Maraming, maraming, maraming salamat po mga kababayan kong taga-Lucena.
Maraming salamat sa inyong napakainit na pagtanggap sa amin. [Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM!] [Magsiupo po tayo.]
Talaga naman basta’t – maalala ko bawat punta ko rito sa Lucena ganito ang natatanggap kong pagsalubong. Kaya’t lagi akong masaya na kayo’y makasama muli at makita ko kayong muli. Sana mas madalas, hindi lamang sa kampanya.
Alam niyo po ako ay nandito po at nagpapasalamat po sa inyong lahat dahil po kayo’y nakarating dito sa aming rally kung saan namin inihaharap sa inyo ang ating mga kandidato bilang senador sa samahan ng Alyansa.
Alam niyo po kahapon ipinagdiwang po natin ang Araw ng Paggawa o ang sinasabi nating Labor Day. Dahil po…
[Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM!]
Salamat po. Salamat po. Nako, talaga naman. Kaya naman sabi sa akin kanina pa, “Pumunta ka na rito, masaya dito.” Tinatawagan ako. Nandoon lang po ako sa likod nag-aantay. Sabi ng aking mga kasamahan, “Halika, humarap ka na at masarap kasama itong mga taong tiga-Lucena.” Totoo pala. Maraming salamat po.
Kahapon po nag-celebrate po tayo ng Labor Day. Kaya po tiningnan po natin ano ang kalagayan ng ating mga manggagawa. Dahil po ito po ay ‘yun na nga Labor Day at tinitingnan natin kung tayo ba, itong pamahalaan na ito ay tinitingnan natin kung talaga tayo ay nakatulong sa ating manggagawa. Dahil para sa akin po ang ating manggagawa ang pinakamalaking puhunan ng Pilipinas dahil po ang galing-galing po ng Pilipino.
Napakasipag po ng Pilipino, napakahusay po ng Pilipino, napakabait po ng Pilipino. Kaya’t maaasahan natin basta’t mabigyan natin ng pagkakataon upang magtrabaho nang mabuti – ang Pinoy naman lagi naman nandiyan.
Kaya’t masaya po ako na maibalita sa inyo na nitong nakaraang taon, naitala natin ang pinakamababa na unemployment rate dito sa Pilipinas mula noong taong 2005. [palakpakan] Dalawampung taon na po! Hindi po natin naabot ‘yung ganyang klaseng unemployment rate. [palakpakan]
Maliwanag ang ating mga kababayan ay naghahanapbuhay sa de-kalidad na trabaho. Trabahong may seguridad, trabaho na may dignidad at may pag-asa.
Iyan po kaya naman po – patunay po sa magandang estado ng ekonomiya natin ang… Dahil po siyempre inaalala natin lahat kung papaano na ang lagay. Lahat naman tayo ay may pamilya. Lahat naman tayo ay may anak. Lahat naman tayo ay may mga mahal sa buhay na umaasa sa atin.
Kaya’t mahirap po – kailangan po maganda ang hanapbuhay na kahit papaano ay mabigyan natin sila ng ginhawa.
Kaya naman po ay kami – siguro hihingi na rin po ako ng paumanhin niyo na medyo nagyayabang po tayo na ang Pilipinas ngayon ay kinokonsidera ng ating mga karatig-bansa – the Philippines is one of the fastest growing economies in Asia. Talo po natin ‘yung mga malalaking bansa. [palakpakan at hiyawan] Talo po natin ‘yung mga mayayaman na bansa.
Ang paglago po ng ekonomiya sinisiguro po natin may epekto ito sa pang-araw-araw na buhay ng ating mga kababayan.
Hindi po nangyari ito dahil sa akin po. Nangyari po ito dahil ang husay ng Pilipino, dahil ang galing ng Pilipino, dahil malaki ang pusong pagmamahal sa bansa ng Pilipinas ng ating mga mamamayan.
Nitong Nobyembre po noong nakaraang taon, pinasinayaan natin ang LRT-1 Cavite Extension Project Phase 1. Dahil sa proyektong ito, nadagdagan po ng limang istasyon ‘yung LRT-1. Palabas na po ito ng Maynila.
