Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Rally sa Antipolo, Rizal


Location Antipolo, Rizal

[Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM!]

Maraming, maraming salamat po!

Magandang gabi po Rizal! Magandang gabi Antipolo! [Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM!]

Maraming, maraming, maraming salamat po!

Maraming salamat sa napakainit na salubong na ibinigay ninyo sa amin dito sa grupong Alyansa, kasama ang ating mga kandidato para sa Senado.

Maraming, maraming salamat. Akala ko pagkatapos ng halalan noong 2022 ay hindi na natin maririnig ‘yung sigaw na “BBM!” Pero dito sa Antipolo, dito sa Rizal hindi niyo po nakakalimutan. Maraming salamat naman po.

[Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM!]

Papaalala ko lang po sa inyo hindi po ako kandidato. Baka ako mahalal ng senador ha.

Ito po ang ating mga senatorial candidates.

[Crowd: Alyansa! Alyansa! Alyansa!]

Alyansa, Alyansa. Maraming, maraming salamat po at nakarating po kayo dito sa ating kaunting programa para po ay mapakilala at maipagmalaki po namin ang aming kandidato para sa Senado.

Ngunit palagay ko po hindi pa po masyadong kailangan mangampanya dahil alam niyo naman po, kilala niyo naman po itong mga magagaling at magigiting na kandidato natin para sa susunod na halalan.

At ako po ay napakadali pa para sa akin na mangampanya para sa ating mga kandidato dahil kilalang-kilala naman kung kikilatisin po natin isa-isa ‘yan, lahat po ‘yan starring ika nga. Kumbaga sa sine lahat po starring. Hindi lang po ‘yung ating mga superstar na mga artista, kung hindi lahat po ng kandidato para sa senador.

Ngayon, itong mga magagaling na grupo na – itong magaling na grupo na ito pinagsama-sama po natin lahat po ng pinakamagaling at pinakamabuti at pinakamasipag na mga nagseserbisyo-publiko sa lahat ng larangan ng politika ay nandito po sila.

Kaya’t ako po ay napakapalad dahil napaka – naging madali po ang aking trabaho na maikampanya ang ating mga kandidato. Dahil po mapalad din ako dahil iniisip ko po kapag nahalal po lahat itong kandidato ng Alyansa ay napakapalad ko bilang Pangulo na sila po ay aking kasama, sila po ay aking kabalikat sa dami ng ating gagawin.

Nakita niyo naman po ‘yung video. Lahat ng malalaking programa, hindi lamang para sa Rizal kundi hanggang sa buong CALABARZON po ay kasama po ‘yan. Para matapos po natin ‘yang mahahalagang programang ‘yan, kailangan na kailangan ko ang tulong ng ating mga senador. Kaya po nandiyan – kailangan ko po sila dapat mahalal talaga sa Senado.

Madali naman pong makita kung bakit dapat sila ay ilalagay natin sa Senado. Ang katotohanan marami po sa kanila ay naging senador na. Naging senador na si Senator Cayetano; naging senator na si Senator Lacson; senator na si Senator Lapid; Senator Pacquiao; Senator Revilla; si Senator Sotto; at saka si Senator Tolentino.

Dagdag pa doon, si Senator Tito Sotto hindi lamang senador, naging Senate president pa. At napakagaling na Senate president dahil masasabi ko po ‘yun dahil ako noong senador po ako siya po ang aming Senate president. At nakikita po naman natin na… [hiyawan at palakpakan]

Makikita po natin na galing – napakagaling niyang humawak ng mga – ng 24 na senador na nagtatalo, na nagdedebate, ay lagi niyang nahahanapan ng paraan upang kami’y magkasundo at maituloy namin ang trabaho na ibinigay ninyo sa amin noong kami ay nasa Senado.

Kaya po wala na pong – sanay na po sila gumawa ng batas. Alam na po nila ang patakbo sa Senado. Alam na po nila kung sino ang kailangang kausapin. Alam na po nila kung paano pabilisin ang trabaho ng gobyerno.

Ang kalahati naman po nung ating slate dito ay dumaan na po sa mababang kapulungan, sa House of Representatives, naging congressman po.

