Magandang hapon, Bulacan! [sigawan]
Napakaganda nga ng hapon, ang sarap pala ng simoy ng hangin dito sa inyo. Para tayong nasa abroad at nagpapalamig, kahit na nabilad kayo sa araw nang matagal habang naghihintay.
Maraming-maraming salamat sa inyong lahat. Magpapasalamat po kaming lahat – ito po ang aking mga kasamahan sa Alyansa, nagpapasalamat po kami sa inyong lahat dahil po ay kayong – pinilit niyong makarating. Magsiupo po muna kayo at – para makita tayo ng kahit na nasa likod.
[Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM!]
Maraming salamat. Maraming-maraming-maraming salamat. Talaga naman at sabi na nga namin ay nakakasiguro tayo kapag tayo’y pupuntang Bulacan at San Jose del Monte ay makakakita tayo ng ating mga – lahat ng ating kaibigan. Kaya’t nagpapasalamat kami. Napakainit ng salubong ng ibinigay ninyo sa aming lahat mga tiga-Alyansa na lumalapit po sa inyo at hinaharap ko sa inyo ang ating mga magigiting na kandidato para sa darating na halalan para sa Senado.
Alam niyo po ako po ay – nandito po, malakas po ang loob ko na iharap sa inyo ang ating mga kandidato dahil napakadali pong ipagmalaki bawat isa po sa kanila.
Narinig niyo naman po ang kanilang mga programa, ‘yung kanilang record, ‘yung kanilang nagawa na, at ‘yung kanilang gagawin pa. At alam niyo ay maipagmamalaki din ng Alyansa na ang Alyansa buo po ang – buo po lahat ng kandidato ng bawat puwesto ng mamimili kayo sa halalan na ito, lahat po sila ay lahat po sila mayroon po tayong kandidato.
Kaya po ay – ang dahilan po diyan dahil ‘yung ibang grupo sinasabi nila, “Paano niyo nabuo ‘yung napakaraming tao na para sumama sa inyong Alyansa?” Iyan po ang ibig sabihin ng Alyansa. Dahil po kami ay may paninindigan. Ang paninindigan po namin ay magkaisa at matulungan at magkapit-bisig upang tulungan ang taong-bayan.
Kaya po kami ay tinawag na Alyansa dahil kung titingnan niyo po – tingnan niyo po ito, mayroon pong Lakas-CMD, mayroon pong ang Nacionalista, may Nationalist People’s Coalition, may NUP, kumpleto po. Kumpleto po ang lahat ng mga iba’t ibang partido ay kasama po natin. Dahil po isinantabi na muna namin ang aming mga partido para magkaisa, para gawin lahat upang tulungan at pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino.
Narinig niyo naman po ang kanilang mga talumpati at maliwanag na maliwanag na pagka tiningnan po natin ang ating mga kandidato, ‘pag inisa-isa niyo po ay makikita naman ninyo ay de-kalidad po itong mga grupo na ito. Eh talaga kung ako man iniisip ko, kung ako ay tumatakbo bilang senador sa kabilang partido, ay palagay ko ninerbiyosen ako nang kaunti at sasabihin ‘pag ito ‘yung mga kaharap ko, ito ‘yung mga nakatapat sa akin bilang kandidato ng Senado ay mapapaisip po ako dahil masyadong mabibigat ito, masyadong kilala, masyadong kilalang marunong, mahusay, matalino, masipag, at pinakamahalaga ay nagmamahal sa taong-bayan, nagmamahal po sa Pilipinas. [palakpakan]
Kaya naman po – tingnan po natin ang ating grupo kung ano ba ang kanilang pinanggalingan, ano ba ang kanilang pinagdaanan.
Alam niyo po walo dito sa 12 na kandidato natin para sa Senado, walo po sa kanila ay dumaan na sa Senado. Nandiyan po Senator Cayetano, si Senator Lacson, si Senator Lapid, Senator Marcos, Senator Pacquiao, Senator Revilla, Senator Tolentino at si Senator Sotto.
