Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Miting De Avance


Event Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Rally
Location Nueve de Febrero Street corner F. Martinez Avenue, Lungsod ng Mandaluyong

Magandang gabi, Mandaluyong!

[Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM! BBM!]

Alam niyo po alalang-alala ko po itong lugar na ito. Ito na ‘yung napuntahan kong pangatlong rally po dito sa inyo sa Mandaluyong sa iba’t ibang kampanya ko.

At lahat ng ikinampanya ko rito sa Mandaluyong panalo po tayo. Maraming, maraming salamat po. [palakpakan]

Tayo po ay nakarating na sa kahuli-hulihang pagtitipon natin dito po sa kampanyang ito. Kaya’t nais kong pasalamatan hindi lang kayo na tiga-Mandaluyong, kung hindi po lahat ng nagpakita ng suporta sa Team Alyansa habang sila at kaming lahat ay umiikot sa buong Pilipinas.

At masasabi ko naman nakakatuwa naman na makita kahit po saan pumunta ang Team Alyansa napakainit po ang pagtanggap sa Team Alyansa, pagtanggap para sa kinabukasan at ikabubuti ng ating minamahal na Pilipinas. [palakpakan]

Kaya naman po kami na umiikot at nagkakampanya nai-inspire po kami – nagiging inspirasyon po ang suportang nararamdaman namin, ang init ng pagmamahal na nararamdaman namin sa aming pag-iikot.

Mula naman po sa umpisa, sinabi ko po: ang Bagong Pilipinas ay isang pangakong ginagawa nating totoo araw-araw. At ang inyong suporta ay ang aming inspirasyon.

Naniniwala ako na ang lakas ninyo ang magdadala sa atin sa Bagong Pilipinas.

Kaya naman nabuo po ito – mula hilaga hanggang timog, isang Alyansa ang nabuo.

Ngayong gabi, ang sambayanang Pilipino, kayo ang magbibigay buhay sa ating pagtitipon ngayon.

Alam niyo po siguro panahon na dahil po ano ba bakit namin ginawa itong Alyansa? Kung maaalala ninyo noong kumakampanya ako rito, ang aking isinisigaw ang pagkakaisa. Unity. Kailangan sa aming pananaw, sa aking pananaw at sa pananaw ng lahat ng Pilipino, wala pong mangyayari sa atin kung tayo ay nag-aaway-away po.

Wala pong mangyayari sa atin kung tayo ay hindi magkasundo at hindi nagtutulungan. Kaya ko po isinisigaw ang pagkakaisa.

At kaya naman po ang ginawa po namin ay pinagkaisa namin ang lahat ng aming kilala na pinakamagaling na magiging senador para makikita natin patuloy ang ating progreso, patuloy ang ating pag-unlad, patuloy ang mapayapang Pilipinas, patuloy ang magandang takbo at kaunting ginhawa para sa ating mga kababayan.

Marami po naman nangyari na dahil sa pagkakaisa. Marami po akong balita na – marami po akong magandang maibabalita sa inyo sa mga nangyayari sa nakaraang dalawang taon, tatlong taon halos mula noong tayo ay umupo noong July 2022.

Ngayon po ang ekonomiya ng Pilipinas ay kinikilala sa buong mundo isa sa pinakamabilis ang paglaki at pag-unlad ng ekonomiya sa buong mundo. Iyan ang pagkakakilala ngayon ng Pilipinas. [palakpakan]

[Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM!]

Kaya po tayo ay kinikilala ngayon na maganda ang takbo ng ekonomiya. Noong nagsimula po tayo, napakabilis nang pagtaas ng presyo ng bilihin. Iyon po ang aming inaalala at dahan-dahan po naming tinatrabaho.

Kaya naman mula sa 1.8 percent, ‘yung 1.8 percent na inflation – ibig sabihin gaano kabilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay ito ay bumaba pa sa Marso. Kaya’t dahan-dahan bumababa ang – hindi na kasing bilis ang pagtaas ng presyo ng ating mga bilihin.

Dahil po naglagay po tayo – humingi tayo ng tulong sa ating Senado. Humingi po tayo ng tulong sa ating congressman at hiningi natin na baguhin ang mga iba’t ibang batas upang maging mas maganda ang patakbo. Para lahat po ng mga – lahat na gustong pumasok, na mag-invest dito, magdala ng pera po nila dito sa Pilipinas ay magiging maganda at makikita nila doon tayo pupunta sa Pilipinas dahil naayos na diyan at mas maganda, pupunta tayo diyan imbes na sa ibang bansa.