Naging congressman po si Congressman Abalos; naging congressman po, Congressman Binay; Congressman Cayetano; Congressman Pacquiao; Congressman Tulfo; Congressman Villar.

Kaya po ‘pag pinagsama-sama naman po ninyo ay palagay ko ako nga lagi kong iniisip kung ako ay naging kandidato bilang senador at hindi ako kasama sa grupong ito, ay baka magdalawang-isip ako na lalabanan ko itong mga ito. Mahirap talunin itong mga ito dahil sila po ay talaga piling-pili, sila po talaga ay may mahabang record sa pagtulong sa taong-bayan.

Apat naman po sa ating mga kandidato – apat naman po sa kanila ay humawak ng tinatawag Cabinet position. Bale sila ay kasama sa Gabinete.

Unang-una diyan, alam niyo po noong bago akong upo bilang Pangulo, eh kailangan kong mag-appoint ng mga iba’t ibang opisyal, mga kalihim ng malalaking departamento. Isa doon ay ang Department of Interior and Local Government.

Iniisip ko sino ang kilala ko, kaninong pangalan ang naririnig ko kapag pinag-uusapan ang mga isyu tungkol sa local government? Dahil napakahalaga ang national government at saka ang local government ay magkasama, laging magkasama, laging nagtutulungan.

Kung hindi po napakahirap pababain ang programa ng national government. Eh may kilala po ako na naging mayor ng Mandaluyong at kinilala po bilang mayor dahil marami siyang natanggap na premyo. Iyan po ay ang naging secretary ng DILG, Secretary Benhur Abalos. [palakpakan]

Si Senator Tolentino naman, si Tol, eh siya po ay bago pa po siya naging senador, siya ay nasa MMDA, Metro Manila Development Authority po. Napakahirap na problema – napakahirap na trabaho po ‘yan dahil siya lahat po ng proyekto ng MMDA, sakop po lahat ng bayan, lahat ng lungsod ng Metro Manila. Kaya’t kailangan niyang i-coordinate lahat po ‘yan. Ngunit eh kayang-kaya niyang ginawa at nakita naman natin maraming pagbabago ang nangyari noong siya ay namumuno ng MMDA, si Senator Tol Tolentino. [palakpakan]

At saka Senator Tolentino po, ito lagi kong binabanggit para maunawaan ninyo kung gaano niya kamahal ang kanyang kababayan. Si Senator Tolentino po noong panahon na pagkatapos lamang ng Yolanda, nandoon po kami sa Tacloban, sa Leyte, umiikot po kami hanggang Samar. Talagang  nagmamakaawa po kami sa national government noon na magpadala ng tulong, magpadala ng relief good, magpadala ng mga heavy equipment para maisaayos namin, mahukay na namin ‘yung mga – baka sakaling may survivor pa.

Ang una po na dumating na ahensya doon sa Tacloban, ang gulat po namin ay ang MMDA, kasama si Senator Tolentino, ang unang nagdala ng heavy equipment doon sa Tacloban. Napabilis po ang trabaho, marami po kaming nasalba dahil sa kanyang ginawa.

Nandiyan din po na humawak ng… Sabi ko nga eh – isa pa ito sinasabi ko noong umupo ako ika ko DSWD kailangan lagyan natin ng magaling na secretary ‘yan dahil maraming gagawin, tutulong talaga sa mga tauhan – sa mga kababayan natin ito pagka may pangangailangan.

At iniisip ko, sino ang kilala ko na isang tao na buong araw at kung minsan buong gabi ay talagang ang buhay niya ay tinaya na niya upang tumulong sa taong-bayan. At sino ba – ay ‘yun lamang ang – na isang tao na ‘yan lamang ang iniisip kung papaano tulungan lalo na, hindi ‘yung mga mayayaman, hindi ‘yung mga sikat, kung hindi ‘yung mga maliliit, ‘yung mga mahihirap, ‘yung mga nangangailangan ng tulong. At sino pa at kundi si Secretary Erwin Tulfo ng Department of Social Welfare and Development. [palakpakan]

Kasama din po diyan si Senator Ping Lacson. Si Senator Ping Lacson po ay naging Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery. [palakpakan] ’Yung ahensya po niya ang namamahala para sa pagpa – sa [pagsasaayos] ng Region VIII dahil nang pagkatama ng Bagyong Yolanda.

