Thank you. Dios ti agngina. Speaker Martin Romualdez. [Agtugaw tayo apo.]
Nandito po kasama po natin, marami po tayo — na marami po tayong kasama na mga Cabinet secretary na lagi kong sinasama sa mga delegation dahil po ang ginawa po natin sa pamahalaan ngayon ay pagka may programa kagaya ng ating gagawin ngayong araw ay hindi lamang isang departamento ang namamahala at lahat ng departamento na maaaring tumulong ay pinag-samasama namin para naman magtutulungan lahat ng iba’t ibang kalihim, iba’t ibang ahensya ng pamahalaan nang sa ganun… Ito po ‘yung tinatawag namin na whole-of-government approach.
Ibig sabihin kapag mayroon tayong hinaharap na problema, hindi lamang i-assign sa isang tao, ‘yung buong gobyerno ay titingnan kung ano ba ang kailangang gawin. Kaya po kasama po natin ang ating mga ibang Cabinet secretary.
Nandito po, ang Secretary, Kalihim ng DSWD, Secretary Rex Gatchalian [applause]; andito po, kasama po natin ang Assistant to the President, Secretary Anton Lagdameo [applause]; ang First District Congressman ng Lalawigan ng Isabela, Deputy House Speaker Tonypet Albano [applause]; siguro hindi ko na kailangan ipakilala ito, pagpasok namin, ako ang — akala ko akong binabati nung mga babae, ‘yun pala iba ‘yung hinihiyawan nila, ang aking anak po, First District ng Ilocos Norte, Diputado ng First District [cheers and applause] Congressman Sandro Marcos; at ang ating kaibigan, ang ama ng probinsya ng Isabela, Governor Rodito Albano [applause]; Batanes Provincial Governor, Governor Marilou Cayco [applause]; Cagayan — ang governor naman po ng Lalawigan ng Cagayan, Governor Manny Mamba [applause]; galing naman po sa Nueva Vizcaya, ang ating gobernador sa Nueva Vizcaya, Governor Jose Gambito [applause]; at galing po sa Quirino dahil po kasama sila dito sa programang aming ginagawa lahat ng iba’t ibang probinsya andito rin po si Governor Dax Cua ng Quirino Province [applause]; at ang bumati sa atin, ang Ilagan City Mayor, Mayor Josemarie Diaz [applause]; lahat po ng aking kasamahan, apong mayores, bokales, barangay chairman. Amin-amin nga kailyak nga — ayayatek nga kailyak, naimbag nga adlaw yu amin (Mga minamahal kong kababayan, magandang hapon sa inyong lahat). [applause].
Ako’y nagagalak na makiisa sa ating mga kababayan sa Isabela upang maghandog ng tulong mula sa pamahalaan at mailapit ang aming serbisyo lalong-lalo na sa ating mga magsasaka, mga mangingisda, at sa kanilang mga pamilya.
Hindi man lingid sa kaalaman ng [nakararami], malaki ang [ginampanan] ng aking ama, si Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pagpapayabong ng iba’t ibang industriya sa inyong probinsya [at] sa buong Cagayan Valley.
Sa ilalim ng kanyang administrasyon, naitatag ang Magat Dam upang lalo pang mapalakas ang industriya ng agrikultura dito sa rehiyon ng Region II. [applause]
Wala pong duda: Lubos na mahal ng aking ama ang mga taga-Isabela at kayo ang kung minsan nauuna pa sa Ilocos Norte. [applause]
Namana ko rin po naman ‘yang pagmamahal na ‘yan, kaya naman sinikap ko na talagang sumadya [rito at] iparamdam sa inyo [nang] personal ang aking pagkalinga at suporta.
Asahan ninyong ipagpapatuloy ko ang kanyang nasimulang pangako, lalo na sa pagpapalago ng ating agrikultura at ekonomiya.
Sa katunayan, nakipagtulungan kami agad sa mga opisyal ng inyong lalawigan upang matugunan ang hamon na ating kinakaharap sa seguridad sa tubig.
Inilunsad namin noong nakaraang taon ang Kadiwa ng Pangulo na naglapit sa ating mga magsasaka sa mga mamimili. Ang ibig pong sabihin po ay dahil nakikita natin marami pong problema ang ating mga magsasaka ay pagka — bago pa ma-process ang kanilang produkto atmaipadala kung saan man ang merkado ay nawala na, paliit na nang paliit ‘yung kita. Kaya’t ang ginagawa po natin, marami po tayong ginagawa, bibigyan po natin ng mga makinarya, mga tractor, mga processing, mga rice mill, at saka corn mill. At saka, pinapaganda natin ang ating patubig.