Kung bigas naman ang pag-uusapan, pinapababa na natin ang halaga nito. Natupad na po ang MSRP or Maximum Suggested Retail Price. Nagsagawa na rin tayo ng Rice-For-All. Makakabili ng bigas sa halagang P33 hanggang P43 kada kilo sa mga KADIWA.

Ngunit pagkatapos ng eleksyon dahil pinagbawal po kami na ilabas po itong programa na ito dahil po baka gamitin sa kampanya. Kaya’t ang ginawa namin ay pinaubaya muna namin sa COMELEC ‘yung kanilang desisyon.

At sa Martes, pagkatapos ng halalan, sisimulan na po natin magbibigay tayo ng bigas na P20 kada kilo sa piling KADIWA sites [palakpakan] ang mga benepisyaryo ng 4Ps, mga senior citizens, mga PWDs, mga solo parents. Sa tulong ng mga LGUs, uumpisahan po natin sa Visayas ito at ikakalat po natin ito sa buong Pilipinas. [palakpakan]

Kasama din po diyan kahit po makontrol po natin ang presyo ng ating mga bilihin ay kailangan po para makabili ang ating mga kababayan ay kailangan po ng trabaho.

Kaya, isa pang magandang balita.

Sa buong taon ng 2024, naitala natin ang unemployment rate – ito ‘yung bilang ng mga Pilipino na hindi makahanap ng trabaho.

Ang bilang ay bumaba hanggang 3.8 percent. Ibig sabihin ito ang pinakamababang bilang ng Pilipino na walang trabaho sa nakaraang 20 taon. Naaayos na rin po natin ‘yung pagbigay ng trabaho. [palakpakan]

Patuloy po tayo sa pagbibigay ng mga pagkakataon para sa ating mga kababayan. Mula Hulyo 2022 hanggang sa katapusan ng 2024 nakapagsagawa tayo ng higit 4,000 job fairs sa iba’t ibang sulok sa bansa.

Hindi lang po dito sa Maynila, hindi lang po sa malalaking lungsod, kung hindi po kung saan-saan, lahat po ipinagkalat natin. Binibigyan po natin ng pagkakataon ang ating mga 4Ps, ang ating mga benepisyaryo upang sila ay makabangon muli.

Patuloy po tayong nagbibigay ng pagkakataon para sa ating mga kababayan. Ito po ay dinadaan po natin sa job fairs.

Noong Labor Day po, noong May 1, nagsagawa tayo ng napakalaking job fair sa 69 na lugar sa buong bansa. Mahigit 200,000 trabaho ang inalok mula sa mahigit 2,000 employers.

Kasabay nito, binibigyang-pansin natin ang isa pang haligi ng Bagong Pilipinas—ay napakahalaga po nito. Lahat po tayo ay magulang. Inaalala po natin ang ating laging mga anak. Kaya’t inaayos po natin ang edukasyon.

Inaayos po natin ang K-10 kurikulum. Sinimulan nang ipatupad ang bagong kurikulum para sa Kinder hanggang sa Grade 10 noong School Year 2023-2024. Kasabay nito, atin ding isinasaayos ang kurikulum ng mga Senior High School. [palakpakan]

Bilang suporta sa ating kabataan at sa ating mga manggagawa para sila po ay marunong at kaya nilang makipagkompetensya hindi lamang dito sa labor market po dito sa Pilipinas, kundi sa buong mundo.

Kaya sumisikat po ang Pinas, ang mga Pilipino dahil napakagaling talaga ng Pinoy. Pero kailangan pa rin natin tulungan.

Kaya’t bilang suporta sa edukasyon ng ating mga kabataan, mula Hulyo ng 2022 hanggang Marso nitong taon, nakapagpatayo tayo ng higit 16,000 bagong silid-aralan. [palakpakan] Iyan po ay proyekto ng DepEd, ‘yang proyekto po ng pamahalaan. Ngunit hindi pa sapat ‘yun dahil kami – tayo ay nagpapatulong sa ating mga kaibigan na nasa private sector na nagmamagandang-loob po.

At dahil sa aming kooperasyon at sa tulong nila, layunin nating makapagpatayo ng 15,000 silid-aralan ito ay may kuryente, may Internet, at kumpleto ang kagamitan. [palakpakan]

At alam naman po natin ang buhay ng lahat ng educational system ay ang ating mga guro. Kaya tinitiyak natin na ang guro natin ay nakakatanggap sila sa lahat ng kanilang benepisyo. Kahit ‘yung dati ‘yung suweldo ay napapautang ang ating mga guro dahil hindi dumadating ng tamang panahon ang kanilang suweldo. Eh may mga pamilya po ‘yan.