Si Senator Sotto hindi pangkaraniwan na senador ito. Naging Senate President. At alam niyo po noong ako’y senador, siya po ‘yung Senate President namin kaya naman masasabi ko na noong panahon niya maayos ang takbo ng Senado dahil magaling po siya. [palakpakan]
Magaling po siya humawak ng Senado. Nakakahanap siya lagi ng kompromiso kahit na nagtatalo-talo po kami. Malamig po kasi masyado ang ulo nito. Kagaya lagi niyang sinasabi, “Madali naman akong kausap, eh.” Hindi lang niya sinasabi ‘yun, totoo po talaga. Kaya magaling na naging Senate President ang ating butihing Senator Tito Sotto. [palakpakan]
Ang pito naman sa ating mga senador ay dumaan naman sa mababang kapulungan, sa House of Representatives, naging congressman po. At sila po ay matagal ng nasa lehislatura. Nandiyan po ang Congressman Abalos, Congressman Binay, Congressman Cayetano, Congressman Marcos, Congressman Pacquiao, Congressman Tulfo at Congressman Villar.
Tama naman dahil mahalaga po na kapag kayo ay — pagka kayo ay isang senador na nauunawaan ninyo kung ano ang patakbo sa mababang kapulungan upang maging maayos ang pagpasa ng ating mga batas, upang maging maayos ang proseso sa pagdidinig. Iyon po ang mga mahahalaga na tinatawag na karunungan na para sa mga nakadaan na po sa ating lehislatura ay kabisadong-kabisado na po nila ‘yan.
Ang apat naman po ay nagsilbi sa Gabinete o Cabinet-level na kanilang mga – Cabinet-level ng kanilang posisyon. Ang una po diyan ay si Secretary Abalos. Si Benhur po ay naging secretary ng DILG. Pag-upo na pag-upo ko po ay aking iniisip sabi ko, sino kaya ang dapat nating ilagay bilang Department of Interior at saka Local Government? ‘Ika ko sa sarili ko ‘di tingnan natin kung sino sa marami na marunong talaga at nakakaunawa sa mga isyu na hinaharap ng ating mga local government. At naisip ko mayroon daw – balita ko may mayor ng Mandaluyong daw na magaling. Kaya’t nandiyan po, ginawa po nating secretary ng DILG si Secretary Benhur Abalos. [palakpakan]
At si Senator Tulfo din ay siya din po ay naisip ko noong pag-upo ko, iniisip ko sino ba talaga ang kilala na walang ginawa kung hindi nagsisilbi sa publiko, walang ginawa kundi tumulong sa mga nangangailangan, walang ginawa kundi magtrabaho para ‘yung ating mga kababayan na nasalanta sa mga krisis, ‘yung ating mga kababayan na naghihirap, na namumulubi, sino ba ang magaling tumulong diyan? At kaya po pinili po natin si Secretary Erwin Tulfo na inilagay po sa DSWD.
Nandiyan din po si Senator Tolentino na dumaan ng MMDA. Alam niyo naman siguro ‘yung MMDA— ‘yung MMDA, Metro Manila Development Authority. Mahirap po na trabaho ‘yan dahil po ipagkakaisa mo lahat po ng mga iba’t ibang lungsod, lahat ng iba’t ibang bayan ng Metro Manila, na ipagkakasundo mo lahat ‘yan at para magawan ng — maayos ang patakbo ng traffic, maayos ang daloy ng traffic, maayos ang law enforcement, maayos lahat ng mga plano para pagandahin ulit ang patakbo ng MMDA. ‘Yan po ang naging trabaho po ni Senator Tolentino.
