Maraming salamat sa ating Agriculture Secretary, Secretary Kiko Laurel.
[Magsi-upo po tayo.]
The former president and the Second District Representative, Representative Gloria Macapagal-Arroyo; nandito rin po, kasama din po natin ang mga iba’t ibang kalihim ng iba’t ibang kagawaran dahil po ang aming ginagawa kapag kami ay may programa o may proyekto ay lagi naming sinasama kung sino man na departamento ang makatulong dahil po ‘yung ating mga ginagawa ay malawak po ang dinadalan, malawak po — malaki po ang ginagawa. Hindi kaya ng isang departamento lang.
Kaya naman sinasama po natin ang mga ibang departamento na basta’t makatulong upang maging matagumpay ang ating mga programa at ang ating mga proyekto.
Ito pong sa DSWD ay — ang DSWD, ito pong Secretary Rex Gatchalian ay nakikita niyo lang po pagka may bagyo, pagka may baha, pagka may lindol, pumutok ang bulkan, may kalamidad. Pinalitan po namin ang pagkakaunawa sa salitang kalamidad dahil po sa aming pananaw, ‘yung pinagdaanan ng ating mga magsasaka at mangingisda dahil sa El Niño, sa tagtuyot na dala ng El Niño ay kalamidad din dahil marami talagang nahirapan. Kaya’t kasama po natin ang DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian. [applause]
Ang Deputy Speaker and Pampanga Third District Representative Aurelio Gonzales Jr. [applause]; Pampanga First District Representative, Representative Carmelo Lazatin [applause]; Pampanga Fourth District Representative Anna York Bondoc [applause]; at ang ating butihin ama ng lalawigan ng Pampanga, ang ating kaibigan, Governor Delta. [applause]
Kasama din po natin ang mga iba’t ibang gobernador ng Central Luzon dahil po itong programa po na ito ay hindi lamang dito sa Pampanga, kung hindi para sa buong region. Ganyan po ang aming ginagawa, by region ang aming pagdala ng ating mga tulong.
Andito rin po ang Bataan Provincial Governor, Provincial Governor Jose Enrique Garcia [applause]; nandito rin po ang Bulacan Provincial Governor, Bulacan Provincial Governor, Governor Dan Fernando [applause]; Tarlac Provincial Governor, Governor Susan Yap [applause]; Zambales Provincial Governor ngayon, Provincial Governor Hermogenes Ebdane [applause]; at ang Vice Governor ng [Nueva Ecija], Vice Governor Emmanuel Antonio Umali. [applause]
At siyempre, hindi natin makumpleto ang ating pagpapakilala kung hindi natin babanggitin ang partner ngayon, ang nagiging partner ngayon ng First Lady. Hindi ko na po nakikita ang First Lady ngayon. Pagka hinahanap ko, ay kasama ni Nanay Baby. Mayroon na naman silang Lab For All na ginagawa. Ang inyong Vice Governor, Vice Governor Nanay Pineda. [applause]
Sa lahat ng mga aking kasama sa pamahalaan, sa serbisyo publiko; lahat ng mga elected officials; local and national na nandito ngayon; my fellow workers in government; at ang pinaka-importante, ang pinakamahalaga na kasama natin ngayon dito sa ating pagbigay ng kaunting tulong sa ating mga magsasaka, ay ang mga benepisyaryo na magsasaka at mangingisda. Kayo po [applause]; mga minamahal kong kababayan, magandang tanghali po sa inyong lahat. [applause]
Masaya akong makasama kayong lahat sa araw na ito!
Kung naging tunog Ilokano [o] halo-halo man ang aking Kapampangan, pasensya na po! Dahil matigas talaga ang dila ng mga Ilocano. Kaya’t kung minsan ay parang akala namin salita namin Kapampangan na pero walang nakakaintindi.
[Gayunpaman], talagang masaya akong makasama kayo, lalo na ang ating mga magigiting na mga magsasaka at mangingisda. [applause]
Kilalang-kilala po natin na ang inyong mga pagsisikap [ang] nagbibigay ng pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino.
At kung pagkain lamang din naman ang usapan: Aba’y dapat lang na dumaan tayo [rito] sa Pampanga.
