Maraming salamat sa inyong pagpakilala. Ang ating butihing Congresswoman, Congresswoman ng — Lone District Representative ng San Jose Del Monte, Congressman Rida Robes. Maraming salamat.
At alam niyo po siya’y isa sa pinakamasigasig na nakikita po natin sa ating House of Representatives. ‘Yung report na ‘yan, hindi po galing sa akin. ‘Yan po ang report na galing doon sa kanyang classmate na sinama ko na si Congressman Sandro Marcos na nandiyan. [applause]
Ang ating ama ng lalawigan ng Bulacan, ang ating gobernador, Governor Dan Fernando [applause]; ang ating Punong Lungsod ng San Jose Del Monte Mayor Arthur Robes [applause]; ang ating mga frontline workers. Ito po ay dahil ito’y ospital.
Lahat po ng ating mga healthcare workers ay kailangan po natin pasalamatan sa kanilang sakripisyo, sa kanilang pagtulong, sa kanilang napakabigat ng trabaho na ginawa, na ibinuhay.
Marami sa atin ay binuhay nila. Kung hindi sa kanilang mga ginagawa ay marami po sa atin ay pumanaw na. Kaya’t kailangan natin pasalamatan na paulit-ulit, na walang katapusan ang ating mga frontliners, ang ating mga health workers, ating mga doctor, ating mga nurse, ating mga med tech. Lahat po na tumulong. Kahit na ‘yung non-medical na tumutulong po dito sa — noong nakaraan, lalo na noong 2020 at saka 2021. Kaya po ay binabati ko po sila ngayong araw na ito. [applause]
Ang ating mga kasama, na kawani sa pamahalaan; ang aking minamahal — ang minamahal kong mga kababayan, magandang tanghali po sa inyong lahat. [applause]
Ikinalulugod kong makiisa sa mga Bulakenyo upang pangunahan ang groundbreaking ceremony na ito ng St. Bernadette Children and Maternity Hospital dito sa Barangay Gaya-Gaya, San Jose del Monte, Bulacan. [applause]
Ipinagmamalaki kong ipaalam sa inyo na isa [ang] pasilidad na ito sa mga proyektong [pangkaunlaran] ng ating administrasyon, alinsunod sa ating Philippine Health Facility Development Plan (PHFDP).
Ito po ang plano na ating ginawa. At doon sa mga natutunan natin at ang mga nakita nating pagkukulang sa ating healthcare system noong napakabigat ng epekto ng COVID.
Kaya po ay hindi lang po ‘yung kagaya — kaya po binabati ko ‘yung ating mga frontline workers dahil po tayo ngayon, dahil sa kanilang magandang naging trabaho.
Alam niyo po pag nakikipag-meeting ako sa lahat ng mga leader, lahat ng mga presidente, mga prime minister ng kahit saan, kahit sa Amerika, kahit sa Canada, kahit sa Europe, lahat, lahat nagtatanong — puwede ba kaming kumuha ng workers, ng health workers sa inyo? Dahil sa buong mundo ang kauna-unahang hinahanap nilang health workers ay ang mga Pilipino at ang mga Pilipina. [applause]
Lahat po ng mga prime minister, ng mga pangulo, ay nagpapasalamat po sa atin. Kaya tayo naman, tayo naman ang naging beneficiary sa kanilang pagsakripisyo, ay dapat lagi tayong nagpapasalamat at kilalanin natin nang mabuti ang kanilang ginawang sakripisyo hanggang ‘yung iba ay pumasok sa…
Hindi pa natin kabisado ‘yung COVID noon. Hindi na bale at sila’y pumunta na lang sa ospital at tinutulungan. Kung minsan, sila mismo nagkasakit. ‘Yung iba namatay pa. Kaya talagang sila ay naging bayani sa ating pagharap ng hamon ng COVID.
Ito po ay isang patunay sa dedikasyon ng ating pamahalaan na pangalagaan ang karapatan ng lahat, lalo na ang kababaihan at ang ating mga kabataan, sa pamamagitan ng sapat at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.
Sa pamamagitan ng isang community hospital, mapapalapit natin ang pangunahing serbisyong medikal sa mga residente, at mapapabilis ang pagtugon at paggamot sa panahon ng pangangailangan.
Ang Level-1 na hospital na ito ay maglalaman ng animnapu’t limang (65) hospital beds, pati na rin ng mahahalagang pasilidad, tulad ng operating room, recovery room, maternity [and] isolation facilities, clinical laboratory, imaging facility, at pharmacy.
Kaya naman, hinihimok ko ang Department of Health at ang lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte na magtulungan upang matiyak na maitatayo ang ospital na ito sa itinakdang panahon at itinakdang kalidad.
Sa puntong ito, nais ko ring pasalamatan ang lokal na pamahalaan sa taos-puso nilang pagsuporta nito sa pambansang programang pangkalusugan.
Gayundin, hinihikayat ko ang pribadong sektor at ang propesyong medikal na suportahan at isulong ang mga programang pangkalusugan ng pamahalaan, tulad sa larangan ng serbisyong medikal at [pamumuhunan] sa imprastraktura pangkalusugan, lalo na sa mga malalayo at salat na komunidad.
Nagkakaisa tayo sa paniniwala na obligasyon ng pamahalaan na alagaan ang kalusugan ng kanyang mamamayan, upang panatilihin silang malakas at handang kumayod para maitaguyod ang mga sarili at ang kanilang pamilya, at para sa masiglang pagtakbo ng ating ekonomiya.
Bilang inyong Pangulo, isa ito sa ating mga prayoridad na makapaglatag ng mahusay at abot-kayang programa ng serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino.
Ngunit kinakailangan natin ang suporta mula sa lahat ng panig ng lipunan—sa pamahalaan, pribadong sektor, sa ating mga mamamayan—upang magiging matagumpay tayo sa mithiing ito.
Sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng malalakas na pangangatawan ng mamamayan, maitatag natin ang isang progresibong Pilipinas, kung saan walang mapapabayaan at walang maiiwanan sa ating pagtahak tungo sa mas maginhawa, mas ligtas na pamumuhay sa darating na panahon.
Para sa kalusugan ng bayan!
Maraming salamat at mabuhay po kayong lahat! [applause]
— END —
SOURCE: PCO-PND (Presidential News Desk)