Pero lumagpas po siya sa Metro Manila dahil hindi ko po makakalimutan noong tinamaan ang Region 8, Region 7, Region 6 ng Yolanda, kami po ay – ako’y nasa Tacloban po. Naghihintay kami, nagmamakaawa kami sa national government na magpadala ng tulong dahil sa dami ng pangangailangan. At alam niyo po, nagulat na lang po kami eh biglang isang araw, may nagsabi sa amin, nandiyan, nandiyan si Chairman Tolentino, dala-dala ‘yung mga heavy equipment ng MMDA. Sila po ang nauna na nakarating. Ganyan po ang serbisyo na binigay po ni Senator Tolentino. [palakpakan]
Ang isa pa po na humawak ng mga – ng pagtulong sa pagdaan po ng Yolanda ay si Senator Ping Lacson dahil siya ang nilagay na namuno ng Yolanda Rehabilitation Commission.
‘Yun po naman ay lampas na, nakalampas na ‘yung bagyo, papaano patatayuin ang mga bahay, saan natin ilalagay, ano ang mga natutunan natin na ‘wag natin maulit para hindi tayo mabaha ulit. Lahat po plinano po ng – plinano po ng rehabilitation – Yolanda Rehabilitation Commission, plinano po ni Senator Ping Lacson.
Pero si Senator Ping Lacson, hindi lamang ‘yan ang naging katungkulan niyan. Si Senator Lacson, naging hepe ng Philippine National Police. At kung maaalala ninyo, ang una niyang sinasabi – ang una niya pong ginagawa, pinagsusukat niya ‘yung mga tiyan nung mga pulis. Tinitingnan niya kung masyadong mataba, ibig sabihin hindi nagtatrabaho, pinag-jogging niya. Ngayon, wala ka nang makita na malalaking tiyan dahil inayos na po ni Senator Lacson. [palakpakan]
At noong panahon ni Senator Lacson, ‘yung acceptance, ‘yung pag – ang approval rating ng PNP, ng mga pulis natin ay napakataas. Hindi na po naulit ‘yung ganoong klaseng, ‘yung ganoong klaseng rating noong nangyari noong panahon ni Chief PNP General Lacson. [palakpakan]
Alam na po nila, makita mo – pagka titingnan niyo po, maliwanag na maliwanag alam na po nila ang pala – ang trabaho sa gobyerno. Alam na alam nila ‘yan. Wala ng – ito ‘yung mga klaseng tao, mga klaseng nasa serbisyo publiko na hindi basta’t… Kung minsan hindi na lang nagsasalita at basta’t ginagawa na lang ang trabaho. ‘Yan po ang mahalaga. Huwag tayong nagha – nakikinig ng mga puro dada nang dada. Dapat ang hinahalal natin ay puro gawa.
Pupunta sila sa Senado hindi upang manggulo, hindi upang magtalunan doon sa kanilang kapwa senador, kung kani-kanino pa. Sila ay nandiyan sa Senado upang magkaisa at ipagbuo ang magagandang batas na kinakailangan ng taumbayan. ‘Yan po ang istilo ng ating mga kandidato.
At tingnan naman po natin local government dahil ang mahalaga po na kahit noong nasa Senado, kailangan pong maintindihan ang lagay ng ating mga local government units.
Kaya naman po, mabuti naman, ay mayroon po tayong tatlo rito na naging gobernadora ng malaking probinsya. Ang nauna po, ang aking kapatid, naging Governor Marcos po ng Ilocos Norte. Si Pareng Lito – Lito Lapid naman naging governor naman ng Pampanga na ngayon kung makikita po ninyo, ang ganda-ganda na po ng Pampanga at talagang bumubulusok ang mga negosyo doon at gumaganda ang trabaho para sa mga tao. Nasimulan po ‘yan ng butihing governor, Governor Lito Lapid. [palakpakan]
At siyempre, ‘yung ngayon, ang pangalawang pinakamalaking probinsya ay hinawakan naman po ng Governor Bong Revilla ng Cavite. [palakpakan] Siya po ay nakita ko kung – nakakatiyak naman ako na marami sa inyo ay nakakabisita doon sa kanila sa Cavite. Nakita naman ninyo kung ano ‘yung progreso, anong pag-uunlad ng Cavite.