Bukod dito, tuloy-tuloy pa ang pagpapatayo, pagpapaayos, at pagpapalawig ng samu’t saring tulay, daan, at pantalan sa buong bansa.
Tingnan niyo po sa YouTube ay binabalita namin sa inyong lahat na sa buong Pilipinas po ay napakarami nating mga malalaking proyekto na naglalagay hindi lamang ng mga kalsada, kung hindi pati na ‘yung mga flood control, pati na ‘yung mga dam para sa irigasyon ng ating mga magsasaka.
Lahat po ay ginagawa natin upang matapos na natin ang problema natin sa transportasyon. Matapos na po natin ang problema natin sa agrikultura. Matapos na po natin ang problema sa trabaho. [palakpakan]
Hindi lamang hanggang diyan. At bilang isang Pangulo ninyo ay ako ay tinatanaw ko na isang katungkulan ko ay patuloy na ipaparami at itong mga proyektong ganito na nagbibigay ng serbisyong tunay para sa ating mga kababayan.
Hindi lang sa datos o numero nasusukat ang ating tagumpay. Nakikita at nararamdaman din natin ‘yung ating mga malasakit sa ating mga mamamayan. Malasakit na ipinapakita at ipinaparamdam ng ating pamahalaan – ng ating gobyerno para sa ating mga mamamayan.
Nitong nakaraang taon ay nasaksihan po natin ang pag-uwi ng ating Mary Jane Veloso na matagal pong nakakulong na sa Indonesia. Paano po nangyari ‘yun? Eh ganoon po. Papaano? Eh kinaibigan po natin, kinausap po natin nang maganda ang ating mga kapit – ang karatig-bansa na Indonesia. At sa ganoong pagsasama, sa ganoong pagkakaunawa, sa ganoong klaseng pagkakaintindihan, nangyari po ito at pinagbigyan po tayo.
Ngayon, si Mary Jane po ay nandito na sa Pilipinas at napakabilis na, napakadali na lang ng mga pamilya para makabisita sa kanya.
Katulad ng tagumpay na ito, hindi po ito kayang gawin ng isang tao. Kagaya ng aking sinasabi, unang-una ay kailangan kakampi natin, kasama natin ang ating mga kababayan.
Ngunit sa pamahalaan, kahit po ang inyong Pangulo ay maraming ninanais gawin, maraming proyekto, maraming initiative kung tawagin, ay kung hindi po – wala po akong malapitan, wala pong tumutulong po sa akin eh hanggang sa akin na lang ‘yun.
Kaya’t kailangan na kailangan natin na ipagpatuloy lahat po ng ating naging mga tagumpay at dagdagan pa sa darating pa… Alam niyo po, lahat po ng ating ginagawa, kami po ay nandito, nagseserbisyo po sa inyo. Lahat po ito ay hindi na po para sa atin. Ito ay para sa mga anak na natin, para sa mga apo na natin.
Kaya’t hindi maaari na hanggang dito lamang. Kailangan ay ipagpatuloy natin para naman maramdaman ng mga sumusunod na Pilipino sa atin – maramdaman naman nila ang ating ginawa upang pagandahin ang Pilipinas, upang pagandahin ang kanilang mga buhay.
Kaya po sinasabi ko – namili po kami – sinasabi ko, sinong magtutuloy nito? Tatlong taon pa ang pagka-Presidente ko. Itong ating mga kandidato uupo ito ng anim pa na taon. At papaano natin titiyakin na lahat ng ating mga nagawa, lahat ng ating mga pinagmamalaki ngayon ay maipatuloy kahit na wala po ako rito.
Wala na po ako rito ay sana naman ang ating mga senador na talaga naman eh narinig niyo po – narinig niyo na po sila na alam niyo na po ang kanilang mga naging record. Alam niyo po ang kanilang mga pinaplano ay sana naman ay basta’t nandiyan po sila, maaasasahan ninyo na ipagpapatuloy nila itong magandang performance na ating ginagawa. Itong magagandang mga proyekto na binibigay natin sa ating taong – sa taong-bayan upang pagandahin ang kanilang buhay.
