Kaisa ng bawat mamamayan sa loob at labas ng bansa, kasama ninyo ako sa pagdiriwang ng ika-isandaan at anim-napung anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio!
Ano ba ang pagkakakilala ng kasalukuyang Pilipino kay Andres Bonifacio?
Kilala natin siya bilang Ama ng Katipunan at Ama ng Himagsikang Pilipino.
Ang kaniyang imahe ay nakatatak na sa ating isipan at sumisimbolo sa katapangan ng ating mga ninuno na nanguna sa rebolusyon para sa kalayaan.
Sa ating modernong panahon, hindi maitatanggi na sinasalamin din niya ang isang ordinaryong Pilipino:
Naranasan niyang tumigil sa pag-aaral nang sila ay maulila at siya ay pumasok sa iba’t-ibang trabaho para suportahan ang kaniyang sarili at mga kapatid.
Sa tamang gulang ay namulat sa katotohanang dapat manindigan sa prinsipyo at ipagtanggol ang mga Pilipinong inaapi sa sarili nitong bayan.
Sa madaling salita, si Andres Bonifacio ay isang ordinaryong Pilipino na nangarap at nagpamalas ng kakaibang giting, katatagan, at pamumuno sa oras ng matinding pangangailangan.
Ito ang dahilan kung bakit taun-taon ay nagbibigay-pugay tayo sa kaniya at sa iba pang mga mamamayang nagbuwis ng buhay para sa bayan.
Ang kabayanihan ay likas sa sinuman kung hahayaan nilang ang kanilang puso ay mag-alab sa pag-ibig, pagmamalasakit, at pang-unawa sa kanilang kapwa at bayan.
Kahit mahigit isa’t kalahating siglo na ang nakalilipas ay nananatiling buhay pa rin ang diwa ng kaniyang katauhan at ehemplo.
I-laan natin ang araw na ito upang parangalan si Gat Andres Bonifacio at ang kaniyang kontribusyon sa pagtataguyod ng ating pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Bukod dito, inaanyayahan ko rin ang bawat isa na tularan ang kaniyang kabayanihan at pagmamahal sa bayan, at ipakita ang mga ito sa ating pang-araw-araw na gawain.
Sa diwa ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, tayo’y tinatawag hindi lamang na ialay ang ating buhay para sa Inang Bayan, kundi pati na ang pagbuhos ng ating kahusayan, galing, tapang, at oras, upang ang bawat hakbang natin ay maging ilaw ng pag-asa at inspirasyon para sa ating mga kababayan.
Nakikita na natin ang kabayanihang ito sa ating mga makabagong bayani—Sa sipag at tiyaga ng mga manggagawang Pilipino; sa walang kapantay na galing ng ating mga nars at doktor; sa wagas na dedikasyon ng mga guro; sa matibay na kagitingan ng ating kapulisan at kasundaluhan; sa di-matatawarang sakripisyo ng ating mga OFWs— silang lahat ay nagbibigay buhay at saysay sa pag- usbong ng ating bayan.
Gaya nila, maaari nating ipagpatuloy ang nasimulan ni Gat Andres Bonifacio, at tiyaking maipamamana natin sa mga kabataan ang tunay at wagas na pagmamahal sa bayan tulad ng kaniyang ipinamalas.
Tulad nga ng isang linya sa tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” na isinulat ni Gat Andres: “Walang mahalagang hindi inihandog ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop.”
Ang bawat isa sa atin ay may mahalagang tungkulin sa pagsulong ng Pilipinas.
Lahat ay dapat makilahok sa mga gawaing magpapayabong ng ating kultura, ekonomiya, at lipunan, lalo na ngayon na sinisikap nating maitaguyod ang isang Bagong Pilipinas.
Mga minamahal kong kababayan, ngayong ika-sandaan at anim-napung anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio, gampanan natin ang tungkuling ito.
At bilang pasasalamat sa kaniya at sa lahat ng ating mga bayani, ating pahalagahan at pangalagaan ang kalayaan ng ating Inang Bayan ngayon at magpakailanman.
Mabuhay ang alaala ni Andres Bonifacio! Mabuhay ang bayang Pilipino!”
— END —