Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Groundbreaking of Camarines Sur’s Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Project

Event Groundbreaking of Camarines Sur’s 4PH Project
Location Panganiban Drive in Naga City, Camarines Sur

Thank you. [Please take your seats.]

Maraming salamat sa ating Housing and Urban Development Secretary, Secretary Jerry Acuzar; at ang ating father of the province of CamSur – nagulat ako sa sarili ko nang sinabi kitang father dahil noong una kitang nakilala batang-bata ka pa – now, you are the father of your province, congratulations with that; [applause] ang ating 2nd District Representative Luis Raymond Villafuerte; and the Camarines Sur 5th District Representative Miguel Luis Villafuerte; members of the Cabinet who are here this morning; my fellow workers in government; beneficiaries of the Camarines Sur’s Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Project; ang mga minamahal kong kababayan, marhay na aldaw po saindo gabos. [cheers and applause]

Narito po ako ngayon upang makasama kayong lahat sa isang napakamakabuluhan at masayang pagtitipon kung saan masasaksihan natin ang unang hakbang tungo sa pangarap nating pabahay para sa lahat ng Pilipino. [applause]

Sa ginawa nating seremonya ngayong umagang ito ay ating pinapasinayaan ang pagtatayo ng pabahay at commercial center para sa mga benepisyaryo mula sa Naga City at mga karatig na lugar dito sa lalawigan ng Camarines Sur.

Masayang-masaya po ako na kasama ko kayo dito ngayong umaga sa mismong lugar na kinakatayuan natin ay magpapagawa tayo ng limang residential towers na [may] labing-isang libo at walong daang (11,800) mga pabahay para sa mga beneficiary. [applause]

Magkakaroon din po ng apat na commercial buildings na nakapaligid sa mga residential towers na siguradong makakadagdag ng kaginhawaan sa ating mga magiging residente.

Sa lawak na anim na ektarya na inilaan ng lokal na gobyerno para sa housing project na ito, hindi lang pabahay kundi maayos na tinatawag na human settlement ang itatayo natin dito. Ito ay dahil layunin natin na maging produktibo ang pamumuhay ng mga naninirahan sa pamamagitan ng pagsisiguro na mayroon silang access sa mga mahalagang pasilidad gaya ng paaralan, pagamutan, [at] mga istrakturang pangkabuhayan.

Isa po ito sa mga proyekto ng aking administrasyon na nakaangkla sa ating layunin na mabigyan ng komportable, maayos, at disenteng buhay ang lahat ng ating kababayan. [applause]

Ang pagkakaroon ng sariling bahay ay pangarap ng lahat ng Pilipino na nais magkaroon ng isang lugar kung saan sila makakapagsimula ng bagong kabanata ng kanilang buhay.

Ang ilan naman ay nangangarap dahil mula pagkabata ay hindi nila kailanman naranasan na makatulog nang mahimbing sa isang tirahan na mayroong maayos na bubong at matibay
na pader.

Kaya naman po nandito tayo – ang inyong mga tagapaglingkod – na handang tumulong upang makamit ang mga pangarap ng ating mga minamahal na kababayan magkaroon ng kanilang sariling tahanan. [applause]

Sa pamamagitan ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program o ang 4PH Program, sisikapin naming maisakatuparan ang mga pangarap ng ating mga minamahal na Pilipino.

Layunin po natin na makapagpatayo ng isang milyong pabahay sa bawat taon ng aking termino bilang Pangulo [applause] para maiabot natin ang bagong tirahan na iba’t ibang mga yunit. Lahat ito nais natin paabutin ng anim na milyon na bagong pabahay dahil ‘pag pinag-aaralan natin ang housing sa Pilipinas, ‘yan ang numerong lumalabas na kulang na pabahay para sa ating mga kababayan.

Ibang klaseng project ito. Masasabi ninyo na infrastructure project dahil mayroon tayong tinatayo. But it is also a social project dahil may social cause ‘yung mga homeless, may social cause ‘yung mga nagsa-squatter.

Lahat ng mga nagiging problema na ‘yan, wala silang… ‘Yung mga anak nila hindi makapasok sa eskuwela. Wala silang mahanap na hanapbuhay. Kung paalisin sila, saan sila pupunta?

Ayan ‘yung mga kung saan-saan na lang napapadpad. Kung minsan ‘yung sa isang bahay, tatlo ang pamilya na nandoon na nakatira doon dahil wala naman ibang mapuntahan.

Ito po ang problemang hinaharap ng ating mga kababayan. Kaya naman ay mahirap natin hingiin sa kanila ang tulong ng ating mga kababayan para sa pagpaganda ng buhay, pagpaganda ng ekonomiya kapag naman sila ay walang magandang tahanan na nauuwian kung saan sila makapagpahinga, kung saan sila makapiling nila ang kanilang mga mahal sa buhay.

‘Yun po ay hindi ito pribilehiyo para sa isang tao. Ito po ay, sa aking pananaw, ay karapatan ng tao. [applause]

Sa pangunguna ng Department of Human Settlements and Urban Development at sa patuloy na pagtutulungan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan at ng mamamayan, tiwala akong mapagtatagumpayan natin itong project na ito.

