Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Presidential Assistance to Fisherfolk and Families (PAFF) affected by the Oil Spill in Navotas City


Event Distribution of Presidential Assistance to Fisherfolk and Families affected by the Oil Spill in Navotas City
Location Navotas Sports Complex, Navotas City

Maraming, maraming salamat sa ating kongresista. [Magsi-upo po tayo.]

The Lone District Representative si Toby Tiangco, Congressman Toby Tiangco; ang ating butihing alkalde ng Navotas City, Mayor John Rey Tiangco; nandito ngayon sinama ko na ‘yung aking anak, nandito si Vincent at para makita niya [applause] maintindihan niya na ang kalagayan talaga ng ating mga kapwa Pilipino. Dahil para maintindihan nila — maintindihan niya at maisapuso niya kung ano ‘yung kalagayan ng ating mga kababayan at anong pangangailangan. Kaya’t sinama ko na rin para habang maaga ay matuto na. Ang mga kasamahan sa pamahalaan, at ang pinakamahalaga na nandito ngayon ang mga benepisyaryo ng ating ibibigay na tulong ngayong araw kayo po na ating mga mangingisda dito sa Navotas. [applause] Magandang araw po sa inyong lahat.

Bukod sa matinding pag-ulan at pagbahang dulot ng sama ng panahon nitong huling bahagi ng Hulyo, nagising tayo sa balita na may ilang barko na lumubog sa karagatan ng Bataan.

Hindi lang basta karagatan ang naapektuhan, kundi lalo na ang kabuhayan ng libo-libong mangingisda at ang inyong mga pamilya.

Ngunit sa halip na panghinaan ng loob, ang pamahalaan ay agarang kumilos—mula sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong pamilya, hanggang sa pagtugon sa pagtagas ng langis.

Sa pagtutulungan ng ating mga ahensya, naselyohan na ang balbula ng MTKR Terranova, at nakolekta na ang kulang sa isang milyon at apatnapung daang litro ng langis mula sa ika-labinsiyam ng Agosto hanggang sa ika-sampu nitong buwan na ito ng Setyembre.

Sa kabila ng mga unos, tulad ng Bagyong Enteng na pansamantalang nagpatigil sa siphoning operation, malapit na natin matapos ang trabahong ito.

Sa kasalukuyan, ang report sa akin ng Coast Guard at saka kasama ‘yung mga tumutulong sa atin na ‘yun na nga mga technical na naghigop talaga nung langis ika nila as of yesterday, ang nahihigop na lang nila wala ng langis, kung hindi tubig na lang ang nakikita. So, halos tapos na talaga ang operasyon na ‘yan. Pwede na natin ibalik ang ating mga nahuhuli at ang ating huli na — ng ating mga mangingisda pwede na natin ibalik at idala sa ating mga palengke para ipakain sa ating mga pamilya.

Sa usapin naman ng imbestigasyon, tuloy-tuloy ang paghahanap natin ng sagot sa mga katanungang: May kinalaman ba ang mga barkong ito sa oil smuggling?

Bakit ang dalawang barko, sa kabila ng walang rehistro ay napatakbo sa ating karagatan?

Lahat ito ay iniimbestigahan para tiyakin na pananagutin natin ang mga may sala.

Sa gitna ng mga katanungan, may mabuting balita naman tayong hatid: ligtas nang ihain ang isda at iba pang mga pagkaing-dagat sa ating mga lamesa.

Sa makatuwid, maayos po ang kalidad ng hangin at tubig sa Navotas para sa kalusugan ng ating mga kababayan. [applause]

Sa usapin tungkol sa tinatawag na compensation, patuloy na nag-uusap ang mga ahensya ng gobyerno at ang mga may-ari ng barkong Terranova. Sila po ay sasagot sa mga pinsalang dulot ng oil spill.

Ang Presidential Assistance to Fisherfolk and Families (PAFF) ay ipamimigay natin sa mahigit na walong libo at anim na raang apektadong mangingisda sa Navotas.

Ang office naman of the House Speaker ay may handog din na sampung kilong bigas para sa bawat sa inyo na nandito ngayon.

Ang tulong na ating ipapamahagi ngayon ay hindi lamang simbolo ng suporta, kundi ng ating paninindigan na hindi natin pababayaan ang ating mga kababayan, lalo na sa panahon ng pangangailangan.

Batid din namin ang pagsubok na dala ng pagbaha sa inyong lungsod, kaya naman, nagtulungan ang DPWH, ang MMDA, at ang LGU upang agad na maisaayos ang Navotas navigational gate para sa [mas] organisadong pagdaloy ng tubig lalo na sa panahon ng tag-ulan at high tide.

Kaakibat nito, ipinapatupad din natin ang KALINISAN Program, sa pangunguna ng DILG, upang maisulong ang bayanihan tungo sa responsableng pamamahala ng ating kapaligiran na maging malinis at pamayanang malayo sa banta ng mga sakuna.

Mahalagang bahagi ng programang ito ang paghikayat sa mga komunidad na magsagawa ng mga solid waste management intervention at clean-up activity na makatutulong upang mapigilan na maharangan ng mga basura ang ating mga flood control structure. Ang ating mga bomba na ginagamit na nababara dahil nga ay nagkalat ang basura.

Kasama ang bawat isa sa inyo, titiyakin natin na ang Navotas at ang Bagong Pilipinas ay patuloy na uunlad.

Ang tadhana natin ay hindi nakatali sa trahedya at sa sakuna, kung hindi sa ating kakayahan magtulungan, magkaisa, at bumangon mula sa [pagsubok].

Sama-sama nating haharapin ang bukas—hindi lamang para malampasan ang unos, kung hindi para umusbong mula rito ang mas matatag at mas handa, at anumang hamon ng buhay ay kaya natin harapin.

Dahil doon ay panay ang bati sa akin ng ating butihing mayor at ang ating kongresista ay sinasabi, panay ang bati sa akin ng happy birthday. Kayo naman ay medyo naramdaman ko na birthday ko, baka pagsuspetiyahan ninyo ako na pagka-Ilocano ko ay lumalabas na kuripot. Kaya ‘yung ibibigay natin na limang libo, dagdagan na natin, gawin na nating 7,500. [applause and cheers]

Kaya para naman masabayan ko kayo, pagka happy birthday ang bati niyo sa akin, ako rin makakapagbati ako sa inyo, happy birthday din sa inyong lahat.

Maraming salamat! Mabuhay po kayong lahat! Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

 

— END —