Speech

Speech of President Ferdinand R. Marcos Jr. during the Groundbreaking of the Ciudad Kaunlaran Project Phase II and Turnover of 360 Housing Units Under Phase I


Event Groundbreaking of the Ciudad Kaunlaran Project (Phase II) and Turnover of 360 Housing Units (Phase I)
Location Bacoor, Cavite

Maraming salamat sa ating Human Settlements and Urban Development Secretary Jerry Acuzar. Ang anak ng Cavite na ngayon ay nasa Senado, Senator Bong Revilla. Andito rin po ang mga iba pang butinhing senador. Nandito po si Senator Cynthia Villar, si Senator Mark Villar, Francis Tolentino.

Nandito po lahat at inaalala nila masyado ang lungsod ng Bacoor. At kaya naman napakagandang araw ito at nabubuksan na natin ang mga ibang proyekto.

The Cavite Second District Representative na inyong dating alkalde, Lani Mercado-Revilla. Ito ‘yung pagka pinapakilala ko lahat ay humihiyaw at hindi lang babae – Cavite Provincial Governor Jonvic Remulla. [Applause]

Paano ba ginagawa? Gusto ko rin ‘yung pagkakilala sa akin ganoon ‘yung pagbati. [Laughs]

Ang ating mayor, kasalukuyang Mayor ng Bacoor, Mayor Strike Revilla. [Applause]

Mukhang nagatungan ninyo nang husto ‘yung ating crowd.

Ang NHA General Manager, General Manager Joeben Tai. Dapat kakakantahan natin ‘yan ng happy birthday at malapit na ang birthday niya pero baliktad ‘yung ating NHA administrator. Imbes na siya ang tumatanggap ng regalo, siya ang nagdadala ng regalo.

Lahat ng mga benepisyaryo ng pabahay ng gobyerno, mga lasama ko sa pamahalaan, mga kababayan, maganadang umaga po sa inyong lahat. [Applause]

Lubos po akong nagagalak na muling maparito sa lalawigan ng Cavite para sa isa na namang mahalagang proyektong pabahay ng ating pamahalaan.

Ngayon po – ngayon lamang ay malugod ko na pong binabati ang mahigit anim na raang benepisyaryong kasama natin para pasinayaan ang anim sa siyam na gusali sa Phase 1 ng Ciudad Kaunlaran Housing Project.

Ang Ciudad Kaunlaran Phase 1 ay binubuo ng siyam na low-rise na building, kagaya nitong nakikita natin na natapos na – na may limang palapag. Aabot sa limang daan at apat-napung pamilya ang mabibiyayaan ng mga pabahay na ito.

Ang proyektong ito ay bunga ng pagtutulungan ng NHA, ng local government, ang pamahalaan ng Bacoor, iba pang ahensya ng pamahalaan at pribadong sector ay kasama rin natin.

Ito ay upang makapaghatid ng ginhawa para sa mga Caviteñong apektado ng Writ of Continuing Mandamus ng Supreme Court sa paglilinis ng Manila Bay at paglilikas ng mga pamilyang nakatira sa baybayin nito.

Bilang agarang tugon, pinabilis po natin ang kanilang relokasyon sa bagong pabahay na ligtas, de-kalidad, komportable at may maayos na pamayanan.

Sa katunayan po, tayo ay nagsagawa rin – nagsagawa rin tayo kanina ng groundbreaking para naman doon sa susunod na itatayo na dalawa pang gusaling itatayo na Phase 2 sa Ciudad Kaunlaran.

Dagdag na isang daan at dalawampung pamilya ang makikinabang dito.

Hinihikayat ko po ang ating mga benepisyaryo na pagtibayin ang pakikipag-tulungan sa ating pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at kasaganahan sa komunidad na ating binubuo.

Nitong 2023, umabot sa mahigit na walumpung libong pabahay ang naitayo ng NHA sa buong bansa. Sa kasalukuyan, ang NHA ay patuloy na nagsisikap na makapaghandog ng pabahay sa mas maraming Pilipino pa na nangangaailangan ng kanilang titirahan.

Isama pa natin ang mahigit pitong daang milyong piso na naipamahagi na—sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP)—sa may isang daan at limampung libong pamilya na naapektuhan ng kalamidad tulad ng sunog, ng baha, lindol, at bagyo.

Hangarin po ng inyong pamahalaan na panatilihing may sapat na pondo upang mapunan
ang pangangailangang pabahay ng nakakarami.

Tuloy-tuloy po ang NHA sa pagbuo at pagtutupad ng programang pabahay para sa pamilyang Pilipino. Sa tulong at pakikipag-ugnayan ng DHSUD sa pangunguna ni Secretary Jerry Acuzar ay tuluy-tuloy at hindi naming titigilan.

Tunay nga po na ang ating pagdalo sa maha-halagang okasyon tulad nito ay sumisimbolo ng aking pangako sa sambayanan na maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng bagong bahay tungo sa bagong buhay. [Applause]

Itong Ciudad Kaunlaran ay puno ng bagong pag-asa, hindi lamang para sa mga benepisyaryo, ngunit para sa lahat na makakakita ng tagumpay ng proyektong ito.

Tinatawagan ko po ang lahat ng mga benepisyaryo na gamitin ang biyayang ito upang mapaunlad ang inyong mga buhay at matiyak ang magandang kinabukasan para sa inyo at para sa mga pamilya ninyo.

Sigurado po ako na ang Ciudad Kaunlaran at iba pang mga proyektong pabahay ng pamahalaan ay magiging daan natin tungo sa Bagong Pilipinas na karapatdapat para sa lahat ng ating mga mamamayan.

Mabuhay po kayong lahat! Mabuhay ang Bagong Pilipinas! Maraming, maraming salamat po. Happy New Year. Magandang umaga po sa inyong lahat. [Applause]

—END—