Thank you to our Special Assistant to the President, Secretary Anton Lagdameo.
[Please take your seats.]
Andito rin po, kasama po rin natin ang mga iba’t ibang kalihim ng mga departamento na nagdadala ng tulong para sa ating mga kababayan, lalong-lalo na ngayon na nasa gitna tayo ng tagtuyot dahil nga sa El Niño.
Nandito po sa atin, kasama po natin is the DA Secretary, Department of Agriculture Secretary, Secretary Kiko Laurel [applause]; kasama din po natin dahil lahat po ito hindi natin magagawa kung walang magandang ugnayan ang national government at saka local government at saka iba’t ibang ahensya, kaya po nandito ang DILG Secretary, Secretary Benhur Abalos [applause]; at siyang laging, itong napaka — lalo ngayon na maraming tayong — madalas tayong magkaproblema, madalas tayong nagkakaroon ng bagyo, mayroon tayong problema ngayon tungkol sa tagtuyot, ito po ang inaasahan natin at tinatakbuhan natin, ang Department of Social Welfare and Development, andito po ang Kalihim, Secretary Rex Gatchalian [applause]; ay kakarating lang po, galing — magkasama po kami sa Tawi-Tawi at doon kami nangggaling, nandiyan na po ang ating TESDA, TESDA Secretary, Secretary Teng Mangudadatu [applause]; ang Maguindanao del Sur Lone District Representative, Representative Datu Mohamad Paglas [applause]; Sultan Kudarat First District Representative Bai Princess Rihan Sakaluran [applause]; and of course ang ating Maguindanao del Norte Provincial Governor Abdulraof Macacua [applause]; Lanao del SurProvincial Governor, Governor Mamintal Adiong [applause]; at ang Provincial Governor ng Sultan Kudarat, ang ating karatig probinsya ngayon, ang Sultan Kudarat Provincial Governor Datu Pax Ali Mangudadatu [applause]; ang Municipal Mayor ng Datu Abdullah Sangki, Suharto Al Wali Mangudadatu [applause]; and to all — lahat po ng ating napakilala ‘yung ating mga ibang opisyal; mga mayor na nandito ngayong araw, Assalamu Alaikum!
Bagamat napunta ako dito ngayon dahil sa kinakaharap natin na matinding tag-init, nag-uumapaw naman po ang aking kasiyahan na makasama ang ating mga kababayan dito sa Maguindanao del Sur. [applause]
Tunay pong napakaganda ng inyong lugar, kung kaya naman hindi po natin hahayaang masira ito ng dinadanas natin na tagtuyot ngayon.
Narito po kami upang personal na makita ang naging epekto ng matinding init na dala ng El Niño sa ating mga magsasaka at mangingisda, at upang madinig ang inyong mga hinaing at mungkahi kung papaano natin malalagpasan ang pagsubok na ito.
Alam ko po na matindi ang pinsalang dulot ng kalamidad na ito kung kaya naman napagpasyahan ng Pamahalaang Panlalawiganna magdeklara ng state of calamity.
At bilang Pangulo, tinitiyak ko na ang pamahalaan ay hindi titigil sa pagkilos upang pagaanin ang bigat ng epekto ng El Niño sa inyong pamumuhay.
Gaya ng nasabi ko kanina, narito po kami upang makipag-tulungan sa inyong lokal na pamahalaan at magbigay ng agarang tulong sa mga apektadong magsasaka, mangingisda, at ang mga pamilya na nasalanta.
Mamaya po ay mamahagi po tayo ng tig-sampung libong piso sa tig-sampung benepisyaryo [applause] mula sa inyong lalawigan, mula sa Maguindanao del Norte, at mula sa Lanao del Sur.
Sa pamamagitan ng inyong pamahalaan na lokal, ipapamahagi natin ang tulong para sa ating mga benepisyaryo.
Mga magsasaka at mangingisda po ang karamihan sa ating mga tutulungan upang makatawid sa kasalukuyang hirap na dulot nitong El Niño.
Sampung libong benepisyaryo rin ang [makatatanggap] ng tig-sampung libong piso sa pangunguna ng DSWD. [applause]
Patuloy din po naming sinusubaybayan ang sitwasyon dito upang maging mas epektibo ang mga hakbang na aming gagawin sa pagtugon sa inyong mga kailangan.
Nitong Abril lang, binuksan na rin natin ang Malitubog-Maridagao Irrigation Project o MMIP Stage II na naglalayong magbigay ng patubig sa libu-libong ektarya [ng] lupain sa Cotabato at sa Maguindanao.
Ngayon, papalapit na tayo sa buwan ng Hunyo, inaasahan natin na huhupa na ang matinding init, ngunit mapapalitan naman ito ng matinding pag-ulan.
