Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Rally sa Tacloban City


Location Tacloban City, Leyte

[Waray]

Maraming, maraming salamat sa inyong napakainit na salubong na ibinigay sa grupo natin na Alyansa, ating mga kandidato para sa Senado na nandito ngayon sa inyo kasama sa Tacloban.

Maraming, maraming salamat at kami po ay nandito upang ipakilala sa inyo at ipagmalaki sa inyo ang mga kandidato ng Alyansa na para sa Senado sa darating na halalan itong Mayo.

Alam niyo po ay ako naman napakadali po ng aking naging trabaho dahil po napakadali po na ipakilala ang ating mga miyembro ng Senate ticket ng Alyansa upang po ay – dahil po naman kung titingnan po ninyo ay talaga naman sila ang pinakakilalang pinakamagaling, pinakamahusay, pinakamasipag, at pinakamahabang karanasan na tumutulong na itinaya ang kanilang mga buhay para sa serbisyo-publiko. Ito po ang naging Alyansa.

Bakit po naging Alyansa ang tawag sa amin? Kung maalala po ninyo ang mga eleksyon, mga kampanya, kapag naglalabasan po ‘yung mga kandidato, kadalasan po pare-pareho ‘yung suot na t-shirt, parehong kulay lahat.

Ngunit kami ay naiba – naiba dahil kami ay iba’t ibang partido ang pinanggalingan. Ngunit dahil sa aming paninindigan, sa aming paninindigan na dapat – na kung talaga tayo ay tapat na magserbisyo sa publiko dapat tayo ay lahat na nagtutulungan, dapat lahat tayo ay magkaisa, dapat lahat tayo iniisip lamang ang kapakanan ng taong-bayan at kung papaano pagandahin ang Pilipinas. Iyan po ang grupong Alyansa na nasa harap po ninyo ngayon. [palakpakan]

Napakapalad ko po dahil iniisip ko po bilang Pangulo ay kailangan na kailangan po natin ang mga tulong ng ating mga senador. Lahat po ng ating gagawin, lahat po ng ating mga programa, mga project, lahat po ng aming ibinigay na tulong sa taong-bayan ay kailangan po natin ang mga senador ay nandiyan kasama natin upang maging mabilis ang pag-deliver ng serbisyo na para sa taong-bayan.

Kaya naman po nakita naman po ninyo may kaunti tayong video na nakita ninyo ‘yung mga ibang malalaking proyekto at malalaking programa na ginagawa natin at ating nabuo na sa nakaraang dalawang taon.

Iyan po ay simula pa lang. Tutuloy-tuloy pa natin ‘yan. Palalawakin pa natin ‘yan at kailangan ko po na mayroon tayong mga kasama, mayroon tayong mga kakampi sa Senado. Ito na po ang tutulong sa atin sa Senado pagkatapos niyong ihalal sila bilang senador sa Mayo ng eleksyon natin.

Tingnan po natin – alam niyo po kung narinig niyo po naman sila, kilalang-kilala naman ninyo na sila – nakita naman ninyo na sila magagaling po. Marami ang nagawa, naitulong sa tao.

Narinig naman po ninyo ang kanilang mga pinaplano at ano pa ang kanilang nais gawin sa darating na panahon upang patuloy ang kanilang pagserbisyo sa publiko.

Kaya naman po ay hindi lang ito kagaya ng mga kung minsan ay nagpapangako at hindi naman natutupad dahil mayroon na po silang ipinakita na performance noon pa.

Dahil ‘pag pinagsama-sama mo itong lahat, wala nang kasing lakas na ticket na lumalabas ngayon na para sa halalan sa Mayo. Ito na ang pinakamagagaling na aming makita, na aming magiging katulong, na ating magiging kasama.

Tingnan po natin. Alam niyo po walo po sa kanila ay beterano na sa Senado. Ibig sabihin, sila ay naging senador na. Nandiyan po: Senator Cayetano po, si Senator Lacson, Senator Lapid, Senator Marcos, Senator Pacquiao, Senator Revilla, Senator Tolentino, at Senator Sotto.