At dinala po niya lahat ng kanyang galing, lahat ng kanyang kakayahan upang magpatayo ng bahay, upang maglagay ng mga water system, upang ayusin ang mga nasira para tulungan ang mga nasalanta, para matulungan ang mga biktima ng Yolanda. ‘Yan po ay ang kanyang ginawa. Kundi po sa kanya hindi po naka-recover ‘yung aming probinsya, hindi po naka-recover ang mga komunidad sa Region VIII lalo na napakalakas ang tama ng Yolanda. Iyan po ang ginawang trabaho ni Senator Lacson bilang Cabinet member po.

Ngunit bukod sa rehabilitation na ginawa ni Senator Lacson, alam niyo naman siguro siya ay naging hepe ng PNP. Siya ang namuno ng buong kapulisan dito sa buong Pilipinas. At hindi lang siya ay na-appoint kung hindi ay nagpakita po ng galing dahil noong panahon ni Senator Ping Lacson na chief PNP, iyon ang panahon na pinakamataas ang approval rating ng pulis sa buong Pilipinas.

Kaya naman po ay makikita po natin, lider po ‘yan. Talagang marunong humawak ng tao, marunong gumawa ng trabaho. At masalimuot po ang trabaho ng chief PNP at isipin ninyo libo-libo ang kapulisan ay nahawakan niya nang mabuti at marami pong natulungan na kababayan natin.

Alam nila po ang trabaho ng gobyerno. Alam po nila kung ano ang pangangailangan ng taong-bayan. Hindi na po sila – pagkaupo po nila, hindi mo na masasabi, “Naku! Mag-aaral pa ‘yan. Magtatanong-tanong pa ‘yan.” Hindi na po.

Mula sa unang oras ng unang araw ng kanilang pag-upo bilang senador, asahan po ninyo sila ay nandiyan na, ginagawa na po ang trabaho ng senador. Ginagawa na po – nakikinig na po sa mga hinaing ng ating mga kababayan at binibigyan po ng solusyon lahat po na ‘yan.

Ilan naman sila – sa kanila, mayroon   din po rin tayo na mga naging gobernador. Naging gobernador din po ng probinsya ng Pampanga.

Baka kilala niyo ito. Ang probinsya ng Pampanga naging gobernador po si Governor Lito Lapid. [palakpakan]

May isa pa po na naging gobernador po ng isang malaking lalawigan at baka alam niyo kung sino sa ating mga kandidato ay dati ay naging gobernador  ng lalawigan ng Cavite?

O, parang mukhang alam ninyo. Ayan po alam na po ninyo, ‘yung ating kinahahangaan na… Alam niyo ang pagkakakilala niyo po sa kanya ay bilang artista, action star.

Ngunit tahimik lang po. Hindi lang po ‘yun ang kanyang ginagawa. Tahimik lang po – tahimik lang pong nagtatrabaho noong siya’y nasa Senado. Magkasama din po kami at nakikita ko naman seryosong-seryoso siya sa trabaho. At ‘yung pag-aartista niya ay ginagamit niya para makatulong din. Kaya naman itong ating naging gobernador ng lalawigan ng Cavite, Governor Bong Revilla. [palakpakan]

Mayroon na tayong gobernador. Mayroon din tayong city mayor na kasama rito sa line up ng Alyansa para sa Senado.

Ang naging city mayor po, nabanggit ko na po, si Mayor Benhur Abalos po ng Mandaluyong. [palakpakan]

Marami po siyang – marami po siyang… Nabigyan po siya ng maraming pagkakilala, maraming premyo. Hindi lamang galing dito sa Pilipinas kung hindi po mga international na nag-aaral sa mga LGU ay ‘yan po ang – nakita po nila ang magandang trabaho po bilang mayor ni Mayor Benhur Abalos ng Mandaluyong.

Nandito rin po ay – si Senator Tolentino. Senator Tolentino [palakpakan] – si Senator Tolentino baka hindi niyo rin alam… Alam niyo kung minsan ay sinasabi ko si – sa ating – sa ating Tol ay sinasabi ko sa kanya  ay dapat ipagmalaki mo ‘yung mga ginagawa mo, ibalita mo sa tao.

