Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Ika-127 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas at Parada ng Kalayaan 2025


To the Excellencies, the members of the Diplomatic Corps; [please take your seats] the honorable members of the Cabinet; the Senate and the House of Representatives who are with us here today; National Historical Commission of the Philippines Chair Regalado Jose Jr.; Manila City Mayor Honey Lacuna; of course, our First Lady, First Lady Louise Araneta-Marcos; my fellow workers in government; other distinguished guests; ang aking mga minamahal na kababayan.

Magandang araw po sa ating lahat! [palakpakan] [Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM!]

Isang daan at dalawampu’t pitong taon ang nakalipas na, nang itinaas ang ating bandila sa Kawit, Cavite.

Ngunit, bago pa man dumating ang araw na iyon, maraming buhay ang naialay, pamilyang nagkawalay, at kinabukasang nasira makamit lamang ang kasarinlan.

Sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, Padre Gomez, Padre Burgos, Padre Zamora, Graciano Lopez Jaena, Emilio Aguinaldo, Melchora Aquino, at libo-libong bayaning Pilipino na hindi napapangalanan.

Sila ang mga Pilipinong nag-alay ng pawis, dugo,
at pangarap upang makamtan natin ang kalayaang ating tinatamasa.

Mula sa kanilang sakripisyo, unti-unting umusbong ang Republika ng Pilipinas. Ngunit, sa batang edad ng kasaysayan ng ating bansa, hinarap natin ang hamon ng digmaang pandaigdig, ang krisis sa langis, ang globalisasyon.

Sa harap ng lahat ng mga hamon na ito, unti-unting lumakas at naging isa ang ating bansa. Pinagtibay ng apoy, ng sakripisyo, at ng luha.

Ngayon, malaya nating naipapahayag ang ating saloobin nang walang kinakatakutan, at malayang nagagawa ang naisin ng walang iniiwasan.

Dahil sa Bagong Pilipinas, hindi kasalanan ang pagbibigay ng opinyon. At lalong hindi mali ang kritisismo. Bagkus, ito ang nagbibigay buhay at kinang sa ating demokrasya.

Ngunit, ang kalayaan at ang demokrasya—tulad ng pag-ibig sa tinubuang lupa—kailangang inaalagaan, binabantayan, at ipinaglalaban.

Dahil ang totoong kalaban ng kalayaan ay ang pagiging manhid.

Manhid sa hinaing ng taumbayan.

Manhid sa kalagayan ng ating kapwa.

Manhid sa kapakanan ng ating bansa.

Tayong mga kagawad ng pamahalaan, mga tagapagmana ng kalayaan, huwag nating sayangin ang pagkakataon at tiwalang ipinagkaloob sa atin.

Pananagutan. ‘Yan ang sigaw ng sambayanan.

Mula sa sirang tulay, kalsada, mahal na pagkain, kakulangan ng kuryente—ang nais ng taumbayan ay tunay na pagkilos at serbisyo.

Ang solusyon ay ang pagpapaginhawa ng buhay ng bawat isa.

Bilisan ang pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan, taasan ang kalidad ng serbisyo, at
i-wasto ang ating pagkukulang.

[Papanagutin] natin hindi lang ang mga umaabuso sa tungkulin, maging ang mga nagkukulang sa paglilingkod.

Dahil mas madadama ng Pilipino ang kalayaan kung may pagkain sa hapag, may maayos na transportasyon, may gamot para sa mga may sakit, at may dignidad ang bawat manggagawa.

At sa mga kapwa kong Pilipino: patuloy nating ipaglaban ang ating kasarinlan.

Huwag nating kakalimutan na ang kalayaan ay hindi ibinibigay.

If we will look at what is happening around the world today, freedom is fleeting. Fake news, misinformation, herd mentality can erase our way of life, our culture, our value system that we hold so dear.

Ang mga kasinungalingang walang hangganan—mga balitang walang katotohanan at maling impormasyon— ito ang mga salot sa ating kalayaan.

Nakakalungkot din na may ilan din sa ating mga kababayan ay pinipilit ang maling paniniwala para sa interes ng iba at hindi para sa kapakanan ng ating mga kababayang Pilipino.

Maging mapanuri tayo lagi. Alamin natin ang totoo. Labanan ang mga kasinungalingan.

Piliin nating maging tapat, kahit walang nakakakita.

Piliin natin na manindigan, lalo na kung may nagkakamali.

Piliin natin ang pagkakaisa sa gitna ng pagkakaiba.

Let us honor this day not just by remembering the sacrifices of our forefathers. We must live with the same courage and love of country; for freedom is not just something that we inherit but a right that we must protect every single day.

Kaya ngayong araw, habang ipinagdiriwang natin ang ating kalayaan lalo nating paigtingin ang pagmamahal at paglilingkod sa ating minamahal na Pilipinas.

Nasa ating kamay ang kapangyarihan na bumuo ng Bagong Pilipinas na maaari nating ipamana sa ating mga anak at sa kanilang mga anak.

Maraming salamat po.

Mabuhay ang ating mga bayani!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

At mabuhay ang Bagong Pilipinas na ating araw-araw na pinipili! [palakpakan]

Magandang umaga po sa inyong lahat.

— END —