At sino ba itong ating mga ka-Alyansa? Ito po ay sasabihin ko po sa inyo dahil po hindi lang – hindi po simple ang trabaho – ang trabaho na nais naming patuloy at itapos eh kailangan po ay magagaling po ang ating mga haharap sa inyo. Kailangan po magagaling ang uupo sa susunod na Senado. Kaya po pinili po namin ang mga kandidato na may record, na may magandang performance record.
Namili po kami ng mga kilala naming mga kandidato na alam namin na nasa puso nila – nasa puso nila ang kalagayan ng bawat isang Pilipino.
Paano po natin malalaman ‘yun? Malalaman po natin dahil nakita po natin. Ilang taon na po sila na nagseserbisyo sa taong-bayan at nakita naman natin na sila ay tapat sa kanilang pagmamahal sa bawat Pilipino. Sila’y tapat sa nais nila na tumulong.
Tingnan po natin kung sino ang ating mga kandidato. Alam niyo po ay karamihan po sa kanila ay mga beterano na sa Senado.
Nandiyan po si Senator Cayetano. Umalis lang po si Senator Cayetano dahil mayroon siyang – mayroon pa siyang commitment. Pero, Senator Pia, naging senador na ‘yan.
Senator Lacson, naging senador – naging senador na ‘yan. [palakpakan] Senator Lapid; Senator Pacquiao; Senator Revilla; Senator Sotto; Senator Tolentino, puro po senador ‘yan.
At isipin ninyo, isipin ninyo ‘yung mga pangalan po na narinig niyo. Mabibigat – mga bigatin po ito. Hindi lang kung sino-sino po ‘yan. Kilala naman niyo sila. Mga magagaling at nagmamahal – pinakamahalaga nagmamahal sa Pilipinas.
Ang kalahati naman ng ating slate dumaan po sa mababang kapulungan, sa House of Representatives naging congressman din po.
Nandiyan po si Congressman Abalos. Nandiyan din po si Congressman Binay, classmate ko po sa House of Representatives. Nandiyan po, Congressman Cayetano, Congressman Pacquiao, Congressman Tulfo, Congressman Villar. Lahat po ‘yan eh kasama po ‘yan sila – eh nakita naman ninyo, senador na, congressman na eh patuloy pa… Sanay na ito. Alam na nila ‘yung gagawin nila kapag sila’y nakaupo na. Alam na nila kung papaano patakbuhin nang maganda ang pamahalaan, ang kanilang mga opisina, kung papaano sumulat ng magandang batas para tunay na makatulong sa ating mga kababayan. [palakpakan]
Apat naman po sa kanila, nagsilbi sa Cabinet-level position. Ibig sabihin, sa — ng ranggo nila umabot po sila ng ranggo na secretary ng Gabinete ng Republika ng Pilipinas.
Nandiyan po, unang-una po, si secretary… Maalala ninyo, noong ako’y bagong umupo ay iniisip – naghahanap po kami ng mag-appoint – sino ia-appoint natin sa mga iba’t ibang napakahalaga, napaka-importanteng posisyon?
Isa sa posisyon na ‘yun ay ang Department of Interior and Local Government, ang DILG po. At noong nag-uusap-usap po kami nung mga adviser ko, ika ko sino ba ‘yung kilala natin na naka – talagang nakakaunawa sa mga isyu ng local government. At sila – at sino ba ang kayang magbigay sa national government at maipaliwanag nang mabuti sa national government kung ano ba ang pangangailangan ng ating mga local government official.
Ika namin siguro dapat ay naging local government na. Ayan po, nakita po natin, ang ating naging secretary ng DILG, Secretary Benhur Abalos. [palakpakan]
Ganoon din po, noong ako’y bagong upo at naghahanap ako, sino kaya ang maging magaling na secretary ng DSWD? Alam niyo naman po ay kailangan talaga ang namumuno, ang kalihim ng DSWD ay walang inisip kung paano – kundi paano tumulong sa mga nangangailangan. Iyong mga tinatamaan ng bagyo, ‘yung mga tinatamaan ng lindol, pagputok ng bulkan. Hindi lamang ‘yun, pati po ‘yung mga 4Ps, pati po lahat ng ayuda na binibigay sa mga beneficiary na nangangailangan.