Kaya’t nang sa ganun ‘yung processing maiiwan ang dapat kikitain ng ibang rice mill, ay maiiwan na sa mga magsasaka para naman mas maganda naman ang kanilang magiging hanapbuhay.
[Pinasinayaan din namin] ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na nagpatupad ng mga programa at nagbibigay ng financial assistance para sa mga taga-Isabela.
Makakaasa ang ating mga magsasaka na patuloy pa rin [silang] makikinabang sa Rice Competitiveness Enhancement Fund sa kabila ng planong pagbaba sa taripa sa bigas.
Ito ang mga naging hakbang ng pamahalaan upang mapalawig ang inyong kakayahan at kabuhayan, mapalakas ang ating ekonomiya, at maisulong ang mas masaganang buhay para sa bawat mamamayan ng Isabela.
At kasama rin doon ay makakatiyak tayo na mayroon sapat na food supply ang ating mga kababayan. Bagama’t patuloy ang ating pagsisikap patungo sa Bagong Pilipinas, batid ko [ang mga] pagsubok na [kinahaharap] ng Isabela.
Noong nakaraang buwan ng Abril, naideklara na [ang] tatlumpu’t pitong bayan sa inyong probinsya [ay nasa ilalim ng] state of calamity dahil sa tagtuyot na dala ng El Niño.
Halos apatnapung walong libo na pamilya ay naapektuhan sa buong Cagayan Valley.
Mahigit dalawang bilyong piso na ang nalugi sa sektor ng agrikultura samantalang tinatayang apatnapu’t tatlong libong magsasaka at mangingisda ang naapektuhan dito.
Laking pasasalamat ko sa DA, Department of Agriculture at Department of National Defense-Philippine Air Force dahil ginagabayan nila kayo simula pa noong Pebrero — kahit hindi [pa naidedeklara] ang State of Calamity sa inyong mga bayan — sa pamamagitan ng cloud seeding operations na [naitupad] sa Southern Cagayan at sa Northern Isabela.
Sa araw naman na ito, maghahandog kami ng karagdagang tulong sa ating mga magsasaka, mangingisda, at sa kanilang mga pamilya na kasama natin dito ngayon.
Nilalayon naming maibsan ang hirap na inyong nararanasan dahil sa El Niño nang sa gayon ay makabangon [kayong] muli at maibalik ang kasaganahan ng inyong kabuhayan.
Kung susumahin, aabot [ng] mahigit isang daan at siyamnapu’t anim na milyong piso ang hinanda ng DSWD bilang standby fund at stockpile para sa Region II.
Sa ilalim naman ng DSWD-Ayuda sa Kapos [ang] Kita [Program], magkakaloob kami ng financial assistance na sampung libong piso sa limang libong benepisyaryo dito sa Isabela. [applause]
[Mabibiyayaan] din natin [ang] bawat isa na nandito ngayon ng limang kilong bigas at ito naman ay dala ng ating House Speaker, Speaker Martin Romualdez. [applause]
Sa gabay naman ng Philippine Center for Postharvest Development [and] Mechanization o ‘yung PhilMech, mabibigyan [ang] mga magsasaka sa Cagayan Valley ng kagamitan na pansakahan at iba pang makinarya tulad ng mga traktor, mga disc plows, levee makers, transplanters, reapers, harvesters, threshers, dryers, [at] rice mills upang lalo pang mapadali, mapagaan, at mapabilis ang inyong trabaho.
Hindi [rito] nagtatapos ang aming tulong dahil mag-aabot pa ng karagdagang assistance ang regional line agencies sa mga mamamayan ng Cagayan Valley.
Kasama sa nasabing ahensya ng DA, nandiyan din ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o ang BFAR, Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills [Development] Authority — iyong DOLE po at saka ‘yung TESDA.
Bilang pauna, naghanda ang DA ng tatlong daan at labinlimang [units] ng pump and engine set para sa ating mga magsasaka, samantalang nakalikom naman ang BFAR [ng] halos dalawampung sets ng non-motorized na bangka at labinwalong units ng fishing gear para sa ating mga mangingisda.
Nakikiisa din ang DOLE na [mamamahagi] ng halos anim na milyong pisong halaga ng tulong para sa mahigit tatlong daang benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program o ‘yung TUPAD.
Magpapamigay din ng dalawampu’t limang toolkits ang TESDA para sa mga napiling benepisyaryo sa ilalim ng RCEF.
Mamamahagi din tayo ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk na aabot ng isang daan at siyamnapu’t isang milyong piso upang bigyan ng [tig-sampung libo] ang bawat DA- at DSWD-validated beneficiaries dito sa Cagayan Valley [applause].