Eh napakatahimik po. Kaya’t siguro hindi niyo alam siya din po ay naging mayor ng lungsod ng Tagaytay kaya kabisado niya po     ang LGU.

At baka alam niyo na rin ito, alin sa lahat ng lungsod ng Pilipinas ang pinakamayaman?

O, alam niyo na, Makati. At sino ang mayor ng Makati? Ayan po, nandiyan po ang ating – ang ating kaibigan, si Mayor Abby Binay. [palakpakan]

Lagi ko siyang tinutukso, sabi ko, madali lang naman, ika ko ‘wag mo nang ipagmalaki ‘yung pagka mayor mo sa Makati dahil wala madali ang trabaho ng Makati mayor dahil napakarami ang pera, napakaraming pondo.

Eh ika niya hindi mas nagiging kumplikado nga daw ‘yung buhay niya. Pero ang ginawa niya, ang solusyon niya dahil marami siyang nakukuhang pondo dahil ‘yung malalaking negosyo po, malaking korporasyon nandoon lahat sa Makati. Hindi… Ginamit po niya upang – hindi lamang pang-develop ng lungsod ng Makati. Ngunit kung pupunta po kayo ng Makati, kung tiga-Makati po kayo, napakasuwerte – napakasuwerte po ninyo dahil lahat po ng benepisyo ay ibinibigay ng lungsod, lahat po ng benepisyo binibigay sa matatanda, binibigay sa mga bata, binibigay sa mga may sakit. ‘Yan po ang trabaho ng ating butihing Mayor Abby Binay ng Makati.

At hindi po natin kinakalimutan ang boses ng ating kababaihan. Tatlo po sa – nandito po naggagandahan po iyong tatlo naming kandidato rito. At nakangiti lang po ‘yan ngunit asahan po ninyo napakatapang niyan, napakasipag po niyan. Hindi niyo kailangan alalahanin na mawawala ang boses ng kababaihan dahil nandiyan po sila at sila ay magiging boses ng kababaihan sa Senado, sila ang magtatanggol sa karapatan ng ating mga kababaihan dito sa Pilipinas.

Dahil batas ang trabaho ng mga legislator, ng mga senador, at saka congressman, ay mabuti naman na apat po sa ating line up ay mga abogado.

Nandiyan po Atty. Abalos, Atty. Binay, Atty. Cayetano, Atty. Tolentino na naggalingan po. Alam niyo po sa galing po nila na abogado, lagi kong sinasabi kung wala silang pagmamahal sa bayan, kung wala silang pagmamahal sa kanilang kababayan ay nagpayaman na lang po sila at nagtrabaho na lang po siguro.

Ngunit hindi po ‘yun ang pinili nilang buhay. Nagsakripisyo po sila. Hindi na baleng yumaman o hindi basta’t makatulong sa taong-bayan. Iyan po ang ating apat na abogado at nandiyan po sila na handa na magserbisyo muli.

At kung titingnan po natin baka akalain po ninyo ay dito po – dito lang galing sa Luzon, sa Maynila lang ang ating mga kandidato. Hindi po naman totoo ‘yun.

Dahil si Senator Manny Pacquiao ng Bukidnon, ng Sarangani, at ng GenSan ay doon po lumaki at doon po sumikat na naging boksingero na nagpalit na noong pagkatapos niyang mag-boxing, noong kinilala na siya sa buong mundo, nagdala ng dangal dito sa ating bansa ay siya naman ay nagserbisyo-publiko. At siya doon naman siya galing sa Mindanao.

Kasama din po si Erwin Tulfo. Si Erwin Tulfo po ay tiga-Davao at sa Sulu dahil po doon nadestino ang kanyang ama, ang kanyang ama na naging bayani ng bansang Pilipinas.

At baka po hindi ninyo alam na ang – mayroon pong senator Sotto bago po kay Senator Tito Sotto. Si Senator Vicente Sotto po na unang senador na Sotto ay galing naman sa Cebu. Kaya po kung makita mo galing po kung saan-saan ang ating mga kandidato.

