Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Inauguration of the First Mobile Soil Laboratory (MSL) in the Philippines


Event Inauguration of the First Mobile Soil Laboratory in the Philippines
Location Kalayaan Hall, Malacañan Palace in Manila

Thank you to the Agriculture Secretary, Secretary Kiko Laurel. [Please take your seats.]

All of our officials from the Department of Agriculture that are here – puro mga excited dahil sa wakas nagkaroon na tayo ng soil’s lab; the management committee and staff from the Bureau of Soil and Water Management; ladies and gentlemen, magandang umaga sa inyong lahat!

Ngayong araw, tayo ay magpapasinaya ng kauna-unahang Mobile Soil Laboratory sa Pilipinas.

Hindi dapat gano’n, ba’t naging ngayon pa lang ‘yung una? Dapat 30 years ago pa ito eh. Kailangan na kailangan siya. Nagkukwentuhan nga kami ni DV and I was just telling him, hindi namin – kami sa Ilocos dati, hindi namin masyadong nararamdaman dahil mayroon kaming MMSU. Kaya ‘yung soil’s analysis na kinakailangan ng mga Sanghera namin, ‘yung Irrigation Association namin, ‘yung mga cooperative, doon dinadala, at fina-finance naman ng Provincial Government.

Pero noong umikot-ikot na ako, nakita ko na hindi talaga alam ng ating mga magsasaka kung papaano gamitin ‘yung fertilizer; papaano gamitin ‘yung pesticide; kailan ilalagay; ano na ang lagay ng kanilang lupa; kailan kailangan magpatubig; ‘yung sumobra naman ang tubig sayang, kailan pipigilan. Lahat ito ay hindi alam ng mga magsasaka.

Eh native talent lang ang kanilang ginagamit. Tinitingnan lang ‘yung – mayroon kaming mga farmers sa Ilocos tinitikman ‘yung lupa eh para malaman kung may acidity… [laughter] Oo talaga. Ano kumusta na dito? Kukunin ‘yun ng ganyan, aamoy-ampoyin tapos… “Ano’ng ginagawa mo?”

Pero gano’n na lang – it was a very inexact science.

Ito kaya ngayon ang araw na ito ay makasaysayan – dahil makasaysayang hakbang na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng agrikultura sa ating adhikain nang masiguro ang sapat na pagkain, maunlad na pamayanan, at mas nagkakaisang bayan.

Ang tagumpay na ito ay patunay ng ating walang pagod na hangarin na patatagin ang ating ekonomiya sa pamamagitan ng pag-alalay sa ating mga magsasaka.

Sa pagbibigay sa kanila ng makabagong kaalaman at teknolohiya, tinutulungan natin silang maging handa sa hamon ng makabagong panahon.

Sa tulong ng Bureau of Soils and Water Management, naisakatuparan natin ang pagkakaroon ng Mobile Soil Laboratory.

Ang walang patid nilang dedikasyon ay hindi lamang nagbibigay-pugay sa alaala ng aking ama—si Pangulong Ferdinand Marcos Sr.—kung hindi isang halimbawa ng kakayahan nating magbago at magpaunlad ng buhay ng ating mga kababayan.

Alinsunod sa National Soil Health Program, ang Mobile Soil Laboratory o MSL ay sumasalamin sa ating layuning mailapit ang mahalagang serbisyo ng pagsusuri sa lupa sa mga lugar na lubos na nangangailangan nito.

May kakayahan ang MSL na magsuri ng higit apatnapung chemical, physical, at micro [ano ba’ng Tagalog ng] microbiological parameter ng lupa at tubig.

Sa pamamagitan nito, matutulungan ang ating mga magsasaka na masigurong malusog ang kanilang lupa—ang pundasyon ng mas mataas at mas masaganang ani.

Tumatayo rin ang MSL bilang isang sentro ng kaalaman.

Ang MSL ay nagsisilbing pasilidad para sa training at pagtuturo ng mga bagong teknolohiya at bagong pamamaraan.

Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng pagkakataon ang ating mga magsasaka na makapagsanay upang mas maunawaan nila ang potensyal ng kanilang lupa at ibang likas na yaman.

Mahalaga rin na ipabatid na ang mga resulta mula sa pagsusuri ng lupa ay matatanggap ng ating mga magsasaka sa loob ng limang araw [mula] sa pagsusumite ng soil sample nila, depende sa pagiging kumplekado ng pagsusuri.

At sa unang taon ng operasyon ng MSL, ang lahat ng serbisyong ito ay sasagutin nang buo ng BSWM.

Kaya wala po kayong kailangang alalahanin na babayaran dito sa susunod na taon.

Layunin ng proyektong ito na bigyan ang ating mga magsasaka ng kaalaman at teknolohiyang magagamit nila sa siyentipiko na paraan ng pagsasaka. Sa ganitong paraan, mapapangalagaan nila ang kalusugan ng kanilang lupa, magagamit nang tama ang mga pataba, at makakamit ang mas mataas na ani.

Hindi lamang ito nakakatulong sa ating mga magsasaka. Ang mga datos na makakalap mula rito ay magbibigay din sa ating mga tanggapan ng mga impormasyon upang makabuo ng patakaran na sumasalamin sa tunay na pangangailangan ng ating agrikultura, at sa bawat lugar dahil iba-iba ang sitwasyon.

Sa simula, tutungo itong Mobile Soil Laboratory sa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Bulacan, Pampanga, Aurora, at Bataan. Mananatili ito sa bawat probinsya nang halos dalawang buwan at magbibigay ng serbisyo sa 10 magsasaka bawat araw.

Ngunit simula pa lamang ito. Sa unang bahagi ng 2025, layunin natin maglunsad ng karagdagang 16 pa na Mobile Soil Laboratories sa buong bansa—isa bawat rehiyon.

Ang proyektong ito ay nakaugat sa Presidential Decree No. 1435, na nag-uutos sa BSWM na palakasin at paunlarin ang kapasidad ng ating soil laboratories.

Patuloy nating susuportahan at palalawakin ang kapasidad ng ating mga kasalukuyang soil laboratories, na matagal nang katuwang ng pamahalaan sa pagsusulong sa kaunlaran.

Kasabay ng paglulunsad ng proyektong ito ang ating pagdiriwang ng World Soil Day. Isang mahalagang paalala ang araw na ito sa papel na ginagampanan ng lupa—hindi lamang bilang pinagmumulan ng ating mga ani, kundi bilang pundasyon ng kabuhayan ng ating mga kababayan.

Tuwing ika-lima ng Disyembre, nagkakaisa ang buong mundo upang paigtingin ang ating pagkilos sa pangangalaga ng ating yamang-lupa. Dahil kung wala ito, wala tayong ani, wala tayong pagkain, wala tayong kabuhayan, wala tayong kinabukasan.

Kaya’t sa pagkakataong ito, inaatasan ko ang BSWM na manguna sa pagpapalakas ng ating kolektibong aksyon para sa lupa at sa kalikasan.

Ang araw na ito ay simbolo ng ating determinasyon—ang ating pagsisikap na buuin ang isang bansa na mas produktibo, mas malusog, at mas matatag.

Sa pagtahak natin sa landas tungo sa Bagong Pilipinas, patuloy tayong tumutugon sa tawag ng ating mga magsasaka, pangalagaan ang ating kalikasan, at itaguyod ang isang bansang may matatag na pundasyon para sa kaunlaran at kasaganaan.

Maraming salamat at mabuhay kayong lahat!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

Magandang umaga sa inyong lahat. [applause]

— END —