Hindi lang dahil sa masarap na luto ng mga Cabalen kung hindi [dahil] sa malaking ambag ng inyong lalawigan sa sektor ng agrikultura.
Ngunit, batid namin na naging mahirap ang mga nakaraang ilang buwan dahil sa matinding epekto ng El Niño.
Sa aming pag-aaral, mahigit apat na libong magsasaka sa inyong rehiyon ang lubos na naapektuhan ng tagtuyot [na] nagdulot ng higit tatlong daan at animnapung milyong pisong halaga ng pagkalugi.
Upang makatulong sa inyong pagbangon at bilang pasasalamat sa inyong araw-araw na pagsisikap, kami po ay mamamahagi sa inyo ng ilang tulong pandagdag sa inyong kabuhayan.
Una na [rito], galing po sa Tanggapan ng Pangulo ay magbibigay ng mahigit na isang daang milyong pisong tulong na siyang [ipamamahagi] sa halagang [tig-sa-sampung] libong piso sa bawat magsasaka, mangingisda, at ilang pamilya [rito] sa Pampanga at sa lalawigan ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, at Zambales. [applause]
Mayroon din po tayong ipamimigay — ang office naman, galing sa House Speaker Martin Romualdez, kasama [rin] po ang ating mga Congressman dito sa pagtulong sa inyo at ang dala po at ang galing po sa opisina ni Speaker Martin Romualdez ay ang limang kilong bigas para sa bawat sa inyo na nakadalo ngayong araw dito sa ating programa. [applause]
Sa ilalim naman ng Ayuda sa Kapos [ang] Kita o AKAP Program ng DSWD, [makatatanggap] din ng [tig-sampung] libong piso ang sampung libong mga benepisyaryo nito. [applause]
Ito po mga naka-display dito. Mayroon din kaming bitbit na mga makinarya, mga bangka para sa pangingisda, at bukod pa riyan ay mayroon credit assistance. Tutulong po sa pag-utang upang mayroon tayong gamitin po na puhunan.
Mula naman sa DOLE, mamimigay din tayo ng ayuda sa ilalim ng TUPAD Program at livelihood assistance sa mga [piling] benepisyaryo.
Bukod pa rito, may nakalaang training support, scholarship grant, at mga starter tool kit para naman sa mga benepisyaryo at ang ating mga nagiging TESDA scholar.
Batid din po namin na matapos ang labis na tag-init, ang malakas na ulan at baha naman ang [kakaharapin] natin na suliranin sa susunod na ilang buwan. Kaya po pinaghahandaan na natin ang pagdating ng tag-ulan.
Bagamat ang panalangin natin lahat ay [hindi na] maging mapaminsala ang mga susunod na kalamidad, naglaan din po tayo, naghanda na po tayo at naglaan po tayo ng limang milyong pisong standby fund para sa inyong rehiyon kung sakali man kakailanganin po ninyo. [applause]
Nakatabi na rin po ang mahigit dalawang daang libong family food pack at mahigit dalawamput tatlong milyong halaga ng mga non-food items.
Noong Disyembre naman ay natapos na ng DPWH ang Integrated Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaption Measures para sa [mabababang] lugar dito sa Pampanga. Ito ay naglalayong mapabuti ang drainage system [at] mga daluyang [lumalagos sa] mga ilog, lalo na kapag umuulan nang malakas.
Nakumpleto na rin ng DPWH ang dalawang proyekto sa Lubao at sa Floridablanca para masiguro ang kaligtasan ng mga sakahan at ng taumbayan mula sa pagguho ng lupa. [applause]
‘Di ba nga ay “Keng leon, keng tigre, ecu tatakut” (Sa leon, sa tigre, hindi ako natatakot), ‘di lalong hindi tayo natatakot sa mga darating na hamon dahil magkasama po tayo at tayo’y nakahanda. [applause]
Higit sa pamamahagi ng tulong, prayoridad din natin ang mapalawig [pa] ang kaunlaran ng Pampanga at [ng] buong Central Luzon.
Kaya po, ang lahat ng mga sangay ng pamahalaan ay tulong-tulong upang mapatupad ang mga proyekto na aagapay sa agrikultura, negosyo, at hanapbuhay sa inyong mga probinsya at rehiyon.