Eh madali po – tinanong ko po sa sarili ko, sino bang kilala ko na habang-buhay wala nang ginawa kung hindi tumulong sa mga nangangailangan ng tulong na maliliit na walang malapitan kung hindi ang isang – itong tao na ito. Eh isa lang ang napunta sa isip ko, nandiyan din po, kaya po natin nilagay ng DSWD Secretary, Secretary…
At saka bukod pa, sa pag-secretary ni Ping Lacson eh… At siguro naman naalala niyo po na noong panahon – noong panahon ni Erap, siya po ang chief PNP. Ibig sabihin siya ang hepe ng buong PNP sa buong Pilipinas.
At noong siya’y namumuno ng PNP dito sa Pilpinas, doon lang po natin nakita ang napakataas na approval rating ng police noong panahon po ni Chief PNP Ping Lacson. Hanggang ngayon po hindi pa naabot iyong ganoong klase approval rating kagaya noong dati. [palakpakan]
Mayroon din pong mga naging gobernador po rito at sila ay naging gobernador hindi po ng mga malalaking probinsya na nakikita po ngayon natin na napakagandang progreso. Unahin po natin ang naging gobernador ng lalawigan ng Pampanga, governor – sino? Alam niyo po kung sino iyon? Iyong idol natin. Governor Lito Lapid ng Pampanga po. [palakpakan]
Sa ano naman – may pangalawa – may pangalawa pang naging gobernador dito sa grupo natin. Alam niyo na siguro kung sino ito dahil kilalang-kilala ninyo ito eh. Sinong naging governor ng Lalawigan ng Cavite dito sa mga nakaharap sa inyo? Ayos. Ayan. Governor Bong Revilla. Ayan ang pinagmama… [palakpakan]
Sa mayor naman, mayroon po tayo, mayroon po tayong tatlo na naging mayor ng malalaking lungsod. Ang una po ay naging mayor po ng Mandaluyong. At noong panahon po niya ng pagka-mayor ng Mandaluyong siya po ay nakatanggap ng pagkikilala, mga premyo, dahil sa lahat ng kanyang ginawa para sa kanyang inaalagaan na lungsod at ang kanyang mga inaalagaan na kanyang mga botante, kanyang mga jurisdiction, constituency. Iyan po ang magaling na mayor ng Mandaluyong City, Mayor Benhur Abalos. [hiyawan]
Isa pa, alam – ito iyong maraming tao, hindi alam ito eh. Sino ang nakaharap sa inyo ngayon dito na naging mayor ng Lungsod ng Tagaytay? Sabi sa inyo hindi niyo alam. Mayor Francis Tolentino ng Tagaytay po. [palakpakan]
At ang isang kasama po natin, madali lang, siguro baka hindi kayo mahirapan dito sa tanong ko: Ano ang pinakamayamamn na lungsod sa buong Pilipinas? [Crowd: Makati!] Sino ang mayor ng Makati City? [Crowd: Binay!]
Ito po ang ating kasamahan, ang ating butihing mayor, mayor ng Makati City. Alam niyo po, lagi ko pong sinasabi, na kapag sinasabi ay mayor ng Makati, madali lang na trabaho iyan, madami silang pondo dahil iyong malalaking negosyo nandoon sa kanila lahat.
Siguro totoo rin dahil kami, kaming mga LGU, kaming mga local government executive kinaiingitan namin dahil marami silang pondo.
