Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Rally sa Davao Del Norte


Event Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Rally
Location Carmen, Davao del Norte

Maayong gabi-i kaninyong tanan! (Magandang gabi sa inyong lahat!)

Parang in the mood pa rin kayo dahil nakikita ko sa ngiti ninyo parang Valentine’s Day pa rin. Sana ang pagmamahal na ipinapakita natin ‘pag Valentine’s Day huwag lang naman sana sa Araw ng Puso, dapat araw-araw nating ipinapakita ‘yan.

‘Yan po ang pangako ng ating mga kandidato. Araw-araw na sila ay nakaupo at nasa posisyon, araw-araw ipapakita nila, ipaparamdam nila ang kanilang pagmamahal para sa Pilipinas.

Alam niyo po nakakagulat kung minsan na pagka nagsimula ulit ang halalan, ang campaign period, nagugulat po kami na parang napakabilis ngunit nandito uli po tayo.

Ngunit alam niyo po kahit na national lang ang nagsimula ngayon at nandito ang ating mga national candidate, mayroon po tayong kasama na kumpleto na ticket sa buong Pilipinas. Siguro mga 18,200 ang kandidato ng Alyansa. At iyan po ay buong-buo, solid na solid kagaya po ng ating mga kandidato para sa senador.

Bakit po ganoon? Bakit iyong ibang partido, bakit ‘yung ibang nagsasama ay hindi makapagbuo ng mabigat na ticket? Dahil po ang kanilang iniisip lamang ay kung papaano nila tutulungan ang kanilang sarili at manalo ng eleksyon.

Ngunit dito po sa Alyansa, kaya po ang tawag sa amin ay Alyansa, dahil mayroon kaming paniniwala na lahat ng kailangang gawin para sa ating bansa ay kailangan magtulungan lahat ng Pilipino, lalong-lalo na ang mga opisyal na magiging senador, lalong-lalo na ang mga nakaupo sa taas – ng nasa matataas na opisina.

Alam niyo po kung minsan nakikita natin ‘yung ibang partido hindi sila maka – nagugulat sila, natatakot yata sila sa inyo dahil pagka nakita ang lineup ng Alyansa eh kung ano-ano na ang sinasabi.

Narinig lang natin noong isang araw, wala daw pag-asa – siguro sa kanila wala silang pag-asa kaya papatay na lang sila ng 15 na senador. Eh talagang… Sabagay mahirap naman ‘yung ibang tao ang iniisip lang nila pagka – ang kaisa-isang solusyon sa lahat ng problema ay pumatay pa ng Pilipino. Nakakapagtaka kung bakit ganoon.

Ngunit maintindihan mo rin, dahil kung ako nga ay nasa kabilang partido at itong mga ito ang kaharap natin ay nako baka – sasabihin ko mahirap na kampanya ito dahil mabigat ang kalaban.

Mabigat ang kalaban dahil tingnan niyo muna – kung kikilatisin natin sila nang isa-isa, napakatingkad po ng mga record nila, napakaganda ng kanilang mga naging performance sa kanilang iba’t ibang inupuan na mga posisyon sa pamahalaan. Kaya’t isa-isa silang magaling pinagsama-sama pa natin silang lahat ay talagang nakakagulat na ang kanilang tibay at lakas.

Isipin niyo lang po, dito po sa ticket ng Alyansa walo po ang naging senador na. Kaya’t alam na po nila ‘yung trabaho. Sila po: si Senator Cayetano, Senator Lacson, Senator Lapid, Senator Marcos, Senator Pacquiao, Senator Revilla, Senator Sotto, Senator Tolentino.

Nakita niyo naman po itong mga nakaharap po sa inyo sila ay sanay na sanay na kapag upo nila, pagka naluklok sila sa kanilang hinahabol na posisyon, hindi na po sila magtataka kung ano ‘yung gagawin nila, hindi na po magtatanong kung kani-kanino kung ano ang dapat gawin. Alam na po nila ang trabaho nila. Alam na po nila kung sino ang kailangang kausapin. Alam na po nila kung ano ang pinakamainam na paraan para mabigyan tayo ng mas magandang serbisyo.