Alam niyo po si Senator Tito Sotto hindi lang po senador. Siya po ay naging senate president. At sasabihin ko po sa inyo dahil noong senador ako, siya po ang senate president namin. At nakikita mo alam mo naman kaming mga senador mahihilig magdebate, mahihilig magtalo. Ngunit noong siya ay senate president, lagi siyang nakakahanap ng paraan o lagi siyang nakakahanap ng magandang usapan para maging maayos ang patakbo ng Senado, para ang trabaho namin ay maging makabuluhan at maging matulungin sa taong-bayan.

Bukod pa roon po, noong nasa lehislatura po tayo, pito po sa ating mga kandidato ay dumaan po sa mababang kapulungan. Naging congressman po, nandiyan po: si Congressman Abalos, si Congressman Binay, Congressman Cayetano, Congressman Marcos, Congressman Pacquiao, Congressman Tulfo, Congressman Villar.

Kaya’t nakita naman – wala na po pagka sila ay – pagka sila ay nakaupo na sa Senado, maaasahan po ninyo trabaho agad, wala na pong training. Hindi na magtatanong-tanong. Alam na po nila ang gagawin nila. Alam na po nila ang mga problema na hinaharap ng taong-bayan.

At ang pinakamahalaga rin ay alam na rin nila kung papaano paandarin ang pamahalaan upang makatulong sa taong-bayan.

Hindi na po bagito sa pagsusulat ng mga batas.

Tingnan din po natin, apat po sa kanila ay nagsilbi sa tinatawag na Cabinet-level position. Ibig sabihin, secretary man o kung hindi secretary, katumbas ng secretary.

Nandiyan po si Secretary Benhur Abalos. Si Secretary Benhur Abalos, naging secretary ‘yan ng DILG.

At noong pag-upo ko po ay iniisip ko sino ba talaga ang nakakaunawa sa mga problema, sa mga pangangailangan ng ating mga local government?

Dahil po kahit na national government tayo, kapag hindi maganda ang ugnayan ng local government at saka ng national government, hindi po kaya, hindi po maganda ang – hindi po mailalabas ang mga programa agaran.

Kaya po inisip ko, sino ba ang nalalaman ko na nakakaunawa sa local government? At naisip ko, sabi ko, “Balitang-balita may magaling na mayor sa Mandaluyong City.”  Kaya po ay sabi ko, “Kilala ko yata ‘yan kung sino ‘yan. Si Mayor Benhur Abalos ng Mandaluyong City.”

Sabi ko, “Tamang-tama ‘yan, ilagay natin siya sa DILG.”  Kaya po naging Secretary Benhur Abalos siya ng DILG.

Nandiyan din po si Secretary Erwin Tulfo. Ganoon din po pag-upo ko bilang Pangulo, iniisip ko sabi ko, sino ba ang kilala ko na wala nang ginawa sa buong buhay niya kung hindi tumutulong sa mga maliliit, tumutulong sa mga nangangailangan, nagbibigay ng boses sa mga walang boses?

Sinong nga –  sino ang kilala ko na dapat ilagay sa DSWD? At naisip ko po si senator Er – magiging senador na ito, Senator Erwin Tulfo, Secretary Erwin Tulfo ng DSWD.

At alam niyo naman po  dahil dinaan-daanan po tayo ng bagyo, lagi tayong dinadaanan ng bagyo rito, nakailang beses na si… Noong panahon niya, si Senator Tul – ah, Secretary Tulfo at nakapunta po rito at marami pong natulungan.

Nandiyan din po ang – ito baka maalala ninyo. Ito po si Senator Tolentino, siya po ay namuno ng MMDA, ‘yung Metro Manila Development Authority.

Hindi po madali na trabaho ‘yun dahil pagsasama-sama mo lahat ng mga mayor, lahat ng mga bayan, lahat ng mga lungsod ng Maynila ay ipagsasama-sama mo.

Ngunit hindi ko po makalimutan at lagi kong ipinapaalala sa kanya kapag kami’y nagkikita, noong panahon po ng Yolanda, nandito po ako kasama ninyo, nag-aantay tayo ng tulong galing sa pamahalaan. At dahan-dahan ang pagdating ng tulong at nahihirapan po tayo na makapagsilbi sa taong-bayan, lalo na ‘yung mga biktima na tinamaan – lalo na ‘yung  mga naging biktima ng Bagyong Yolanda.

