Tama si Andrew E. Ano ang sigaw? Labindalawa! [Crowd: Alyansa!] Labindalawa! [Crowd: Alyansa!] Labindalawa! [Crowd: Alyansa!]
Magandang gabi po sa inyong lahat, mga tiga-Pasay, mga tiga-Metro Manila! At nabisita po tayo nang marami na nanggagaling po sa iba’t ibang lugar. [Magsiupo po tayo at mga dalawang oras itong speech ko.] [tawanan]
Bago po tayo mag… Pagbigyan niyo po ako at binibilang ko lang ‘yung aming mga kandidato dahil tinitiyak ko na kumpleto at wala pang napasabugan ng granada. [tawanan] Kaya naman… Wala po kayong maririnig na mga ganyan. Iyan na po ang kaibahan ng Alyansa sa lahat ng mga ibang tumatakbo dito sa halalan n aito. [palakpakan]
Wala po kayong maririnig na masasamang salita. Wala po kayong maririnig na panakot. Wala po kayong maririnig ng pagmumura.
Dahil po nakita niyo naman pala – nakita niyo naman po, narinig niyo po ang programa ng ating mga kandidato. Hindi lamang ang programa, mas mahalaga pa siguro ay ang kanilang nagawa na. At kung titingnan niyo po ang record po nila, ang lagi lang kanilang iniisip ang kapayapaan at ang kaunlaran para sa bawat Pilipino, para sa buong Pilipinas.
Makikita niyo naman po ang galing ng aming hinaharap. Kaya malakas po ang loob ko makaharap sa inyo at sabihin na iboto ninyo ang ating mga kandidato. Dahil napakagaling, napakahusay po, at bukod pa roon napakamabuti na tao lahat ng aming kandidato. [palakpakan]
Kung iisa-isahin po natin eh alam naman natin napakagaling lahat. Narinig niyo na ‘yung kanilang mga achievement doon sa kanilang pinagdaanan na iba’t ibang mga posisyon sa pamahalaan, sa serbisyo publiko. At ‘pag pinagsama-sama natin lahat po na ito na napakagaling ay nako talaga naman nakakagulat at nakakatuwa na makita na mayroon tayong mga nagseserbisyo sa publiko na ganito ang pagmamahal sa taong-bayan, ganito ang pag-aalala sa taong-bayan, ganito ang pagbibigay ng tulong sa bawat Pilipino. [palakpakan]
Tingnan po natin – tingnan po natin ang ating grupo dito baka hindi po niyo nabibilang sabihin ko sa inyo, walo po sa kanila ay naging senador na: Senator Cayetano, Senator Lacson, Senator Lapid, Senator Marcos, Senator Pacquiao, Senator Revilla, Senator Sotto, Senator Tolentino.
Lahat po ‘yan dumaan na sa Senado. Kaya naman po pagka nailuklok na sila sa kanilang posisyon bilang senador ulit, ay makikita po natin hindi na po sila kumakapa-kapa sa kanilang trabaho. Alam na po nila kung ano ‘yung gagawin. Alam na po nila ano ang pangangailangan ng tao dahil habang-buhay na silang nagseserbisyo sa inyong lahat.
Pito naman ang nanggaling sa House of Representatives, na naging congressman. Nandito po naging congressman: Congressman Abalos, Congressman Binay, Congressman Cayetano, Congressman Marcos, Congressman Pacquiao, Congressman Tulfo, at Congressman Villar.
Hindi na po sila bagito sa ganitong klaseng trabalho. Subok na subok na as mababang kapuluan at sa Batasan.
At mayroon din po as ating mga kasama rito na umupo na sa tinatawag na Cabinet-rank position. Ibig sabihin katumbas ng isang secretary ng ating – na kalihim ng isang departamento.
Nandiyan po si – ang naging secretary ng DILG, si Secretary Abalos na napakaganda ang naging performance niyan. [palakpakan] Nandiyan din po at naging secretary, Secretary Tulfo ng DSWD. At napakita sa atin kaya po napakaganda po ng reputasyon ngayon sa buong mundo ng Pilipinas dahil tayo po ay matulungin sa ating mga kababayan. Siya po sa administrasyong ito, siya po ang nagsimula niyan.