At bukod pa roon, at hindi po naman – hindi lang naman sa Senado, marami po sa ating mga kandidato ay dumaan din sa mababang kapulungan o sa Kongreso, House of Representatives. Naging congressman po, Congressman Abalos; naging congressman po, Congressman Binay; si Congressman Cayetano; Congressman Marcos; Congressman Pacquiao; Congressman Tulfo; Congressman Villar.

Kaya’t makikita po ninyo, hasang-hasa na itong mga ating mga kandidato sa trabaho ng lehislatura. At hindi naman – at iba pa naman at iba sa kanila, hindi lamang sa lehislatura kung hindi rin sa Cabinet positions. Dahil po ang – si Secretary Abalos, noong pumasok po kami, siya ay DILG secretary; at si Erwin Tulfo naman, siya ay – hinawakan niya ng napakagandang performance niya sa DSWD; si Senator Lacson naman, siya naman ang namuno nung Yolanda Rehabilitation Commission na nagbibigay ng tulong sa lahat ng mga nabiktima sa Yolanda; at si Tol Tolentino ng MMDA, ang una – siya po ay MMDA na chairman. At masasabi ko po sa inyo noong nandoon po kami sa Tacloban at nag-aantay kami ng tulong, o nag-aantay kami na dadalhin na mga gamit, na mga pagkain para sa mga nabiktima, ang una pong dumating sa Tacloban na may dalang heavy equipment para ayusin ‘yung mga – para i-clear ‘yung mga kalsada, para hanapin ‘yung mga buhay pa na nalibing ay si Senator Tolentino po. Siya ang unang nakarating sa Tacloban. [palakpakan]

Alam na po nila ang trabaho ng gobyerno mula sa mababa hanggang sa taas hanggang sa Gabinete. Alam na po nila kung papaano – ang patakbuhin nang maganda ang pamahalaan.

At hindi lang po iyon, mayroon din po tayong mga gobernador na nasa local government. Ay alam n’yo po iyong aking kapatid, naging governor po, Governor Imee Marcos ng Ilocos Norte; Governor Lapid naman ng Pampanga; Governor Bong Revilla ng Cavite. Puro mabibigat na probinsya na nagawan nila ng magagandang progreso.

Kasama din ang mga mayor, city mayor po. Dito kasama rin dito ang mga city mayor po. Unang-una, si Benhur Abalos po, matagal na mayor po ng Mandaluyong iyan. Marami pong nakuha siyang premyo noong – kinaiinggitan nga namin noong nasa local government din ako. Sabi namin, “Lahat na lang ng premyo napunta sa Mandaluyong. Paano ba naman kami?” Pero ganoon siya kagaling.

At si Abby Binay naman, Mayor Abby Binay, siya naman ang humahawak ng Makati. Hindi po simple ‘yun dahil ang Makati ang pinakamayaman na lungsod sa buong Pilipinas. Kaya’t nakita natin sa kanyang trabaho ay pinasikat niya nang pinasikat nang husto. At ang serbisyo sa Makati ay napakaganda dahil sa patakbo ni Mayor Binay. Alam niyo ba ho, halos lahat para sa mga matatanda, para sa lahat ng may sakit, libre po lahat. At saka ‘pag umabot ka ng 100 years old, bibigyan ka pa ng cake. Talaga naman, nakita mo kung gaano kaganda ang patakbo ng ating mga kandidato rito.

At hindi po makakalimutan ang boses ng kababaihan. Dahil apat po sa kandidato natin ay babae na hindi lang na dahil lang babae sila ay maaasahan. Hindi po. Kilala ko po silang lahat. Lahat po sila ay napakatapang, sila po ay masigasig na ipaglalaban ang karapatan ng ating mga kababaihan. Magkakaroon ng malakas na boses sa Senado para sa kababaihan.

Pagdating naman sa kung saan sila nanggaling, ay iba-iba po nanggaling. Baka sabihin po ninyo ay alam lang nila ‘yung Maynila. Alam lang nila ay ‘yung Luzon. Hindi po totoo iyon. Dahil tingnan po natin, unang-una, alam niyo naman si Manny Pacquiao, Manny Pacquiao ng Sarangani, GenSan; si Erwin Tulfo ay lumaki sa Davao, Davaoeño rin, Davao del Norte. Sorry, Davao Oriental at saka sa Sulu kung saan nakadestino iyong kanyang ama na nagpakita ng kabayanihan.

