Maraming salamat sa ating House Speaker.
[Magsi-upo po tayo.]
Maraming salamat sa ating House Speaker, Speaker Martin Romualdez sa kanyang pagpakilala.
Ang ating mga kasama rito ngayon: The Palawan Second District Representative, Representative Jose Alvarez [applause]; the Palawan Provincial Governor, Governor Victorino Socrates [applause]; the Marinduque Provincial Governor Presbitero Velasco Jr. [applause]; our host for this program today is the Mayor of Puerto Princesa, Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron [applause]; at aking mga kasamahan sa pamahalaan na nakikipagtulungan upang mapaganda ang buhay natin dito sa Pilipinas; at ang pinakamahalaga at ang pinaka-importante na grupo na nandito ngayon, kayo po, ang aming mga magsasaka at mangingisda na beneficiary para sa pagbigay ng tulong namin ngayong araw [applause]; ang minamahal kong mga kababayan, magandang umaga po sa inyong lahat.
Nagagalak akong makabalik muli rito sa napakagandang probinsya ng Palawan.
Kapag nababanggit ng karamihan ang lugar ninyo,ang agad na pumapasok sa isipan ko siyempre, ang Puerto Princesa, ang Coron, [at] ang El Nido. ‘Yun ang kilala sa buong mundo.
Bukod [pa sa inyong] UNESCO World Heritage [sites] tulad ng Puerto Princesa Subterranean River National Park, at ang Tubbataha Reef National Park, nariyan din ang mga nag gagandahang isla at dalampasigan na kilala sa buong mundo.
Ngunit, hindi alam ng [nakararami] na ang Palawan ay nangunguna din sa larangan ng produksyon ng pagkain.
Bukod sa malawak na mga taniman ng palay, mais, at niyog, mayroon din kayong kasoy, saging, at kalamansi.
Ang mga ito ay hindi lamang ninyo naibabahagi sa mga turista kundi pati na sa mga kababayan ninyo sa iba’t-ibang panig ng buong Pilipinas. Kaya, sa araw na ito, hayaan ninyong kami— kami naman ang mamahagi ng biyaya sa inyo. Kung sanay ang lahat na magdala ng pasalubong mula sa Palawan, kami naiba, kami ang magdadala ng pasalubong sa inyo dito sa — sa lahat ng Palaweño. [applause]
Hindi lingid sa amin na matindi ang naging epekto ng nagdaang El Niño sa inyong mga sakahan at pala-isdaan.
Ayon sa aming huling datos, umabot sa higit tatlong bilyong piso ang [nasira sa] sektor ng agrikultura dito sa MIMAROPA sanhi ng matinding tagtuyot.
Kaya’t marapat lamang na [pa-ulanan] naman namin kayo ng tulong upang maka-ahon kayo sa pagsubok na [pinagdaanan] ninyo.
Una na rito, mula po mismo sa Tanggapan ng Pangulo, magbibigay po tayo ng [tig-sampung libong] piso sa ilang mga magsasaka, mangingisda, at kanilang mga pamilya na higit na nangangailangan. [applause]
Sa kabuuan, tayo ay magbibigay ng halos isang daan milyong piso para sa mga benepisyaryo [sa] lalawigan ng Palawan at ng Marinduque.
Bukod pa riyan, ang DSWD ay mamamahagi ng[tig-sampung] libong piso rin para sa higit anim na libong benepisyaryo ng kanilang AKAP program. [applause]
At mula naman po, hindi nabanggit ng ating House speaker ngunit mula rin sa ating House of Representatives, mula sa Tanggapan ng Speaker of the House ay [tig-limang] kilong bigas sa lahat ng mga dumalo sa araw na ito mula sa ating congressmen.
Marami [pa] po tayong ibibigay mula sa iba’t-ibang kagawaran na kasama natin ngayong araw.
Actually, nakasulat dito sa speech ko na kasama namin ang aming kagawaran ng mga — kalihim, ngunit naipit sila dahil umuulan.
So, nauna sila sa Romblon, dapat susunod ako ngunit umulan kaya’t hindi na ako makapasok kaya’t nagpo-programa rin sila ng ganito rin sa Romblon naman.
Ngunit balik tayo sa ating pinag-usapan doon sa mga ibabahagi namin para sa ating mga nangangailangan na mangigisda at mga magsasaka.
Sa pangunguna ng DA, mamamahagi po tayo ng mga punla, pataba, at ilang kagamitan, hindi lamang para sa ating mga magsasaka, kung hindi [na] rin sa ating mga katutubo at mga nais magtanim [sa] kanilang bakuran.
Magbibigay tayo ng fertilizer at fuel voucher sa ating mga magsasaka upang makatulong sa kanilang paghahanapbuhay.