Ito po ay bukod pa sa — ‘yung binibigay natin na assistance na AICS, na TUPAD, ‘yung dala po ni Speaker na bigas. Ito po naman ay galing sa aking tanggapan dahil po tinitingnan po namin ang mga binibigay na tulong ng iba’t ibang departamento.
Tiningnan namin sa Office of the President, naghanap kami ng pondo para — dahil sabi ko, dagdagan natin ang tulong na ibibigay natin. So, nakahanap kami ng pondo at ito ang aming ibibigay sa ating butihing mga gobernador para naman mayroon silang magamit para tulungan kayo [applause] at ‘yung mga naghihirap dahil dito sa El Niño.
Sa puntong ito, ikinalulugod kong batiin at kilalanin ang mga masisipag na haligi ng ating agrikultura.
Mula sa ating mga magsasaka na pilit ipinasusulong ang kanilang ani bawat araw, hanggang sa ating mga mangingisda na nagsusumikap ano man o saan man sila dalhin ng alon.
Makakaasa kayo na patuloy na magtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan at lalong-lalo na ang local government [units] dahil po lahat po ito hindi po namin magagawa kung hindi maganda ang ugnayan sa gitna ng national government at saka sa local government units.
Dahil po kahit na mayroon kaming nakahanda na tulong na ibibigay, mahirap nang para sa national government ipaabot sa lahat ng mga nangangailangan. Diyan po — at ‘yung local governments unit din, ang ating mga gobernador pati ‘yung mga congressman ay sila ang nagsasabi sa atin, “dito maraming tinamaan, dito ang kailangan ganito.”
Kaya’t sa pagtulungan na ‘yan ay nabubuo natin ang ganitong klaseng programa.
Patuloy ang aming [paghahatid] ng nag-uumapaw na suporta [at] tulong upang madoble ang inyong ani at bumaba ang presyo ng mga bilihin. Isa na sa mga inisyatibong ito ay ang Philippine Rural Development Project at National Rice Program.
Bukas din ang pinto ng DA at iba pang mga sangay ng pamahalaan sa inyong mga tanong, problema, at iba pang pangangailangan sa pagsasaka.
Makakaasa kayong hindi ito ang huli nating pagkikita, dahil marami pang nakaabang na mga programa at proyekto para sa inyong lahat.
Sa susunod na mga buwan at taon, pagtutuunan namin ng pansin ang mga paraan kung papaano mapalaki ang kita ng ating mga magsasaka at mapaganda ang ating produksyon ng ating mga produktong pagkain. [applause]
Magtatatag tayo ng bago at makabagong irrigation facilities at isasaayos ang ating mga imprastrakturang nangangailangan ng renovation at makabagong mekanismo.
Aayusin din natin ang ating mga agricultural logistics at supply chains, daragdagan ang ating mga farm-to-market roads, at magtatayo rin tayo ng post-harvest facilities upang mas maging maayos at mabilis ang paghatid ng ating produkto sa merkado.
Pagtitibayin din namin ang mga paraan upang mas mapataba ang ating mga lupa, maging mas dekalidad ang ating mga ani, at mas matalino ang paggamit ng ating yamang tubig.
[Ipatutupad] din natin ang mas makabagong pamamaraan sa agrikultura sa pamamagitan ng tinatawag na science-based at climate resilient farming technologies at pagbibigay ng karagdagang training nang sa ganun ay lumawak pa ang kaalaman at abilidad ng ating mga magsasaka.
Marami po tayo mga dalubhasa, mga nagre-research, ating mga scientists ay pinag-aaralan nila dahil ganito nagtutuyot, susunod na ‘yan, darating na ang tag-ulan.
Ang sabi nila, La Niña daw, sobra naman ‘yung tubig. Kaya’t kailangan din natin mayroon tayong mga bagong klase, variety, hindi lang bigas, kung hindi pati sa gulay, pati sa mais, itong lahat para hindi naman nasisira kapag naging tuyo o pagka nabaha kaya’t ito ay pinag-aaralan nang mabuti.
At kapag na-develop na itong mga ito ay dadalin namin sa inyo upang maging mas maganda ang ani ng ating magsasaka. [applause]
Naniniwala ako na sa patuloy nating pagkakaisa, pagtutulungan, at pagtitiyaga, makagagawa tayo ng mas [progresibo], matatag, at makataong Bagong Pilipinas.
Agyamanak kakailyan! (Salamat mga kababayan ko) Dios ti agngina kadakayo amin. Mabuhay ang Isabela! Mabuhay ang Cagayan Valley! Mabuhay ang ating mga magsasaka! [applause]
— END —