Kaya naman, inaatasan ko ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno na ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan, lalong-lalo na sa mga LGU, bilang [paghahanda] para sa darating naman na La Niña.
Ito ay upang maibsan ang epekto ng matinding pagbaha na alam naman natin taon-taon na nararanasan ng mga komunidad dito sa Maguindanao del Sur.
Kaugnay nito, kasalukuyan nang binabalangkas ng ating DPWH ang isang plano upang magawa ang Ambal-Simuay Flood Control Project sa Cotabato.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DPWH sa ADB o ‘yung Asian Development Bank at ilan pang ahensya ng pamahalaan upang mai-sakatuparan ang isang Flood Risk Management Project dito sa Allah River Basin.
Bukod dito, marami ring mahahalagang proyekto ang kasalukuyang ginagawa ng ating pamahalaan.
Kabilang dito ang pagsasa-ayos at pagpapa-ganda ng mga Provincial Access Road sa Datu Saudi Ampatuan, Datu Hoffer Ampatuan, at Rajah Buayan na magpapabilis sa transportasyon at magpapalakas ng lokal na komersyo dito sa Maguindanao del Sur. [applause]
Bukod sa mga proyekto ng nasyonal ng pamahalaan, nais ko ring kilalanin ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan ng Probinsya ng Maguindanao upang gawing mas maunlad ang inyong lugar.
Patuloy din ang pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan upang maparami ang ani sa agrikultura at mapabuti ang kabuhayan ng ating mga magsasaka.
Mga kababayan, sa kabila ng mga programang ito, hindi natin kinakalimutan ang mga hamon sa seguridad na patuloy na iniinda dito sa Maguindanao del Sur.
Ang kasaysayan ng kaguluhan ay nag-iwan ng marka sa magandang lupaing ito na patuloy na nakaka-apekto sa iyong pang-araw-araw na kabuhayan.
Ngunit, alam kong malalagpasan natin ito.
Tinitiyak ko sa inyo na ang kaligtasan ng ating mga mamamayan ay nananatiling prayoridad ng aking administrasyon.
Sa patuloy nating pagtugon sa mga ugat ng hidwaan, makakamit natin ang tunay na kapayapaan at pagkaka-unawaan sa ating mga komunidad.
Kung kaya hinihimok ko ang lahat na patuloy na magkaisa at samantalahin ang pagkakataong ito upang makipagtulungan sa ating gobyerno.
Inaatasan ko rin ang lahat ng ahensya ng gobyerno, kabilang ang lokal na pamahalaan na tiyakin na [makararating] sa ating mga kababayan ang iba’t ibang ayuda at serbisyo mula sa pamahalaan. [applause]
Kabilang dito ang tulong pinansyal, suportang teknikal, at iba pang mahahalagang programa ng gobyerno.
Layunin nating magbigay ng mabilis at komprehensibong tulong upang mabilis na makaahon sa mga pagsubok at hindi na muling [masadlak] sa kaguluhan ang lugar na ito.
Marami pang hamon ang ating susuungin, ngunit sa ating pagtutulungan, malasakit, at pagsisikap, kakayanin natin ang lahat ng ito. Sa ating pagkakaisa, makakamit natin ang mas magandang kinabukasan para sa Maguindanao del Sur, sa buong rehiyon ng BARMM, at sa ating inaantay na Bagong Pilipinas. [applause]
Kaya naman po kami naman ay kung nagbibigay ang ating DSWD ng ayuda, kung nagbibigay ang ating DOLE ng TUPAD, ay nakita po namin na baka kailangan din sigurong dagdagan.
So, kaya’t ang nangyari dito ay may dagdag nga kaming tulong na dala. Ito naman ay para sa bawat probinsya at ito ay galing sa Office of the President para mas madagdagan ang tulong na ibibigay natin sa inyo. [applause]
Pagpatuloy po natin ang ating naging ugnayan. Simula lang po ito. Ako naman pumunta rito upang makita talaga kung ano ang kalagayan dito sa lugar ninyo upang malaman kung ano ang mga dapat naming gawin.
Ngunit, hindi po kaya ng isang ahensya ng pamahalaan. Hindi po kaya ng national government lamang. Hindi po kaya ng local government lamang. Kaya naman po ay pinagsama-sama natin ang puwersa ng lahat ng ating mga kasamahan upang makamtan natin ang ating hinahanap na isang magandang kinabukasan.
Kailangan din natin na magkaisa. Hindi lamang ang mga opisyal, kung hindi lahat po ng mamamayang Pilipino. Magkaisa tayo. Magtulungan tayo at lahat ng pagsubok na ating hinaharap madadaanan din natin at darating din ang Bagong Pilipinas.
Maraming salamat sa inyong lahat. [applause]
— END —