Sa agrikultura, halos isang bilyong piso na ang inilabas natin mula noong 2023 hanggang sa Abril ng taong ito upang pondohan ang pangtulong na serbisyo para sa ating mga magsasaka sa buong Region 3.
Upang mapabilis ang pagdadala ng mga produkto sa merkado, gumagawa po tayo ng mga imprastruktura na magdurugtong sa mga lalawigan ng Central Luzon patungong Northern Luzon at sa Kamaynilaan.
Ang Central Luzon Link Expressway Phase 1 na mag-uugnay sa kalapit-lugar na Cabanatuan City at Tarlac City ay malapit na pong matapos. Samantala, nasa pitumput-tatlong porsyento na ang ating nagawa sa Zambales Section ng Sta. Cruz-Mangatarem Road na magdudugtong [sa] Zambales at Pangasinan.
Nasa animnapung porsyento na rin [ang] natapos [sa] Phase 2 ng North-South Commuter Railway PNR Clark na [magdurugtong] ng Clark sa Malolos, Bulacan.
Mayroon din po tayong mga programa upang makatulong sa trabaho at hanapbuhay. Mula sa DOLE, higit animnapung milyong piso ang nabigay nila para sa mga livelihood program, habang ang TESDA naman ay nakapagbigay [na] ng higit isang daang milyong piso para sa pagsasanay ng mahigit labimpitong libong benepisyaryo.
Hindi rin nagpapahuli ang DTI, ang Department of Trade and Industry na halos tatlong milyong piso [na] ang naipamahagi para sa ating mga MSMEs o ‘yung mga maliliit po na mga negosyo, kasama rin ang mga barangay, at ang mga iba’t ibang kooperatiba.
Bukod [pa] riyan, higit na anim at kalahating milyong pisong halaga ng livelihood kit ang nakalaan na para sa mga mangangailangan nito sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa Program.
Bukod pa rito ang lagpas pitong bilyong piso na ating [ipinamahagi] para sa mga programa ng DSWD, tulad ng Quick Response Fund, AICS Program, 4Ps, at iba pa.
Batid din natin na ang isang matibay na edukasyon ang susi sa isang magandang hanapbuhay at kinabukasan. Dahil dito ay naglaan na rin tayo ng halos apat na bilyong piso para sa pagpapagawa ng mga bagong silid-aralan at higit sa anim na raang milyong piso naman para sa pagkukumpuni ng mga nasirang classroom.
Namahagi [na] rin ang CHED ng higit sa apat na [raang] milyong piso para sa pag-aaral at training ng higit [sa] tatlumpu’t tatlong libong iskolar dito sa Region 3.
Sa lahat ng itong nabanggit ko po, nawa’y iisa lang ang tumimo sa inyong mga puso at isipan: Mahal at [pinahahalagahan] namin kayong lahat.
Alam ko rin po, na labis ang inyong [pagkabahala] sa mga kriminalidad at ilegal na mga gawain na sumisira sa kapayapaan ng inyong pamayanan.
Nais ko pong ipaalam sa inyo na amin pong tinututukan at tinutugunan ang problemang ito.
Sa katunayan, mayroon [nang] ginawang task force [ang] DILG para tutukan ang mga ilegal na gawaing kaugnay ng mga naririnig nating mga POGO at patuloy din ang pakikipagtulungan ng Bureau of Customs sa ilang ahensya upang matigil [na] ang pagpupuslit [ng] ilegal na droga dito sa bansa. Patuloy din po ang mga hakbangin ng PDEA upang masawata ang ilegal na droga.
Naririnig din namin ang inyong mga daing. Nakikita namin ang inyong mga sakripisyo. Ang inyong patuloy na pagsisikap sa araw-araw ay [ang] inyong tulong sa pagtataguyod ng ating pinapangarap na Bagong Pilipinas.
[Makaaasa] kayo na buong puso at walang tigil kaming kikilos upang matamasa ninyo ang matamis na bunga ng inyong pagsisikap. [applause]
Mabuhay po kayo! Mabuhay ang ating mga magsasaka at mangingisda
Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
Maraming salamat po at ang magandang tanghali po sa inyong lahat. [applause]
— END —