Sabi namin, ano kayang gagawin ng mayor doon sa marami siyang hawak na pondo? Alam niyo po ang ginawa po ng ating mayor? Lahat po ng benepisyo na binibigay sa mga matatanda, binibigay po sa mga mahirap, binibigay po sa mga gutom, binigay po niya ng libre po lahat po ng benepisyo sa Makati City. Dahil kay Mayor Binay ay libre. [palakpakan]
At isa pa ito, baka hindi ninyo na naalala ay dahil ang pagkakilala niyo po sa kanya ay bilang sikat na senador. At sasabihin ninyo ay lahat ng kanyang serbisyo publiko ay nasa Senado, nasa lehislatura. Baka hindi niyo po naaalala, si Tito Sen po naging vice mayor po ng Quezon City iyan. Kaya’t alam po niya…[palakpakan]
At hindi naman tayo nagkukulang sa mga kandidato na babae. At hindi pangkarinawan na babae po ito. Kilala ko po silang lahat. Matitibay po ito, matatapang po ito. Maaasahan po ninyo kapag sila ay nandiyan sa Senado, may tinig na malakas para sa karapatan ng ating mga kakabaihan. Mayroong tinig na magtatanggol para sa karapatan ng ating mga kababaihan. Iyan po ang ating mga fighting lady candidates for the Senate. [palakpakan]
At dahil ang trabaho po ng isang senador ay sumulat po ng batas. At ito po ay siyempre kailangan maayos ang pagkasulat dahil kung minsan kapag ang batas ay sinulat at hindi maganda, hindi pinag-isipan nang mabuti ay nagkakaproblema, dahil mahirap i-implement, mayroong mga tatamaan na hindi mo akalaing tatamaan dahil doon sa batas kaya’t kailangan magaling po sumulat ng batas. Kaya’t maipagmamalaki po namin, apat po dito sa aming mga kandidato ay abogado po. Nandiyan po si Atty. Abalos, nandiyan po Atty. Binay, nandiyan po si Atty. Cayetano, at Atty. Tolentino po.
Apat po na abogado na magagaling na imbes na pinili… Alam niyo po sa galing po nila, puwede po nilang gawin ay magtrabaho na lang sila bilang abogado, magpayaman po sila. Ngunit ang pinili po nila ay hindi magpayaman, hindi magpasikat para sa kanilang sarili, kung hindi magserbisyo sa publiko. Iyan po ang ating mga… [palakpakan]
Kung saan po – baka akalain po ninyo ay ‘yung ating mga kandidato ay tiga-Luzon lang, tiga-Maynila lang. Hindi po totoo iyon. Sila po ay maraming – kung saan-saan ang pinanggalingan. Unahin na po natin iyong ating minamahal na champion, si Manny Pacquiao. Tiga-Bukidnon po iyan, tiga-Sarangani at tiga-GenSan, ang ating senador, Senador Manny Pacquiao. [palakpakan]
At ito naman si Erwin Tulfo ay laki naman sa Davao Oriental at sa Sulu. [palakpakan] At dahil po – napadpad po siya doon dahil doon nadestino ang kanyang ama. Ang kanyang ama na kinikilalang bayani po ng Pilipinas.
Kaya’t kailangang malaman din po ninyo na baka karamihan po sa atin ay hindi natin nalalaman ito ay si Senator Tito Sotto ay hindi po ang unang Senator Sotto na nagkaroon sa kasaysayan ng Pilipinas. Mayroon pong nauna sa kanya na Senator Vicente Sotto. Siya po ay naging senador pero nanggaling naman sa Cebu.
Kaya makita po ninyo, lahat po ng ating kandidato ay napakalawak po ang karanasan. Napakalawak po ang kanilang kakayahan. Napakagaling po at marami na po silang nakita. Hindi lamang sa kanilang pinanggalingan na lugar, kung hindi sa buong Pilipinas. At sa kanilang mahabang karanasan ay nakita naman po nila kung ano ang nagiging problema hindi lamang sa malalaking rehiyon, hindi lamang sa probinsya, hindi lamang sa mga lungsod at saka mga bayan, kung hindi sa bahay-bahay ng bawat isang pamilyang Pilipino.
Kaya naman ito po ang aming hinaharap sa inyo. Dahil po para sa amin, para sa Alyansa, pinakamahalaga po kung tayo man ay makapagsabi na mayroon tayong mga nakitang tagumpay sa nakaraang dalawa’t kalahating taon ay dapat naman po kahit ano pang mangyari, dapat po ay lahat ng ganoong klaseng tagumpay…
Hindi po tagumpay para partido, politiko. Hindi po tagumpay para sa bawat kandidato. Kung hindi tagumpay para sa taong-bayan! Tagumpay para sa Pilipinas!
Kailangan pong ituloy. Kaya po ito po ang magtutuloy. Magtutuloy ng mga tagumpay, ng mga magagandang inisyatibo para sa ating bansa upang pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino! Upang pagandahin ang ating minamahal na Pilipinas!
Mabuhay po!
Iboto niyo po sa darating na Mayo Adose, ang ating mga kandidato po ng Alyansa!
Mabuhay ang Alyansa! [palakpakan]
— END —