Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Inagurasyon ng Balingoan Port Expansion Project


Event Inauguration of the Balingoan Port Expansion Project
Location Port of Balingoan, Barangay Bauk-Bauk, Municipality of Balingoan, Misamis Oriental

Thank you DOTr Secretary, Secretary Vince Dizon, for your kind introduction. [Please be seated.]

The Mindanao Development Authority Secretary Leo Magno; Special Assistant to the President Secretary, Secretary Anton Lagdameo; Communications Secretary Jay Ruiz; the Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago; Misamis Oriental Provincial Governor Peter Unabia; Misamis Oriental 1st District Representative Christian Unabia; Balingoan Municipal Mayor Aaron Unabia; my fellow workers in government; ladies and gentlemen, magandang umaga po sa inyong lahat.

Natutuwa akong makita ang sigla, ganda, at patuloy na pag-unlad ng MisOr.

Narito kami upang saksihan ang pagbubukas ng mas pinalawak na Pantalan ng Balingoan.

Ang proyektong ito ay bunga ng pagsisikap ng DOTr at ng PPA – Philippine Ports Authority. Sa pagtupad ng kanilang tungkulin, mayroon na tayong mas malawak na back-up area, RoRo ramp, at Port Operations Building—mga pasilidad na tiyak ay makakapagbigay ng mas maayos na daloy ng tao at ng ating mga produkto.

Hindi maikakaila ang magiging kontribusyon ng Balingoan Port dito sa inyong lalawigan, maging sa karatig-probinsya pati.

Magbibigay daan ito sa mas mabilis at madaling daloy ng mga produkto at mga tao na siya naman ang magbibigay daan sa pag-unlad ng kalakalan at turismo sa inyong probinsya, at ang mga karatig na lugar, at sa buong region.

Ang Pantalan ng Balingoan ay mahalagang daanan papunta sa Camiguin— na tulad ng MisOr, ay isang napakagandang probinsya rin dahil sa taglay na mga mala-kristal na dalampasigan at nakakamanghang tanawin ng mga bulkan.

Sa pagsasaayos natin sa pasilidad na ito, asahan natin na lalakas ang turismo, bubuhos ang negosyo, lalago ang ekonomiya, at higit sa lahat, mas gaganda ang kabuhayan ng mga taga Misamis Oriental.

Isa lamang po ito sa aming mga proyekto at sa aming mga ginagawa upang gawing makabago ang mga pantalan sa ating kapuluan.

Nitong nakaraang taon, natapos natin ang pagpapalawak ng Passenger Terminal Building ng Pantalan naman ng Batangas. Sa ngayon ito ay kayang tumanggap ng hanggang 8,000 pasahero na—malayo sa dating 2,500 lamang na pasahero na seating capacity nito dati.

Nariyan din ang Currimao Port Expansion and Restoration Project doon sa amin sa Ilocos Norte. Kabilang sa mga layunin ng mga proyektong ito ay ang higit na pagtibayin ang kapasidad ng pantalan para sa operasyon ng mga cruise ships na lubos na makakatulong sa pagpalakas sa turismo ng bawat lalawigan.

Sa Visayas naman, sinimulan na natin ang pagtatayo ng New Cebu International Container Port. Ang pantalang ito ay magpapabilis pa sa daloy ng mga kalakalan sa gitnang bahagi ng ating bansa.

Kasalukuyan din nating ipinapatupad ang Ormoc Port Expansion Project sa Leyte na inaasahang magbibigay ng dagdag na kapasidad para sa paggalaw ng mga tao at produkto sa Eastern Visayas naman.

At dito po sa Mindanao, bukod sa Balingoan, mayroon ding Plaridel Port Expansion at Improvement Project sa Misamis Occidental. Kasalukuyan natin itong ipinapatupad upang mapalakas ang inter-island connectivity sa region na ito.

Ang lahat ng ito ay naglalayong mapaunlad ang ating mga pantalan at mapabuti ang karanasan ng bawat Pilipino.

Higit sa pagiging daanan tungo sa mga sentro ng kalakalan, negosyo, at turismo, ang mga pantalan ay isa ring mahalagang tulay tungo sa kaunlaran ng ating bansa.

Dito nagtatagpo ang mga tao. Dito dumaraan ang ating mga produkto. Dito nagkakaroon ng oportunidad ang mga kababayan nating maabot ang mas malawak na merkado para umasenso sa buhay.

Kapag naisaayos natin ang ating mga pasilidad at imprastraktura, asahan natin na lalakas ang turismo, bubuhos ang negosyo, lalago ang ekonomiya, at higit sa lahat, gaganda ang takbo ng buhay ng bawat Pilipino.

Mula Luzon, Visayas, hanggang sa Mindanao, tuloy-tuloy ang ating pagsulong.

Mga kababayan, ito po ang diwa ng aming tinatawag na Build Better More: Gumagawa tayo ng mga imprastrakturang may puso para sa ginhawa, seguridad, at pag-angat ng ating mga kababayan.

Ngunit hindi lang po ang pagpapalaki ng kapasidad ng mga pantalan ang prayoridad natin. Mahalaga rin po na mapanatili ang kaayusan ng mga ito upang masiguro na ligtas, matiwasay, at maginhawa ang biyahe ng bawat pasahero.

Kaya’t pangalagaan natin ito. Dahil ang mga gusali, pasilidad, at imprastraktura ay magtatagal lamang kung may malasakit ang mga gumagamit nito.

Alam nating marami pang kailangang gawin upang matupad ang pangakong mas magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino. Ngunit hindi naman tayo titigil.

Unti-unti, tuloy-tuloy, makakarating tayo doon.

Mga kababayan, ipagdiwang natin ang araw na ito—isang makabuluhang hakbang pasulong, para sa mas maginhawa, mas maayos, at mas maaasahang biyahe para sa bawat Pilipino.

Maraming salamat po. Mabuhay ang Balingoan!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! Magandang umaga po sa inyong lahat. [palakpakan]

— END —