Hindi ko po makakalimutan at dapat hindi niyo rin makalimutan, ang unang ahensya na dumating dito sa Tacloban na may dalang mga heavy equipment, may dalang mga tulong ay ang MMDA na nangunguna – nangunguna ang panahon na ‘yun ang MMDA Chairman na si Senator Tolentino. [palakpakan]

Kaya po hindi ko po makakalimutan. Akala natin ang MMDA hanggang Metro Manila lang po. Hindi po. Inilabas niya lahat ng pangangailangan, dinala niya rito dito sa atin sa Tacloban, sa buong Leyte pinakalat niya, at marami pong nasalba dahil sa kanyang ginawa na ‘yun.

At alam mo nandito rin po, maaalala rin po siguro ninyo na si Senator Ping Lacson ay naging Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery sa Typhoon Yolanda.

At alam niyo po, siya po pagkatapos nang pagdaan ng Yolanda, pagkatapos na nakaalis na, at medyo naayos-ayos na niya, naayos na natin ang mga nasira na –nailibing na natin ‘yung ating mga patay ay dumating po ang rehabilitation.

Sila po ang gumawa ng mga bagong bahay. Sila po ang naglagay ng bagong kalsada. Sila po ang naglipat ng lahat ng mga facilities. ‘Yan po ay ang Rehabilitation for Yolanda na pinangunahan ni Senator Ping Lacson po. Kaya po, ‘wag po niyong  kakalimutan at malaking utang na loob natin sa kanya pagkatapos nung Yolanda.

Hindi lang po siya naging Yolanda Rehabilitation po si Senator Ping Lacson. Si Senator Ping Lacson naging hepe ‘yan ng pulis, chief PNP siya.

At noong panahon niya na chief PNP siya ay nakakatawa dahil ang una niyang ginawa eh tinitingnan niya, sinusukat niya ‘yung mga pulis, tinitingnan niya kung malalaki ang tiyan. Ayaw niya na malaki ang tiyan ng pulis eh kaya pinag-jogging niya lahat. Kaya ngayon makita mo ‘yung mga pulis eh medyo magaganda na ang katawan.

At nakiki – kinilala naman ng taong-bayan, kinilala naman ng ating mga kababayan dahil noong panahon na chief PNP si Senator Ping Lacson, ‘yun ang panahon ng pinakamataas na approval rating ng PNP. Hanggang ngayon po, hindi pa na – hindi pa natin naabot ‘yung approval rating na ‘yun. ‘Yun lang kay chief PNP na noon na si Senator Ping Lacson. [palakpakan]

Kilala… Alam na alam po nila ang trabaho ng gobyerno. Alam nila ang local government. Alam nila ang lehislatura.  Alam nila ang executive. Alam nila – kilala nila ang mga nasa gobyerno. Kilala – alam nila kung papaano paandarin ang gobyerno.

Alam niyo kung minsan kahit na tama ‘yung ginagawa mo, kailangan marunong ka din na – para makita mo. Lahat eh – kung minsan mahirap kumbinsihin para tulungan ka, eh kailangan marunong ka sa ganyan.

Lahat po sa kanila may karanasan na po. Kaya na po nilang gawin ‘yun.

Ito kagay – nabanggit ko, ang mga gober – ang ating mga local government. Tatlo po ng ating kandidato ay naging gobernador.

Ang kapatid ko po, si Sen. Imee, naging governor ng Ilocos Norte. At ang ating kaibigan na tumutulong din sa atin sa Senado ay naging governor ng lalawigan ng Pampanga.

Sino kaya ‘yon? Hindi niyo alam kung sino naging governor dito? Si Senator Lito Lapid! Governor Lito Lapid po ng Pampanga.

Aba! Kailangan malaman ninyo na malawak ang karanasan yata ni Pareng Tolits. At eh talaga namang makita mo, dinaanan po niya lahat kaya’t ang Pampanga ngayon, kung makita ninyo ang Pampanga, ang ganda na ng progreso ng Pampanga. Nasimulan po’yan ni – ng ating butihing gobernador na Governor Lito Lapid ng Pampanga.

At siguro naman itong pangatlo, siguro naman kilala niyo ito, kung sinong naging gobernador ng Cavite. Aba! Mahina sa geography itong mga ito.  Bong Revilla, governor of the province of Cavite! [hiyawan]

O nakita ninyo, hindi niyo pala alam iyon. Akala niyo – akala niyo, action star lang ‘yan. Hindi, marami pong pinagdaanan ‘yan. Paminsan-minsan na lang gumagawa ng pelikula. Ang lahat ng panahon niya, nalalagay na niya nga sa trabaho ngayon.