‘Yan po ay naging trabaho niya mula noong siya ay naging bise gobernador, naging gobernador, naging senador, patuloy po ang kanyang trabaho. Kaya makita niyo naman napakaganda ang mga naging – ang mga naging matagumpay na proyekto at programa na sinimulan ng ating tatlong magaling na governor.
Mayroon din tayong mga mayor, tatlong lungsod na malalaki. Unang-una si Mayor Benhur Abalos ng Mandaluyong. ‘Yan po ay noong panahon po ni Mayor Abalos – noong panahon ni Mayor Benhur na mayor siya ng – mayor siya ng Mandaluyong, marami pong natanggap na pagkikilala, binigyan po siya ng maraming premyo dahil sa magandang patakbo niya sa city, sa Mandaluyong City.
Kaya po ay makikita naman po ninyo, maliwanag na maliwanag, naiintindihan niya ang patakbo at alam niya ang lagay at ang pangangailangan ng bawat isa. Hindi lamang ‘yung mga malalaki na tao, malalaking negosyo, kung hindi ang bawat kababayan niya sa Mandaluyong, bawat kababayan niya sa Pilipinas.
At naging mayor din po si Senator Tolentino – mayor ng Tagaytay. At alam niyo po eh – si Senator Tolentino po, walang ginawa po ‘yan kundi nag-aaral nang nag-aaral at tinitingnan po niya lahat kung ano ‘yung pinakamagandang puwedeng gawin. Kaya’t pagka mag – kaya po lahat ng tao, kapag ‘yung sinasabi, “may plano ako para sa Tagaytay,” nilalapitan niya, lahat po ay nakikinig sa kanya dahil mayroon talagang sinabi ang ating – ang ating magaling na Senator Tolentino.
At ang pangatlong mayor ay ang mayor ng pinakamayaman na lungsod sa buong Pilipinas, Mayor Abby Binay ng Makati City. [palakpakan] Sikat na sikat ang Makati City.
Ngunit alam niyo maraming nag – iniisip nila na kapag ikaw ang naging mayor ng isang siyudad na napakayaman, napakadali ng trabaho. Hindi po totoo ‘yun dahil karamihan po ng malalaking negosyo ay nandiyan sa Makati.
Kailangan po niyan mapagbutihan ang patakbo ng Makati, ng pamahalaan ng Makati, upang patuloy na susuportahan siya at pupuntahan. Lalagyan po ng investment ‘yung Makati City. Eh, tuloy-tuloy nga naman ang ginawa – ang nangyari. Ganoon na nga ang nangyari sa Makati City. Tuloy-tuloy ang pagpasok ng mga malalaking negosyo, tuloy-tuloy ang pagparami ng trabaho, tuloy-tuloy ang kanilang mga benepisyong natatanggap sa Makati City. Iyan po ay ginawa, iyan po ay trabaho ng ating mayor, Mayor Abby Binay.
Ano pa – baka naman po isipin ninyo na lahat po ng ating kandidato ay galing Maynila, galing lamang sa Luzon. Ay hindi po totoo ‘yun.
Tingnan po natin ay unang-una, si – ang ating kinikilalang kampeon ng buong mundo, hindi lamang Pilipinas, [palakpakan] si Manny Pacquiao na tiga-Bukidnon, Sarangani, GenSan. Alam po – nandiyan po siya. At nakikita niyo na sumisikat ngayon ‘yung kanilang lugar dahil eh nakikilala – nandiyan, tiga-doon pala ‘yung Manny Pacquiao, tiga-doon pala kaya’t tingnan natin. Ngayon nakikilala na ang mga – pinupuntahan na po, dinadayo na po ang GenSan, ang Sarangani dahil po ay pinasikat po na ating Senator Manny Pacquiao. [palakpakan]
Nandiyan din po Senator Erwin Tulfo. Siya po ay laking Davao at saka Sulu. At siya’y nandoon dahil doon po nadestino ang kanyang ama na sinusundan niya at ‘yung ama po niya ay naging bayani po ng ating bansa.