Kasama din natin po si Senator Ping Lacson. [palakpakan] Si Senator Ping Lacson ang namuno ng Yolanda Rehabilitation Commission. At siya po ang nagbigay ng tulong at nagdala ng lahat ng pangangailangan ng mga naging biktima, ‘yung mga nasalanta ng Bagyong Yolanda.
At kasama na rin natin si Senator Tolentino na dumaan din po sa MMDA [palakpakan] na makita naman ninyo at dahil napakahirap po na trabaho ‘yan kagaya nang nabanggit ni Benhur, ni Mayor Benhur, ni Secretary Benhur. Sinabi nga niya eh ang kanyang tinutulungan pag-MMDA ka ay lahat ng mga mayor, lahat ng mga iba’t ibang lungsod, lahat ng iba’t ibang bayan na nasasama sa Metro Manila. Kaya po – ngunit ‘yung mahirap na trabahong ‘yan ay nagawa niya at maganda ulit ang kanyang performance.
Alam nila ang gobyerno, kabisado nila mula sa matataas na posisyon at hindi na sila nagdadada na basta’t daldal nang daldal – gawa lang sila nang gawa, trabaho lang sila nang trabaho.
They will stand in the Senate, not to oppose but to propose. Ibig sabihin, wala silang hinahangad na ‘pag – panggulo, wala silang – wala silang iniisip na pagwatak-watakin ang Pilipinas, wala silang iniisip kundi ang pagkakaisa para sa ikabubuti ng ating bansa. [palakpakan]
Narinig niyo rin po ang tatlo sa aming kandidato na naging gobernador. Nandiyan po ay ‘yung aking kapatid naging governor ng lungsod namin sa Ilocos Norte, at nandiyan rin po ang Governor Lito Lapid ng Pampanga, [palakpakan] at ang napakalaking probinsya ay hinawakan din po ni Governor Bong Revilla. [palakpakan]
Mayroon din po tayo mga mayor ng mga malalaking lungsod. Nandiyan din si Mayor Abalos dati sa – ng Mandaluyong, kung saan nakatanggap ng karami-rami na pagkakakilala sa magandang naging nangyari at pangyayari sa Mandaluyong.
Nandiyan naman si Mayor Abby Binay na – Mayor Abby Binay na maraming dalang pala galing sa Makati. At siya po ay humawak ng Makati, ‘yung pinakamayaman na lungsod sa buong Pilipinas. Alam niyo po, kung aakalain po ninyo na dahil maraming pera, maraming pondo ang isang lungsod ay madali ang trabaho. Hindi po, mas nagiging mahirap ang trabaho dahil sa dami ng kailangang gawin at sa dami ng kanilang mga iniisip na inisyatibo pampaganda ulit ng buhay ng bawat Pilipino.
Nandiyan din po si Senator Tolentino na naging mayor naman ng Tagaytay. [palakpakan] At huwag natin makakalimutan na alam niyo po – baka hindi niyo po alam na ang unang Senator Sotto ay ang kanyang – ay si Senator Vicente Sotto na galing naman sa Cebu.
At hindi lamang ‘yun, si Senator Sotto rin ay dumaan din sa LGU, dumaan din sa local government dahil vice mayor naman siya ng Quezon City.
Kaya’t makikita ninyo, napakalawak ng kanilang karanasan, napakalalim na ang kanilang dedikasyon sa trabaho ng pagseserbisyo sa publiko.