Kaya ang ginawa natin, tiniyak namin hindi na magiging problema ‘yan.

Isa pang naging problema dati, ang mga teacher hindi na makapagturo dahil kailangan maging principal, kailangan maging accountant, kailangan maging kung ano-ano na administrative. Tinanggal na po natin sa kanila ang katungkulan na ‘yun para wala silang iniisip kung hindi turuan ang ating mga kabataan na maging magaling, maging masipag, at maging mabuti.

Binibigyan sila ng mas maayos na benepisyo, mas malinaw na career path, at mas mahabang pahinga—tulad ng bagong ipinapatupad na 30 araw na uninterrupted summer break. Para naman, ang ating mga guro, napakasipag na po ay mabigyan naman ng kaunting bakasyon para makapagpahinga at para magpalakas muli para sa susunod na school year.

Hindi po natin kinakalimutan ang kalusugan ng ating mga mamamayan.

Ngayong taon, mas pinalaki po natin ang saklaw ng mga benepisyo sa PhilHealth: ang gamutan para sa pneumonia, sa operasyon na caesarian, sa breast cancer, sa dialysis, dengue, asthma, at iba pa.

Mas malaki na po ang ko-cover-an ng PhilHealth kaysa sa dati.

Serbisyo rin ang ating ipapalapit sa ating mga kababayan. Hindi na ninyo kailangang magpunta sa mga malalaking hospital na kalayo-layo upang magpatingin at magpa-laboratory. Sa mga – naming binuksan na tawag na BUCAS centers, libre na po ang check-up, libre na ang test. Sa ngayon, may 51 BUCAS centers na sa buong bansa.

Maaari kayong pumunta roon po, magpacheck-up, magpa-X-ray, magpa-ultrasound at marami pang ibang serbisyo. Sa NCR, mayroon na po tayong tinayo na apat na BUCAS centers.

At kung pag-uusapan naman natin ang ibang bagay hindi lamang tungkol dito sa ating kababayan, kung hindi ang seguridad ng ating bansa. Kung pag-uusapan natin ang pagtatanggol sa ating karapatan, hayaan ninyong sabihin ko ito nang buong-buo: Kailanman, hindi tayo uurong sa pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas. [palakpakan]

Bilang isang malayang bansa, dapat nating panindigan ang ating mga karapatan dahil ang ating… Maliwanag na maliwanag na ang Pilipino lamang ang dapat na makinabang sa teritoryo ng Pilipinas at ‘yan po ay ipaglalaban po natin. [palakpakan]

Hindi po tayo naghahanap – hindi naman po tayo naghahanap ng gulo. Tayo naman ay sumumpa po tayo, kaming lahat na opisyal na ipagtatanggol namin ang konstitusyon ng Pilipinas. Ipagtatanggol namin ang teritoryo ng Pilipinas, ang soberanya ng Pilipinas, ang karapatan ng Pilipino. Kaya po, kahit ano pang mangyari, hindi po namin titigilan na ipagtanggol ang Pilipinas kahit na sinuman, napakalaking dayuhan, napakalakas ang puwersa. Hindi po. Ang Pinoy po hindi umaatras, hindi po tayo aatras. [palakpakan]

Kaya po, sa puntong ito po ay kailangan kong ipaliwanag bakit ko po pinag-iisa-isa lahat itong mga programa at saka proyekto na ito? Para po makita po ninyo. Alam niyo po ang national government, ito po ang mga programa po namin. Ngunit hindi po namin magagawa ‘yan kung hindi namin kasama ang –at tumutulong – hindi tumutulong sa atin unang-una mga LGU, mga local government, ‘yang mga mayor hanggang sa barangay captain. Kailangan magkasama talaga, kailangan ulit nagkakaisa.

Pero doon sa malalaking bagay na kailangan palitan ang sistema ng pamahalaan, kailangan palitan ang batas, kanino tayo tatakbo?

Tatakbo tayo sa mga legislator, tatakbo po tayo sa mga senador natin. Kaya po, kahit – nais natin ipatuloy ang ating mga magandang nagawa na, ngunit alam naman po natin ay walang katapusan po ang trabaho ng serbisyo publiko, at ito po ay marami pang kailangang gawin. Nakakatuwa naman po na nasimulan na natin.

