Thank you, Speaker Martin Romualdez, for your introduction. [Please take your seats.]
DICT Secretary Henry Aguda; members of the House of Representatives with us; the provincial governors and the local government officials, the mayors are here to see the systems go live; the officials and employees from the Department of Information and Communications Technology; my fellow workers in government; distinguished guests; ladies and gentlemen.
Good morning to everyone.
Ngayong araw na ito ay nakakatuwa dahil talagang nakikita natin na ipinagkonekta natin – ikinokonekta natin ang buong Pilipinas sa pamamagitan ng ganitong mga fiber backbone para naman ay lahat ng Pilipino kahit na ‘yung mga nasa malalayo, ‘yung mga nasa isla na hindi madaling puntahan ay magkakaroon pa rin ng internet upang makatulong sa kanilang trabaho, upang tumulong sa kanilang pamumuhay.
Dahil sa panahon ngayon, hindi na privilege ang pagkakaroon ng access sa mabilis na internet, ito ay pangangailangan na.
Kailangan ito sa pag-aaral, sa trabaho, sa negosyo, at para mapanatili ang koneksyon sa mga mahal sa buhay.
Ngunit, ang katotohanan din ang hindi pantay-pantay ang access ng internet ng mga Pilipino. May ilang bahagi ng bansa na hindi pa rin naaabot ng signal kaya napipilitan pang bumiyahe nang malayo para maghanap ng signal.
Kaya narito kami ngayon upang mailapit ang internet para sa lahat lalo na sa mga nasa GIDAs, ‘yung mga isolated and underserved areas.
Mga kababayan, ang pinapasinayaan natin ngayong Phase 2 at Phase 3 ng National Fiber Backbone ay tulay ng impormasyon at ng serbisyo mula sa hindi lamang sa pamahalaan, kundi sa ating mga gusali, sa ating mga kababayan.
Dahil dito, halos isang libo’t walong daang kilometro ang nailatag para sa bagong fiber network na ito.
Noong nakaraang taon, nailunsad naman natin ang Phase 1. Sinimulan sa Ilocos Norte hanggang Quezon City—higit naman na isang libong kilometro ng high-speed fiber ang inilagay at inilatag.
Ngayon, pinapalawak pa natin ang programang ito sa Cagayan Valley, sa CALABARZON, sa Bicol, sa Eastern Visayas, at Central Mindanao.
Dahil dito, mahigit 600 tanggapan ng gobyerno ang magkakaroon ng mabilis at maaasahang internet. Mapapakinabangan ito ng halos 17 milyong Pilipino, 17 million Filipinos.
At kapag buo na ang National Fiber Backbone, maaari pang mabawasan ang gastos sa mga telco at internet providers dahil may sarili na tayong imprastruktura. Mas abot-kayang Internet, mas maraming Pilipino ang konektado.
Kaya kapag sinabi nating fiber backbone, mas mabilis na ang daloy ng impormasyon.
Mas maaga ninyong malalaman kung may bagyong paparating o kung may job opening sa iba’t ibang bayan.
Mas madali ninyong makakausap ang inyong mga mahal sa buhay—saan mang dako ng bansa o mundo, anumang oras.
Sa tulong na ito, makakahanap kayo ng mga online buyer para sa inyong paninda.
Makakapanood din kayo ng mga online tutorial kung paano magluto, magnegosyo, paano magtanim.
At dahil din sa mas maayos na koneksyon, maaari nang makasabay ang bawat Pilipino sa balita sa buong mundo.
Ito po ang tinatawag nating Digital Bayanihan. Ito ang sama-samang pagkilos ng pamahalaan, pribadong sektor, at bawat Pilipino para siguraduhing walang maiiwan sa digital world.
Kapag may Wi-Fi o data man sa bahay at bayan at gumagamit kayo ng mga online services, kasama kayo sa kilusang ito na gawing mas konektado ang Bagong Pilipinas.
Alam ko, marami pa tayong kailangang ayusin. Pero hindi na rin tayo babalik sa nakaraan.
Kaya dapat mas pabilisin pa. Mas palawakin pa. Mas gawing [abot-kamay] ang teknolohiya para sa lahat ng bawat isang Pilipino.
Pero habang pinapalawak natin ang koneksyon sa bansa gamit ang mga fiber optic cables, huwag nating kalimutan ang koneksyon sa lupa.
Alam ko pong ramdan ninyo ang abala rito sa Leyte dahil sa kalagayan ng San Juanico Bridge. Mahaba ang pila, mabagal ang biyahe. Maraming naaabala.
Ngunit nabawasan na ‘yung pila. Iyong iba naghihintay na… Noong una kaming nag-inspeksyon sa San Juanico, ‘yung mga truck naghihintay tatlong araw – dalawang araw, tatlong araw, may apat na araw pa.
Eh wala naman silang istambayan kung saan sila kakain, kung saan sila matutulog, kung saan sila maliligo. Kaya pinilit namin na mas mabilis.
Kaya ngayon, ang report sa akin ng Coast Guard, kahapon lamang ay ‘yung essential goods – dahil inuuna natin ‘yung mga perishable, ‘yung maaaring masira, mabulok, inuuna natin.
Ang waiting time na lang daw para doon sa mga perishable, naghihintay na lang sila ng isa, mahaba na ‘yung dalawang oras. Para naman sa mga non-perishable, dalawang oras hanggang tatlong oras. Mahabang-mahaba na ‘yung apat na oras.
Kaya binabawasan talaga natin. At kailangan talaga nating tulungan dahil hanggang Mindanao nararamdaman noong sinara, noong biglang nasara ang San Juanico Bridge to commercial traffic.
Kaya sa DPWH ay talagang tinutulak natin sila na bilisan ang retrofitting. Tapos para matapos agad nang maayos.
Ika nila by the end of this year, ‘yung San Juanico kaya na ang 12 tons na tatawid. Kaya sa 12 tons, puwede na ang bus, puwede na ang mga van. Hindi pa puwede siguro ‘yung mga malalaking truck. Ngunit lahat ng iba puwede na. Private vehicles ‘yung mga hanggang 12 tons kakayanin na.
May higit kalahating bilyong piso na pondo ang nakalaan para maibalik sa labindalawa hanggang labinlimang metric tons ang load limit sa susunod na Disyembre.
Ngunit kailangan pa nating itaas ang buong kapasidad nito sa tatlumpu’t tatlong metric tons. Paaabutin natin doon sa kanyang dati na kaya.
Inatasan ko na ang DPWH at DBM na hanapan agad ito ng solusyon. Agaran tayong kumilos, at patuloy na kikilos upang muling maging ligtas at matibay ang ating San Juanico Bridge.
Mga kababayan, mula digital connectivity hanggang sa ating imprastraktura, patuloy nating binubuo ang mga tulay ng pag-asa.
Ito ang mga proyektong nag-uugnay sa atin—sa taas ng kabundukan, baybayin ng dagat, o pinakaliblib na lugar.
Pinapangako ko na sa inyong lahat na ang ating pamahalaan ay hindi titigil hanggang ang buong bansa ay konektado. Hanggang ang bawat bata, matanda, magsasaka, guro, negosyante, healthcare worker, bawat Pilipino ay may access sa kaalaman at sa mga oportunidad.
Ito ang Bagong Pilipinas na sabay-sabay nating tinatahak. Sama-sama po tayo sa paglalakbay na ito.
Maraming salamat at mabuhay kayong lahat!
Damo nga salamat.
Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [palakpakan]
— END —