Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Groundbreaking Ceremony of the Lower Agno River Irrigation System (LARIS) Paitan Dam and Turnover of Farm Machineries and Equipment (FMES), Farm Inputs, and Solar Powered Irrigation Projects (SPIPS)


Event Groundbreaking Ceremony of the Lower Agno River Irrigation System Paitan Dam and Turnover of Farm Machineries and Equipment, Farm Inputs and Solar Powered Irrigation Projects
Location Barangay Paitan, Municipality of Sta. Maria, Pangasinan

Dios ti agngina, Agrarian Reform Secretary, Secretary Conrad Estrella III. [Ilocano]

NIA Administrator Engineer Eddie Guillen; ang Pangasinan Provincial Governor Ramon Guico; at ang ating lahat ng ating mga local executives na nandito ngayon; Sta. Maria, Pangasinan Municipal Mayor, Mayor Julius Ramos; my fellow workers in government; sa ating mga Agrarian Reform beneficiaries, ang pinakamahalaga na kasama natin dito ngayon; [palakpakan] ladies and gentlemen. [Ilocano]

Noong nakaraang taon, matinding El Niño ang tumama sa ating bansa. Isa ang Pangasinan sa mga probinsyang nakaranas ng epekto ng tagtuyot. Ang buong Region I ay nakaranas ng kakulangan ng tubig na siyang nakasira ng mga pananim.

Marami ang labis na naapektuhan, natuyo ang mga pananim, maging ang pag-asa para sa mas masaganang ani.

Pero ngayon, nandito tayo para simulan ang solusyon.

Mayroon po tayong ginagawa at mayroon po tayong magagawa.

Imbes na bumaha tuwing tag-ulan, ang gagawin natin ay iipunin natin ang tubig para mapakinabangan sa panahon ng tagtuyot.

At iyan po ang gagawin ng Paitan Dam, isang permanenteng dam na bahagi ng Lower Agno River Irrigation System o LARIS, dito sa Sta. Maria.

Hindi na pangarap ang pagkakaroon ng tubig—tag-araw man o tag-ulan. Ang masaganang ani, [abot-kamay] na.

Layon po ng Paitan Dam na patubigan ang anim na munisipyo dito sa Eastern Pangasinan—ang mga bayan ng Sta. Maria, Rosales, Sto. Tomas, Alcala, Bautista, at Bayambang, pati na rin ang ilang bahagi ng San [Manuel] at Moncada sa Tarlac at Cuyapo sa Nueva Ecija.

Mula sa mga Ilog ng Agno at Banila, ang dam ay inaasahang magpapatubig sa mahigit 12,000 ektarya ng sakahan.

Dahil dito, dadami ang ani at inaasahan ang pagtaas ng produksyon ng palay.

Ngunit ang projection natin Gov. na nine tons per hectare eh maganda-ganda na ‘yun dahil kung tutuusin natin ang official average – O, [Sendo?] tama ba ito? — official average ng ano natin is 4.2 parang ganoon. Iyong ibang lugar hindi pa naabot sa ganoon hanggang 3.6 lang, 3.4.

Kaya’t kung kayo talaga ay nag-aani ng nine tons per hectare, eh makita maliwanag na maliwanag kung ano ang dinadagdag nang mahusay at walang patid na irigasyon para sa ating mga magsasaka.

Mas malaking kita, mas malaking ginhawa sa ating mga magsasaka.

Hinihiling ko sana na matapos na ito sa 2027 o mas maaga pa kung maaari. Para naman maramdaman kaagad ng mga kababayan natin ang benepisyo ng LARIS Paitan Dam. [palakpakan]

Bukod sa pagpapasinaya ng LARIS Paitan Dam, narito din ako kasama ang ilang kawani ng DA at saka ng DAR, upang magbigay ng karagdagang tulong sa ating mga magsasaka at agrarian reform beneficiaries o ang ARBs.

Ang DA po ay narito para magbahagi ng mga hybrid rice seeds, garden tools at iba pang farm inputs. Sigurado pong makakatulong ang mga ito para dumami ang inyong ani.

Sa ilalim naman ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project ng DAR, nagpapamahagi po tayo ng mga pakete ng organic plant supplement sa halos 6,000 na AR beneficiaries at agrarian reform beneficiary organizations dito sa Pangasinan.

Mayroon ding ipapamigay na 10 na Four-Wheel Drive (4WD) na tractor kumpleto ang mga makinarya, mga implements, at dalawang Multi Role Power Stations para sa ating mga Agrarian Reform Beneficiary Organizations dito sa Pangasinan.

Nasaksihan rin natin ngayon ang ceremonial turnover of certificates – masasaksihan natin sa mga naitayong Solar-Powered Irrigation pumps dito sa Pangasinan.

Ang maganda dito sa Solar-Powered Irrigation pump ay ito ay sustainable solutions sa modernong pagsasaka.

‘Pag naikabit na ito at kumukuha na ng kuryente sa araw, eh hindi na po kailangan lagyan ng kurudo, hindi na. Ang maintenance lang po diyan eh minsan-minsan babaklasin ninyo ‘yung bomba, lilinisin, aayusin. Kung may nasira piyesa, papalitan nang kaunti. Tapos ‘yun lang ‘yung solar – basta’t malinis, laging nililinis. Iyon lang naman ang maintenance. Wala na. Pagkatapos nun hindi na kailangan makabili ng kurudo. Hindi na kailangan na maglagay ng mahahabang sistema ng kuryente dahil nandiyan na lahat doon sa Solar-Powered Irrigation System.

Kayang magpatubig kahit walang kuryente—mas tipid sa gastos, hindi makakasira sa kalikasan.

Patunay ito na kung sama-sama tayong kikilos, kayang-kaya nating isulong ang makabagong teknolohiya na mapapakinabangan ng ating mga magsasaka.

Mula po nang tayo ay maihalal sa posisyon, tinutukan po natin ang seguridad sa pagkain at ang pagpapalago ng sektor ng agrikultura.

Kasama na riyan ang siguruhing produktibo at masagana ang kabuhayan ng ating mga magsasaka.

Simula noong 2022, nakapagbigay tayo ng makinaryang pansaka dito sa Pangasinan. At dahil diyan, higit sa 100 Agrarian Reform Organizations sa Pangasinan ang natulungan natin.

Bawat makina dito ay nagbibigay ng dagdag kita at dagdag sa ani. Kung may mabawas man ay sana iyon ay ang inyong pagod at ang oras ng trabaho. Para naman mas maraming panahon para sa pamilya.

Kaya naman para po sa ating mga magsasaka, makakaasa kayo na nandito ang inyong pamahalaan na handang umagapay sa inyo. Hiling ko lang po, patuloy tayong magtulungan.

Kapit-bisig nating palakasin ang sektor ng agrikultura at tiyakin na may pagkain sa hapag ng bawat Pilipino.

Ating patunayan na taglay natin ang diwa ng Bagong Pilipino—na may disiplina, may husay, at may pagmamahal sa bayan.

Maraming salamat po at mabuhay ang ating mga magsasaka! [palakpakan]

Mabuhay ang Pangasinan!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [palakpakan] [Ilocano]

— END —