Pero ang pinaka – fastest growing province sa buong Pilipinas for the last mga three to five years ay ang Cavite. At ‘yan ay nasimulan po ni Governor Bong Revilla ng lalawigan ng Cavite.

Hindi lang po gobernador. Mayroon din tayong mga mayor na sila ay naging mayor ng mga malalaking lungsod.

Nabanggit ko na: si Mayor Benhur Abalos, mayor ng Mandaluyong City. Eh kaya po sumikat si Benhur Abalos bilang mayor dahil maraming po siyang – habang noong mayor siya, napakarami ang natanggap niyang mga premyo. Napakarami ang mga pagkilala na ibinigay sa kanya dahil sa napakaganda niyang takbo sa Mandaluyong City.

‘Yan po ay dumaan din bilang mayor ng Mandaluyong City, ang ating mayor, Mayor Benhur Abalos.

Nandiyan din po, Mayor Tolentino. Ito siguro, hindi ninyo alam, si Senator Tolentino. Alam niyo ba na siya ay dumaan sa local government?

Siya po ay naging mayor ng Tagaytay City po at naipatakbo niya ang Tagaytay City. Mayroon ba kayong – sa inyo pumupuntang Tagaytay? Ang ganda-ganda ng Tagaytay, inayos – inayos niya noong panahong siya – noong panahon na mayor siya.

At sinong naging mayor o mayor pa rin ng pinakamayaman na lungsod sa Pilipinas? Ano ang pinakamayaman na lungsod sa buong Pilipinas? Tacloban? Hindi, pinakamayaman na lungsod sa buong Pilipinas ay ang Makati City at ang kanyang mayor ay si Mayor Abby Binay.

Lagi po naming – lagi po naming iniisip na napakadali po kung mayor ka ng pinakamayaman na lungsod sa buong Pilipinas. Sasabihin, “Walang problema sa pondo. Lahat ng nais naming gawin, magagawa namin.” May katotohanan din ‘yun.

Ngunit iba-iba ang inisyatibo ng bawat mayor. Alam niyo po ang ginawa ni Mayor Abby Binay sa Makati, dahil may pondo nga siya, ginamit niya para bigyan ng benepisyo lahat po ng may sakit, lahat po ng mga matatanda, lahat po ng mga kabataan, lahat po pinepremyuhan niya pagka may nagawa. ‘Yang mga 100 years old may natatanggap na pera, mayroon pang cake. ‘Yan po ang Mayor Abby Binay ng Makati! [palakpakan]

At baka naman akalain ninyo, puro taga-Maynila ang ating mga kandidato. Hindi po totoo ‘yun. Alam niyo naman po ay kung saan-saan po nanggaling ang ating mga kandidato. O kilalang-kilala ninyo, ang ating kampeon, si Senator Manny Pacquiao galing pong [hiyawan] Bukidnon, Sarangani, General Santos.

‘Yan po ay doon naman siya – doon siya lumaki. At nakita po ninyo ‘yung kaunting video noong nagsisimula pa lang siya bilang boksingero ay nandoon pa siya at nakita – habang sumikat siya, naging pinakakilalang tao sa buong mundo.

Nagdala ng napakagandang reputasyon sa Pilipinas. Pinasikat ang pangalan ng Pilipinas ng ating kampeon. ‘Yan po ay ang ating kampeon na si Senator Manny Pacquiao. [palakpakan]

At baka hindi ninyo rin alam, si Senator Erwin Tulfo, siya po ay Dabawenyo dahil doon siya lumaki diyan sa Davao at saka sa Sulu dahil po ‘yung ama niya diyan po nadestino. At ‘yung ama naman niya ay naging bayani ng Pilipinas. Kaya po si Erwin ay kung saan-saan po nakakaabot. Kilala niyo siya bilang nasa – nakikilala niyo siya sa radyo ngunit – at akala ninyo, tiga-Maynila. Ngunit hindi po, tiga-Mindanao po siya.

At baka po hindi ninyo alam… Eh siguro masyado ng bata itong mga audience natin eh. Alam niyo ba na bago kay Senator Tito Sotto mayroon ng Senator Sotto noon pa?

Noong nakaraan, ang unang Senator Sotto na umupo sa Senado ay si Senator Vicente Sotto na tiga-Cebu naman po. Kaya Bisaya din.