Eh kundi – hindi po natin, hindi po natin kinakalimutan ang ating mga kababaihan dahil apat po sa ating mga kandidato, apat po sa kanila ay babae. Hindi lamang po na pangkaraniwan na babae. Matagal ko na pong kilala silang lahat. Ang titibay nitong mga ito. Akala mo sa tapang nila, parang mga sundalo. Kaya’t maaasahan ninyo na ipagtatanggol nila ang karapatan ng mga kababaihan at maririnig ang boses ng kababaihan sa Senado. [palakpakan]
Kung sa pambabatas naman, apat po sa kanila ay abogado. Ang abogado po, nandito si Benhur Abalos, si Abby Binay, si Pia Cayetano, si Tol Tolentino. [palakpakan]
Puro po magagaling na abogado, sanay na sanay sumulat ng magagandang batas na hindi – hindi na kailangan pag-aralan ang mga bagong pangangailangan ngunit alam na nila dahil nasubukan na nila at nadaanan na nila.
At ang problema lamang, pagka ito napagsama-sama mo mga abogado, eh alam mo naman magkasama po lahat ‘yan at laging maganda ang usapan. Hangga’t napunta ang usapan na nagtatalo sila kung sino ang pinakamagaling na abogado. ‘Yun lang naman, ‘yun lang naman ang problema.
At sa panggagaling sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas, tingnan po natin kung saan sila po nanggaling. Unahin po natin, si Senator Manny Pacquiao ng Bukidnon, Sarangani, at GenSan. [palakpakan] At Erwin Tulfo naman na Dabawenyo ay siya’y lumaki sa Davao Oriental at sa Sulu kung saan nadestino ang kanyang ama na naging bayani ng Pilipinas.
Ang nanay naman namin ni Imee ay alam niyo naman siguro, si Imelda, 100 percent Waray po. [palakpakan] At alam natin, baka hindi niyo po nalalaman na ang mga ninuno ni Camille Villar, sila po ay nanggaling sa Iloilo, mga Ilonggo po. [palakpakan]
Mga kababayan, malinaw po sa kanilang pagtalumpati at sa kanilang mga pinapanalangin para sa ating – para sa ating bansa na kung ano ang direksyon ng Alyansa. Ito ay ang kaunlaran, hindi pagaaway-away, hindi ang pag-aapi. Ang kailangan po natin ay ang mag-unlad, hindi po nananakot at nagsisisigaw. At ang kailangan po natin ay solusyon, hindi po ang mga maiinit at maaanghang na salita na wala namang kinalaman at wala namang kabuluhan.
Ang mga kandidato ng Alyansa ay kasama natin sa pagtataguyod ng interes at kapakanan ng bawat Pilipino.
Ipaglalaban natin ang ating soberanya at karapatan sa pamamagitan ng diplomasya at dignidad.
Hindi natin isusuko ni isang pulgada ng ating teritoryo at hindi tayo kailangang sumunod sa kahit na sinong mga dayuhan, na kahit ano pang sabihin nila. [palakpakan] Tayo po ang may ganap na karapatan at dapat makinabang sa yaman ng ating sariling bayan!
Sa laban kontra naman sa krimen at droga, hindi natin kailangan dumaan sa madugong solusyon. Wala kaming paniniwala na ang solusyon ay kailangan pumatay ng libo-libong Pilipino.
May tamang paraan para tiyakin ang kapayapaan at kaayusan—at iyon ay sa pamamagitan ng mga maaayos na batas, epektibong pagpapatupad ng mga malalakas na suporta sa ating mga pulis at lokal na pamahalaan.
Sa ekonomiya naman at sa trabaho, hindi natin kailangan umasa sa iligal na mga industriya tulad ng POGO na naging pugad ng krimen at karahasan.
Ang solusyon po ay tunay na trabaho, disenteng suweldo, at suporta sa maliliit at sa mga nangangailangan!
Kaya’t tayo na! Magkaisa muli tayo kagaya ng ating ginagawa kapag tayo ay nahaharap sa krisis. Magkaisa po tayo at sabay-sabay natin tulungan, suportahan at iboto ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas! [palakpakan]
Mabuhay ang Pasay! Mabuhay ang Metro Manila! [palakpakan]
Mabuhay ang Alyansa! [palakpakan]
Maraming salamat po sa inyong pagpunta! [palakpakan]
— END —