Marami na tayong mahalaga na proyekto at programa na nasimulan na. Kaya’t nararamdaman na ng ating mga kababayan ang mas maganda na patakbo ng ating pamahalaan. Kailangan na kailangan hindi lamang natin ipagpatuloy ito kung hindi palaguin pa ito para lahat ng sektor ng ating lipunan ay ganoon din ay kasama, nagkakaisa, at tumutulong.

Ito po, kaya naman po, nandito po kami muli sa huling pagkakataon na iharap sa inyo ang ating mga senador. Maiharap sa inyo ang grupo na sa aming pananaw ang pinakamagaling na dapat uupo sa Senado. Ang pinakamahusay na dapat umupo sa Senado. Ang pinakanagmamahal sa bansa at sa taong-bayan na dapat umupo sa Senado.

Dahil kung titingnan naman po… Kilala naman po ninyo sila. Wala naman po rito na sinasabing baguhan. Lahat po, narinig niyo po ang kanilang – ang kanilang – nagsalita na po sila. Narinig niyo na po ang kanilang mga hangarin para sa ating mahal na Pilipinas. Ang kanilang nagawa na sa nakaraan. Ang kanilang nais gawin para pagandahin pa ang Pilipinas.

Kaya po eh hindi na po siguro kailangan ipaliwanag nang mahaba dahil alam na po ninyo kung ano ‘yung mga kakayahan nila. Tingnan ninyo, karamihan po sa kanila beterano sa Senado.

Si Senator Cayetano, Senator Lacson, Senator Lapid, Senator Pacquiao, Senator Revilla, Senator Tolentino,
Senator Sotto. Naging senate president pa si Senator Sotto.

Kalahati naman ng slate ay nasa – dumaan ng mababang kapulungan. Congressman Abalos, Congressman Binay, Congressman Cayetano, Congressman Pacquiao, Congressman Tulfo, Congressman Villar.

Hindi po bagito. Sanay na sanay na po.

Apat naman ang nagsilbi sa Gabinete.

Ang – si – ang inyong anak na DILG secretary, Secretary Benhur Abalos. [palakpakan] Nilagay po natin dahil alam naman po natin eh talagang siya’y nakakaunawa sa mga isyu ng local government.

Naging… Si Erwin Tulfo ay nilagay din natin bilang DSWD. Ang ginawa lang po niya noong pumasok siya sa DSWD, pinagpatuloy lang niya ang ginawa niya sa buong buhay niya, tumulong sa mga maliliit, tumulong sa mga walang boses, tumulong sa mga nangangailangan. [palakpakan]

Si Senator Tolentino, namuno ng MMDA at binago po niya ang gawain ng MMDA, Metro Manila Development Authority po. Nakalagay po diyan Metro Manila, ngunit dahil sa kagandahang loob ng ating kaibigan, ni Senator Tolentino, kahit po sa labas na ng Metro Manila, siya pinapunta po niya ang MMDA basta po makatulong. ‘Yan po ang serbisyo.

Ang isa pa po na nagsilbi bilang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery. Ito po ay binuo na ahensya para tulungan ang mga biktima ng Yolanda. Siya po ang namahala sa pagpatayo ng mga bahay. Siya po ang namahala sa paglagay ng mga kalsada, ng mga water system para makabalik sa normal na buhay ang mga tinamaan ng Yolanda. Ito po si Senator Ping Lacson. [palakpakan]

Bukod po sa pagka-presidential assistant, si Senator Ping Lacson, naging chief PNP po. Hepe ng buong PNP. Lahat ng kapulisan po sa buong Pilipinas. Napakahirap po na trabaho ngunit nakita naman natin ang galing niya. Dahil noong siya ay nakaupo bilang chief PNP, ‘yun ang panahon na nakamit ng pulis ang pinakamataas na approval rating sa buong bansa. Hindi na po naulit ‘yun ang ganoong kataas na approval rating.

Sa local government naman po, mayroon din po kaming gobernador.

Governor Lapid ng Pampanga. Naging gobernador po malalaking – malalaking probinsya po ‘to. At ang isa pang gobernador po na kasama natin dito ngayon ang naging governor ng Cavite, alam na po ba ninyo? Ay si Governor Bong Revilla. Naging governor ng – naging governor ng Cavite. [palakpakan]

Mayroon din tayong mayor.

Abalos dito sa Mandaluyong. Eh hindi ko na po kailangan ipaliwanag sa inyo.

[Crowd: Abalos! Abalos! Abalos! Abalos!]