Sila po ay nalalaman po nila ang mga problema ng taong-bayan sa bawat lugar, sa pinanggalingan nila, sa napuntahan nila. At malawak po ang kanilang kaalaman dahil eh iyan lang po ang kanilang ginagawa kundi magserbisyo sa taong-bayan.

Si Camille Villar naman [hiyawan] – si Camille naman eh ngayon nasa Las Piñas na po sila nakatira. Ngunit po ang mga ninuno nila ay mga Ilonggo po. Kaya makita po ninyo well-represented po. Maganda po ang representasyon ng ating linya, ng ating kagrupo, ng ating ticket sa lahat ng buong Pilipinas.

Mag kababayan, palagay ko dahil sa narinig niyo na po ang kanilang mga karanasan, narinig niyo na po ang kanilang mga  binabalak na gagawin kapag sila ay ibalik ninyo, iluklok ninyo sa Senado, ito po ay nakikita na po siguro ninyo ang tinutunguhan po ng Alyansa ay ang kapayapaan at ang kaunlaran.

Ang kailangan po natin para mag-unlad tayo ay hindi po ang pananakot at paninigaw. At ang kailangan po natin ay ang solusyon, hindi ang mga maiinit at maaanghang na mga salita na wala namang kinalaman sa problema, wala namang kabuluhan sa buhay ng ating mga kababayan.

Ang mga kandidato ng Alyansa ay kasama natin sa pagtataguyod ng interes at kapakanan ng bawat isang Pilipino.

Ipaglalaban natin ang ating soberanya at karapatan sa pamamagitan ng diplomasya at dignidad. Hindi natin isusuko ni isang pulgada ng ating teritoryo at wala tayong kailangan – hindi tayo kailangan sumunod sa kahit pa sinong mga dayuhan. Tayo lang ang mga Pilipino ay may karapatan  na makinabang sa yaman ng ating minamahal na Pilipinas. [palakpakan]

Sa laban naman kontra sa krimen at sa droga, wala po sa amin ang naniniwala na kailangan pong pumatay ng libo-libo na Pilipino para lutasin ang problema na ‘yan.

Ang kailangan po ay dapat po tulungan po natin ang ating mga kapulisan, suportahan po natin, suportahan po natin ang ating mga LGU.

‘Yan po ang solusyon. Hindi ang karahasan na nakita natin na dapat ay huwag natin uulitin at hindi naman kailangang gawin. May paraan po para matuklasan natin o mabigyan natin ng solusyon ang problema sa kontra droga, ang problema sa krimen. ‘Yan po ay ang aming paniniwala, ‘yan po ang aming ipaglalaban.

May tamang paraan para tiyakin ang kapayapaan. ‘Yan po ay tuluyang pagsuporta sa ating mga kababayan, sa ating mga law enforcements, sa ating mga sundalo, sa atin pong lahat po na nagseserbisyo sa tao.

Pagdating naman po ng ekonomiya,  huwag na po tayong babalik diyan sa mga ilegal na negosyo kagaya po ng POGO. Nakita naman po ninyo ang nangyari ‘yung mga POGO na  ‘yan. Iyan ang naging pugad ng karahasan, naging pugad ng krimen.

Kaya’t ‘di na po – kaya binan (ban) na po natin ‘yan. Hindi po ‘yan ang solusyon para sa trabaho para sa taong-bayan. Ang  solusyon po ay ang tunay na trabaho, kabuhayan, suporta sa maliliit at sa mga nangangailangan.

Kaya po nakilala niyo na po. Nakita niyo na po ang aming ipinaglalaban. Narinig niyo na po ang aming paninindigan. Narinig niyo na po kung ano ang aming balak gawin kapag sila ay nandiyan na sa Senado. Ang iisa lamang na aming iisipin kung papaano tulungan ang taong-bayan, kung papaano pagandahin ang Pilipinas, kung papaano pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino, ng bawat pamilyang Pilipino.

Iyan po ang aming layunin. Iyan po ang aming ipaglalaban.

Iyan po Alyansa!

Kaya po sa Mayo po, huwag na kayong magdalawang-isip.

Alyansa all the way!

Alyansa sa Bagong Pilipinas! [palakpakan]

— END —