At huwag po nating makakalimutan na mayroon po noon na – mayroon po noon na Senator Vicente Sotto, ‘yung unang Senator Sotto po. Ang unang Senator Sotto po ay sa Cebu naman ang pinanggalingan. Kaya po ‘yung mga ninuno po ni Senator Tito Sotto ay siguro ay siyang… Lalo na noong kabataan niya, madalas siyang nandoon, kaya’t siguro naman ay alam naman niya ulit kung ano ang kalagayan ng ating mga kaibigan sa Visayas.
At alam niyo po naman kami po ni Imee na aking kapatid, si Senator Imee, ang nanay po namin ay si Imelda. Si Imelda, isang daang porsyentong Waray naman po ‘yan. Kaya kalahati po sa amin eh Waray – Waray-Waray man ini.
Kaya’t makikita po ninyo kagaya – kaya po ay nasa – nasa puso po namin ang aming – ang aming tiga-probinsya, ang aming kaprobinsya, nasa puso na po namin ang aming mga – ang aming mga kaibigan, sa aming mga kamag-anak doon na nanggaling sa Leyte at sa Samar. Lahat po ng mga Waray-Waray.
At hindi niyo po – baka hindi niyo po nalalaman na ang mga ninuno po ni Camille Villar ay mga Ilonggo naman. [sigawan] Kaya naman po eh isa po ay talaga namang ‘yang batang ‘yan laging umiikot, laging nagtatanong ng… Ang ginagawa – naiba – naiba si Camille, hindi siya masyadong nagtatalumpati. Ngunit ang ginagawa niya iba. Kabaligtaran, siya ang nagtatanong sa tao. Hindi niya sinasabi sa tao, “Ito ‘yung kailangan mo, ito ‘yung kailangan mong gawin.” Ang laging ugali niya, nagtatanong po, “Ano po ang kailangan ninyo? Ano sa palagay niyo ang kailangang gawin?” ‘Yan po ang mga kailangan natin sa Senado, ang nakikinig sa tao, hindi nile-lecture-an ang tao. [sigawan at palakpakan]
At lagyan po natin ng – dagdagan po natin ng mga kwalipikasyon itong grupo natin. Apat po sa kanila ay abogado. Nandiyan po si Atty. Abalos, Atty. Benhur Abalos. Practicing lawyer po ‘yan bago po siya naging mayor.
Si Atty. Abby Binay magaling po na abogado ‘yan. Alam niyo po si Abby Binay ‘yan ang kasama ko, katabi ko, ‘yan ang seatmate ko sa Kongreso. Hindi naman tayo abogado kaya pagka mayroong kailangan malaman tungkol sa batas, sisikuhan ko na muna si Abby, “Ano ba talagang sagot dito?” Iyan tuturuan ako. Magaling po ‘yan, napakatalino.
At nandiyan po si Senator Cayetano, abogada rin. At siya po ay napakaganda sumulat ng batas dahil nga sa tinatawag na kanyang legal training. At kung makikita po ninyo ang mga batas na naging author siya, makikita po ninyo kung gaano kaganda siya sumulat at kung gaano katama ang kanyang mga sinusulat na batas.
At kagaya nga po nang sabi ko, si Atty. Tol Tolentino. Attorney po ‘yan. At kagaya nga ng pagka attorney niya, kagaya nang nasabi ko ay laging nag-aaral po. At kaya naman kahit na anong itanong mo sa kanya tungkol sa batas, kahit anong itanong mo sa kanya tungkol sa politika, kahit ano ang itanong mo sa kanya tungkol sa mga research na medyo mahirap na kung minsan tayo’y tinatamad na tayong magbasa nang ora-orada, hindi po napapagod ‘yan si Atty. Tolentino, isa pa pong abogado sa ating grupo.
