Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the National Housing Authority Ceremonial Turnover


Event National Housing Authority Ceremonial Turnover
Location Malainen Park Residences in Barangay Calubcob in Naic, Cavite

Maraming, maraming salamat, ang ating Kalihim ng Human Settlements and Urban Development Jerry Acuzar sa iyong pagpakilala na eksaktong-eksakto na. [laughs]

Ang ating Presidential Adviser on Peace Secretary Charlie Galvez Jr.; nandito rin si Senator Francis Tolentino; ang ating 8th District Congresswoman Aniela Bianca Tolentino; 2nd District of Cavite Representative – oo nga pala congresswoman na – Lani Revilla; si Governor Jonvic Remulla; Vice Governor of Cavite Athena Bryana Tolentino; and the mayor of Naic, Cavite, Mayor Raffy Dualan; General Manager of the National Housing Authority Mr. Joeben Tai; ang aking mga kasama sa pamahalaan; at ang ating mga bisita; ang ating mga naging beneficiary dito sa housing program na ito, magandang umaga po sa inyong lahat.

Ako ay lubos na nagagalak na makasama ngayon sa pamamahagi ng mga pabahay ng gobyerno at ng National Housing Authority dito sa Naic.

Bago ang lahat, binabati ko at pinapasalamatan ko ang buong NHA, [applause] ang inyong mga opisyal, at mga kawani, pati ang mga katuwang ninyong ahensiya sa gobyerno at lokal na pamahalaan sa matagumpay na pagpapatayo ng mga bahay na ito.

Ito ay isang kongkretong hakbang tungo sa pagkamit ng ating pangarap na mabigyan ng maayos na matitirahan ang ating mga kababayan. Ito ay malinaw na nagpapakita ng inyong dedikasyon sa inyong sinumpaang tungkulin.

Nananatili ang ating layunin na makakapagpatayo ng dekalidad at murang pabahay para sa bawat pamilyang Pilipino, lalo na para sa mga mahihirap na ating mga kababayan.

Ang mga tahanan na ating inihahandog ay ilan lamang sa higit 30,000 bahay na naitayo sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa na sabay-sabay din – ngayong araw din – ay ating ipinapamahagi sa araw na ito.

Kaya naman hinihikayat ko ang mga kapwa ko lingkod-bayan sa NHA na ipagpatuloy ang pagsisikap na magampanan ang inyong mandato.

Kasabay ng mga tirahang ibinabahagi natin, tiyakin natin na mabigyan din natin sila ng pagkakataon na makapag-hanapbuhay at magamit ang kanilang mga kakayahan at talino tungo sa kanilang tuloy-tuloy na pag-unlad.

Patuloy ninyong pagtibayin ang pakikipag-ugnayan sa mga kaakibat na ahensiya, mga lokal na pamahalaan, at mga pribadong organisasyon. Hangarin natin na matiyak na may sapat na suporta ang lahat ng mga benepisyaryo ng mga bagong tirahang ito.

Batid natin ang iba’t ibang uri ng sakuna at problemang dumadaan sa ating bayan. Kaya naman napakahalaga na masiguro natin na ang mga bahay na ating itinatayo at ipinapamahagi ay mananatiling matibay at tatagal anuman ang maging lagay ng panahon.

Ang tagumpay ng ating pagtitipon ngayon ay patunay lamang na matinding kagustuhan ng administrasyong ito na agarang matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan.

Ang tungkol sa housing po ang katotohanan niyan ay malapit sa puso ko ito dahil noong ako ho ay nasa Senado, nilagay ako sa Housing and Urban Development Committee, ako ‘yung chairman. Kaya’t kitang-kita ko, very frustrated nga ako, nakikita ko palaki nang palaki ang kakulangan natin sa housing.

Hanggang umabot na noong umupo na ako bilang Presidente, nakita ko ang estimate namin eh halos 6.5 million na ang kakulangan ng pabahay dito sa buong Pilipinas. Noong nasa Senado ako, 3.5 pa lang ‘yan. Kaya’t mabilis talaga ang pag-akyat, ang pagparami ng pangangailangan.

Kaya’t ang ating ginagawa ay naghahanap ng lahat ng paraan upang ipagsama-sama, ipagsanib-puwersa natin ang mga LGU, ang Department of Human Settlements, ang NHA, pati ang legislature, pati ang national government, ay lahat ng aming magawa ay gagawin na namin para naman ay makapagpatayo ng bahay dahil ay napakarami masyado ang ating mga – ng ating mga kababayan ay walang sariling bahay at walang mauuwian at nagiging squatter, napipilitang maging squatter. Hindi naman tama ‘yun. Hindi natin dapat ginagawa sa ating mga kababayan ‘yan.

Kaya’t ginagawa namin lahat. Ang pangako sa akin ni Secretary Acuzar, sabi niya, 1 million homes a year. Tingnan nga natin kung kakayanin niya.

