa atin dito sa araw na ito, kayo po mga benepisyaryo para — na ibibigay na mga tulong na gagawin natin ngayong araw, mabuhay po kayong lahat at welcome po [applause]; sa aking mga kasamahan sa pamahalaan; lahat po ng mga opisyales na nandito, magandang tanghali po sa inyong lahat!

Nagtitipon tayo dito sa Duyan ng Rebolusyong Pilipino at ang Sinilangan ng Kalayaan ng Pilipinas – ang probinsya ng Cavite.

Habang inaalala ang di-matatawarang sakripisyo ng ating mga ninuno, atin ding kinikilala ang pagsisikap ng mga makabagong bayani ng Cavite — walang iba kung hindi ang ating mga magsasaka at mangingisda. [applause]

Sa amin pong datos mahigit apat na libo at pitong daang magsasaka at mangingisda ang direktang naapektuhan noong nakaraang El Niño dito sa CALABARZON.

Kung [kaya’t] kami ay naririto upang magbigay ng tulong pinansyal at iba pang suporta sa mga naapektuhan [nating] mga magsasaka, na mga mangingisda, at kasama din po riyan ang kanilang mga pamilya.

Bilang panimula, nais kong ipabatid na ang Tanggapan ng Pangulo ay magbibigay ng sampung libong piso sa ilang magsasaka, mangingisda, at pamilya dito sa Cavite, kasama na ang mga taga lalawigan ng Rizal. [applause]

Ang kabuuang halaga ng tulong na ibabahagi namin ay mahigit labing dalawang milyong piso para sa mga benepisyaryo sa Cavite at lagpas naman sa labing apat na milyong piso para naman sa mga taga Rizal. [applause]

Sa pangunguna naman ng Department of Agriculture, mamamahagi tayo ng sari-saring punla, pataba, at ilang kagamitang pansaka tulad ng mga traktora, mga combine harvester, multi-tiller, rice thresher, hauling truck, at pump and engine set. Nandiyan po ‘yung mga ibang sample. Nakita niyo po sa labas.

Ang BFAR ay [mamamahagi] rin ng bangkang de-motor at sari-saring kagamitan para sa ating mga mangingisda.

Kasama rin po natin dito ang DOLE na magbibigay ng higit dalawang milyong piso sa ilalim ng TUPAD para sa higit apat na raang benepisyaryo at higit isang milyong piso naman na tulong sa ilalim ng Integrated Livelihood Program para sa limampung benepisyaryo dito sa Cavite.

Ang TESDA patuloy din na tumutulong. Sila ay mamamahagi ng Scholarship [Referrals] na nagkakahalaga ng mahigit dalawampu’t walong milyong piso, ilang Starter [Toolkits] na nagkakahalaga ng mahigit dalawangdaan at limampung libong piso at pondo na nagkakahalaga ng higit isangdaan at apatnapung libong piso bilang Training Support Fund.

Kasabay nito, nandiyan din po ang DTI, Department of Trade and Industry na maghahandog ng mga tulong sa ilalim ng One Town One Product Next Gen Program, Coconut Farmers Industry Development Fund, Comprehensive Agrarian Reform Program, Kapatid Mentor Me Program, at marami pa na mga programa rito.

Ang DSWD din ay mamahagi ng [tig-sampung] libong piso sa labing dalawang libong benepisyaryo sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP.

At siyempre po, hindi rin magpapahuli ang opisina ng ating mga congressman. At mula sa Tanggapan ng House Speaker Martin Romualdez, sila naman ay mamamahagi ng tig-limang kilong bigas para sa lahat [ng] dumalo sa okasyong ito ngayon. [applause]

Ngunit bukod po rito, nais ko rin pong [ibahagi] ang ilan sa mga inisyatiba ng inyong pamahalaan para sa ikauunlad ng kabuhayan ng mga mamamayan ng Cavite at ng Rizal.

Sa larangan ng imprastraktura, malapit na pong matapos ang ating LRT [Line] 1 Cavite Extension project. Ito po ay magbibigay ng kaginhawaan sa ating mga pasahero.

Kasalukuyan na rin pong ginagawa ang Cavite-Laguna Expressway-Cavite Segment at South Luzon Expressway Toll Road 4 para maging mabilis at maginhawa ang paglalakbay ng ating mga kababayan.

Ginagawa na rin po natin ang Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project para maibsan ang pagbaha dito sa Cavite.

Sa larangan naman po ng agrikultura, naglaan tayo ng halos sampung bilyong piso para sa Philippine Rural Development Plan sa CALABARZON na naglalayong isulong at paunlarin ang isang moderno at climate-smart na sektor ng agrikultura at pangisdaan sa rehiyon.

Kabilang naman sa mga [makatatanggap] ng inilaan nating labing-isang bilyong piso para sa rehiyon ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang [Pilipino] Program o ‘yung 4Ps program, para sa mga — pati na kasama ang indigent senior citizens, at ang mga indibidwal at pamilyang nahaharap sa krisis.

Bukod pa rito, labing-isang milyong piso ang nilaan sa programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa o ‘yung PPG ng Department of Trade and Industry na tumutulong sa mga micro, small, at medium enterprises. Ito po ‘yung maliliit po na negosyo na ito ang buhay talaga ng ekonomiya ng Pilipinas. Kaya’t kailangan po natin tulungan ang mga nakikipag-sapalaran at nagtatayo ng kahit na maliliit lamang na negosyo. Marami po tayong magagawa para tulungan kayo para pagandahin ang inyong pamumuhay at kasama na rin diyan ay patitibayin natin ang ating ekonomiya.

Sa larangan naman ng edukasyon, naglaan tayo ng apat na bilyong piso para sa [pagtatayo] ng higit isang libong bagong silid-aralan at halos dalawang daan at apatnapung milyong piso para sa pagkukumpuni ng halos apat na raang silid-aralan sa buong rehiyon. [applause]

Ang Commission on Higher Education o CHED ay naglaan ng apat na raan at animnapung milyong piso para sa dalawampung libong mga iskolar sa rehiyon.

Para naman sa kalusugan ng mga taga Region IV, naglaan tayo ng pondong nagkakahalaga ng isang bilyon at anim na raang milyong piso para sa mga pasilidad pangkalusugan sa rehiyon sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program.

Nariyan din po ang mahigit dalawang daan at limampung milyong piso para sa pagpapatayo ng Northern Tagalog Regional Hospital sa Rodriguez, Rizal.

Minamahal kong mga kababayan, ang mga inisyatibang ito ay [sumasalamin] sa ating pangako na [mapabuti] ang buhay ng mga mamamayan ng CALABARZON.

Tandaan po natin na kung ang Cavite ay naging tahanan ng ating mga bayani at kalayaan noon, ito rin ang magiging duyan ng pag-asa at pag-unlad ng ating bansa sa hinaharap nating mga panahon. [applause]

Tinatawagan ko po [ang] lahat ng mga narito ngayon: Magtulungan po tayo. Sa sama-sama nating pagkilos para sa kaunlaran, isang Bagong Pilipinas ang ating makakamtan. Ito po ay ating pinapangarap para pagandahin ang buhay ng Pilipino at para pagandahin ang Pilipinas.

Mabuhay ang ating mga magsasaka at mangingisda! [applause]

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! Maraming salamat po at magandang tanghali po sa inyong lahat.

— END —