Si Senator Tolentino. Senator Tolentino, naging city mayor po ‘yan. City mayor naman po ng Tagaytay.

At ang mayor ng pinakamayaman na lungsod dito sa Pilipinas. Malapit lang sa atin ‘yan. Ang pinakamayaman na lungsod sa buong Pilipinas ay ang Makati City. Ang mayor po si Mayor Abby Binay. [palakpakan]

Kami po na nasa local government noon, kinaiinggitan po namin ang Makati. Sabi namin ang Makati napakalaki ng kanilang nakokolekta na buwis dahil malalaking korporasyon nandoon lahat. Malalaking negosyo nandoon lahat.

Eh sabi ko siguro ang suwerte nung mayor, marami siyang pera wala siyang problema. Ngunit ang ating Mayor Binay ang ginawa niya sa hawak niya na pondo, ginawa po niyang libre lahat ng benepisyo para sa mga matatanda, para sa mga malili – para sa mga may sakit, para sa mga bata, para sa mga PWD. ‘Yan po ang magandang ginawa ng ating mayor sa – ng mayor ng Lungsod ng Makati ay lahat ng kayang ibigay sa taong-bayan ay kanyang ginawa at ibinigay. [palakpakan]

Nakasulat dito, fighting women of Alyansa. Mayroon po tayong palaban na mga babae na kandidato at sila naman – nandiyan po si Senator Cayetano, si Mayor Binay. Nandiyan din po si Congressman Villar.

Tatlo po na kandidato namin na babae na makakatiyak po kayo ay napakatapang po nitong mga ito. Makakatiyak po kayo, lalo na ang ating mga kababaihan na mayroon laging boses para sa kababaihan sa Senado at mayroon magtatanggol sa karapatan ng ating kababaihan.

Sa pagsulat naman ng magagandang batas ay apat po sa kanila ay abogado. Atty. Abalos, Atty. Binay, Atty. Cayetano, Atty. Tolentino. Ang huhusay po lahat.

At sila po ay marunong sa – naiintindihan po nila ang mga pangyayari sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Hindi lang po dito sa Maynila. Hindi lang po dito sa pinanggalingan nila kung hindi sa buong Pilipinas. Dahil kung saan-saan po – kung saan-saan sila pinanganak.

At umpisahan po natin, si Senator Manny Pacquiao, tiga- Bukidnon, Sarangani, at saka GenSan.

Si Erwin naman ay lumaki sa Davao Oriental at saka sa Sulu dahil doon po nadestino ‘yung kanyang ama na naging bayani rin ng ating bansa.

Ang unang Vicente Sotto mayroon po… Baka hindi niyo po alam ang unang Vicente Sotto ay ang unang senador na Sotto. At siya po ay galing naman sa Cebu.

Kaya’t makita po ninyo si Camille Villar naman ang kanyang mga ninuno ay galing po sa Iloilo.

Mga kababayan, palagay ko naman sa aming pag-iikot, sa aming pagsasalita, sa kanilang pagpapaliwanag sa kanilang mga hangarin at pinapangarap para sa ating bansa, alam niyo na po na ang tinutunguhan ng Alyansa ang kapayapaan, ang maging ligtas ang ating mga kababayan, na magkaroon ng katarungan dito sa Pilipinas.

Iyan po ang aming ipaglalaban. Iyan po – dito lang po makikita ang Alyansa na hindi nanggugulo. Ang nais nilang gawin pag-upo nila sa Senado ay hindi manggulo, hindi gagawa ng mga problema, kung hindi maghahanap ng solusyon sa problema, magtrabaho ng tapat, at makita – mapag-aralan nang masinsinan kung ano ba ang dapat gawin para sa ating mga kababayan.

Iyan po ang Alyansa. Kaya po sa darating na Lunes, huwag na po kayong magdalawang-isip. Isipin po ninyo ito ang pinagpipilian ninyo: ang pinagpipilian ninyo ay dapat –
pipiliin po ninyo na iboboto ninyo ang alam ninyo ang makakatulong sa taong-bayan, ang magtutulungan sa lahat kahit na hindi kapartido sa pulitika, kahit na hindi kaibigan. Ngunit para sa ikabubuti ng Pilipinas, nandiyan po ang Alyansa.

Kaya’t sa Lunes po, sa Mayo Adose, huwag na po kayong mag-isip nang malalim. Basta’t tingnan ninyo: All the Way Alyansa! All the Way Alyansa! All the Way Alyansa!

Mabuhay ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas! Mabuhay po kayong lahat! Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [palakpakan]

— END —