Ang unang Vicente Sotto po, ang unang Senator Vicente Sotto po ay galing po naman sa Cebu. Kaya’t ang mga ninuno ng ating butihing dating Senate President ay siya po ay ang mga ninuno niya po ay galing naman ng Cebu. Alam niyo naman din po ay kami ni Imee, ang nanay po namin Waray-waray. At ang mga ninuno ni Camille Villar ay galing naman ng – sila naman ay galing Iloilo, mga Ilonggo po.

Kaya makita mo, hindi lang magaling ang ating mga kandidato sa kanilang trabaho, hindi lang sila nagmamahal, kung hindi nauunawaan nila at nalalaman nila kung ano ang hinihiling at kinakailangan ng taong-bayan kahit sa buong Pilipinas, hindi lamang doon sa mga lugar na pinanggalingan nila.

At alam niyo po, ang mas mahalaga pa diyan, hindi lang – bukod pa sa kanilang talino, bukod pa sa kanilang galing, bukod pa sa kanilang karanasan, maipagmamalaki po natin na sila ay walang bahid ng dugo ng mga pinatay na libo-libong Pilipino noong extrajudicial killing. Wala po silang kinalaman diyan sa mga ganyang klase.

Wala sa kanila ang kasabwat sa pagbubulsa ng sako-sakong pera at pinagsamantalahan ang pandemya at nagbulsa ng maraming pera. Pinabayaan na lang na iyong ating mga kababayan ay magkasakit o mamatay.

Wala rin sa kanila ng sipsip sa Tsina na tuwang-tuwa, sumisigaw, tuwang-tuwa pagka iyong ating mga Coast Guard ay binobomba ng malalaking barko. Hindi po sila sumasang-ayon sa mga ginagawa na hinaharang ang ating mangingisda para – at ninanakaw ang kanilang huli. Eh sila pinag — pinaglalaban po namin iyan.

Wala sa kanila ang nagtataguyod ng mga sentro ng krimen, sentro ng paglalapastangan ng mga kababaihan. Wala po sa kanilang kinalaman iyong mahiwagang POGO na ang daming problemang ibinigay sa atin, ang daming sinaktan na mga – ang daming sinaktan na ating mga kababayan.

Tayo ngayon ay humaharap sa ating – tinitingnan po natin kung saan ang tutunguhan ng Pilipinas. Iyan po ang halaga nitong eleksyon po na ito. Mahalaga ang eleksyon na ito dahil sa eleksyon na ito, sa pagboboto ninyo, mamimili po kayo kung tayo ba ay babalik – kung tayo ba ay babalik sa panahon na gusto ng ating mga liderato ay ang Pilipinas magiging probinsya na ng China? Sana naman hindi na po tayo babalik sa nakaraan na ibinubugaw ang ating bayan bilang sugalan ng mga dayuhan. Sana naman, huwag na tayong babalik sa landas na umaapaw na dugo ng mga inosenteng mga bata na inagawan ng kinabukasan dahil sa kanilang pagpapatay.

Hindi na tayo puwedeng ganoon. Huwag tayong papayag na bumalik ang Pilipinas sa panahon ng dilim. Huwag tayong papayag na ang Pilipinas ay babalik sa panahon ng lagim.

Ito po ang ating pagkakataon na dalhin ang Pilipinas sa magandang lugar. Ito ang ating pagkakataon na maglagay po tayo ng ating mga lider na sila ang mangunguna para dalhin ang Pilipinas sa mas magandang kinabukasan.

Ang isang Pilipinas na progresibo, ang isang – ang isang Pilipinas na may malasakit para sa isa’t isa, at sa pa – ang magan – para sa Pilipinas na lahat ng Pilipino po ay kapit-bisig, sabay-sabay tungo sa isang mas maliwanag, mas maganda, at mas mapayapang kinabukasan. [palakpakan]

Iyan po ang ating mga kandidato para sa Senado. Ito po, mabuhay ang Alyansa ng Bagong Pilipinas! [palakpakan]

— END —