Pero sa palagay ko, sa takbo, ito naman – magbabago ang ating konsepto dahil noon sa housing, lalo na noong unang human settlements, noong panahon pa ng aking ina na siya ang naging Minister of Human Settlements ay talagang kumpleto lahat ng aming project para nga sa pabahay.

Ngunit ito’y napabayaan at kaya naman nagkulang-kulang na kaya’t malaki ngayon ang hahabulin natin.

Dati ang konsepto ay bahay at lupa, kung maalala pa ng iba dito sa inyo. Walang aamin dahil mahahalata ‘yung mga edad ninyo eh. [laughter] So noong panahon na ‘yun, bahay at lupa.

Ngunit lalo na sa mga urban areas, wala ng lupa. Mahirap nang makahanap ng lupa. At siguro mas efficient, gagawa tayo ng mid-rise na tinatawag.

Kung maalala niyo ‘yung BLISS, ‘yung project ng BLISS, diyan nag-umpisa ang mid-rise na ilang five storeys, six storeys na building. At mukha namang maganda at marami talagang kumuha, nagkaroon sila ng sarili nilang tirahan.

Ngunit ngayon dahil mahirap na, siguro baka pataasin pa natin. Baka puwede na nating itaas hanggang high-rise na. Ngunit pinag-aaralan natin ito siguro case-to-case ito. Ngunit ang importante rito ay mayroong – kaya ang tawag ay hindi Department of Housing.

Ang tawag ay Department of Human Settlements dahil ang bawat naitatayo ay hindi lamang bahay ang itatayo, kung hindi titiyakin na malapit sa trabaho. Ang usual na sinasabi dapat ang pagpunta sa trabaho ay hindi lalampas sa isang taon – ay isang taon – isang oras.

So from the – kung minsan ganoon ang pakiramdam parang isang taon ka bago makauwi, lalo na sa Maynila.

Pero ang aming tinitingnan, the travel time mula sa bahay hanggang sa trabaho ay hindi dapat lalampas ng isang oras. Dapat may malapit na eskuwelahan para sa mga bata. Dapat may malapit na palengke o maliit na mall para makapagbili ng mga pangangailangan ng mga pamilya.

Lahat ito ay pinagsasabay-sabay kaya human settlements ang mga tinatayo natin.

Kaya’t ‘yan ang ating hangarin na masabi natin na nasimulan man lang ang low-cost housing, ang socialized housing para sa mga nangangailangan na ating kababayan at hindi makahanap ng kanilang sariling tirahan.

Kaya asahan po ninyo na simula pa lamang ito ng ating tuloy-tuloy na pagsisikap para mabigyan ng mas maayos at masaganang bukas ang bawat Pilipino.

Sa ating mga beneficiaries, sa inyong pagsisimula ng bagong buhay sa inyong mga bagong bahay hangad ko na: una, mapaganda ninyo ang inyong mga tahanan. Ito’y pakamahalin ninyo nang lubusan dahil ito ang magiging saksi sa pag-uunlad ninyo at ng inyong pamilya.

Pangalawa, hiling ko na mapagyaman ninyo ang inyong bagong komunidad. Gaya ng lagi kong bukang-bibig: pagkakaisa ang susi para mapagtagumpay ang anumang hamon ng buhay ay kaya nating tugunan.

Pangatlo, at ito’y hinihingi ko sa kooperasyon ng ating mga lokal na gobyerno at pribadong sektor, nawa’y maging panatag ang ating mga kababayan sa kanilang mga bagong bahay. Mahalagang mabigyan ang ating mga kababayan ng pangkabuhayan tulong upang malubos nila ang paninirahan sa kanilang mga bagong tahanan.

Sa aking mga minamahal na kababayan, maging paalala nawa ang inyong bagong bahay na may maliwanag na umagang laging nag-aantay sa inyo.

Mga kapwa kong Pilipino, tiwala ako sa pagbubuklod nating lahat, unti-unti nating mabibigyan ang bawat pamilyang Pilipino ng maayos at abot-kayang tahanan.

Nananalig ako na sa mga darating na panahon, sama-sama nating makakamit ang ating mga pangarap para sa ating mga pamilya, sa ating komunidad, at sa ating bansa.

Ngayong nalalapit ang Kapaskuhan, binabati ko po kayong lahat ng isang mapagpala at masaganang Pasko at Bagong Taon. [applause]

Nagagalak ako na ipinagdiriwang ninyo ang Pasko at sasalubungin ang Bagong Taon sa inyong mga bagong tahanan.

Maraming salamat po at isang magandang araw po muli sa inyong lahat. At official na, Christmas na, so Merry Christmas sa inyong lahat. Magandang umaga po. Marami pong salamat. [applause] 

 

— END —

 

SOURCE: OPS-PND (Presidential News Desk)