Mga kababayan, maliwanag na maliwanag siguro naman sa mga narinig ninyong talumpati sa ating mga kandidato, siguro naman po narinig ninyo sa kanilang mga pinapangarap para sa ating bansa na maliwanag na maliwanag na ang tinutunguhan po ng Alyansa ay ang kaunlaran at ang kapayapaan.
At aabutin po natin ‘yan kapag tayo ay magkaisa. Kaya po ito na siguro ay isa sa pinakamagandang halimbawa na ihaharap namin sa taong-bayan ng pagkakaisa, nagtutulungan para po makapag-serbisyo sa tao.
Ang kailangan po natin ay ang mga solusyon, hindi po ang mga maiinit at malalakas na mga masasakit na salita. Ang kailangan po natin ay mga solusyon para sa problema na hinaharap natin.
Ang mga kandidato ng Alyansa kasama natin sa pagtataguyod ng interes at kapakanan ng bawat Pilipino. Ipaglalaban natin ang nating soberanya at karapatan sa pamamagitan ng magandang diplomasya at dignidad.
Ngunit huwag ho sila kahit sino pong magkamali, huwag nilang aakalain na tayo ay papayag na kunin sa atin na kahit isang isla, kahit isang bato na nasa teritoryo natin. Alamin nila lahat hindi po tayo papayag at huwag sila – huwag natin – huwag tayong susunod sa kagustuhan ng ibang tao, ng ibang bansa. [palakpakan] Kahit na maliit lang tayo mga Pilipino – kahit maliit lang ang Pilipinas, palagay ko wala nang kasing tapang sa mga Pilipino.
Sa laban naman kontra sa krimen at sa droga, ito po ay aming paniniwala ay hindi naman po dapat – hindi naman po kailangan na pumasok tayo sa karahasan na maraming nasasaktan, na maraming pinapatay, na libo-libo na Pilipino ay hindi na natin nahanap at nawala na lang bigla. Iyan po ay hindi po – para sa amin ay hindi po tama para sa amin ‘yun. May tamang paraan para tiyakin ang kapayapaan at kaayusan. ‘Yun ay sa pamamagitan sa buo na suporta sa ating mga kapulisan, sa ating mga local government units. Dahil sila po ang talagang namamahala na matiyak na maganda ang takbo ng buhay, na ligtas ang ating mga kababayan, at hindi sila kailangan mag-alala na sila’y masasaktan, sila’y mananakawan, sila ay papatayin.
Sa ekonomiya naman at sa trabaho, hindi natin kailangan umasa sa mga ilegal na mga gawain kagaya po ng POGO na ginawang pugad ng pagsasamantala sa ating mga kababaihan, naging pugad ng karahasan.
Kaya po tayo ay binan (ban) na po natin ‘yan at hindi po tayo papayag na babalik ‘yan dahil nakita na natin na napakasama ang nangyari sa ating mga kababayan dahil po diyan sa POGO. Ang solusyon po ay hindi sa mga ilegal na gawain. Ang solusyon po ay nasa tunay na trabaho, nasa magandang kabuhayan at suporta sa maliliit at sa mga nangangailangan.
Magkaisa po tayo at mamili po tayo ng alam natin na tuloy-tuloy magtatrabaho, na itinaya na nila ang kanilang buong buhay upang magserbisyo sa Pilipino. Itong ating mga kandidato napakahaba na po ang kanilang record na nagseserbisyo sa Pilipino. At hindi lamang sila nakaupo sa matataas na posisyon. Ngunit siniseryoso po nila ang kanilang katungkulan at gumawa sila ng maraming maganda upang pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino, upang pagandahin ang Pilipinas.
Iyan po ang hinaharap po natin. Ito po ang mga ating kandidato para sa darating na halalan, ating mga kandidato para sa Senado!
Mabuhay po ang Alyansa sa Bagong Pilipinas!
Mabuhay ang Bulacan!
Mabuhay ang Pilipinas! [palakpakan]
— END —