Mamamahagi din po tayo ng ilang yunit ng [traktora], rice combine harvester, walk behind transplanter, pump [and] engine set, hammer mill, corn sheller, at [iba] pa.
Mayroon din pong [ipamamahagi] ang BFAR naman na limang bangka, tatlong lantsa, at dalawang yunit ng fish cages para sa ating mga mangingisda.
Ang NIA naman po ay mamamahagi ng higit walong milyong piso para sa operations and maintenance subsidy ng mga irrigator’s association. [applause]
Ibibigay [din] po nila sa araw na ito ang mahigit limang daang milyong pisong halaga ng certificate of condonation and exemption sa ating mga landowners sa ilalim ng National at Communal Irrigation System upang hindi na nila [alalahanin] [pa] ang utang at bayarin sa NIA. [applause]
At dadagdagan pa po natin ‘yang mga mahigit dalawang daang milyong pisong halaga ng proyektong pang-irigasyon para sa mga magsasaka [ng] Papualan, Sumbiling, Timburan, Bagong Bayan, at Apurawan.
Ang Agriculture Credit Policy Council naman ng DA ay magbibigay ng dalawampung milyong pisong pondo para sa Survival and Recovery Program at tatlumpung milyong piso na pondo para sa Agri-Negosyo Loan Program.
Ngunit, hindi po tayo magtatapos sa pamamahagi ng tulong dahil tuturuan din po natin [sila] kung papaano mas mapalalago ang [kanilang] mga sakahan sa tulong naman ng Agricultural Training Institute ng Department of Agriculture.
Kasama rin diyan ang TESDA na magbibigay ng ilang starter [toolkits] at tseke para sa Training Support Fund.
Hindi rin po [magpapahuli] ang DILG sapagkat may dala rin silang pondo bilang suporta para sa mga lokal na pamahalaan ng Dumaran, San Vicente, Roxas, Taytay, Cagayancillo, at Aracelli.
May dala din pong suporta ang DILG para sa mga rebeldeng nagbalik-loob sa gobyerno, at sa mga pamilya ng mga nasawing barangay officials dito sa Palawan.
Ngunit, higit pa sa mga tulong at serbisyong ito, kami po ay patuloy na kumikilos upang palakasin ang ekonomiya ng rehiyon ng MIMAROPA.
Atin pong ipinapatayo ang Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project sa Aborlan, kung saan ang dam component nito ay malapit nang matapos, 95 percent na po habang ang karagdagang kalsada sa Dr. Damian Reyes Road sa Marinduque ay halos kalahati na ang kumpleto.
Nasa huling bahagi na [rin ng paggawa] natin [sa] Balabac Military Runway, lalo na’t malaki ang papel na gagampanan ng Palawan sa pambansang seguridad.
Kasama [rin] siyempre sa ating prayoridad ang pagpapalago ng turismo sa inyong lalawigan at sa pagpapabuti pa ng daloy ng transportasyon dito.
Ito’y gagawin natin sa pamamagitan ng Puerto Princesa Airport Development Project at Pag-asa Island Airport Development Project.
Alam din po [namin] ang inyong mga hinaing, una na diyan [ay] ang kakulangan [sa] suplay ng kuryente.
Upang matugunan ito, ang Maharlika Investment Corporation, ang National Electrification Administration, at ang Palawan [Electric] Cooperative ay [magsasagawa] ng pag-aaral upang mapabuti ang supply ng kuryente sa inyong lalawigan. Tayo po ay umaasa sa mga positibong bunga ng mga kasunduang ito.
At [ngayong] paparating na ang tag-ulan, nais kong ipaalam sa inyo na patuloy pong naghahanda ang inyong pamahalaan para sa anumang maaaring mangyari.
Nag-imbak na po tayo ng mahigit isang-daan at apatnapung milyong pisong halaga ng food at non-food items kung kinakailangan.
Kasama na rin po rito ang limang milyong pisong standby funds para magamit sa inyong rehiyon.
Mga minamahal kong kababayan, iba-ibang pagsubok at patong-patong na suliranin [man] ang ating kinakaharap, [malalampasan] natin [ang lahat ng ito kung] patuloy tayong [magtutulungan].
Sa ating pagkakaisa, sigurado ako na malalampasan natin ang anumang hamon at makakamit natin ang ating [mga] mithiin.
Inaanyayahan ko po kayo na sama-sama tayong maglalakbay tungo sa mas magandang bukas ng isang Bagong Pilipinas!
Mabuhay ang ating mga magsasaka! [applause]
Mabuhay ang ating mga mangingisda!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas! Maraming salamat at magandang umaga po sa inyong lahat. [applause]
— END —