Kaya’t may makita naman ninyo ay lahat po sila kung saan-saan po nanggaling ay talaga naman para malaman kung ano ang mga pangangailangan sa iba’t ibang lugar.

At hindi ko na siguro kailangan ipaliwanag. Kami ni Imee, ni Senator Imee ang mother namin si Imelda. O saan galing si Imelda? Waray-Waray man. Kaya’t 100 percent Waray ang aming ina.

Kaya’t nandoon – para masasabi din namin tiga-rito kami at lagi kaming – na si Imee lagi… Si Imee sa aming mga magkakapatid, siya lang ang natutong mag-Waray. Dahil ako napunta ako sa Ilocos, natuto akong mag-Ilocano. Si Imee ang natutong mag-Waray.

Kaya’t sayang at wala siya rito at magtatalumpati sana siya na nagwa-Waray. Pero ganoon na siya ang pagka-Waray niya. Kaya tamang-tama po siya na ibalik sa Senado.

At si Camille Villar naman, ako rin hindi ko alam ito – hindi ko alam po ito hangga’t sinabi niya sa akin, ang mga ninuno po ni Camille Villar ay galing naman po – ay mga Ilonggo po.Kaya’t maganda po ang distribution po ng ating mga kandidato. Naka-distribute po sila sa buong Pilipinas at nakita nila noong sila’y lumaki, nakita nila ang mga problema, nakita nila — kung din mayroon silang naiisip kung ano ‘yung mga solusyon sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas.

Dahil po mga kababayan, malinaw po ang direksyon ng aming Alyansa. Ito ay para sa kaunlaran, para sa kapayapaan, para pagpapaganda ng buhay ng bawat Pilipino at ng kanilang mga pamilya.

Ang kailangan po natin para mag-unlad ay hindi pananakot o paninigaw. Ang kailangan po natin ay solusyon, hindi mga maiinit at maanghang na salita na wala namang katuturan, wala namang kabuluhan, at walang kinalaman sa problema na hinaharap ninyong pang-araw-araw.

Ipaglalaban din namin ang ating soberanya at karapatan sa pamamagitan ng diplomasya at dignidad. Hindi natin isusuko kahit isang pulgada ng ating teritoryo at hindi tayo kailangan sumunod sa kahit na sinong dayuhan. [palakpakan]

Tayo lang mga Pilipino ang may karapatan na makinabang sa yaman ng ating sariling bayan. Iyan po ay ipaglalaban ng inyong mga Alyansa na kandidato.

laban naman kontra sa droga at sa krimen, hindi po nating kailangan dumaan sa madugong solusyon. Wala po sa amin ang niniwala na ang solusyon sa krimen at saka sa droga ay ang pumatay ng libo-libo na kapwa nating Pilipino. Hindi po tama ‘yun. [palakpakan]

Ang tamang paraan para tiyakin ang kapayapaan at ang kaayusan at iyon ay sa pamamagitan sa maayos na batas at epektibong suporta sa ating kapulisan at sa ating mga local government.

Pagdating sa ekonomiya, pagdating sa trabaho, hindi nating kailangan umasa sa mga iligal na gawain kagaya ng POGO. Umalis na tayo diyan dahil ‘yan lang ay naging pugad ng karahasan at krimen, at naging problema sa buong lipunan ng Pilipinas. Kaya’t iniwanan na po natin ‘yan.

Ang tamang solusyon po ay ang tunay na trabaho, tunay na kabuhayan, at suporta sa mga maliliit at mga nangangailangan.

Magkaisa po tayo. Ang kailangan po natin dito sa Pilipinas ay hindi makipag-away. Ang kailangan po natin dito sa Pilipinas ay maging Pilipino na nagmamahal sa kapwa Pilipino.

Iyan po ang nakikita po ninyo sa harap ninyo. [palakpakan] Ito po ang pana – ito po ang paninindigan ng aming Alyansa! Ito po na Alyansa na grupong ito ang magdadala ng mas magandang Pilipinas, ng Bagong Pilipinas na ating hangarin para sa ating mga kababayan! [palakpakan]

Kaya po sa susunod na Mayo, huwag niyo pong kalimutan 12-0 po!

Alyansa ang iboto! Mabuhay ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas!

Damo, damo nga salamat! [palakpakan]

— END —