Alam niyo po ang lead agency dito ay ang Department of Human Settlements and Urban Development. Unang-una, ipapaliwanag ko bakit hindi Department of Housing. Dahil ang kailangan pagka magpapabahay tayo hindi maaari basta’t magtatayo ka lang ng bahay.

Nangyayari ‘yan. Magtatayo ang gobyerno ng bahay, walang patubig, walang kuryente, walang kalsada masyado, walang malapit na eskuwelahan para sa mga bata, walang simbahan, walang palengke. Hindi dumadaan, hindi pumapasada ‘yung jeep at saka ‘yung tricycle doon. Kaya’t hindi po puwede na basta’t magtatayo ka lang ng bahay.

We have to put up human settlements. Kaya’t kung nakita niyo po ang plano na ginagawa natin para dito sa [4PH] Project ay laging hindi lamang pabahay, kung hindi lahat na nung mga pasilidad na ating nabanggit, tungkol nga, kagaya nga, ay kailangan hindi masyadong malayo ang pupuntahan.

Dito maganda itong location ninyo rito dahil gitnang-gitna ng lungsod. Kaya’t hindi magiging mahirap ang papunta sa trabaho. Hindi magiging mahirap ang pagpunta sa eskuwela. Hindi magiging mahirap ang pagpunta sa palengke para mamili ng pagkain. Hindi masyadong mahirap para may pupuntahan pagka weekend, mayroon naman silang libangan. O mayroon pang swimming pool. Talagang ang ating Secretary, si Secretary Jerry pang-Forbes Park na itong ginagawa niya na ano eh, na ginagawa niya na design. [applause]

Malakas po ang loob ko nung tinawagan ko ang aking kaibigan si then Mr. Jerry Acuzar at sinabi ko kung puwede ay sumama siya sa pamahalaan bilang Secretary nga nitong bagong department na Human Settlements and Urban Development dahil po nakita ko sa kanyang pribadong negosyo ay talagang napaka-successful ang kanyang ginawa.

At nagulat ako noong nag-uusap kami na sabi niya sa akin nagtrabaho pala siya sa ilalim ng aking ina noong siya’y Minister of Human Settlements noong panahon ng aking ama. Kaya’t naintindihan niya ‘yung aming konsepto para sa pabahay, para sa ating mga mamamayan.

Kaya’t mabilis kami nagkaintindihan at ako’y – mapalad naman ako na mayroon akong magaling na naging Secretary. At isa pang bagay, hindi ko siya kailangan ialala dahil mas mayaman pa sa gobyerno ito eh.

Isa po itong 4PH Project sa mga pinaprayoridad ng ating administrasyon dahil alam ko po ang bigat na pinapasan ng ating mga kababayang walang bahay, mga nawalan ng bahay, o di kaya ay naninirahan sa mga delikadong lugar.

Idinisenyo ang programang ito para sa mga minimum wage earners, ang ating mga informal settlers, ‘yung mga na-displace mula sa danger zone, ‘yung mga na-displace dahil sa bagyo, at sa mga kababayan nating naghahangad ng de-kalidad at komportableng bahay na siguradong abot-kaya ang buwanang hulog at bayad.

Nais kong ipaalam sa lahat na ang partikular na proyektong ito ay naging posible dahil sa pagtutulungan ng DHSUD at ang LGU ng Camarines Sur. [applause]

Hindi po namin magagawa itong pabahay na ito kung hindi maganda ang koordinasyon sa national government at saka sa local government. Kaya po magiging matagumpay po ito dahil sabay-sabay po natin at may sinusundan tayong magandang plano. Lahat ng ating kakayahan ay inilalagay natin dito sa proyektong ito.

Maraming salamat sa ipinamamalas ninyong dedikasyon, suporta, at pagsisikap upang masiguro [na] makamit ang ating layuning pabahay para sa lahat. [applause]

Kasabay ng aking pasasalamat ay ang aking panawagan sa mga iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mga construction groups, mga pribadong bangko, [at] lahat ng mga katuwang natin—sundin natin ang tamang proseso sa lahat ng ating mga gagawin at sumunod tayo sa mga inilatag na batas at alituntunin. Gawin natin ang lahat ng nararapat nang may buong katapatan at pagmamahal sa bayan.

Ang tagumpay ng anumang programa ng gobyerno ay nakasalalay sa pagkakaisa natin upang mabigyan ng epektibong solusyon ang mga isyu at problema na kailangan ng malawakang kooperasyon ng bawat isa.

Kaya naman po ay pagsumikapan nating lahat na makamit ang ating pangarap na anim na milyong pabahay para sa ating kababayan.

Gawin po natin ang lahat ng ating makakaya upang magkaroon ng katuparan at hindi manatiling pangarap lamang ito.

Para po sa ating mga benepisyaryong kasama natin ngayong araw, kasama niyo po kami sa pagtatayo ng mga bahay na inyong matatawag na sarili ninyong pag-aari, kanlungan, at tahanan.

Ako po ay nasasabik sa magandang resulta ng proyektong ito. Habang tayo ay umaabante tungo sa kaunlaran, sisikapin po natin na sama-sama tayong babangon at makakaahon mula sa pagsubok at kahirapan.

Sama-sama nating buuin at tuparin ang ating mga pangarap para sa ating bansa. [applause]

Dios mabalos saindo gabos! [applause]

 

— END —

 

SOURCE: PCO-PND (Presidential News Desk)